Washi—Sinaunang Gawang-Kamay na Papel ng Hapón
Washi—Sinaunang Gawang-Kamay na Papel ng Hapón
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
KAPAG ikaw ay pumapasok sa isang tradisyunal na tahanang Hapones, ikaw ay pumapasok sa isang maayos, sala-salang dumadaus-os na pintuan. Minsang nasa loob, malamang na makita mo ang isang may dekorasyong natitiklop na tabing. Sa loob ng silid, maaaring makita mo ang iba pang mga dekorasyon, gaya ng mga manika, nakabitin na mga balumbon na may pinta o sulat-kamay, mga lampshade, kaakit-akit na mga sisidlan o mga kahon. May isang bagay na pangkaraniwan sa lahat ng iba’t ibang bagay na ito—ito ay pawang yari sa washi—ang maraming-gamit na gawang-kamay na papel ng Hapones.
Isang Mahabang Kasaysayan
Inangkat ng mga Hapones ang sining ng paggawa ng papel buhat sa Tsina noong ikapitong siglo C.E. Sa loob ng mahigit na isang libong taon, ang gawang-kamay na washi ang nakatataas bilang ang tanging papel ng Hapón. Sa ibang dako, itinayo ng buong mga nayon ang kanilang kabuhayan sa paggawa ng papel; ang ilan sa kanila ay napabantog sa ganang sarili dahil sa mahusay na papel na kanilang ginagawa.
Nang mga huling taon ng kalahati ng ika-19 na siglo, ang paggawa ng papel ay umabot sa ginintuang panahon nito sa Hapón. Halos isang libong pagawaan ng papel ang lumaganap sa buong bansa. Gayunman, sa pagdating ng industriyal na rebolusyon, ang paggawa ng washi, pati na ang iba pang manwal na industriya ay humina. Gayunman, kahit na ngayon ang tradisyon ng gawang-kamay na washi ay pinananatili pa rin sa ilang dako dahil sa artistikong mga katangian nito.
Kung Paano Ginagawa ang Washi
Ginagawa ng mga Intsik ang kanilang papel buhat sa seda, linen, lumang basahang cotton, mga lambat, at balat ng kahoy ng punong mulberry. Sa simula, ginagamit ng mga Hapones na manggagawa ng papel ang mga sangkap ding ito. Nang maglaon, sila’y nag-eksperimento sa mga materyales na madali nilang makukuha, gaya ng panloob na balat ng kahoy ng punong mitsumata (papel na mulberry), gampi (isang halamang-bundok sa Hapón), at kawayan pa nga.
Ang hilaw na materyales ay kailangan munang paliitin nang husto hanggang sa maging lamukot. Ito ay magawain at nakapapagod na proseso na nagsasangkot ng paghampas, pagpapasingaw, pagkayod, pagbabad, pagtalop, at iba pang pamamaraan. Ang resultang lamukot ay inihahalo sa tubig upang hayaang malayang lumutang ang mga hibla.
Sa isang karaniwang gawaan kung saan ginagamit ang gampi, ang mga babae ay tumitingkayad sa paligid ng malaking mga banyerang kahoy na may tubig. Ginagamit ang kanilang mga kamay, nililinis nila at ibinubukod ang mga hibla ng gampi sa tubig hanggang magkaroon ng unipormeng pagkakabitin.
Sa matubig na halong ito itutubog ng isa pang manggagawa ang isang malaki, pinong panala na nakakabit sa isang matigas na balangkas na kahoy. Habang iniaangat ang balangkas, ang tubig ay naaalis, iniiwan ang pinong mga hibla sa panala upang magsama-sama at mag-anyong isang pilyego ng washi. Ituturo ng isang tunay na dalubhasa na ang isang mahusay na pilyego ay gawa sa pamamagitan ng pagtutubog sa panala nang ilang ulit sa isang manipis na halo sa halip na paggawa nito nang minsanan sa isang makapal na halo.
Ang panala ay saka itinataob sa isang malaking mesa. Dinadampot ang pinakamalapit na gilid ng panala, maingat na inaangat ito papalayo ng manggagawa,
iniiwan ang basang pilyego ng washi sa mesa. Ang proseso ng pagtutubog ay inuulit, at isang bagong pilyego ang inilalagay sa ibabaw ng nauna. Isa-isang ginagawa ang mga pilyego, at hindi magtatagal isang tumutulong bunton ng basang papel ang nagagawa.Upang huwag magdikit-dikit ang mga pilyego sa isa’t isa, isang madulas na bagay na tinatawag na tororo, gawa sa mga ugat ng ilang uri ng gumamela, ay inihahalo sa tubig. Dinaragdagan din nito ang lapot ng tubig, sa gayo’y pinababagal ang pag-alis ng tubig sa panala. Pinangyayari nito ang mas mahusay na pagsasala-sala ng mga hibla. Masasabi ng isang may karanasang manggagawa ng washi sa pamamagitan ng salat kung tama na ba ang halo.
Noong unang panahon, ang mga pilyego ay isa-isang inilalatag sa mga tabla at pinatutuyo sa araw. Bagaman ginagamit pa rin ang paraan ito, karamihan ng mga pagawaan ng washi ay pinatutuyo ang kanilang papel sa ininit na mga pohas ng hindi kinakalawang na bakal.
Isang Namamalaging Tradisyon
Bagaman ang washi ay hindi na siyang pangunahing gamit sa pagsulat sa Hapón, may dako pa rin ito sa artistikong daigdig. Sa katunayan, ito ay kadalasang tinutukoy bilang art paper dahil sa maraming tradisyunal at artistikong mga produkto ng papel na gawa rito.
Ang pinong mga larawan ng mga bulaklak, punungkahoy, ibon, tanawin, at iba pang mga disenyo ay ginagawa sa pamamagitan ng sama-samang padirikit ng iba’t ibang kulay na mga pilas ng washi. Ang block-printed na mga tanawin na yari sa washi ng kilalang mga artist na Hapones, gaya nina Hiroshige at Hokusai, ay bantog sa
buong daigdig. Ang washi ay ginagamit din sa isa pang anyo ng pagpinta na tinatawag na nihonga. Isang pinulbos na halo ng bato at may kulay na bubog sa isang matubig na pandikit ay ipinapahid sa mga pilyego ng washi na 1.8 metro kudrado o mas malaki pa, pantanging ginagawa para sa ganitong uri ng pagpinta. Ang pambihirang papel na ito ay ginagamit din sa paggawa ng mga handbag, portamoneda, pamaypay, payong, saranggola, mga parol, at manikang papel, pati na ang malalaking bagay na gaya ng mga partisyon at mga tabing. Upang magkaroon ng interes sa anyong ito ng sining, may popular na mga pagtatanghal, at modernong mga manggagawa ng washi na nagsasagawa ng mga klase tungkol sa gawang-kamay na ito.Ang ginintuang panahon ng Hapones na washi ay bahagi na ngayon ng kasaysayan. Gayunman, ang tradisyon ay nananatili upang pagyamanin ang buhay ng mga tao sa isang abala, makabagong lipunan.
[Mga larawan sa pahina 23-25]
Karaniwang “washi” na mga bagay:
pahina 23, disenyong bundok sa sobre;
pahina 24, mga manikang papel, chopsticks na napalalamutian ng “washi,” at mga pananda sa aklat;
pahina 25, origaming ibon, pamaypay, at pandekorasyong kimono