Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Panloloob sa mga Simbahan
“Dating santuwaryo ng mga manlalabag-batas noong Edad Medya, ang mga simbahan sa Britaniya ay mabilis na nagiging popular sa pangkat ng mga kriminal,” sabi ng The Economist. Kaya nga lamang ngayon ito ay dinadaluyong ng krimen ng mga manloloob, arsonista, at mga taong maninira na nagnanakaw sa loob mismo ng mga simbahan. Noon lamang 1990, ang pag-aari ng simbahang Anglicano ay dumanas ng kawalan at pinsala na mga $7.4 milyon, U.S. (£4.5 milyon). Ang problema sa kasalukuyan, sabi ng The Economist, ay may kinalaman sa “propesyonal na mga pangkat ng mga magnanakaw ng antigong mga bagay (antique), kadalasa’y ninanakaw ang mga bagay na espisipikong hinihiling. Karamihan ng mga nadarambong ay nagtutungo sa ibang bansa, kung saan mas mahirap mabawi ito at mas madaling ipaliwanag ang pagkawala.” Bagaman ang mga pilak na pag-aari ng simbahan ay inilagay sa mga kahang bakal, ninanakaw ng mga magnanakaw ang mga tubo ng organ, abuluyang kahon ng simbahan, tuntungan ng mga kabaong, mga bintanang may kulay ang salamin, at buong mga pintuan. Ang matatapang na magnanakaw ay dumarating pa nga na nakasuot na parang opisyal at nagnanakaw “sa paningin mismo ng mga mananamba.” Karamihan ng mga simbahan ngayon ay nakakandado sa araw at naglalagay ng mga bantay kapag nakabukas ang mga pinto. Ang simbahang madalas mapagnakawan ay “nagtayo ng isang dingding na salamin malapit sa pasukan, tinatakdaan ang relihiyosong debosyon ng mga dumadalaw sa pagluhod sa portiko patungo sa altar.” Sabi ng isang pulyeto ng nagbabantay na pulis, bilang pagpapakahulugan sa Apocalipsis 3:2: “Maging mapagbantay at pagtibayin ang mga bagay na natitira.”
Nakamamatay na Pag-aari
“Ang baril ay nagbibigay sa ordinaryong mamamayan ng lakas-loob. Inaakala niyang siya’y protektado, subalit inilalagay rin niya ang kaniyang sarili sa panganib na maging isang kriminal,” sabi ng hepe ng pulisya na si Nelson Silveira Guimarães ng São Paulo, Brazil, tinutukoy ang maraming tao sa lungsod na nagdadala ng mga baril bilang proteksiyon. “Ang karamihan ay hindi bagay na magkaroon ng baril,” sabi pa ni Robinson do Prado, imbestigador ng pulisyang sibil. “Sila ang mga tao na walang anumang pagsupil sa damdamin na makitungo sa maiigting na mga kalagayan.” Napakadali para sa isa na mawalan ng pagpipigil-sa-sarili, sabi ng pahayagan sa Brazil na Jornal da Tarde. “Isang pampagalit, isang pagtatalo, isang di-mapigil na kilos, at ang sinuman ay maaaring magbago mula sa pagiging isang biktima tungo sa pagiging isang mamamatay-tao.”
Totoo ito lalo na sa mga bata. “Ang madaling pagkuha ng mga baril saanman dako ng [Estados Unidos] ay gumawa ng napakataas na bilang ng araw-araw na mga engkuwentro tungo sa nakamamatay ng mga engkuwentro,” sabi ng U.S.News & World Report. “Ang mga dahilan ay maliwanag. Ang mga bata ngayon higit kailanman ay manhid na sa karahasan, napaliligiran ng mga barilan at ang kanilang mga isipan ay punô ng mga mensahe ng media tungkol sa mga Rambo na kusang pumapatay.”
Paghadlang sa Malaria
Isang payak na hakbang na panlaban ay lubhang makababawas sa mga kamatayan na dala ng malaria. Ipinakikita ng isang pag-aaral na isinagawa kamakailan sa 73 nayon sa Gambia, Kanlurang Aprika, na kapag ang mga higaan ay ginagamitan ng mga kulambo na ginamot ng pamatay-insekto, ang mga kamatayan dahil sa malaria sa gitna ng mga bata ay 70 porsiyentong mas mababa kaysa roon sa mga nayon na hindi gumagamit ng kulambo. Yamang ang lamok na nagdadala ng sakit ay pangunahin nang kumakagat sa gabi, iniingatan ng mga kulambo ang mga tao sa panahon na sila ay mahina—kapag sila ay natutulog. Ang paglalagay ng pamatay-insektong permethrin ay gumagawa sa mga kulambo na maging mas mabisa, kahit na may kaunting mga sira o punit. Sang-ayon sa World Health Organization, ang malaria ay pumapatay ng kasindami ng dalawang milyong tao taun-taon. Halos 25 porsiyento ng mga biktima ay mga bata.
Mga “Mega-Simbahan”
“Pasok na kayo sa daigdig ng mga ‘mega-simbahan,’ ” sabi ng The Economist. “Mayroon na ngayong anim na simbahang Amerikano na umaakit ng mahigit na 10,000 tao tuwing Linggo, at 35 na umaakit ng hindi kukulanging 5,000.” Ang First Baptist Church ng Hammond, Indiana, E.U.A., ay nagsasabing ito ay may pinakamalaking kongregasyon—mahigit na 20,000 ang dumadalo sa mga serbisyo nito kung Linggo. Halos lahat ng mga “mega-simbahan” ay mga pundamentalista, naniniwala sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsasalita ng mga wika, o pareho. Ang mga bata ang naging tampulan ng pansin. Ang simbahan sa Hammond ay hindi lamang nag-aalok ng Sunday school kundi ng Little League baseball at summer camp din naman. “Ang kailangan mo lamang upang magtayo ng isang mega-simbahan ay isang malakas na mensahe ng mabuti’t masama, isang magaling na mangangaral na may talino sa pag-oorganisa at isang malaking awditoryum,” sabi ng The Economist. “Para sa nababagot, hindi sosyal na mga taong nakatira sa labas ng bayan sa gitnang-kanluran at sa timog at timog-kanlurang mga estado, ang gayong mga simbahan ay nag-aalok ng yari-nang mga pagpapala.”
Nagmamadali Upang Gawing Santo ang “Santo” ng Opus Dei
Ang Opus Dei, isang lihim na samahan ng piling mga tao sa loob ng
Simbahang Katoliko, ay itinatag sa Espanya noong 1928 ng paring Katoliko na si José María Escrivá de Balaguer. Siya’y namatay noong 1975, at mula noon isang kampaniya ang isinagawa ng mga tagapagtaguyod ng Opus Dei na siya ay gawing santo. Ang Catholic Herald ng London, sa ilalim ng pamagat na “Dismay at Opus Dei ‘Saint,’ ” ay nag-uulat ng reaksiyon ng Kastilang si cardinal Enrique Tarancon, dating arsobispo ng Madrid, at ng Jesuitang probinsiyal na si Michael Campbell-Johnson tungkol sa “ ‘di-maipaliwanag’ na pagmamadali sa proseso na paggawang santo” sa tagapagtatag ng Opus Dei. Ang gayong pagmamadali, sabi ng pahayagan, ay kabaligtaran ng mabagal na proseso para kay Cardinal Newman, na namatay noong 1890, at yaong kay Papa John XXIII, na namatay noong 1963. “Hindi ko . . . masasabi na siya ay isang ulirang tao,” sabi ni Vladimir Felzmann, isang dating miyembro ng Opus Dei na personal na nakakikilala kay Escrivá. “Sa maraming paraan siya ay isang anakronismo. Ang tanong ay: Saan siya uliran?”Hepatitis at mga Pagpapalit ng Sangkap ng Katawan
Ang hepatitis C, isang potensiyal na nakamamatay na sakit sa atay, ay idinagdag sa dumaraming listahan ng mga sakit na maaaring ipasa sa pamamagitan ng pagpapalit ng sangkap ng katawan (transplant). Kasali rin sa listahan ang iba pang anyo ng hepatitis, AIDS, at cytomegalovirus. Ang tuklas, na inilathala sa The New England Journal of Medicine, ay maaaring magpaliwanag kung bakit napakaraming kaso ng pangmatagalang sakit sa atay ang kasunod na mga transplant na operasyon. Ipinakikita ng isang pag-aaral sa 29 na transplant na mga pasyente na tumanggap ng mga sangkap ng katawan mula sa mga taong may hepatitis C na 14 ang nagkaroon ng hepatitis C at 6 ang namatay. Inaakala ng mga mananaliksik na, sa karamihan ng mga kaso, hindi dapat payagan ng mga doktor ang mga taong nagdadala ng virus ng hepatitis C na magkaloob ng mga sangkap ng katawan.
Gawang-Taong Ilog ng Libya
“Ang mga kamelyong naglalakad sa sinaunang ruta ng caravan mula sa disyertong oasis sa gawing kanluran ng Libya tungo sa baybaying lungsod ng Benghazi ay may bagong palatandaan na papatnubay sa kanila,” sabi ng magasing New Scientist. “Sila’y sinasamahan sa mahigit na isang libong kilometro ng isang tubo ng tubig na ang laki ay sapat upang daanan ng isang kotse.” Ang artipisyal na ilog na ito, halos kasinghaba ng Rhine, sa loob ng pitong taon ang naging pinakamalaking proyekto sa inhiyerya sibil ng daigdig. Nagdadala ito ng 2 milyon metro cubiko ng tubig isang araw mula sa mga balon na nakabaon sa ilalim ng lupa sa Sirte tungo sa baybaying mga bukid na naubos na ang kanilang mga bukal ng tubig sa ilalim ng lupa. Apat pang bahagi ng binabalak na dambuhalang grid ng tubig sa ibayo ng Libya ang itatayo pa. Ang halaga upang makuha ang tubig na ito sa ilalim ng Sahara ay pagkalaki-laki. Sa ibang dako ang tubig ay dapat bombahin sa mga burol na mahigit 100 metro ang taas. Ikinatatakot ng mga inhinyero na sa loob ng 50 taon ang mga balon ay matutuyuan. Tinatawag ng espesyalista sa tubig na si Tony Allen ang proyekto na isang “pambansang pantasiya—isang kabaliwang gamitin ang tubig na ito, na hindi kailanman maaaring palitan, para sa agrikultura.”
Mas Maraming Daga Kaysa Tao
Tinataya ng World Health Organization na may halos 70 milyong daga, o ilang daga sa bawat mamamayan, sa São Paulo, Brazil, ulat ng pahayagang Jornal da Tarde. Bunga nito, kapag binabaha ang lungsod, karaniwan na ang mga sakit na gaya ng leptospirosis, isang sakit na dala ng ihi ng mga daga. “Kung ang pakikipaglaban sa mga daga ay depende lamang sa lason, napakadaling lipulin nito,” sabi ni Minekazu Matsuo, direktor ng Control of Rodents and Disease-Bearers sa São Paulo. Gayunman, kapag sagana ang pagkain at tubig, ang lason ay hindi nakatutulong sapagkat hindi ito kinakain ng mga daga. Upang malipol ang mga daga, sabi ni Matsuo, mahalagang alisin ang basura na kanilang kinakain.
Ang mga Lansangan ay Hindi Naguguhitan ng Ginto
Halos 34 na milyong Amerikano ngayon ang nabubuhay sa karalitaan, sabi ng Kawanihan ng Sensus ng E.U. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang bilang ng maralita ay dumami sa loob ng pitong taon, mula 12.8 porsiyento ng populasyon noong 1989 tungo sa 13.5 porsiyento noong 1990. Ang kahulugan ng karalitaan sa 1990 ay ang kita na $13,359 o mas kaunti pa rito para sa isang pamilya na binubuo ng apat katao. Dalawang-katlo niyaong nasa ilalim ng antas ng karalitaan ay puti, subalit ang mga itim, sa antas na 32 porsiyento, ang may pinakamataas na bilang ng maralita sa anumang panlahi o etnikong pangkat. Sa mga bata, 1 sa 5 ang namumuhay na mababa sa antas ng karalitaan.
AIDS at ang Pagpapasuso ng Ina
Maaaring ilipat ng mga inang may AIDS ang sakit sa kanilang mga sanggol sa pamamagitan ng pagpapasuso sa isang bilis na mas mataas kaysa dating inaakala na posible, sabi ng mga mananaliksik. Ang report, inilathala sa The New England Journal of Medicine, ay batay sa isang pag-aaral sa mga ina sa Kigali, kabisera ng bansang Rwanda sa Gitnang Aprika. Bagaman ang tsansa na ang mga sanggol ay maaaring mahawa ay kasintaas ng 50 porsiyento, ang panganib sa pagkamatay ng sanggol dahil sa paggamit ng maruming tubig sa paggawa ng timplang gatas ay mas mataas. Kaya ang pagpapasuso ng ina sa mga dakong ito ay inirerekomenda pa rin. Hindi lahat ng mga babaing may AIDS ay inililipat ang virus sa pamamagitan ng kanilang gatas, at posibleng ang mataas na bilang ng paglilipat ay dahil sa bagay na ang mga babae kung saan ibinatay ang pag-aaral ay unang nasubok na positibo sa virus ng AIDS tatlong buwan o higit pa pagkasilang. Ang bilang ng mga virus sa katawan ay pinakamataas kapag kahahawa pa lamang.