Diborsiyo—Ang Mapait na Bunga Nito
Diborsiyo—Ang Mapait na Bunga Nito
HINDI ang mga abugado o ang mga kaibigan o ang media o ang “mga eksperto” ang nagdurusa ng mga kahihinatnan ng diborsiyo. Ito’y ang mag-asawang nagdidiborsiyo—at ang kanilang mga anak—na siyang nagdurusa sa wakas. a Malayo sa pagiging isang nakapagpapalayang karanasan, ang diborsiyo ay maaaring pagbayaran ng napakalaking halaga.
Sa The Case Against Divorce, inaamin ni Diane Medved na ang orihinal na layon niya ay sumulat ng isang aklat na magiging “moral na neutral” tungkol sa diborsiyo. Gayunman, napilitan siyang baguhin ang kaniyang isip. Bakit? Siya’y sumulat: “Simple lang, natuklasan ko sa aking pananaliksik na ang proseso at ang epekto ng diborsiyo ay lubusang kapaha-pahamak—sa katawan, isipan, at espiritu—anupa’t sa napakaraming kaso, ang ‘lunas’ na dulot nito ay tiyak na masahol pa sa ‘sakit’ ng pag-aasawa.”
Si Ann, na nabanggit sa naunang artikulo, ay sumasang-ayon: “Akala ko ang diborsiyo ay magiging isang paglaya. Akala ko basta ko malalabasan ang pag-aasawang ito, pagkatapos ay ayos na. Subalit bago ang diborsiyo, sa paano man ang matinding hapis ay nagpangyari sa akin na madama kong ako’y buháy. Pagkatapos kong madiborsiyo, para bang ako’y wala nang buhay. Napakalaki ng kahungkagan anupa’t para bang ako’y hindi umiiral. Nakatatakot. Hindi ko mailarawan ang nadama kong kalungkutan.” Pagkatapos ng diborsiyo, ang malabong mga pangako ng kalayaan at katuwaan ay naglaho sa malungkot na mga katotohanan ng araw-araw na pamumuhay at pananatiling buháy.
Ang tiyak na katotohanan ay, kahit na kung may lehitimong dahilan para sa diborsiyo, ang mga resulta nito ay maaaring maging masakit at nagtatagal. Kaya ang sinumang nagbabalak gumawa ng gayong marahas na pagkilos ay makabubuting sundin muna ang payo ni Jesus: ‘Tayahin ang halaga.’ (Lucas 14:28) Espisipiko, ano ang ilang halaga, ilan sa masakit na mga epekto ng diborsiyo?
Emosyonal at Moral na mga Epekto
Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na inilathala sa Journal of Marriage and the Family na ang diborsiyo ay nauugnay sa kalungkutan at panlulumo. Ang mga diborsiyado ay mas malamang na manlumo, at yaong nagdiborsiyo na mahigit sa isang beses ay malamang na mas madalas manlumo. Ang sosyologong si Lenore Weitzman, sa kaniyang aklat na The Divorce Revolution, ay bumabanggit na ang diborsiyado at hiwalay sa asawa ay may pinakamataas na bilang ng napapasok sa mga ospital para sa may problema sa isip o emosyon; mas marami rin sa kanila ang dumaranas ng karamdaman, maagang kamatayan, at pagpapatiwakal.
Sa kaniyang pag-aaral ng 200 katao, nasumpungan ni Medved na iniwan ng diborsiyo ang mga lalaki’t babae na ligalig ang damdamin sa loob ng katamtamang pitong taon, ang iba ay sa loob ng mga dekada. Natuklasan niya, ang isang bagay na hindi apektado ng diborsiyo ay ang nakapipinsalang huwaran ng paggawi na umakay sa mag-asawa na magdiborsiyo. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang pangalawang pag-aasawa ay mas malamang na mabigo kaysa unang pag-aasawa!
Malayo sa pagpapabuti ng paggawi, ang diborsiyo ay kadalasang may marahas at negatibong epekto sa moralidad. Nasumpungan ng mga mananaliksik na pagkatapos ng diborsiyo, karamihan ng mga lalaki’t babae ay sandaling pumapasok sa isang uri ng ikalawang pagbibinata o pagdadalaga. Natitikman nila ang kanilang bagong-tuklas na kalayaan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng sunud-sunod na bagong romantikong mga kaugnayan upang itaas ang bumabagsak na pagpapahalaga-sa-sarili o upang malunasan ang pag-iisa. Subalit ang pakikipag-date sa gayong makasariling dahilan ay maaaring umakay sa imoralidad sa sekso, na nagdadala ng mahabang listahan nito ng kalunus-lunos na mga resulta. At ito’y partikular na nakapipinsala sa isipan at damdamin at nakapipinsala sa mga bata na
makita ang kanilang mga magulang na kumilos sa ganitong paraan.Gayunman, kadalasan na ang mag-asawang nagdidiborsiyo ay sumasang-ayon at itinataguyod na ang propaganda ng sanlibutan na ang kani-kanilang pangangailangan at pagkabahala ang nauuna. Kaya, pinagmamatigas nila ang kanilang sarili sa kirot na idudulot nila sa buhay niyaong nakapaligid sa kanila—ang buhay ng kanilang mga anak, ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kaibigan. Nakalilimutan din ng iba na ang Diyos man ay maaaring magdamdam kapag binabale-wala natin ang kaniyang mga pamantayan. (Ihambing ang Awit 78:40, 41; Malakias 2:16.) Ang diborsiyo ay maaari ring maging lubhang nakagagalit na bagay, lalo na kung ito’y nauuwi sa legal na mga labanan sa pangangalaga at ari-arian.
Pinansiyal na Kapahamakan
Si Lenore Weitzman ay naghinuha pa na ang diborsiyo ay isa ring “pinansiyal na kapahamakan” para sa mga babae sa Estados Unidos. Sa katamtaman, binabawasan nito ng kalahati ang kanilang mga laang salapi para sa mahahalagang bagay na gaya ng pagkain, pabahay, at init. Natuklasan niya, ang kanilang pamantayan ng pamumuhay ay bumaba sa nakapanlulumong 73 porsiyento pagkatapos ng diborsiyo!
Inaasahan niyang masumpungan na ang moderno, “naliwanagang” mga batas ukol sa diborsiyo ay magsisilbing isang proteksiyon para sa mga babae. Sa halip, nasumpungan niya na ang mga babae ay iniulat na nakadarama ng kawalang pag-asa at dukhang-dukha pagkatapos ng diborsiyo. Binabanggit nila ang tungkol sa biglang pagbaling sa mga programa ng tulong na nakukuha buhat sa gobyerno, mga selyo para sa rasyong pagkain, pabahay na laan ng gobyerno o ng ibang institusyon, at mga bahay-kalakal na nagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan. Ganap na 70 porsiyento ng mga babaing kinapanayam niya ang nag-ulat na sila ay patuloy na nag-aalala kung paano magkakaroon ng sapat na pera upang ibayad sa kanilang mga pagkakautang. Ang iba ay nakadarama ng labis na takot, kabiguan, at nakukulong pa nga sa bahay na kasama ng kanilang mga anak, na walang panahon para sa kanilang sarili.
Ganito ang nagugunita ng isang kabataang lalaki na tatawagin nating Tom, na ang mga magulang ay nagdiborsiyo noong siya ay walong taóng gulang: “Bueno, nang iwan kami ni Itay, lagi kaming may pagkain, subalit walang anu-ano, ang isang lata ng soda ay isang luho. Hindi namin makayang bumili ng bagong mga damit. Si Inay ang tatahi ng lahat ng aming kamisadentro para sa amin. Kapag tinitingnan ko ang mga larawan naming mga bata noong panahong iyon, isa itong malungkot na larawan ng mukhang masasakting tao.”
Yamang ang pangangalaga sa mga bata ay karaniwang napupunta sa mga babae at maraming ama ang hindi nagbibigay ng sustento sa bata—na kadalasa’y maliit lamang—mas malamang na papaghirapin ng diborsiyo ang mga babae kaysa mga lalaki. Gayumpaman, hindi rin pinayayaman ng diborsiyo ang mga lalaki. Binabanggit ng aklat na Divorced Fathers na ang legal na mga gastusin lamang ay maaaring kumuha ng kalahati ng taunang aktuwal na kita ng lalaki. Ang diborsiyo ay mapangwasak din sa damdamin ng mga asawang lalaki at mga ama. Hirap na hirap ang kalooban ng marami na sila ay wala kundi mga bisita sa buhay ng kanilang mga anak.
Ingatan ang Inyong Pag-aasawa!
Kung gayon, hindi kataka-takang malaman na sa isang pag-aaral ng mga taong isang taon nang diborsiyado, 81 porsiyento sa mga asawang lalaki/ama at 97 porsiyento ng mga asawang babae/ina ang umaamin na ang diborsiyo ay maaaring isang pagkakamali at na dapat sanay ginawa nila ang lahat ng kanilang magagawa upang iligtas ang kanilang pag-aasawa. Parami nang paraming “mga eksperto” ang balisang umuurong sa kabalyerong mga saloobin tungkol sa pag-aasawa na dating itinataguyod nila. Binanggit kamakailan ng Los Angeles Times: “Taglay ang mahigit na 25 taon na pagmamasid sa mga resulta, maraming terapis . . . ang gumagawang masikap upang iligtas ang pag-aasawa.”
Mangyari pa, ang pag-urong ay madali para sa “mga eksperto.” Ang kailangan lamang nilang gawin, wika nga, ay sabihin, “Oops! Ikinalulungkot ko!” at simulang magpahayag ng ibang mensahe. Hindi napakadali para sa libu-libong tao na sinunod ang kanilang payo. Gayunman, ang mga biktima ng diborsiyo ay maaaring matuto ng mahalagang mga leksiyon buhat sa kanilang mapait na karanasan, gaya niyaong binabanggit sa Awit 146:3, 4: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”
Ang mga kaibigan, terapis, abugado, o mga kilalang tao sa media ay wala kundi mga di-sakdal na
tao. Kaya kung kailangan natin ng payo tungkol sa pag-aasawa, bakit tayo aasa tangi sa kanila? Hindi ba mas matalinong bumaling muna sa Diyos na Jehova, ang Nagpasimula ng pag-aasawa? Ang kaniyang mga simulain ay hindi nagbabago na kasabay ng nagbabagong mga opinyon ng “eksperto.” Ang mga ito ay napatunayang totoo sa loob ng mga milenyo, at mabisa pa rin ngayon.Natanto ito nina Andrew at Ann pagkaraan ng ilang panahon pagkatapos nilang magdiborsiyo. Nakita nila na ang kanilang diborsiyo ay isang malaking pagkakamali. Gayunman, kapansin-pansin na hindi pa huli ang lahat para sa kanila. Nagkabalikan sila at muling nagpakasal. At sinimulan nilang baguhin ang kanilang pag-iisip. “Natanto ko,” gunita ni Andrew, “na ako ay bagsak sa moral, at kailangan ko ng tulong. Sa unang pagkakataon sa loob ng mga taon, nanalangin ako tungkol dito. Nais kong gawin kung ano ang tama; kaya’t inihinto ko ang aking ginagawa at itinakwil ko ang lahat ng pamantayang napulot ko sa sanlibutan. Ayaw ko na ang mga ito.”
Gayundin ang sabi ni Ann: “Ang dahilan kung bakit kami ay magkasama ngayon, nasa likuran namin ang nakatatakot na kahapon, ay sapagkat kami kapuwa ay nagnanais na maging tama sa paningin ni Jehova. At talagang nais naming magtagumpay ang aming pagsasama.” Hindi iyan nangangahulugan na ito’y naging madali mula noon. “Palagi naming binabantayan ang aming kaugnayan ngayon, tulad ng isang bantay na aso. At kung ang isa sa amin ay nag-aakalang ito’y lumalayo, pinag-uusapan namin ito.”
Sina Andrew at Ann ay nagpapalaki ngayon ng dalawang magagandang anak. Si Andrew ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyong ng mga Saksi ni Jehova. Mangyari pa, ang mga bagay ay hindi lubusang sakdal. Walang pag-aasawa ang kailanma’y sakdal sa matandang sanlibutang ito. Paano nga magiging gayon, kung pinag-iisa nito ang dalawang di-sakdal na mga tao? Iyan ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay nagbababala sa atin na mula nang pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, ang pag-aasawa ay nagdala ng isang antas ng ‘kapighatian sa laman.’ (1 Corinto 7:28) Kaya, ang pag-aasawa ay hindi basta pinapasok; sinumang nagbabalak mag-asawa ay dapat gumugol ng sapat na panahon upang makilala ang mapapangasawa. At minsang pasukin ito, ang pag-aasawa ay kasinghusay lamang ng pagsisikap na ibinibigay rito.
Maliwanag, kung gayon, ang diborsiyo ay hindi isang magaang na bagay. Kapag ang diborsiyo ay tila man din kinakailangan o hindi maiiwasan, tiyak na mabibigyan tayo ng Diyos ng tulong na kailangan natin upang matiis ang mahihirap na panahon na maaaring kasunod nito. Subalit kung susundin natin ang hilig ng sanlibutan sa pagtanggap sa mababang pangmalas sa banal na institusyon ng pag-aasawa, sino ang magsasanggalang sa atin mula sa mga resulta ng gayong kahangalan? Kaya ingatan ang inyong pag-aasawa. Sa halip na maging handa na itapon ito kapag ang mga bagay ay hindi mabuti, ituon ang inyong mga pagsisikap sa paglutas sa mga problema. Sikaping ayusin ang pag-aasawa sa halip na kumuha ng di-mababagong hakbang at sirain ito. Tumingin sa Salita ng Diyos para sa praktikal na mga kasagutan sa mga problema sa pag-aasawa. b Naroroon ang mga lunas. At ang mga ito ay mabisa.
[Mga talababa]
a Para sa impormasyon tungkol sa mga epekto ng diborsiyo sa mga anak, tingnan ang Abril 22, 1991, na labas ng Gumising!
b Tingnan ang Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, lathala ng Watchtower Bible & Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 10]
Ingatan ang inyong pag-aasawa sa paggawang magkasama bilang isang pamilya