Naligtasan Namin ang Bomba ng Mamamatay-Tao
Naligtasan Namin ang Bomba ng Mamamatay-Tao
LINGGO ng umaga, Hulyo 21, 1985, ay nagbabadya ng isang malamig na araw sa timugang hating-globo habang pinupuno ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga kaibigan ang Casula Kingdom Hall sa isang kanluraning arabal ng Sydney, Australia. Sa ganap na ika–9:35 n.u., sinimulan ni David Winder, ang dumadalaw na tagapagsalita, ang kaniyang pahayag tungkol sa katapatang Kristiyano. Mga ilang minuto pagkatapos ng alas diyes, kami’y nakatungo, sinusundan sa aming mga Bibliya habang binabasa niyang malakas ang Juan 6:68.
Hindi niya natapos ang pagbabasa. Isang pagkalakas-lakas na pagsabog mula sa ilalim ng plataporma ang nagpangyari sa kaniya na mamilipit sa lupa, halos mamatay. Isang kaibigan namin, si Graham Wykes, isang asawa at ama, ay namatay kapagdaka. Maraming iba pa ang nasaktan, ang iba ay grabe. Ang gayong brutalidad sa isang dako ng pagsamba ay nakagitla kahit sa isang daigdig na walang pakiramdam. Nang kumalat ang balita, ang mga Australiano ay hindi makapaniwala at itinutok ang kanilang pansin sa kanilang mga TV at radyo.
Kagyat na mga Reaksiyon
Pagkatapos na pagkatapos ng pagsabog, nagkaroon ng sandaling katahimikan. Sa palagay ko halos kaming lahat ay natigilan at naguluhan, tumitingin sa paligid sa takot, hindi makapagsalita o hindi maubos maisip kung ano ang nangyari. Ang himpapawid ay makapal sa alabok. Ang buong tanawin ay nagmukha at nag-amoy na parang isang sona ng digmaan. Ang mga bata ay nagsimulang umiyak, at ang ilan ay nagtitili dahil sa pagkabigla. Nang maglaon, nakita ng isang nagmamasid, isang tsuper ng taksi, ang “isang di-kilalang babae na marahil ay may magandang mukha noon na inilalagay sa isang ambulansiya na kalahati ng kaniyang mukha ay wala na.” a Ang di-kilalang babaing iyon ay asawa ko, si Sue.
Si Sue ay nawalan ng malay nang isang bagay mula sa plataporma ay humagis at tumama sa kaniyang
mukha. Ang mga salamin ng tainga ko ay agad na nabasag. Sa akin ang pagputok ay para bang may nagbukas ng air hose sa loob ng ulo ko—walang bang, basta isang bigla, di-matatagalang sagitsit habang nagdidilim ang paningin ko. Samantalang kami ay nasa ikalawang hanay ng mga upuan, ang tagapagsalita ay talagang nakatayo sa ibabaw ng bomba, na nakatago sa ilalim ng platapormang kahoy.Natural na kilos na ako’y yumukyok na ang aking mga kamay ay nasa aking ulo sa takot ko sa nahuhulog na mga labí. Ang susunod na mga segundo ay parang mga minuto. Natalos ko na ang aming bulwagan ay binomba, at ako’y nakadama ng takot, sapagkat si Sue ay basta naglaho sa mga labí at alikabok. Habang ako’y sumisigaw ng “Susie, Susie!” ang isip ko ay naguguluhan sa mga tanong: ‘Napatay kaya siya? Kumusta naman kaya si David—at ang iba pa sa Kingdom Hall? Nasaktan ba ako?’
Nagkalat ang mga panel ng kisame, silyang plastik, natilad na kahoy, mga bag, at sirang mga Bibliya at magasin. Di-nagtagal ang tulirong mga mukha, ang marami ay nagdurugo at ang ilan ay tadtad ng salubsob, ang lumitaw mula sa durog na mga bato. Karamihan niyaong nakaupo sa hulihan ng bulwagan ay hindi nasaktan maliban sa napinsalang salamin ng tainga.
Ang Masamang Panaginip ng Aking Asawa
Nasumpungan ko si Sue nang makita ko ang kaniyang boots na nakausli sa ilalim ng isang malaki, subalit mabuti na lamang ay napakagaang, na laryo sa kisame. Nang ihagis ko ito, hindi ako handa sa nakita ko. Ang itaas na labi ni Sue ay naputol nang pahaba sa ilalim ng napiping ilong at nakalawit malapit sa kaniyang baba. Ang kaniyang mga ngipin sa harap ay durog, at nang makita ko ang pinsala sa mata at sa paligid ng kaniyang mata, natakot ako na baka mabulag siya. Ang kaniyang buhok ay gulung-gulo dahil sa dugo, alabok, at mga salubsob, at ang kaniyang itaas na kaliwang braso ay waring may malaking sugat. Gayunman, ako’y naginhawahan nang makita ko na hindi naman ito nagdurugo nang husto. Nang maglaon ay napag-alaman ko na ako ay nadaya. Mga ilang sandali pagkaangat ko ng kaniyang ulo at mga balikat mula sa durog na mga bato, mahina niyang tinawag ang pangalan ko. Sinikap kong pakalmahin siya, akala ko’y nagkakamalay na siya sa kung ano ang nangyari. Nang maglaon ay sinabi ni Sue: “Akala ko ako’y nasa kama sa bahay na binabangungot at gusto kong gisingin ako ni Peter.” Wari bang siya’y paulit-ulit na nawawalan ng malay, at ayaw ko siyang iwan, subalit kailangan ko ng tulong.
Isa pang Saksi, na sindak, malamang ay lalo pang nagitla sa pagkakita sa asawa ko, ay basta nagsasalita habang siya’y papalapit sa amin. Sa aking malayang kamay, iminuwestra ko na siya ay yumuko upang makausap ko siya. Ang kaniyang mga mata ay nakatitig kay Sue, siya’y yumuko at inabot sa akin ang kamay niya. Kami’y nanalangin na magkasama, sumasamo kay Jehova para sa karunungan at lakas upang makayanan ito. Nang
masabi na namin ang aming amen, bagaman nangingilid pa sa luha ang kaniyang mata, lubusan na siyang huminahon. Hiniling ko siya na humanap ng isang bagay na magsisilbing pinaka-unan para kay Sue.Kataka-takang Pagkaligtas ng Buhay
Nang sumabog ang bomba, ang kabataang si Paul Hahn ay nakaupo sa harap ko at halos dalawang metro ang layo mula sa piyano. Inihagis ng pagsabog ang piyano sa himpapawid, at ang malaking bahagi nito ay tumama kay Paul, anupa’t natanggal ang malaking bahagi ng kaniyang laman mula sa kaniyang hita. Ang kaniyang magandang ngipin sa harap, na kaaalis lamang ng mga brace, ay nasira. Si Joy Wykes, nabiyuda ng bomba, ay nakabulagta sa malapit, na may matinding pinsala sa ulo gayundin ng iba pang mga sugat. Dalawa sa kaniyang mga anak na babae ay nasaktan din.
Sa mga grabeng nasugatan, ang pinakapambihirang nakaligtas ay ang tagapagsalita, si David Winder. Siya’y inihagis ng bomba at ang mga labí sa plataporma sa bukas na espasyo kung saan mga ilang sandali lamang ay kinaroroonan ng bubong. Siya’y bumagsak halos doon mismo sa lugar na kinatatayuan niya. Siya’y may malay pa rin subalit nasa matinding pagkagitla. Yamang ang kaniyang mga paa at gawing ibaba na mga binti ay nadurog, akala ng iba na siya’y hinding-hindi na muling makalalakad, ngunit ngayon siya’y nakalalakad na. Ang ilan sa kaniyang kasuotan ay nasumpungan sa kalapit na punong eucalyptus. Ang speaker’s stand ay nasumpungan sa bakuran ng isang kapitbahay mga tatlong bahay ang layo. Dahil sa maraming nawalang dugo, si David ay nasa kritikal na katayuan. Siya ay isinakay sa isang helikopter patungo sa isang ospital.
Dumating ang mga Tagasagip
Ang mga opisyal ng pulisya at ambulansiya, sa kanilang kredito, ay waring napakabilis na dumating. Samantalang inaasikaso ng mga opisyal sa ambulansiya ang mga nasugatan, naisagawa ng mga pulis ang gawain na naiatas sa kanila. Sapagkat ang pagsabog ay narinig at nadama mga arabal ang layo, ang mga daan patungo sa Kingdom Hall ay agad na hinarangan dahil sa daan-daang mga nais mag-osyoso, at news media na nais ibrodkas ang balitang ito. Ang ilan sa aming kapitbahay ay may kabaitang nag-alok ng tulong sa anumang paraang magagawa nila.
Ang mga ambulansiya ay mabilis na napupunô at agad na inihahatid ang mga nasugatan sa lokal na mga ospital. Ang mga kawani sa ospital ay nanginig sa takot sa nangyari. Maraming Saksi roon ang nagtungo sa mga ospital upang magbigay ng kaaliwan at suporta. Sina David Winder at Sue ay dinala sa isang ospital na pantanging nasasangkapan upang humawak ng mga biktima ng trauma. Nang gabing iyon sa Liverpool Hospital at samantalang ako’y sinaksakan ng pampatulog, inalis ng mga doktor ang mga salubsob na bumaon nang malalim sa aking braso. Kinabukasan, balisang-balisa, nais kong makita ang aking asawa. May ilang pangamba, ako’y pinalabas na ng ospital nang hapong iyon upang ako’y makasama ni Sue.
Bumangon ang Isyu Tungkol sa Dugo
Nasumpungan ko siya sa intensive-care ward, at nang una ko siyang pagmasdan mula sa paanan ng kaniyang kama, ako’y nanangis. Isang maputlang-maputlang mukha, na magâ at halos hindi makilala, ang bumungad sa akin. Punô ng mga tahi, na parang maliliit na siper, ang kaniyang mukha.
Si Sue ay hindi makakita sapagkat ang kaniyang mga mata, kahit na ang kaniyang mga pilikmata, ay nakalubog sa namagang himaymay. Sa kaniyang mga buto sa mukha, ang kaniyang ilong, itaas na panga, pisngi, at orbital bones o saket ng mata ay nabasag. Gayunman, ang tunay na panganib ay ang bagay na ang bahagi ng kaniyang bungo na nasa itaas lamang ng balingusan ay nasalpok, binubutas ang isang arteri. Samantalang walang malay at nasa ilalim ng durog na mga bato, ang dugo ay di-nakikitang dumaloy sa kaniyang sikmura. Ang kaniyang blood count ay bumaba sa anim. (Ang katamtaman para sa isang babae ay mga 14.)
Ang pagsasalin ng dugo ay agad na naging isang isyu, sa katapusan ay nagbunga ng hindi pagkakasundo sa seruhano. Sinabi niya kay Sue na ang kaniyang pagtangging salinan ng dugo, kung kinakailangan, ay nagtatakda ng maaaring gawin niya sa kaniya. Tiniyak sa kaniya ni Sue na kapuwa namin pinahahalagahan ito at na “tatanggapin namin ang anumang makatuwirang panghaliling pamamaraan, subalit ang aming kahilingan na ‘umiwas sa dugo’ ay hindi na magbabago.” (Gawa 15:28, 29) Ayaw niyang tanggapin ito.
Nagsimula at nagpatuloy ang saykolohikal na panliligalig. Si Sue ay tinanong kung siya ay may mga anak, at nang siya’y sumagot ng, “Wala,” ang
tugon ay, “Mabuti naman, sapagkat sila’y magkakaroon ng isang pangit na ina.” Binanggit din niya kay Sue ang posibilidad na idiborsiyo ko siya dahil sa kaniyang mukha. Ang reaksiyon ni Sue? “Iyan ay totoong nakababalisa. Naipasiya ko na kahit na gustuhin ng seruhano, sa kaniyang paraan, na hangga’t maaari’t ayusin ang mukha ko, hindi ko hahayaang yurakan niya ang aking budhi.” Ang kaniyang walang tigil na pangungulit tungkol sa pagsasalin ng dugo ay nagpatindi lamang sa tensiyon at nag-aksaya ng mahalagang panahon. Noong traumatikong panahong ito, kapuna-puna ang malaking pagkakaiba sa maawain at magiliw na pangangalaga na ipinakikita ng lahat ng mga nars kay Sue. Kami’y humanga sa kanila.Mga 11 araw na buhat noong maganap ang pagsabog. Ang mga buto ni Sue sa mukha ay nasa kritikal na kalagayan nang ang mga ito ay magsimulang umayos subalit sa maling mga dako. Kailangan niya karaka-raka ang isang operasyon! Sa kaniyang susunod na paglilibot, ang kaniyang doktor, sa pangwakas na silakbo ng galit, ay nagsabi, “Hindi ko siya gagamutin!” at saka umalis. Ito ang pinakabalisang mga sandali sa aming buhay. Gayunman, sa paggunita, ang pag-iiwan ng seruhano kay Sue ay napatunayang isang pagpapala.
Isang Maawaing Seruhano
Isang Saksi na isa ring doktor ay nakipag-usap alang-alang sa amin sa isang plastic surgeon na agad namang sumang-ayon na gamutin si Sue na ginagamit ang isang kahaliling pamamaraan. Bagaman hindi siyang pinipiling pamamaraan sa medisina, inalis nito ang problema tungkol sa pagsasalin ng dugo. Ang seruhanong ito ay magalang at mabait. Hinangaan namin siya, sapagkat handa niyang gawin ang lahat ng magagawa niya nang hindi gumagamit ng dugo.
Ang de-roskas na mga aspiling bakal, mga walong centimetro ang haba, ay itinurnilyo sa basag na mga buto sa mukha ni Sue. Mga steel bridge naman, ang nagpapanatili sa mga aspiling ito sa kanilang dako, pinangyayaring ang mga buto ay malagay nang wasto. “May mga spike na nakausli sa aking mukha sa loob ng halos anim na linggo, napakahirap matulog!” sabi ni Sue. Ang kaniyang durog na itaas na panga ay ikinabit ng alambre sa kaniyang ibabang panga na hindi napinsala upang tiyakin na ito ay maiayos nang wasto. Ang kaniyang pang-amoy ay hindi maaaring ibalik.
Si Sue ay mapagpatawa at, mas mahalaga, kaya niyang tawanan ang kaniyang sarili, gaya ng pag-iisip niya na siya ay parang ‘lumalakad na antena ng TV.’ Gayunman, higit pa ang kakailanganin niya kaysa pagpapatawa, sapagkat siya ay ooperahan sa susunod na dalawa-at-kalahating taon. Kasali rito ang paghuhugpong sa salamin ng tainga at maraming gawaing nauugnay sa ngipin.
Mga Aral na Natutuhan
Kami kapuwa ay natuto ng maraming aral, pati na ang kapangyarihan ng panalangin at na hindi kailanman itinutulot ni Jehova na tayo’y maghirap nang higit kaysa ating makakaya. Nang makaharap ang unang seruhano tungkol sa isyu ng dugo, sabi ni Sue, “Nerbiyos na nerbiyos ako at malungkot ako na kailangan pa ang gayong komprontasyon. Sa bawat pagkakataon ay nananalangin ako kay Jehova, at ang ganap na kahinahunan na sumasaakin ay kasiya-siya. Nabasa ko ang tungkol sa ibang mga Saksi na nakaranas ng kahawig na bagay, subalit ngayon ay nararanasan ko mismo ito.” Kami ngayon ay higit na nagtitiwala tungkol sa pagharap sa posibileng mga pagsubok sa hinaharap, palibhasa’y nakita namin kung paano tumutulong si Jehova sa mga kalagayan na dati’y inaakala naming nakatatakot.
Ang iba ay nagtatanong kung bakit ipahihintulot ni Jehova na ang isang Kingdom Hall ay bombahin at isang kapatid na lalaki ay mamatay. Sa buong kasaysayan, at sa ating panahon, ang bayan ng Diyos ay napasailalim ng maraming brutalidad. Kung si Jehova’y naglagay ng pananggalang na bakod sa palibot nila, gaya ng pag-aangkin ni Satanas na ginawa niya kay Job, ang kanilang mga motibo sa paglilingkod sa Diyos ay tiyak na pag-aalinlanganan. Wala tayong batayan para isipin na tayo ay hindi na abot ng pinsala—na tayo’y laging ililigtas ng Diyos, kahit na buhat sa ‘di-inaasahang mga pangyayari.’ Ang pagtanggap natin sa pagdurusa, o kahit na ang pagkawala ng ating buhay dahil sa ating mga paniwala o iba pa, ay nagpapatunay na ang ating pagsamba ay tunay, walang pag-iimbot—hindi mapagsamantala.—Eclesiastes 9:11; Job, mga kabanata 1 at 2; Mateo 10:39.
Kumikilos na Kapatiran
Sa panahong ito ng kaigtingan, ang aming espirituwal na mga kasama ay napatunayang “mas malapit kaysa kapatid.” (Kawikaan 18:24) Paliwanag ni Sue: “Ang ilan sa pamilya ko ay nagbiyabe sakay ng eruplano ng 4,000 kilometro upang makapiling ako noong kritikal na unang dalawang linggo. Nakaaaliw na naroroon at nagbantay ang aking pamilya at mga kaibigan, sapagkat madalas akong magkaroon ng masamang panaginip.” Wari bang walang katapusan ang pagdating ng mga kard, sulat, telegrama, at mga bulaklak mula sa maalalahaning mga kapatid na lalaki at babae kapuwa rito at sa ibang bansa. Anong laking pasasalamat namin sa mga “mansanas na ginto [na ito] sa mga bilaong pilak.” (Kawikaan 25:11) Isang mahusay na patotoo ang naging bunga. Ito nga ay kumikilos na kapatiran.
Susog pa ni Sue: “Dumating din ang praktikal na tulong. Kinatas ng malapit na mga kaibigang Saksi ang mga prutas at mga gulay na partikular na mayaman sa iron. Nadama namin na yamang hinihiling namin sa mga doktor na igalang ang aming mga kahilingan, kami’y obligado na suportahan sila, at sa kaso ko, ito’y nangangahulugan ng pagtaas ng aking blood count. Tumanggap din ako ng suplemento sa iron.” Marami sa amin ang naging eksperto sa paggawa ng isang kompletong pagkain tungo sa likido, at si Sue ay naging eksperto rin sa pag-inom nito. (Nasubukan mo na bang kumain ng mga inihaw na pagkain sa pamamagitan ng isang istro?) “Ang resulta ng lahat ng ito ay na ang blood count ko ay tumaas ng tatlong punto bago ang operasyon, sa ikinasiya ng aking bagong seruhano,” sabi ni Sue.
Ang tiyaga, pag-ibig, panalangin, ang tulong ng espiritu ng Diyos, at ang basta paglipas ng panahon, gayundin ang mahusay na pagkain, ay nakatulong na lahat sa paggaling ni Sue. Ang ilang sugat ay nag-iwan kay Sue ng alaala na tanging ang Kaharian ng Diyos ang magtutuwid nito sa kaniyang panahon. Subalit kung tungkol sa mukha ni Sue, doon sa mga nakakakilala sa kaniya, may kaunting pagkakaiba subalit anuman iyon ay sa karangalan ng kaniyang seruhano. At para sa akin siya ay maganda pa rin.
Oo, ang ating pag-asa bilang mga Saksi ni Jehova ay isang bagay na espesyal. Maaari tayong alalayan nito sa anumang pagsubok. At sa halip na papanghinain sa espirituwal ang kongregasyon, ang kakila-kilabot na karanasang ito ay nagpatibay ng aming buklod. Isang interesadong kaibigan, na naroon noong pagbomba, ay nangingiting umaamin na siya ay ‘nadala sa katotohanan ng bomba.’ Palibhasa’y nasaksihan mismo ang gayong brutal na pagsalakay sa mga pamilyang maibigin-sa-kapayapaan, siya ay naging mas determinadong itaguyod ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya.
Hanggang sa ngayon wala pa ring naipagsasakdal sa pagbubomba, subalit ang pulisya ay may pangunahing suspect, sinasabing isang mapaghiganting mamamatay-tao na napopoot sa mga Saksi. Gayunman, wala silang sapat na ebidensiya upang ipagsakdal siya. Siya ay naugnay sa ilan pang mga krimen.
Ngayon, mahigit ng anim na taon, kami ni Sue ay patuloy na nagtatamasa ng pribilehiyo ng paglilingkod bilang mga miyembro ng mga kawani ng tanggapang sangay ng Watch Tower sa Australia. Isang malaking kasiyahan para sa amin ang pag-aalay ng aming bagong mabilis ang pagkakatayo na Kingdom Hall, itinayo noong Hunyo 22-24, 1990, katabi ng lugar ng dating bulwagan na binomba. Nadaig ng pag-ibig Kristiyano ang bulag na pagkapoot ng isang tao.—Gaya ng isinaysay nina Peter at Sue Schulz.
[Talababa]
a The Sydney Morning Herald, Hulyo 27, 1985.
[Mga larawan sa pahina 10]
Larawan nina Peter at Sue Schulz na kuha kamakailan
Si Sue Schulz na ang kaniyang mukha ay nakaalambre upang muling hubugin ito
[Larawan sa pahina 13]
Ang bago at mas malaking Kingdom Hall