Si Hemingway at ang Saludong Pasista
Si Hemingway at ang Saludong Pasista
Noong 1938 ang kilalang manunulat na si Ernest Hemingway ay nabalisa ng dalawang larawan. Ang isa ay nagpapakita ng isang hanay ng mga batang patay sa Barcelona, Espanya, napatay ng mga bombang inihulog ng mga hukbo ni Franco noong Gera Sibil Espanyola (1936-39). Sa katunayan, noong okasyong iyon, sa 875 napatay, 118 ang mga bata. Si Hemingway ay nag-iisip kung sino kaya ang nag-utos sa pagbombang iyon ng mga sibilyan.
Si Hemingway ay lalo pang naligalig ng isang balita mula sa New York Herald Tribune na nagsasabing sa New York, si Patrick Cardinal Hayes ay nananalangin para sa tagumpay ng mga hukbo ni Heneral Franco sa Espanya. Subalit ano ba ang ikalawang larawan na nakabalisa sa awtor?
Ito ang larawan ng mga opisyal ng hukbong Kastila at ng klero sa harap ng katedral ng Santiago de Compostela, sa gawing hilaga ng Espanya, na sumasaludo samantalang nagdaraan ang nagmamartsang mga sundalo. Ano ang lubhang nakababalisa tungkol diyan? Si Hemingway ay sumulat: “Nakilala ko si Heneral Aranda at si Heneral Davila . . . at nakikilala ko ang saludong kanilang ibinibigay. Ito ang saludo ng dating regular na hukbong Kastila. Ang hindi ko nakikilala ay ang saludong ibinibigay ng Obispo ng Lugo, ng Arsobispo ng Santiago, at ng Kanon ng Santiago, at ng Obispo ng Madrid. Iyon ba ang saludong pasista? Iyon ba ang saludo ng mga Nazi at ng mga pasistang Italyano?” Iyon nga!
Ang tanawin ng mga batang pinatay ng mga bombang inihulog ng mga Katoliko at ang mga obispong Katoliko na nagbibigay ng Nazi-Pasistang saludo ay nakalito kay Hemingway. Marahil ay nalalaman niya na binasbasan ng Kastilang mga klerong Katoliko ang gera sibil sa Espanya bilang isang sagradong krusada. Mahigit na 500,000 Kastila ang nasawi sa digmaang iyon na ipinakipaglaban dahil sa mga pagkakaiba sa sosyal at pulitikal na mga ideya, na nagsilbi ring pagsasanay ni Hitler para sa Digmaang Pandaigdig II.
Ano nga ba ang isinulat ni Santiago, ang kapatid sa ina ni Jesus? “Oh kayong mga di-tapat, hindi ba ninyo nalalaman na ang pag-ibig sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Ang isang tao ay tinatandaan bilang kaaway ng Diyos kung pinipili niyang maging kaibigan ng sanlibutan.” Ang klero ng Sangkakristiyanuhan, maliban sa ilan, ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga pinuno sa pulitika at militar ng sanlibutan.—Santiago 4:4, The New American Bible, Saint Joseph Edition.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
A.G.E. Fotostock