Ang Silo ng Diborsiyo
Ang Silo ng Diborsiyo
SINA Andrew at Ann ay kahanga-hangang mag-asawa. Si Ann ang mas tahimik at mas palaisip sa dalawa, subalit ang kaniyang masayang hinahon ay waring ulirang katapat ng mas palakaibigang personalidad ni Andrew, ang kaniyang di-mapigilang lakas at pagkamapagpatawa. Ang mga mata ni Ann ay nagniningning sa kaniyang pagkanaroroon. At nakikita ng lahat na mahal na mahal ni Andrew si Ann.
Gayunman, pagkaraan ng pitong taon ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay nagsimulang lumamig. Si Andrew ay nagkaroon ng isang bagong trabaho na kumukuha ng marami sa kaniyang panahon. Ipinaghinanakit naman ni Ann ang pinagkakaabalahan ni Andrew na bagong trabaho at ang kaniyang madalas na pag-uwi nang gabi na. Sinikap niyang “maging abala samantalang wala ang kaniyang asawa,” gaya ng sabi niya, sa pagiging abala sa kaniyang sariling karera. Subalit di-nagtagal si Andrew ay umuuwi ng bahay na amoy alak, ipinaliliwanag na siya raw ay kasama ng kaniyang mga kasosyo sa negosyo. Ang kaniyang problema sa pag-inom ay lumala, at sa wakas si Ann ay umalis sa kanilang apartment. Si Andrew ay nanlumo. Sa loob ng ilang buwan, sila ay nagdiborsiyo.
Sa marami ang kuwentong ito ay para bang napakapamilyar. Gaya ng nakita natin, ang bilang ng diborsiyo ay tumaas sa buong daigdig. At tiyak, ang ilang diborsiyo ay hindi maiiwasan o kailangan. Hindi tahasang ipinagbabawal ng Bibliya ang diborsiyo, gaya ng palagay ng marami. Ang mga pamantayan nito ay makatarungan at makatuwiran, ipinahihintulot ang diborsiyo dahilan sa pangangalunya (Mateo 19:9); ipinahihintulot din ng mga simulaing ito ang paghihiwalay ng mag-asawa sa ilalim ng ilang labis-labis na kalagayan, gaya ng pisikal na pag-abuso. a (Tingnan ang Mateo 5:32; 1 Corinto 7:10, 11.) Subalit hindi ito ang mga simulain na dahilan ng pagdidiborsiyo nina Andrew at Ann.
Sina Andrew at Ann ay mga Kristiyano at noong minsa’y itinuturing nila na banal ang pag-aasawa. Subalit gaya ng lahat sa atin, sila ay namumuhay sa isang daigdig na nangangaral ng isang naiibang etika—na ang pag-aasawa ay maaaring itapon at ang diborsiyo ang paraan. Taun-taon ang ganitong pag-iisip ay nakaiimpluwensiya sa libu-libong mag-asawa upang magdiborsiyo sa hindi matibay na mga kadahilanan, mga kadahilanang hindi maka-Kasulatan. At natatalos ng marami—ngunit huli na—na ang kanilang “moderno,” “naliwanagang” saloobin tungkol sa diborsiyo ang umakit sa kanila tungo sa isang silo.
Silo? ‘Isang katakut-takot na salita,’ maaaring sabihin ng ilan. Maaaring ipalagay mo, gaya ng palagay ng marami ngayon, na ang diborsiyo ay isa lamang sibilisadong paraan upang takasan ang isang miserableng pag-aasawa. Subalit batid mo ba ang disbentaha ng diborsiyo? At nakita mo ba kung gaano katuso na hinuhubog ng daigdig ngayon ang ating mga paniwala tungkol sa diborsiyo—nang hindi nalalaman ito?
Ang Pang-akit ng Natupad na Pangarap
Sa kaso nina Andrew at Ann, bahagi ng pain na umakit sa kanila na magdiborsiyo ay ang nakatutuksong pangako na natupad mo ang iyong pangarap
sa pamamagitan ng isang matagumpay na karera. Ang kanilang pag-aasawa ay naging biktima ng ‘karera muna’ na kaisipan. Hindi ito ang unang biktima. Binanggit ng babasahing Family Relations noon pang 1983: “Ang natupad na pangarap ng indibiduwal ay naging isang simulain na pumapatnubay sa kilos ng isa. Dahil dito, ang malapit na mga ugnayan sa karamihan ng mga miyembro ng pamilya ay mabilis na napuputol at kahit na ang buklod ng pag-aasawa ay napasasailalim ng tumitinding kaigtingan.” Si Andrew ay hangang-hanga sa kaniyang bagong trabaho at sa pangako nito na pag-asenso. Kumuha siya ng ekstrang mga proyekto at nakipagsosyalan sa kaniyang mga kasama sa trabaho pagkatapos ng oras ng trabaho upang higit na igalang at tanggapin. Samantala, sinilaw naman ng karera ni Ann ang kaniyang mga paningin tungkol sa tagumpay sa pamamagitan ng higit pang pag-aaral.Ang paghabol sa pang-akit ng tagumpay ay may dalawang-panig na epekto. Una, ito’y nangangahulugan na sina Andrew at Ann ay mababawasan ng panahon para sa isa’t isa. Gaya ng sabi rito ni Ann: “Kami’y hinihila sa magkabilang direksiyon. Kaya wala na kaming panahon upang mag-usap sa gabi na gaya ng ginagawa namin noon, nauupo at nag-uusap. Siya ay naghahanda para sa kaniyang susunod na araw sa trabaho, at gayundin ako. Huminto ang komunikasyon.”
Ang ikalawang epekto ay espirituwal. Sa pag-una sa kani-kanilang karera, kanilang inilalagay ang kaugnayan nila sa Diyos sa isang tabi kung kailan kailangang-kailangan nila ang tulong niya. Ang isang napagkasunduang programa sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay maaari sanang nakatulong kay Andrew na lutasin ang kaniyang problema sa pag-inom at nagbigay sana kay Ann ng lakas na manatili sa kaniyang asawa sa mahirap na karanasang ito.
Kaya sa halip na lutasin ang kanilang mga problema sa pag-aasawa, nakita nila ang diborsiyo bilang isang mapagpipilian, marahil isa pa ngang ginhawa mula sa lahat ng kaigtingan. Pagkatapos ng diborsiyo, ang kanilang pagkadama ng pagkakasala at kahihiyan ay nagpangyari sa kanila na talikdan ang kanilang espirituwal na buhay. Hindi na sila nag-aangking mga Kristiyano.
Ang “mga Eksperto” ay Tumulong Upang Ilagay ang Silo
Maraming mag-asawa, kapag nakakaharap ang mga problema sa pag-aasawa, ay bumabaling sa mga tagapayo at mga terapis sa pag-aasawa o sa mga aklat na isinulat ng mga awtoridad na iyon. Subalit nakalulungkot nga, ang ilang modernong “mga eksperto” sa pag-aasawa ay napatunayang mas sanáy sa pagtataguyod sa diborsiyo kaysa pagpapanatili sa pag-aasawa. Nitong nakalipas na mga dekada ang mga opinyon ng “eksperto” laban sa pag-aasawa ay napakarami at mapangwasak na gaya ng gutom na mga balang.
Halimbawa, ang mga saykoterapis na sina Susan Gettleman at Janet Markowitz ay nananangis sa The Courage to Divorce: “Ang hindi makatuwirang paniniwala ay nananatili na ang diborsiyadong mga tao ay lumayo na sa ilang kapaki-pakinabang na yunit na tinatawag na ‘normal na buhay pampamilya.’ ” Inireklamo nila ang “legal na mga hadlang at mga pamantayang moral” laban sa diborsiyo na “batay sa relihiyosong mga simulain na mga dantaon na ang pinagmulan.” Ang diborsiyo, katuwiran nila, ay mananatili hanggang ang “unti-unting lumipas na pag-aasawa” ay gawing “di na kinakailangan” ang diborsiyo. Inirerekomenda nila ang kanilang aklat sa mga abugado, mga hukom—at sa mga ministro!
‘Hindi masama ang diborsiyo. Ang diborsiyo ay nagpapalaya. Ang paglaganap ng diborsiyo ay hindi isang tanda na may mali sa lipunan; ito’y isang tanda na may mali sa institusyon ng pag-aasawa.’ Maraming “eksperto” ang nagturo ng palagay na iyon, lalo na noong popular na panahon ng seksuwal na rebolusyon noong 1960’s at 1970’s. Kamakailan lamang, napag-isip pa nga ng ilang popular na mga sikologo at antropologo na ang tao ay “iprinograma”—sa lahat ng bagay, ng ebolusyon—upang magpalit ng asawa tuwing ilang taon. Sa ibang salita, natural lamang ang pangangalunya at diborsiyo.
Mahirap gunigunihin kung gaano karaming pag-aasawa ang nawasak ng gayong mga palagay. Subalit maraming iba pang eksperto ang humihimok ng diborsiyo sa mas tusong mga paraan. Gaya ng pananaliksik ni Diane Medved sa kaniyang aklat na The Case Against Divorce, natuklasan niya na mga 50 aklat sa kaniyang lokal na aklatan na kung hindi nila tahasang itinataguyod ang diborsiyo, sa paano man ay ‘pinasisigla ang mga mambabasa na magdiborsiyo.’ Siya’y nagbabala: “Ginagawang madali para sa iyo ng mga aklat na ito na makapasok sa kapaligiran at mga gawain ng mga walang asawa at pinupuri ang iyong ‘bagong kalayaan’ na para bang ito . . . ang ultimong paraan tungo sa katuparan.”
Iba Pang Impluwensiya
Mangyari pa, marami pang ibang impluwensiya na nagtataguyod-sa-diborsiyo maliban sa naligaw na “mga eksperto.” Ang media—TV, mga pelikula, magasin, romansang mga nobela—ay kadalasang nakadaragdag pa sa bagyo ng propaganda laban sa pag-aasawa. Kung minsan ang media ang naghahatid ng mensahe na ang walang-katapusang katuwaan, kasiglahan, at katuparan ay nasa labas ng nakababagot na buhay may-asawa at na sa dulo ng kumikinang na bahagharing ito ng pagiging walang asawa at kalayaan ay naghihintay ang isa pang kabiyak, mas nakahihigit sa isa na nasa tahanan.
Ang basta pag-aalinlangan sa gayong subersibong mga ideya ay maaaring hindi maging isang proteksiyon laban dito. Gaya ng pagkakasabi rito ni Medved: “Pinanonood mo ang isang pelikula, at kahit na sa iyong makamundong kaalaman ikaw ay nasa ilalim ng kapangyarihan nito. Hindi mo ito maiiwasan—ang istorya at ang impluwensiya ay inihaharap sa isang paraan na ika’y magkakaroon ng simpatiya sa bida (ang asawang lalaki na gigolo?) at antipatya sa kontrabida (ang asawang babae na matigas ang ulo?). . . . Maaaring personal na hindi mo kinukonsinti ang nakikita mo, subalit ang pagkaalam na kinukonsinti ito ng iba, pinatitibay ng marami pang ibang paraan sa ating kultura, ay nagpapahina sa iyong determinasyong at katiyakang gumawa ng mabuti.”
Ang gawi ng ating kapuwa tao ay talagang nakaiimpluwensiya sa atin. Kung totoo ito sa mga mensahe ng media, gaano nga katotoo ito sa mga kaibigang ating pinipili! May katalinuhan, ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali.” (1 Corinto 15:33) Ang mabuting pag-aasawa ay isa sa kapaki-pakinabang na ugali. Maaari natin itong sirain kung kakaibiganin natin yaong hindi gumagalang sa institusyon ng pag-aasawa. Nasumpungan ng maraming mag-asawa ang kanilang sarili na unti-unting namamaneobra tungo sa diborsiyo sapagkat ipinagtapat nila ang kanilang mga problema sa pag-aasawa sa gayong “mga kaibigan”—kung minsan doon pa nga sa mga kaibigan na pinili ang diborsiyo nang walang matuwid na dahilan.
Ang iba ay humihingi ng payo mula sa isang abugado nang wala sa panahon kapag ang kanilang pag-aasawa ay nahihirapan. Nalilimutan nila na ang legal na sistema sa maraming bansa ay isang organisasyong kumikilos na maayos na idinisenyo upang gawing madali ang diborsiyo. Tutal, ang mga abugado ay kumikita sa paghawak sa mga kaso ng diborsiyo, hindi sa paglutas sa mga problema ng mga mag-asawa.
Gayunman, maaaring magtanong ka, ‘Kung sinusunod at mabisang itinataguyod ng lahat ng mga abugado, terapis, mga kilalang tao sa media, at kahit na ng mga kaibigan at mga kakilala ang mas mapagpasunod na saloobin tungkol sa diborsiyo, hindi kaya totoo ang kanilang sinasabi?’ Maaari kayang maging mali ang napakaraming tao tungkol sa isang bagay na napakahalaga? Ang pagmamasid sa ilan sa mga epekto ng diborsiyo ay tutulong sa atin na masumpungan ang kasagutan.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 1989, pahina 8-9; Mayo 15, 1988, pahina 4-7; Nobyembre 1, 1988, pahina 22-3.
[Larawan sa pahina 7]
Ang ilang “mga eksperto” sa pag-aasawa ay mas sanay sa pagtataguyod sa diborsiyo kaysa sa pagpapanatili sa pag-aasawa