Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Norfolk Island—Dakong Parusahan na Naging Paraiso ng mga Turista

Norfolk Island—Dakong Parusahan na Naging Paraiso ng mga Turista

Norfolk Island​—Dakong Parusahan na Naging Paraiso ng mga Turista

Ng kabalitaan ng Gumising! sa New Zealand

ANG karamihan niyaong dumarating sa mga baybayin ng Norfolk Island mahigit na 150 taon na ang nakalipas ay sapilitan ang pagdating​—bilang mga preso. Ito ay isang dakong parusahan (penal colony) para sa mga kriminal na mula sa Australia at may reputasyon sa pagiging isa sa pinakamalupit na tirahang parusahan sa kasaysayan ng Britaniya. Ngayon, mahigit na 20,000 turista ang dumadalaw sa paraisong isla na ito sa isang taon.

Subalit saan ba ang Norfolk Island? Paano nangyari ang pagbabago nito mula sa isang dakong parusahan tungo sa kanlungan ng mga turista? Anong pambihirang mga pangyayari ang humubog sa kasaysayan ng isla? Ano ang pang-akit ng Norfolk para sa mga turista ngayon?

Ang pag-asam sa aking pagdalaw ay pinasidhi ng isang patiunang pag-aaral tungkol sa makulay na kasaysayan ng isla. Napag-alaman ko na noong 1774 natuklasan ng kilalang Ingles na manggagalugad na si Captain James Cook, na naglalayag sa timog-kanluran ng malawak na Karagatang Pasipiko, hindi ang “Malaking Kontinente sa Timog” na hinahanap niya, kundi ang maliit na singko-por-otso kilometro na nakausling bahagi ng bulkan, bahagi ng isang tagaytay na umaabot ng daan-daang kilometro patimog hanggang New Zealand. Pinanganlan ni Cook ang isla sa Duke ng Norfolk.

“Isla ng Kahirapan”

Ang aklat na Norfolk​—An Island and Its People ay nagsasabi: “Ang Norfolk ay may iba’t ibang kasaysayan. Isang bagay ang tiyak, tulad ng mga kaulapan ng bagyo sa abot-tanaw, nang pumasok sa tagpong ito ang mga tao, nagkaroon na ng kaguluhan.”

Ang mga binhi ng kaguluhan ay inihasik mga 14 na taon pagkatapos na ito’y matuklasan ni Cook nang si Tenyente Philip King ay manirahan sa isla upang kunin ito para sa Pamahalaang Britano, ang kaniyang ikalawang layunin, na nagbabanta ng masama, ay magtatag ng isang dakong parusahan na babawas sa pagsisiksikan ng mga bilangguan sa Britaniya.

Bagaman nilisan noong 1814 dahil sa napakamagastos, ang bilangguan ay muling itinatag noong 1825 at naging tirahan ng sarisaring kriminal, ang ilan ay mapanganib, ang iba ay pulitikal na mga bilanggo, at ang marami pang iba ay inilipat mula sa kanilang malalayong lupang tinubuan at ibinilanggo sa walang kakuwenta-kuwentang mga pagkakasala. Kaya, kung ano sana ang nanatiling mapayapang paraiso sa Pasipiko ay naging “Isla ng Kahirapan” sa loob ng 30 taon, hanggang nang ito’y muling lisanin noong 1854.

Bakit “Isla ng Kahirapan”? Napag-alaman ko buhat sa aklat na Discovering Norfolk Island na ang “mga kalagayan ay iba-iba mula sa isang Komandante [ng bilangguan] hanggang sa susunod na komandante. Ang isang mabait at liberal na rehimen ay madalas na sinusundan ng isa na sobra sa kalupitan at mapanupil. Ang kasaysayan ay punô ng mga kuwento ng pagpatay, paghihimagsik, nabigong mga pagtakas, kung minsa’y matagumpay na pagtakas, na may pagbitay at paghagupit bilang parusa. Bagaman ipinag-utos niya ang 300 hagupit sa bawat isa sa limang lalaking kumuha ng isang bangka upang tumakas, pinasimulan din ni Major Thomas Banbury, ang Komandante noong 1839, ang isang sistema ng mga gantimpala para sa mga presong mahusay ang gawi.”

Ang mga bilanggo ang nagtayo ng mga tirahan sa dakong parusahan, pati na ang mga selda nito, ang mga kuwartel ng sundalo, at iba pang gusali, na, sa iba’t ibang antas, ay nakatayo pa hanggang sa ngayon at nakadaragdag sa pambihirang kasaysayan ng isla. Napasyalan ko ang mga pader na ito at mga gusali na inilarawan na ilan sa pinakamagandang istilong Georgian na arkitektura sa Timugang Hating-globo. Dinala ako nito 150 taon pabalik, at sa aking guniguni ay naririnig ko ang malungkot na mga pagdaing ng mga bilanggo.

Norfolk Island at ang Paghihimagsik

Ang pamamasyal sa sementeryo sa Norfolk ay nagbigay pa ng karagdagang unawa sa pambihirang kasaysayan ng isla. Ako’y humanga sa madalas na paglitaw ng apelyidong Christian sa mga lapida. Kadalasan sa aking pagdalaw, naririnig ko ang mga residente roon na nagsasabi, “Ako’y isang Christian,” hindi tumutukoy sa kanilang kinaaanibang relihiyon kundi, bagkus, nasasaisip ang kanilang pinagmulang angkan.

Bihira ang hindi nakarinig ng isang bapor na tinatawag na Bounty at ng paghihimagsik na nangyari roon. Ito ang naging paksa ng di-mabilang na mga aklat at ng di-kukulanging tatlong pelikula. Kilalang-kilala rin ang pangunahing mga antagonista, si Kapitan Bligh at ang kaniyang pansamantalang may kabataang tenyente, si Fletcher Christian. Abril 1789 noon, pagkalisan sa Tahiti, na si Bligh kasama ang 18 sa kaniyang tapat na mga opisyal ay tinangay ng alon sakay ng maliit na bapor ni Christian at ng kaniyang mga kapuwa rebelde (mutineer). Pagkaraan ng pitong nakatatakot na linggo sa dagat at sa kung ano ang mailalarawang isa sa kamangha-manghang nagawa sa kasaysayan ng paglalayag, si Bligh at ang kaniyang mga kasama ay lumunsad sa Timor, ngayo’y bahagi ng Indonesia, halos 6,400 kilometro kanluran ng dakong kanilang tinigilan. Nang maglaon si Bligh ay nagbalik sa Inglatera upang ibida ang kaniyang kuwento, at ang tatlong rebelde ay hinatulan at binitay.

Samantala, pagbalik sa Tahiti sakay ng Bounty, si Fletcher, ang 8 kapuwa rebelde, at 19 na mga Tahitiano, kabilang kapuwa ang mga lalaki at babae, ay naglayag upang takasan ang parusa. Noong 1790 narating nila ang malayong Pitcairn Island, 2,200 kilometro timog-silangan ng Tahiti.

Para sa mga rebelde ang Pitcairn Island ay masasabing para na ring isang parusa. Ang buhay sa isla ay mahirap. Ang paninibugho ay humantong sa karahasan at kamatayan. Gayunman, sa kabila ng mga problemang ito at kaakibat na mga kahirapan upang kumita para may ikabuhay, ang “kolonya” ay nakaligtas, wala sa guniguni nila na sa 1856 ang kanilang mga inapo ay mabibigyan ng pagkakataon na manirahan sa Norfolk Island, mga 7,000 kilometro sa kanluran.

Pitcairn Tungo sa Norfolk

Noong Hunyo 8, 1990, malamig at maulan sa Norfolk Island. Gayunman, hindi nahadlangan ng panahon ang daan-daang residente ng isla, na nagagayakan ng makulay na mga kasuotan noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, sa pagtitipon sa pantalan upang ipagdiwang ang taunang Bounty Day. Bilang isang interesadong tagamasid, nasaksihan ko ang mga marinong nakikipagpunyagi sa hangin at alon habang isinasadula nila ang paglunsad na nangyari 134 na mga taóng maaga, noong 1856.

Noong taóng iyon, 67 taon na ang nakalipas sapol noong paghihimagsik. Pagkatapos 193 mga taga-Pitcairn Island ang muling nanirahan sa isang bagong tirahan sa Norfolk Island. Ang iba ay nagbalik nang malaunan, kaya ang Pitcairn ay nananatiling may mga naninirahan ngayon.

Sa halip na ipabanaag ang larawan ng mabangis, mapaghimagsik na mga rebelde, ang bagong mga maninirahan ng Norfolk​—isang lahi ng malakas na mga Europeo at Tahitiano​—ang bumuo ng isang malapít-ang-ugnayan, relihiyoso, at palakaibigang pamayanan. Ang pagsasaka at pangingisda ang pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan. Ang kanilang karanasan sa Pitcairn ay lubhang nakatulong sa kanila sa kanilang patuloy na buhay ng ganap na pagkabukod at pagtitiwala sa sariling kakayahan. Kahit na ang pakikipag-ugnayan sa daigdig sa labas sa pamamagitan ng nagdaraang mga bapor ay mahirap dahil sa kakulangan ng anumang daungan ng malalim na tubig.

Isang Paliparan at Pagbabago

Katulad ng marami sa mga islang bansa sa Timog Pasipiko, binago ng Digmaang Pandaigdig II ang Norfolk, ang pinakamahalaga ay ang pagtatayo ng isang paliparan. Dahil sa paliparan ay dumating ang madalas na pakikipag-ugnayan sa panlabas na daigdig at sa kung ano ngayon ang pinakapangunahing pinagkakakitaan ng isla, ang turismo.

Bago ako at ang mga kasama kong pasahero ay bumaba sa paliparan ng Norfolk, ipinagbigay-alam sa amin ng isang lokal na kinatawan ng Government Tourist Bureau na sapagkat ang mga hayop ay gumagala-gala sa mga kalye, “hinihiling namin na kayo ay mag-ingat sa pagmamaneho. Ang mga hayop ay may karapatan sa daan.” Oo, ang mga bisita, na ang karamihan ay nanggagaling sa Australia at New Zealand, ay naaakit sa simple, hindi sopistikadong istilo-ng-buhay. Kaakit-akit din, ang likas na kagandahan, ang pamimili sa mga tindahang duty-free, at ang pambihirang kasaysayan na nauugnay sa maagang mga dakong parusahan at ang paghihimagsik noong dakong huli sa Bounty.

Bagaman kinikilala ng mga tagaisla ang kanilang pagkaumaasa sa turismo, ang kasalukuyang pag-unlad ng turismo ay isang problema sa ilang matagal nang maninirahan sa Norfolk na ginugunita ang dating mga araw ng higit na pagtitiwala sa kanilang sariling kakayahan. Nang tanungin ko ang isang residente kung nilulunggati ba niya ang mga araw na nagdaan, tugon niya: “Oo! Oo! Talaga! Ang lahat ay may higit na panahon na talagang mabahala sa iba. Ibinabahagi ng mga tao ang kanilang mga ani sa iba. Ngayon ang lahat ay mahilig sa pera.”

“Watawieh Yuu”

Iyan ang bating tinanggap ko isang umaga samantalang ako’y nagsasagawa ng bahay-bahay ng ministeryo. “Wataweih yuu” (What a way you) na ang ibig sabihin ay “Kumusta; kumusta ka?” Bagaman ang Ingles ang karaniwang sinasalita sa Norfolk Island, dinala ng mga mandarayuhan noong 1856 ang kaibig-ibig nilang wika, isang pinagsamang makalumang Ingles at Tahitiano, na nabuo noong kanilang pansamantalang pagtigil sa Pitcairn. Higit pa kaysa isang Pidgin Ingles, ang “Pitcairn,” o “Norfolk,” ay isang masalimuot na wika sa ganang sarili at sinasalita na may kaaya-ayang tono.

Sinuri ko pa ang higit pang halimbawa sa publikasyong Speak Norfolk Today. Ang “Twelw salan goe d’ miiting” ay nangangahulugang “Labindalawa katao ang nagpunta sa miting.” Ang “Es gud dieh, el duu f’ gu fishen” ay nangangahulugang “Maganda ang panahon, tamang-tama para sa pangingisda.”

“Halikayo at Magmasid”

Ganito ang sabi ng isang brosyur para sa mga turista tungkol sa Norfolk: “Ang pinakapalakaibigan, pinakamalapit sa kalikasan, makasaysayan, maganda, nakapagpaparelaks, ligtas, nakatutukso, kaakit-akit, angkop para sa isports, walang katulad na dakong bakasyunan sa daigdig.” May pagmamalaking sinabi sa akin ng isang lokal na residente: “Sa palagay ko kami ay pinakamalapit sa paraisong mga kalagayan sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, at hindi ko ito iiwan sa anumang dako.”

Bagaman nasa South Seas, ang rural na dako ay katulad ng mga lupaing may kainamang klima. May luntian, mababang mga burol na may magagandang punungkahoy, palumpon, at mga bulaklak. Sa lahat ng anggulo, nakikita ko ang malawak na Karagatang Pasipiko. Ang mga bahay, na hindi siksikan, ay nasa magagandang harding tanawin. Walang krimen. Ang mga tao ay patuloy na masisipag, na nangangailangan ng kaunting tulong lamang buhat sa gobyerno. Ang pagtitiwala sa sariling kakayahan, saloobing marunong makibagay ay nagpapatuloy. At kahit na sa maliit na islang ito, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mensahe ng mabuting balita.

Ang mapagpatuloy na mga tao ng pambihirang islang ito ay maaaring magsabi sa iyo, “Yorlye cum look orn”​—“Halikayo at kayo’y magmasid.” Isang kagalakan na ako’y nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang paanyaya.

[Mapa/Larawan sa pahina 15]

Sa bawat anggulo, makikita ang malawak na Karagatang Pasipiko

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Norfolk Island

Pitcairn Island

New Zealand

[Mga larawan sa pahina 16]

Mga gusali ng administrasyon at mga pader ng bilangguan; ang Philip Island sa malayo

Isang karaniwang may simetriyang pino ng Norfolk