Ang Biglang Pagdami ng Diborsiyo
Ang Biglang Pagdami ng Diborsiyo
“ALAHAS SA DIBORSIYO.” Iyan ang pambihirang ulo ng balita na lumitaw kamakailan sa isang popular na magasing pambabae. Ang artikulo ay mahigpit na nagrerekomenda: “Ang iyong pag-aasawa ay nawasak at inaakala mong ikaw ay nalamangan. Bakit hindi mo tunawin ang mga alaalang alahas na nagpapagunita sa iyo ng iyong pag-aasawa.” Sa isang halaga ay maaaring tunawin ng isang lokal na mag-aalahas ang mga singsing na pangkatipan at pangkasal. Pagkatapos ay hinuhubog niya ito at ginagawang maliliit na alahas na hindi magpapagunita sa kanila ng kanilang nabigong pag-aasawa.
Sa ngayon, ang pag-aasawa, tulad ng mga pluma, pinggan, lampin, at pang-ahit, ay para bang isang gamit-tapon na bagay. ‘Kung sawa ka na rito, itapon mo na lang ito’—gayon ang umiiral na saloobin.
“Ang pag-aasawa na gaya noon ay hindi na umiiral,” sabi ni Lorenz Wachinger, isang popular na awtor, sikologo, at terapis sa Munich, Alemanya. Isang kalabisan? Marahil; subalit madaling maunawaan kung bakit gayon ang palagay niya. Sang-ayon sa pahayagang Stuttgarter Zeitung, 130,000 pag-aasawa ang nagkakasira taun-taon sa Alemanya. Subalit ang diborsiyo ay hindi natatangi sa Alemanya.
Isang Pangglobong Pangyayari
Isang kahawig na kausuhan ang lumilitaw sa mga bansa sa buong daigdig. Ang Estados Unidos, halimbawa, ay matatawag na kabisera ng diborsiyo sa daigdig. Ang taunang dami ng diborsiyo ay mahigit na 1,160,000, o halos kalahati ng bilang ng mga kasal. Iyan ay may katamtaman na mahigit na dalawang diborsiyo sa bawat minuto araw-araw!
Kung ihahambing sa nakalipas, ang mga bilang na ito ay katumbas ng isang biglang pagdami ng diborsiyo. Isang siglo lamang ang nakalipas, may 1 lamang diborsiyo sa bawat 18 pag-aasawa sa Estados Unidos. Maliban sa biglang pagdami ng diborsiyo pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang bilis ng pagdami ay dahan-dahan hanggang noong 1960’s. Pagkatapos, sa loob lamang ng 25 taon, ito ay dumami nang tatlong ulit!
Noong kalagitnaan ng 1980’s (ang pinakahuling mga taon na may makukuhang maaasahang estadistika), nasaksihan ng mga bansa sa buong daigdig ang mataas na bilang ng diborsiyo na gaya nito: Unyong Sobyet, 940,000 isang taon; Hapón, 178,000; United Kingdom, 159,000; Pransiya, 107,000; Canada, 61,000; Australia, 43,000. Kahit na sa lugar kung saan ang relihiyon at mga batas ay pinanatiling mababa ang dami ng diborsiyo, ang kausuhan ay nagbabago. Halimbawa, sa Hong Kong ay mayroon pa ring 1 diborsiyo sa bawat 17 pag-aasawa; subalit ang bilang ng mga diborsiyo roon ay dumoble sa pagitan ng 1981 at 1987. Iniulat ng magasing India Today na ang dungis sa pangalan na kaakibat ng diborsiyo ay naglalaho sa mga kabilang sa gitnang klase ng India. Lumikha ng bagong mga hukuman sa iba’t ibang estado ng India upang harapin ang pagdami ng mga kaso ng diborsiyo mula sa 100 porsiyento tungo sa 328 porsiyento sa isang dekada.
Mangyari pa, hindi maaaring ihatid ng mga estadistika ang dalamhati na naranasan ng mga taong bahagi ng estadistikang ito. Nakalulungkot nga, apektado ng diborsiyo ang halos lahat sa atin sapagkat ang pag-aasawa ay pansansinukob. Malamang, alin sa tayo’y may-asawa o tayo ay bunga ng mag-asawang mga magulang, o tayo’y malapít sa mag-asawa. Kaya kahit na kung hindi pa tayo apektado ng diborsiyo, ang banta nito ay maaaring nakatatakot pa rin sa atin.
Ano ang sanhi ng lahat ng diborsiyong ito? Ang pulitikal na mga pagbabago ay maaaring bahagi ng kasagutan. Sa maraming bansa ang mga pagbabawal ng Estado laban sa diborsiyo—na malaon nang itinataguyod ng maimpluwensiyang mga grupo ng relihiyon—ay gumuho nitong nakalipas na mga taon. Halimbawa, noong 1980’s, ipinahayag ng Argentina na labag sa konstitusyon ang isang batas na hindi nagpapahintulot ng legal na diborsiyo. Ang Espanya at Italya ay nagtatag din ng legal na diborsiyo. Subalit ang gayong mga pagbabago sa batas ay hindi laging kaakibat ng mabilis na pagdami ng mga diborsiyo.
Kaya may mas malalim na dahilan kaysa legal na sistema ang nasa likuran ng pangglobong epidemya ng diborsiyo. Tinukoy ito ng awtor na si Joseph Epstein nang isulat niya iyon hindi pa natatagalan, “ang ikaw ay madiborsiyo ay para bang ikaw ay legal na napatunayang kulang ng katapatang moral.” Subalit ngayon, sulat niya, “sa ilang pangkat ng mga tao, para bang pambihira kung ikaw ay hindi dumanas ng diborsiyo kaysa kung ikaw ay dumanas ng diborsiyo; dito ang pamumuhay sa loob ng isang pag-aasawa ay maaari pa ngang ituring na kakulangan ng imahinasyon.”—Divorced in America.
Sa ibang salita, ang mahalagang mga saloobin ng tao tungkol sa pag-aasawa ay nagbago. Ang paggalang at pagpipitagan sa isang institusyong malaon nang itinuturing na sagrado ay naaagnas. Kaya sa buong daigdig, ang diborsiyo ay higit at higit na tinatanggap. Bakit? Ano ang nagpangyari sa mga tao na tanggapin ang isang bagay na dati’y hindi sinasang-ayunan? Maaari kayang ang diborsiyo ay hindi naman masama?