Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat ba Tayong Pumunta sa “Pep Rally”?

Dapat ba Tayong Pumunta sa “Pep Rally”?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat ba Tayong Pumunta sa “Pep Rally”?

‘FIGHT, team, fight!’ ‘Win, win, win!’ Ang mga sawikain ay paulit-ulit na isinisigaw taglay ang sumisidhing sigla at halos-relihiyosong alab. Ang himnasyo ay yumayanig sa kumpas ng musika at sa kalampag ng mga dram. Ang mga batang babae at lalaki na nagagayakan ng makulay na mga kasuotan ang nangunguna sa pagsigaw at mga awit ng tagumpay, kasabay nito ay pinahahanga ang kanilang mga kasama sa akrobatikong mga kilos at masiglang pagsasayaw. Ang mga coach ng team at mga patnugot ng mga manlalaro ay ipinagmamalaki ang katiyakan ng tagumpay. Pagkatapos, sa nakabibinging sigawan ng kanilang mga tagahanga, ang team ng paaralan ay lumilitaw. Ang maraming tao ay napukaw sa labis na katuwaan, at ang katuwaan ay umaabot sa tugatog nito. Kumbinsido sila na ang kanilang team ay mananalo!

Sa maraming paaralan, ang mga pep rally ay isang pangyayari na pinananabikan. At bagaman sa pana-panahon, ang ilang uri ng mga rally ay ginaganap upang lumikha ng sigla para sa iba’t ibang proyekto ng paaralan, ang mga pep rally ay ginaganap may kaugnayan sa dumarating na palaro ng paaralan: football, soccer, baseball, basketball. Para sa maraming kabataan ang isang pep rally ay higit pa kaysa isang pahinga mula sa rutina ng paaralan. Isa itong pagkakataon upang bigyan ng kinakailangang suporta ang team ng paaralan, upang palakasin-loob ang kanilang mga bayani sa isports, upang pasiglahin ang team tungo sa tagumpay! Ang mga pep rally ay nagsisilbi rin upang pukawin ang katapatan sa paaralan at isang diwa ng pagkakaisa sa gitna ng mga estudyante.

Ipagpalagay na, hindi lahat ay mahilig sa isports. Ang ibang estudyante ay basta nasisiyahan sa lakas, katuwaan, at kasayahan ng mga rally. “Panahon ito upang magrelaks at maging hibang,” sabi ng isang kabataan. Sa iba naman, ang mga rally sa isports ay isang pagkakataon upang huwag pumasok sa klase​—o malayang makisama sa mga hindi kasekso. “Panahon ito upang magsama-sama ang mga magkasintahan,” sabi ng isang tin-edyer na lalaki.

Sa paano man, maraming guro ang naniniwala na ang pagsuporta sa palaro ng paaralan ay isang mahalagang bahagi ng prosesong pang-edukasyon. Sa kaniyang aklat na The High School Survival Guide​—An Insider’s Guide to Success, si Barbara Mayer ay sumulat: “Ang sinumang estudyanteng nagtatapos sa high school nang hindi . . . nauupo sa dako ng mga manonood at sumisigaw para sa team ng paaralan . . . ay hindi naranasan ang ilan sa pinakamaligayang panahon at pinakadakilang mga pagkakataon para sa paglaki na maaari niyang makita sa ilang panahon.” Hindi kataka-taka na sa ilang paaralan, ang mga pep rally ay pinapayagang humalili sa regular na mga klase.

Kung ang gayong mga pangyayari ay nagaganap sa inyong paaralan, marahil pinag-iisipan mo ang pagdalo rito. Oo, ikaw man ay maaaring gipitin na dumalo. Ang hindi pagdalo ay maaaring magpangyari sa iba na ituring ka na mapagmataas o hindi tapat. Gayumpaman, may mabubuting dahilan upang ang mga kabataang Kristiyano ay huwag dumalo.

Matinding Katuwaan o Panatisismo?

Ang Bibliya ay hindi laban sa isports. Kinikilala ng Bibliya na “ang ehersisyo ng katawan ay may halaga.” (1 Timoteo 4:8, Today’s English Version) Maraming Kristiyano​—bata’t matanda—​ay nasisiyahan kapuwa sa panonood o pakikilahok sa iba’t ibang isports. Kung pananatilihin sa katamtaman, ang isports ay maaaring maging kasiya-siya, kapaki-pakinabang. a

Gayunman, maaaring baguhin ng mga pep rally ang mahusay na kasiglahan sa isports tungo sa nakamamatay na panatisismo o sigasig. Sa sinaunang Roma, sang-ayon sa aklat na Sports and Games in the Ancient World, “ang masigabong palakpakan, paghihiyawan at pagsisigawan ay maririnig” sa mga palarong Romano. Kung gayon, hindi kataka-taka na “walang salang lumago ang panatisismo.” Noong mga laban ng mga gladyadór, “idinaragdag ng mga manonood sa kanilang mga sigaw ang ‘Patayin mo! Tirahin mo! Hampasin mo!,’ ” manhid sa katotohanan na hinihimok nila ang walang-habag na pagpatay sa isa pang tao.

Ang panatisismo sa isports ay palasak din at hindi kanais-nais ngayon. Pagkatapos ng isang laban sa Europeong soccer kung saan ang karahasan ng mga tagahanga ay nagbunga ng kamatayan ng 38 katao, ipinahiwatig ng magasing Discover na ang dahilan ay ang “diwa ng pagiging di-kilala” na bunga ng pagiging nasa maraming tao. Kaya, ang tao ay nakadarama ng kaunting pananagutan sa kaniyang mga kilos. Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala sa Exodo 23:2: “Huwag susunod sa karamihan sa paggawa ng masama.” Subalit gayon ba kasamâ ang basta pagsisigaw at paghihiyaw para sa team ng isa? Oo. Binabanggit ng magasing Discover na “ang pagsisigaw at paghihiyaw sa isang paligsahan sa isports ay kumakatawan ng isang uri ng berbal na pagsalakay na, para sa ibang tao, ay maaaring madaling mauwi sa pisikal na pagsalakay.”

Kaya nga, posible bang maging kapaki-pakinabang na sumigaw ng mga sawikain at mga tugma na nagpapasigla sa mga manlalaro na durugin ang kanilang mga kalaban? Nagugunita ng kabataang si Gerald ang mga pep rally na dinadaluhan niya noon: “Ang mga ito ay malakas at maingay na mga sigawan. Kung minsan ang maraming tao ay nagiging magulo. Ang mga rally ay parang mga ritwal sa digmaan na nag-uudyok sa amin na magkagulo. Ang mga salitang gaya ng ‘patayin mo,’ ‘tapakan mo,’ at ‘latiguhin mo’ ay laging ginagamit.” Kung minsan ang mga salita ay nagiging aksiyon. Nagugunita ng kabataang si Perry ang isang rally kung saan “ang lahat ay kumuha ng patpat ay pinaghahampas ang isang larawan ng mascot ng kalabang team. Nang ito’y matapos, nasira nila ang mascot.”

Sino ang hindi naaapektuhan ng gayong nakahahawang espiritu ng karahasan? Kaya, taglay ang mabuting dahilan ang Bibliya ay nagbababala: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na ugali.” (1 Corinto 15:33) Gaya ng inamin ng isang kabataang estudyante: “Wala kang magagawa kundi gawin ang ginagawa ng lahat.” At kung hindi ka makibahagi sa karahasan, maaaring magkaroon ng malubhang mga resulta. Alalahanin na ikinatuwa ng sinaunang mga Edomita nang dambungin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem. “Sirain! Sirain ito hanggang sa patibayan niyaon!” sigaw ng mga Edomita. (Awit 137:7) Gayunman, lubusang hinatulan ng Diyos ang kanilang mapaghiganti, marahas na espiritu. (Obadias 1, 8, 12) Maaari bang gayon din ang gawin ng isa ngayon at hindi kamtin ang galit ng Diyos?

Totoo, hindi lahat ng mga pep rally​—at hindi lahat ng mga paligsahan sa isports—​ay marahas. Subalit kahit na kung umiiral ang kaunting kahinahunan, angkop ba para sa isang Kristiyano na sumigaw ng mga sawikain na nagpapahayag ng panatikong katapatan o marahil ay mapagsambang saloobin sa isang paaralan o isang team sa isports? (Ihambing ang Exodo 20:5.) Ang paghihiyaw ba ng nakagagalit na mga sawikain ay kasuwato ng payo sa Efeso 4:29, 31? Ating mababasa: “Ano mang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig . . . At lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” Ang pagdalo ba sa isang rally na kargado-ng-emosyon ay makatutulong sa iyo na linangin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos, na kasali rito ang “kahinahunan” at “pagpipigil-sa-sarili”? (Galacia 5:22, 23) O paniningasin ba nito ang masamang espiritu ng matinding kompetisyon?​—Ihambing ang Filipos 2:3.

Mangyari pa, iba-iba ang mga kalagayan. Kung minsan ang pagdalo sa mga pagtitipon ng paaralan ay sapilitan, at ang isang pep rally ay maaaring maging isang bahagi ng programa. Ang mga pep rally mismo ay maaaring magkakaiba sa istilo at nilalaman. At bagaman walang istriktong tuntunin ang magagawa kung tungkol sa pagdalo, matalinong ipakipag-usap ng isang kabataang Kristiyano ang gayong mga bagay sa kaniyang mga magulang at timbang-timbangin ang iba’t ibang salik na nasasangkot. (Tingnan ang Kawikaan 24:6.) Kung magpasiya kang huwag masangkot sa mga pep rally, baka kailanganin mong manindigan sa malakas na panggigipit ng mga kasama. Subalit laging tandaan na ang iyong unang katapatan ay sa Diyos​—hindi sa ilang paaralan o team.

[Talababa]

a Tingnan ang serye ng mga artikulo tungkol sa paksang “Isports​—Ano ang Dako Nito?” sa Agosto 22, 1991, na labas ng Gumising!

[Kahon sa pahina 13]

‘Gusto Kong Maging Isang Cheerleader!’

Maraming kabataang babae​—at mga lalaki—​ang naghahangad ng prestihiyo, pagkilala, at popularidad na nanggagaling sa pagiging isang cheerleader. “Pinasisigla nito ang iyong espiritu na pukawin sa mga tao ang matinding damdamin at tuwa,” sabi ni Lisa, isang babaing sinipi sa magasing Seventeen. “At ang sarap ng pakiramdam na ang lahat ay nakatingin sa iyo!” Ang ibang kabataan ay naaakit sa sosyal na mga posibilidad na iniaalok ng pagiging cheerleader. Nang ang kabataang si Hannah ay kinakalap na sumali sa tryout, siya’y sinabihan: “Gagawin ka nitong popular at makakasama mo ang mga lalaki.” Sinasabi ng ilang batang babae na ang pagiging cheerleader ay nagpataas ng kanilang pagpapahalaga-sa-sarili.

Gayumpaman, ang buhay ng isang cheerleader ay hindi pawang mga pom-pom at akrobatikong mga paglukso. Kadalasang may matinding kompetisyon sa mga tryout; ang ika’y di matanggap ay maaaring maging traumatiko. Maaaring umiral ang lantarang matinding pagkapoot sa pagitan ng mga pangkat mula sa magkaribal na mga paaralan. Isa pa, ang ilan sa masalimuot na mga rutina sa pagiging cheerleader ay humihiling halos ng kasanayan ng mga Olympic gymnast. Karaniwan ang mga pinsala. Kaya ang mga cheerleader ay kailangang gumugol ng mahabang oras sa bawat linggo sa pag-eensayo. Gaya ng sabi ng isang manwal tungkol sa pagiging cheerleader, ang isa ay dapat na “maging natatalaga sa pagiging cheerleader at sa pangunguna sa pag-awit bilang isang paraan ng buhay.”

Talaga bang ang isang Kristiyano ay maaaring maging “natatalaga” sa isang bagay na walang saysay na gaya ng pagtaguyod sa espiritu ng paaralan? Hindi nga; ni magiging angkop man para sa isang kabataang Kristiyano na himukin ang maraming tao na sumigaw ng mga sawikain o umawit ng mga awit na lumuluwalhati sa karahasan o umiidolo sa mga team at mga bayani ng isports. At, gaya nang nabanggit kanina, ang panganib ng “masasamang kasama” ay totoong nakababahala. (1 Corinto 15:33) At, huwag nating kalimutan ang maliwanag na mga problema na maaaring ibunga ng pagpaparada​—at pagsasayaw—​sa hindi mahinhing kasuotan na karaniwang hinihiling na isuot ng mga cheerleader.​—1 Timoteo 2:9.

Lahat ng bagay ay naisaalang-alang na, maliwanag na ang pagiging cheerleader ay hindi nararapat para sa isang kabataang Kristiyano. Ang kaniyang pag-aalay kay Jehova ay mas mahalaga.

[Larawan sa pahina 12]

Ang espiritu bang pinupukaw sa mga pep rally ay kasuwato ng mga simulaing Kristiyano?