Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay Salamat sa mga artikulong “Tulong Para sa Nag-aagaw-Buhay.” (Oktubre 22, 1991) Ang aking kapatid na babae ay nagkaroon ng tumor sa utak at kami’y sinabihan ng doktor na maaari nilang pahabain ang kaniyang buhay [sa pamamagitan ng natatanging medikal na paraan] o kaya’y hayaan na lamang kung ano ang kahinatnan ng karamdaman. Ito’y mahirap na pasiya, subalit sa wakas ay nagpasiya kami na piliin ang huling banggit. Gayunman, pagkamatay niya ay nakadama kami na para bang kami’y nagkasala. Kaya gayon na lamang ang nadama kong ginhawa pagkatapos kong basahin ang mga artikulo. Maraming-maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng kaaliwan at tulong sa tamang panahon!
A. L. M. A., Brazil
Mga Pamilya Maging Malapít sa Isa’t Isa Nais lamang naming ipahayag ang aming pagpapahalaga sa maganda ang pagkakasulat na mga serye na “Mga Pamilya—Maging Malapít sa Isa’t Isa Bago Maging Huli ang Lahat.” (Setyembre 22, 1991) Palibhasa’y naging mga magulang kami sa isang kahanga-hangang anak na lalaki kamakailan, nasiyahan kami sa personal na mga komento tungkol sa pagpapalaki ng mga anak na inilahad ng mga magulang mula sa buong daigdig. Inaasahan at idinadalangin namin na sana’y mapalaki rin namin ang aming anak na lalaki “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
R. S. at J. L. S., Estados Unidos
Mga ilang panahon na, nais kong sabihin sa inyo kung gaano ko pinahahalagahan ang inyong mga artikulo. Subalit pagkabasa ko sa labas tungkol sa pagpapatibay sa mga ugnayan ng pamilya, kailangang sulatan ko kayo upang pasalamatan kayo. Ako’y nagsilang mga ilang buwan na ang nakalipas, at kami ng mister ko ay gagawa ng lahat ng aming makakaya upang ikapit ang mga mungkahing ito.
S. D., Italya
Pagbabasa Ako po ay isang kabataan at mahilig akong magbasa. Gayunman, hindi ko laging nauunawaan ang aking binabasa, at hindi ko gaanong pinapansin ang mahihirap na salita. Ang artikulong “Magbasa Upang Palawakin ang Iyong Kaalaman” (Hulyo 22, 1991) ay nakatulong sa akin na sumulong sa bagay na ito.
A. R. B., Brazil
Sa nilakad-lakad ng mga taon sinikap kong basahin ang lahat ng mga labas ng Ang Bantayan at Gumising! subalit hindi ko nagawang basahin, bagaman may iskedyul ako na kabilang rito ang pagbabasa sa mga ito. Tinulungan ako ng inyong artikulo na matanto na ang aking problema ay ang hindi mabuting ugali sa pagbabasa. Pinasasalamatan ko ang mga mungkahi kung paano mapabubuti ang aking pagbabasa.
A. K. F. M., Brazil
Mga Ospital Ipahintulot ninyong magkomento ako tungkol sa seryeng “Mga Ospital—Paano Mo Pakikitunguhan?” (Marso 8, 1991) Ako’y apat na beses na naospital noong nakaraang taon. Nadama kong ako’y walang laban at walang pananggalang. Kung magtatanong ako tungkol sa aking kalagayan, paraan ng paggamot, at masamang mga epekto ng medisina, ipinalalagay ito ng aking mga doktor na kawalan ng pagtitiwala. Sasabihin pa nga nila, ‘Hindi kayo kailangang maospital. Makauuwi na kayo.’
R. A., Czechoslovakia
Ang ideya tungkol sa mga karapatan ng pasyente ay hindi pansansinukob na tinatanggap bagaman ang mga karapatang iyon ay mabilis na kinikilala sa maraming lugar. Ang mga Hospital Liaison Committee na itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon na ng tagumpay sa pagtatamo ng pakikipagtulungan ng mga doktor. Subalit sa mga lugar kung saan ang mga karapatan ng mga pasyente ay hindi pa iginagalang, mapabubuti ng mga indibiduwal ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng matulungin at maunawaing kaugnayan sa kanilang mga manggagamot bago pa kailanganin ang pagpapaospital. Sa tuwina’y matalino para sa isang Kristiyano na pakitunguhan ang medikal na mga tauhan sa mabait at magalang na paraan.—ED.
Pag-iwas sa Panliligalig Pinahahalagahan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Siya Maitataboy?” (Mayo 22, 1991) Bagaman ang artikulo ay pangunahin nang inilathala para sa mga babae, kaming mga lalaki ay maaaring may matutuhan mula rito. Kamakailan lamang ay nakaharap ko ang kahawig na problema sa isang babaing tinukso ako na isapanganib ang aking pakikipagkaibigan sa Diyos! Ang inyong artikulo ay dumating sa tamang panahon at tinulungan ako na harapin ang kalagayan.
E. K. O., Ghana
Tingnan ang aming labas ng Oktubre 8, 1991 para sa espisipikong mga mungkahi na patungkol sa mga lalaki na nakakaharap sa gayong mga kalagayan.—ED.