Ang Pagbaba ng Moral ay Laganap
Ang Pagbaba ng Moral ay Laganap
Apektado Nito ang Bawat Pitak ng Lipunan
ANG lipunan ngayon ay walang mga pamantayan. Ito’y nababaha-bahagi sa maraming istilo ng buhay. Ang katuwiran ng marami ay ganito: ‘Bawat istilo ng buhay ay isang tinatanggap na mapagpipilian. Huwag mo akong pakialaman, hindi rin kita pakikialaman. Gawin mo ang gusto mo, gagawin ko ang gusto ko. Hayaang gawin ng bawat isa ang maibigan niya. Maraming daang patutunguhan, at bawat daan ay tama; walang mali. Wala nang kasalanan. Manindigan ka sa iyong mga karapatan. Kung magpoprotesta ka nang tahimik, walang makaririnig sa iyo; kung nais mong marinig ng lahat ang iyong protesta, kailangang gamitan mo ito ng dahas. Ang karahasan ay isang anyo ng malayang pananalita. Ang sekso ay bukás sa kaninumang napili mo at sa anumang paraang nais mo. Ang kalaswaan ay sining. Mamuhay ka sa paraang gusto mo, at hayaang mamuhay ang iba sa paraang gusto nila.’
O ito ba’y ‘hayaang mamatay ka sa paraang gusto mo, at hayaang mamatay ang iba sa paraang gusto nila’? Sa ika-20 siglo, ang mga tao ay may sapat na mga ideya sa kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano ang moral at kung ano ang imoral, kung ano ang marangal at kung ano ang hindi marangal—at ang marami ay may gayon pa ring mga ideya. Subalit para sa iba ay nagsimula ang pagbabago noong 1950’s at sumidhi pa pagkatapos. Ang lahat ng ideya tungkol sa kagalingan, moralidad, dangal, at etika ay ginawang waring di-makatuwiran, di-makatao, at hindi kaaya-aya. Ang mga ideya na nangibabaw ay dumakila sa indibiduwal. Iginiit nila ang palagay na ang bawat tao ay mamuhay ayon sa tunguhing sariling-takda. Ngayon ang kaaya-ayang gawi ay ang pagpaparaya, pagkakaiba, at ang hindi paghatol sa iba. Sa bagong pilosopyang ito, bawal ang magbawal.
Ang kapaha-pahamak na mga resulta ng pilosopyang ito ay patuloy na dumami hanggang noong 1980’s, at dumarami pa sa dekada ’90. Narito ang ilan lamang sa mga report tungkol sa kapaha-pahamak na mga resulta, buhat sa isang talumpati tungkol sa mga pamantayan na ipinahayag ng isang pangalawang-tagapangulo ng isang korporasyon sa Lungsod ng New York sa isang komperensiya tungkol sa etika sa negosyo:
“Dinadaya ng mga pulitiko ang kanilang mga sakop. Pinagnanakawan ng mga negosyante ang kanilang mga kliyente. Hindi pinangangasiwaang mainam ng mga ehekutibo ng mga bangko ang kanilang mga institusyon hanggang sa ito’y hindi na makabangon at saka pababayaran ito sa mga nagbabayad ng buwis. Ang mga mangangaral at mga magiging presidente ay nandaraya sa kani-kanilang asawang babae. Ang mga bata ay nandaraya sa mga eksamen, at sinisira ng angaw-angaw ang kanilang sarili at ang iba sa pamamagitan ng pinsala ng droga at krimen. . . . Limampung porsiyento ng lahat ng pag-aasawa ay nagwawakas sa diborsiyo. Dalawampu’t dalawang porsiyento ng lahat ng mga batang isinilang ngayon ay ipinanganak sa pagkakasala, at sangkatlo ng lahat ng mga bata ay mamumuhay na kasama ng pangalawang mga magulang bago sila maging 18. Maliwanag, ang pagkawasak ng pamilya ay laganap. Kung inaakala mong ang paghubog ng mga pamantayan ay nagsisimula sa tahanan—maaga sa buhay—kung gayon ang mga dahilan sa pagguho ng etika ay maliwanag.”—Vital Speeches of the Day, Setyembre 1, 1990.
Ipinababanaag ng lahat ng pahayagan, magasin, balita, pelikula, at mga programa sa telebisyon ang pagbaba ng tradisyunal na mga pamantayan. Sa isang talumpati sa University of Chicago, ang tagapangulo ng Chase Manhattan Corporation ay nagsabi:
“Kung una mong bubuksan ang mga pahina tungkol sa isports sa pahayagan, ang report ng Washington, o ang bahagi tungkol sa negosyo, ang ebidensiya ay iisa. Ang mga pahina ng isports ay nagbabalita ng pinakahuling mga iskandalo tungkol sa mga manlalaro ng bola na nagbebenta ng laro, ng mga koponan sa kolehiyo na nasa probasyon dahil sa ilang paglabag, at ng propesyonal na mga manlalaro na nagdodroga. Ang balita buhat sa Washington ay tungkol sa mga paglilitis may kinalaman sa panunumpa nang walang katotohanan, mga pederal na hukom na ipinagsasakdal, pakikinabang sa puwesto o impluwensiya sa gobyerno sa mga tao o
mga negosyo na humihingi ng pabor, at ang pinakabagong mambabatas na sumasailalim ng imbestigasyon ng House Ethics Committee. Bumaling ka sa bahagi tungkol sa negosyo at masusumpungan mo ang mga paglalantad sa ilegal na pagpapatubo ng mga sapi (stocks) batay sa lihim na mga impormasyon at mga katulad nito.”—Vital Speeches of the Day, Agosto 1, 1990.Ang mga ulat na ito ay walang pagbabago at walang tigil anupa’t ang mga tao’y manhid na rito. Hindi na sila nasisindak sa mga iskandalong ito. Ang lektyurer na sinipi kanina ay nagkomento tungkol dito: “Maraming Amerikano ang hindi na naiinsulto ng mga balita ng isa pang pagguho ng etika. Ang nahatulang kriminal ay hindi itinuturing na isang itinakwil. Sila’y mga kilalang tao. Sila’y inaanyayahan sa mga handaan ng mga piling tao. Sila’y sumusulat ng pinakamabiling mga aklat.”
Winakasan ni Ivan Boesky ng Wall Street ang kaniyang talumpati sa mga estudyante sa isang paaralan sa pangangalakal sa pamamagitan ng pagtataas ng kaniyang mga kamay na nakasenyas ng V-para-sa-tagumpay at nagsabi, “Magtagumpay nawa ang kasakiman!” Nang maglaon ang kaniyang kasakiman ay umakay sa kaniya sa ilegal na pagpapatubo ng mga sapi batay sa lihim na impormasyon, at siya’y nilitis, hinatulan, pinagmulta, at ibinilanggo. Ang kaniyang multa ay $100 milyon, subalit may natira pa rin sa kinita niya na mahigit na kalahating bilyong dolyar. Si Michael Milken, isa pang nagmamaneobra sa kalakalan sa Wall Street, ay nagmulta ng $600 milyon dahil sa kaniyang tiwaling mga transaksiyon na pagbili ng lubhang-mapanganib na mga panagot (bonds) sa mababang halaga—siya’y kumita ng halos gayunding halaga sa isang taon! May natira pa siyang isa at kalahating bilyong dolyar.
Inilathala ng magasing Industry Week ang isang artikulo na ang pamagat ay nagbangon ng tanong, “Kalimutan ang Etika—at Magtagumpay?” Isang kasangguni buhat sa Utah ang may palagay na ang etika ng mga korporasyon ay lumala na at ang sabi: “Ipinakikita ng aking mga obserbasyon na mientras mas matagumpay ang negosyante, mas labag sa etika ang paggawi.” Isang manedyer sa Michigan ang nagsabi: “May patakaran tayo tungkol sa etika, subalit hindi pinapansin ng namamagitan sa mga superbisor at mga administrador ang mga tuntunin sa pangangatuwirang, ‘Hindi iyan labag sa etika, ito ay matalinong negosyo lamang.’ ” Isang superbisor sa Miami ay nananaghoy: “Ang etika ay mabilis na natatalo; ang pakinabang ang No. 1 anuman ang mangyari.” Ang iba pang negosyante ay mas tahasan: “Ang lahat ay tinatanggap,” sabi ng isa. Ganito pa ang idinagdag ng isa: “Ang ating patakaran ay kung magagawa mo ito nang hindi nahuhuli, gawin mo.”
Hindi lamang ang mga negosyante ang dahilan ng pagbaba ng mga pamantayang moral. Ang saloobin na sumisira sa mga pamantayang moral ay kumalat na sa bawat pitak ng lipunan. Napakaraming abugado ang kumikilos na parang mga walang konsensiya kaysa mga gumagalang sa batas. Napakaraming siyentipiko ang ibinababa ang kanilang sarili dahil sa maling paggawi at panlilinlang upang makakuha ng kaloob na salapi buhat sa gobyerno. Napakaraming doktor ang nagkakaroon ng reputasyon na mas interesado sa malalaking bayad kaysa mga pasyente—at napakarami sa kanilang mga pasyente ay nagpapanukala ng mga paraan upang magsampa ng mga demanda tungkol sa maling paggamot.
Ang mga purok ay nayayanig sa ilalim ng epekto ng droga, krimen, at mga away ng gang. Winawasak ng pagtataksil sa asawa ang mga pamilya. Ang mumunting mga bata ay nagiging mga biktima ng pag-abuso sa sekso, pati na ang pornograpya ng mga
bata. Ang pagtatalik sa mga tinedyer ay nagbubunga ng mga pagdadalang-tao, aborsiyon, at napabayaang mga sanggol. Sinasalakay ng mga pusher ng droga ang mga bakuran ng paaralan. Ang mga batang mag-aaral ay nagdadala ng mga patalim at mga baril, at ang kakayahan ng mga batang mag-aaral na bumasa ay patuloy na bumababa. Ang pinakamabuting pagsasanay na panlunas dito ay ang mga magulang na nagbabasa sa kanilang mga anak, subalit kadalasang ang mga magulang ay abalang-abala sa paghahanapbuhay o masyadong abala sa katuparan ng kanilang sariling mga tunguhin.Ang industriya ng musika ay may bahagi rin sa pagbaba ng moral, lalo na sa pamamagitan ng malayo-sa-tradisyunal, heavy-metal na mga bandang rock. Isang samahan ng mga tagapayo ay nagkomento: “Ang musikang rock ay naging tamang-tamang paraan sa paghahayag at pagpapalaganap sa ideya ng di-pirmihan at walang takdang seksuwal na mga gawain at sa paglalathala sa paggamit ng bawal na gamot. Ang musikang rock ay isa ring makapangyarihang puwersa sa paglikha ng paglapastangan sa mga magulang, sa nakatatandang salinlahi at sa sosyal na mga institusyon na salungat sa imoral, gumagamit-droga na istilo ng buhay.”
Ang isa sa kanilang layunin ay galitin at sindakin at kunin ang pansin sa pamamagitan ng mga liriko na magaspang, bastos, napakasama, at kasuklam-suklam, na punúng-punô ng brutal na pag-abuso sa mga babae. Ang pagtatalik na pinararaan sa bibig at puwit ay inilalarawan sa maraming paraan, ang pag-abuso sa sekso ay pinasisigla, kasiyahan sa napakarahas na panghahalay anupa’t ang sangkap sa sekso ng babae ay napupunit—walang takda sa pagluwalhati sa labis-labis na kalaswaan. Nang isang pangkat ay litisin sa hukuman dahil sa kalaswaan, pinuri sila ng isang propesor sa Duke University bilang mga henyo sa panitikan at ipinagtanggol ang kanilang sukdulang kalaswaan na makasining. Ang hurado ay sumang-ayon, naghihinuha na ang liriko ay hindi kalaswaan kundi sining.
Isang kahawig na katibayan ng pagkabulok ng mga pamantayan sa lipunan ay ang bagay na noong nakaraang taon isa sa pinakamalaswang rap na album sa plaka ay ‘nagbenta ng napakaraming kopya (mahigit na 1 milyon) sa loob ng tatlong linggo pagkalabas nito anupa’t ito’y napunta sa No. 1 puwesto. Ang ibig sabihin niyan ay na ito ang pinakapopular na bagay sa industriya ng musika ngayon.’ Ang mga pangalang pinili para sa mga pangkat na ito ng rock ay katugma ng mga liriko: “Mayroong di-kukulanging 13 banda na pinanganlan sa sangkap sa sekso ng lalaki, 6 sa sangkap sa sekso ng babae, 4 sa punlang-binhi, 8 sa aborsiyon at isa sa impeksiyon sa ari ng babae.”—U.S.News & World Report.
Isang propesor sa Boston University ay nagkomento tungkol sa eksibit ni Mapplethorpe: “Nakita ko ito sa Institute of Contemporary Art sa Boston. Doon, gaya sa iba pang dako, ang mga gawang sining ay inayos sa mga seksiyon, wika nga. Ang mga litrato ng ‘pagtatalik’ ay . . . sobrang pornograpiko na maiisip ng isa. Ewan ko kung ito ay ‘pumupukaw sa sekso ng homo,’ subalit ang mga ito ay mga litrato na nagpapakita ng mga aktong hindi ko man lamang maisip na posible, huwag nang sabihing kalugud-lugod.” Ang usapin tungkol sa kalaswaan ng eksibit ay nilitis sa korte, at hinatulan ng isang hurado ang kalaswaan nito na makasining. Malayung-malayo sa pagiging makasining, tiyak na hindi moral na responsable, at katibayan ng lalo pang pagguho ng tunay na mga pamantayan sa bahagi ng mga tao ng sining at ng mga nagmamasid.
Kailangan natin ng mga hangganan. Kailangan natin ng nagpapatatag na mga panuntunan. Kailangan natin ng mga huwaran na pagsisikapang abutin. Kailangan nating magbalik sa orihinal na bukál ng tunay na mga pamantayan.
[Blurb sa pahina 4]
Ang mga tao ay hindi na nasisindak ng mga iskandalo
[Blurb sa pahina 5]
Ipinahahayag ng mga hurado ang labis na kalaswaan na makasining