Bahagi 3—Ipinakikita ng Sakim na Komersiyo ang Tunay Nitong Kulay
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo
Bahagi 3—Ipinakikita ng Sakim na Komersiyo ang Tunay Nitong Kulay
SA PASIMULA ng ika-16 na siglo, ang komersiyo sa Europa ay dominado sa hilaga ng Hanseatic League, isang samahan ng mga negosyante sa mga bayan ng Hilagang Alemanya; sa kanluran ng Inglatera at ng Netherlands; at sa timog ng Venice.
Sa loob ng mga dantaon, monopolisa ng Venice ang kalakalan ng pampalasa (spice). Ang mga kasunduang ginawa sa mga Arabe, at nang maglaon sa mga Turkong Ottoman, ay matagumpay na nagsara sa mga rutang pangkalakal sa Silangan sa posibleng mga karibal. Kung hahamunin ng iba ang monopolyong ito, dapat silang humanap ng bagong mga ruta sa Dulong Silangan. Ang paghahanap ay nagsimula. Ang isang resulta ng paghahanap na ito ay ang pagkatuklas at paglupig sa Amerikas.
Noong 1490’s binigyan ng papa ng pahintulot ang Portugal at Espanya para sa isang kampaniya ng panlulupig sa noo’y di-kilalang daigdig. Subalit higit pa sa relihiyosong paniwala ang gumanyak sa dalawang Katolikong kapangyarihang ito. Si Propesor Shepard Clough ay nagkokomento: “Kapagdaka nang ang kanilang karapatan sa bagong tuklas na mga bahagi ng daigdig ay maitatag, ang mga nag-aangkin ay nataranta sa pagkuha ng mga pakinabang sa ekonomiya na makukuha nila mula sa kanilang mga tuklas.” Susog pa niya: “May halos di-likas na kasakiman sa pagmamadaling yumanan ng mga nanguna roon. Narito ang isang kawili-wiling komentaryo kapuwa sa mga motibo sa likuran ng mga paggagalugad at sa umiiral na mga ideolohiya sa Kanluraning daigdig.” Ang kasakiman sa ginto at sa mga kumberte ang nag-udyok sa mga konkistadores na Kastila sa kanilang pandarambong sa Bagong Daigdig o Amerikas.
Samantala, ang Netherlands ay nagiging isang dominanteng komersiyal na kapangyarihan, isang kalakaran na hindi mapigil ng iba pang mga dambuhala sa komersiyo. Sa katunayan, noong kalakaran ng ika-17 siglo, maliwanag na ang Inglatera lamang ang may sapat na lakas upang hamunin ang mga Olandes. Sumidhi ang kompetisyon sa ekonomiya. Sa loob ng 30 taon, noong 1618, dinoble ng Inglatera ang dami ng kanilang mga bapor; noong kalagitnaan ng ika-17 siglo, ang mga bapor na pangkalakal ng Olandes ay mga apat na ulit ng laki ng pinagsamang mga bapor ng Italya, Portugal, at Espanya.
Kaya ang sentro ng komersiyo sa Europa ay lumipat mula sa Mediteraneo tungo sa baybayin ng Atlantiko. Tinatawag itong isang “komersiyal na rebolusyon” at “isang malaking pagbabago ng lugar sa kasaysayan,” sinabi ni Clough na lumikha ito ng isang “mabuting ekonomiya na gumawang posible sa pulitikal at kultural na liderato ng Kanlurang Europa sa kulturang Kanluranin.”
Mga Imperyong Naitayo Hindi Lamang Dahil sa Mabubuting Bagay
Noong 1602 pinagsama ng mga Olandes ang ilang kompanyang pangkalakal na pinangangasiwaan ng kanilang mga negosyante at itinatag ang Dutch East India Company. Noong sumunod na mga dekada, bukod sa pagkakaroon ng bahagyang tagumpay sa komersiyo sa Hapón at Java, pinaalis nito ang mga Portuges sa ngayo’y Kanlurang Malaysia, Sri Lanka, at Moluccas (Spice Islands). “Tulad ng mga Portuges at mga Kastila,” sabi ni Clough, “nais [ng mga Olandes] na panatilihin ang mga pakinabang ng kalakalan sa Silangan tangi sa kanila lamang.” At hindi nakapagtataka! Ang kalakalan
ay totoong kapaki-pakinabang anupa’t noong ika-17 siglo, ang Netherlands ay naging ang pinakamayamang estado sa Kanlurang Europa na may malaking kita ang bawat tao. Ang Amsterdam ay naging sentro ng pananalapi at kalakalan sa Kanluraning daigdig.—Tingnan ang kahon, pahina 23.Ang Denmark at Pransiya ay bumuo ng katulad na mga kompaniya. Subalit ang una, at ang isa na sa dakong huli ay naging pinakamaimpluwensiya, ay itinatag noong 1600, ang English East India Company. Pinalitan nito ang mga Pranses at Portuges sa India. Nang maglaon nangibabaw din ang mga Ingles sa komersiyo sa Tsina.
Samantala, sa Kanlurang Hemispero, ang Dutch West India Company ay nakikipagkalakalan ng asukal, tabako, at mga balahibo ng hayop. At ang Ingles, pagkatapos isama ang Hudson’s Bay Company sa Canada noong 1670, ay abala sa pagsisikap na humanap ng isang daanan sa hilagang-kanluran tungo sa Pasipiko yamang sila’y nakikipagkalakalan sa mga bansang kalapit ng Hudson Bay.
Ang peryudistang si Peter Newman ay nagsasabi na ang labanan sa pagitan ng Hudson’s Bay Company at ng isa sa mga karibal nito, ang North West Company, “ay isang paligsahan sa negosyo para sa mga pamilihan at mga balahibo ng hayop, subalit ito ay agad na nauwi sa paghahangad ng kapangyarihan at teritoryo. . . . Nilutas ng magkabilang panig ang kanilang alitan sa pamamagitan ng pagpapatayan.” Ang tunay na mga biktima ay ang mga Indian na kinakalakalan ng dalawang kompaniya. “Ang alak ang naging kabayaran sa kalakal na balahibo ng mga hayop,” sabi niya, isinusog pa na “ang kalakalang ito ng alak ay nagpasamâ sa mga pamilya at sumira sa kultura ng mga Indian.” a
Kaya lumitaw ang dalawang makapangyarihan at maimpluwensiyang mga imperyo, kapuwa naitayo hindi lamang dahil sa mabubuting bagay—kundi rin naman sa dugo! Ipinakikita ng sakim na komersiyo ang tunay nitong kulay. Gaya ng pagkakasabi ng The Columbia History of the World: “Ang mga Olandes at Ingles ay naglayag sa mga karagatan ng daigdig bilang mga ahente para sa komersiyal na mga kompaniya . . . Para sa mga kompaniyang ito ang motibong pakinabang ang nakahihigit.”—Amin ang italiko.
Pakinabang sa Kapinsalaan ng Iba
Mula noong ika-16 hanggang ika-18 siglo, isang sistema sa ekonomiya na kilala bilang merkantilismo ay lubhang nakaimpluwensiya sa kaisipang Europeo. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagpapaliwanag: “Iginigiit ng [merkantilismo] na ang pagtatamo ng kayamanan, lalo na ang kayamanan sa anyong ginto, ay napakahalaga sa patakarang pambansa. . . . Ang patakaran sa kalakalan na idinikta ng pilosopyang merkantilista ay simple: pasiglahin ang pagluluwas ng kalakal, pigilin ang
pag-aangkat, at kunin ang kabuuang halaga sa ginto ng resultang sobra sa pagluluwas.”Ang pagsasagawa ng patakarang ito ay kadalasang nagbubunga ng malubhang kawalan ng katarungan. Ang mga kolonya ay pinagsamantalahan habang tone-toneladang ginto ang kinumpiska upang makinabang ang inang bayan. Sa maikli, ipinababanaag ng merkantilismo ang malasarili, sakim na saloobin na pinaunlad ng daigdig ng komersiyo mula sa pasimula nito, isang espiritu na umiiral pa rin.
Ang merkantilismo ay may mga kritiko, isa na rito ay ang taga-Scotland na nagngangalang Adam Smith. Isang kilalang sosyal na pilosopo at pulitikal na ekonomista, inilathala ni Smith ang isang pag-aaral tungkol sa ekonomiks noong 1776 na pinamagatang An Inquiry Into the Nature and Causes of the Wealth of Nations. Bagaman salansang sa merkantilismo, si Smith ay hindi nagsalita laban sa paghahangad ng pakinabang na udyok ng sariling-interes. Sa kabaligtaran, iginiit niya na totoo na ang mga tao ay inaakay ng isang “di-nakikitang kamay” na nag-uudyok sa kanila na makibahagi sa kompetisyon sa ekonomiya sa paghahangad ng sariling-interes ng indibiduwal; subalit ang sariling-interes ding iyon, giit niya, ay maaaring kapaki-pakinabang sa lipunan sa kabuuan.
Iminungkahi ni Smith ang teoriya ng laissez-faire (Pranses: “huwag makialam”), ang ideya na hangga’t maaari’y hindi dapat makialam ang mga pamahalaan sa gawaing pangkabuhayan ng mga indibiduwal. Kaya maliwanag na ipinahahayag niya ang ideolohiya ng tradisyunal na kapitalismo.
Ang kapitalismo, ang namamayani ngayon, gaya ng sabi ng ilan, ang pinakamatagumpay na sistema sa ekonomiya, ay ipinakikilala ng pansariling pagmamay-ari ng ari-arian, na may malayang kalakalan sa pagitan ng mga indibiduwal o ng mga kompaniya na nagpapaligsahan sa isa’t isa para sa pakinabang. Ang modernong kasaysayan ng kapitalismo ay nagsimula noong ika-16 na siglo sa mga bayan ng gitna at hilagang Italya, subalit ang mga ugat nito ay maaga pa rito. Ang Propesor Emeritus sa Kasaysayan na si Elias J. Bickerman ay nagpapaliwanag na “ang ekonomikong gamit ng ating salitang ‘kapital,’ mula sa Latin na caput, na nangangahulugang ‘ulo,’ ay galing pa sa katagang Babiloniko na nangangahulugan din ng ‘ulo’ at may gayunding ekonomikong kahulugan.”
Ipinakikita ng komersiyo ang tunay nitong kulay sa paghahangad ng sariling-interes na pang-indibiduwal o pambansa. Halimbawa, hindi ito huminto sa pagpigil sa katotohanan. Sabi ng The Collins Atlas of World History: “Ang tagagawa ng mapa ay isa ring artista sa, at kung minsan ay kontrolado ng, komersiyal na mga estratehiya. Isinisiwalat ng mga tuklas ang di-makalkulang pinagmumulan ng kayamanan. Maaari bang pahintulutan ang tagagawa-ng-mapa na isiwalat ang impormasyong ito sa daigdig? Hindi kaya dapat na inilihim niya ito mula sa potensiyal na mga kakompitensiya? . . . Noong ikalabimpitong siglo, hindi nilathala ng Dutch East India Company ang mga dokumento na maaaring magbigay ng impormasyon sa mga kakompitensiya nito.”
Masahol pa ang nagawa ng komersiyo. Mula noong ika-17 hanggang ika-19 na siglo, ginawa nitong negosyo ang pagbibili ng tinatayang sampung milyong Aprikano sa pagkaalipin, libu-libo rito ang namatay sa paghahatid sa kanila sa Amerikas. Detalyadong inilarawan ng aklat na Roots, ni Alex Haley, at ng pagsasadula rito noong 1977 sa telebisyon ang pangit na trahedyang ito.
Mga Bloke sa Pagtatayo—Paano Gagamitin ang mga Ito?
Buhat sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ang di-sakdal na mga tao ay natuto sa pamamagitan ng trial and error. Hindi sa pamamagitan ng paghahayag ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng walang tigil na pananaliksik o marahil ay di-sinasadya, natuklasan nila ang pangunahing siyentipikong mga katotohanan, na ginamit ng bagong mga imbensiyon. Noong 1750, samantalang ang Gran Britaniya ay lumilipat mula sa isang pansakahang ekonomiya tungo sa isa na dominado ng industriya at ang paggamit ng mga makina, ang ilan sa mga imbensiyong ito—na gaya ng mga bloke sa pagtatayo—ay magagamit sa pagtatayo sa isang bagong daigdig.
Ang windmill, kilala sa Iran at Afghanistan noon pang ikaanim o ikapitong siglo C.E., ay naghanda ng daan para sa pagkatuklas at pag-unlad ng iba pang pinagmumulan ng enerhiya. Subalit maaari bang talikdan ng sakim na komersiyo ang napakalaking pakinabang upang tiyakin na ang mga pinagmumulang ito ay magiging ligtas, malaya sa polusyon, at maaasahan? O sasamantalahin ba nito ang krisis sa enerhiya—marahil ay lilikhain pa ito—alang-alang sa personal na pakinabang?
Ang pulbura, na naimbento sa Tsina noong ikasampung siglo, ay isang malakas na negosyo para sa gawaing pagmimina at konstruksiyon. Subalit magkakaroon kaya ng moral na tibay ng loob ang sakim na komersiyo na huwag kasangkapanin ito upang gawing mga sandata upang payamanin ang mga negosyante ng mga armas sa kapinsalaan ng buhay ng tao?
Ang minoldeng bakal, marahil ay makukuha sa Tsina kasing-aga ng ikaanim ng siglo C.E., ay tagapagpauna ng bakal (steel) kung saan itatayo ang isang modernong daigdig. Subalit handa bang bawasan ng sakim na komersiyo ang mga pakinabang nito upang hadlangan ang polusyon, ang mga aksidente, at ang pagsisiksikan ng tao na dadalhin ng industriyal na panahon?
Panahon ang magsasabi. Sa paano man, ito at ang iba pang mga imbensiyon ay itinadhanang magdadala ng isang pagbabagong pandaigdig na, siya namang aakay sa isang bagay na hindi pa nakita ng daigdig. Basahin sa aming susunod na labas: “Ang Pagbabago sa Industriya—Sa Ano Ito Umakay?”
[Talababa]
a Ang isa pang walang malay na biktima ng sakim na komersiyalismo sa Bagong Daigdig ay ang kawan ng 60 milyong buffalo ng Hilagang Amerika na, sa katunayan, ay nilipol, kadalasang dahil lamang sa balat at sa dila.
[Kahon sa pahina 23]
Ang Negosyo ng Pagbabangko
B.C.E.: Ang sinaunang mga templong Babiloniko at Griego ang nagtatago ng mga perang metal (coin) ng mga nagdedeposito; yamang hindi hinihiling ng lahat sa iisang panahon ang kaniyang perang metal, ang ilan dito ay maaaring hiramin ng iba.
Edad Medya: Nagsimula ang modernong pagbabangko, pinaunlad ng mga negosyanteng Italyano na gumagamit ng naglalakbay na mga klero bilang mga ahente upang maghatid ng mga liham ng kredito mula sa isang bansa tungo sa isa; sa Inglatera sinimulang ipautang ng mga platero ang mga perang idineposito sa kanila na may patubo.
1408: Isang institusyong tinatawag ng ilan na tagapagpauna ng modernong mga bangko ay itinatag sa Genoa, Italya, sinundan ng kahawig na mga bangko sa Venice (1587) at sa Amsterdam (1609). Isang mananalaysay ay nagsasabi na “ang mahusay na paglilingkod ng Bank of Amsterdam ay nakatulong sa paggawa sa Amsterdam na sentro ng pananalapi ng daigdig.”
1661: Ang Bank of Stockholm, isang sangay ng Bank of Amsterdam, ay nagsimulang maglabas ng mga bank note (pangako ng bangko na babayaran ang maydala), isang gawain na nang maglaon ay napasakdal ng mga Ingles.
1670: Ang unang clearinghouse, na nagbukas sa London, ay isang gusali ng bangko para sa pagbabayad ng mutual claims at mga kuwenta; ang pasimula ng modernong tseke, sa taon ding ito, ay nagpapahintulot sa isang parokyano ng bangko na ilipat ang mga resibo ng deposito sa ibang bangko o bahagi ng kaniyang kredito sa ibang indibiduwal.
1694: Ang pagtatatag ng Bank of England, isang bangko na nanguna sa paglalabas ng perang papel (mayggawa ng perang papel).
1944: Paglikha sa International Bank for Reconstruction and Development, tinatawag ding World Bank, isang pantanging ahensiya na nauugnay sa United Nations at idinisenyo upang magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga kaanib na bansa para sa mga proyekto ng muling pagtatayo at pag-unlad.
1946: Ang International Monetary Fund ay itinatag upang “itaguyod ang pagtutulungan sa salapi, mapatatag ang salapi, paglawak ng kalakalan; matugunan mga problema sa balanse-ng-mga-bayarin.”—The Concise Columbia Encyclopedia.
1989: Ang Delors Plan ay nagmungkahi na pagtibayin ng European Community ang iisang pera at magtatag ng isang Bangko Sentral sa Europa sa 1990’s.
1991: Pagbubukas ng European Bank for Reconstruction and Development, isang ahensiya na itinatag noong 1990 ng mahigit na 40 bansa upang magbigay ng pinansiyal na tulong sa pagsasauli sa huminang ekonomiya ng Silangang Europa.
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga Indian, na kadalasang binabayaran ng alak, ay mga biktima ng pakikipagkalakalan sa mga taong puti
[Credit Line]
Harper’s Encyclopædia of United States History