Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nang Umulan ng Buhangin

Nang Umulan ng Buhangin

Nang Umulan ng Buhangin

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pilipinas

SABADO, Hunyo 15, 1991, ay isang araw na hinding-hindi malilimot ng karamihan ng mga residente sa gitnang Luzon. Waring hindi kapani-paniwala, ito ang araw nang umulan ng buhangin sa luntiang mga burol at palayan ng mga lalawigan ng Pampanga, Tarlac, at Zambales sa Pilipinas. Kung ano ang aktuwal na nangyari noong araw na iyon at kung paano naapektuhan nito ang mahigit na dalawang milyong residente ng lugar na ito, pati na ang 2,900 mga Saksi ni Jehova, ay kapuwa makabagbag-damdamin at nakapagtataka.

Kakaunting buhay ang nasawi, yamang ang maagang mga babala ay ibinigay ng mga bulkanologo na sumusubaybay sa pagyanig ng Bundok Pinatubo. Nilisan ng libu-libong katutubong Ita ang gilid ng bundok bago nangyari ang malaking pagputok ng bulkan, at lahat ng mga residente na nakatira 20 kilometro paikot ng Bundok Pinatubo ay hinimok na humanap ng kaligtasan sa ibang lugar. Dalawang araw bago ang malaking pagsabog noong Hunyo 12, inilikas ng Hukbong Panghimpapawid ng E.U. ang karamihan ng mga tauhan nila mula sa Clark Air Base sa paanan ng Bundok Pinatubo tungo sa base na pandagat malapit sa Lungsod ng Olongapo, ang pinakamalaking operasyon mula noong Digmaang Pandaigdig II. Ang pagtatasa ng kagalingan para sa mga babala ay ibinigay ng propesyonal na heologong si Richard J. Purser nang siya’y sumulat ng isang bukás na liham sa mga mamamayang Pilipino, na nagsasabi: “Kayo ay pinaglingkurang mainam ng Phivolcs [Philippine Institute of Volcanology and Seismology] at ang kanilang payo ay malinaw at makatuwiran at siyentipikong wasto.”

Ulat ng Nakasaksi

Si Esther Manrique, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova na naninirahan sa Subic, Zambales, mga 30 kilometro mula sa Bundok Pinatubo, ay nag-uulat kung ano ang katulad noong mga araw nang umulan ng buhangin. Sabi niya: “Ito’y nagsimula noong Miyerkules ng umaga, Hunyo 12. Habang kami’y nasa larangan ng ministeryo, karamihan ng mga tao ay pinagmamasdang mainam ang isang kataka-takang tanawin. Isang ulap, hugis-kabute, parang isang pagsabog ng bomba atomika, ay nag-anyo sa ibabaw ng Bundok Pinatubo. Pagkaraan ng ilang minuto, umulan​—hindi ng tubig; sa halip, nahulog ang mga butil ng buhangin.

“Umulan muli ng buhangin noong Huwebes. Noong Biyernes ng hapon mga bandang alas dos, biglang nagdilim, at umulan ng buhangin at putik sa lahat ng dako. Ang mga empleado at mga batang mag-aaral ay agad na pinauwi. Yaong mga naglakad nang walang payong ay parang naglalakad na mga bato dahil sa buhangin at putik.”

Mga bandang alas siyete noong Sabado ng umaga, ang langit ay nagdilim sa loob ng halos isang oras. Binanggit ni Celestino Layug ng Porac, Pampanga, ang tungkol sa pambihirang pangyayari nang gabing iyon: “Ang kidlat noong Sabado ng gabi ay walang katulad. Mga kulay na pula at rosas ay nakita kasama ng karaniwang puti at maasul-asul na kulay. Kasabay nito, paulit-ulit na nararamdaman ang mga paglindol.”

Kung Ano ang Nangyari

Ang heologong si Richard Purser ay sumulat: “Kung ang Hollywood ay sumusulat ng iskrip ay walang maniniwala sa kuwentong may 10 malalaking pagsabog, 3 tektonikong lindol at isang malakas na bagyo sa iisang gabi. Ang katotohanan ay maaari ngang maging pambihira kaysa kathang-isip.” Sa isang panayam sa telebisyon, tinataya ng direktor ng Phivolcs, si Raymundo Punongbayan, na batay sa laki ng bunganga ng bulkan, halos 2 kilometro cubiko ng bulkanikong mga bagay ang ibinuga sa atmospera.

Anong puwersa ang kinakailangan upang pakilusin ang pagkarami-raming materyales na ito? Ang heologong si Purser ay nagsabi: “Ang enerhiya na kinakailangan upang pakilusin ang 2 bilyong metro cubiko (5 bilyong tonelada) sa katamtamang 17.5 kilometro paitaas ay katumbas ng isang 25 megaton ng sandatang nuklear (1,500 ulit na kasinlakas ng bombang inihulog sa Hiroshima).”

Mangyari pa, hindi lahat ng abo at buhangin ay nahulog sa Pilipinas. Ang kaunting pag-ulan ng abo ay iniulat sa ibayo ng South China Sea sa Vietnam at Cambodia gayundin sa Singapore at Malaysia. Kahit na sa Tsina, naapektuhan ang lagay ng panahon. “Ang mga meteorologong sinipi sa opisyal na Intsik na balita noong Miyerkules ay nagsabi na sinira ng usok, abo at mga gas sa atmospera ang normal na lagay ng panahon, na nag-iiwan sa masaganang mga lalawigan sa gawing timog na nakakaharap ang tagtuyot samantalang malakas na ulan naman ang humampas sa hilaga.”

Sa Hawaii, ang Hulyo 11 ay magdadala ng malaon nang pinananabikang eklipse ng araw. Gayunman, ang pinong mga alabok na natipon sa atmospera ng lupa bilang resulta ng pagputok ng Bundok Pinatubo ay humantong sa pagkasiphayo sa bahagi ng maraming siyentipiko. Si Donald Hall, direktor ng Institute for Astronomy sa University of Hawaii, ay nagsabi: “Nakasasama nga ng loob na pagkatapos matulog sa loob ng 600 o 700 taon, ang bulkan ay hindi pa naghintay ng isa o dalawa pang linggo bago sumabog.”

Ang mga Epekto at Ibinigay na Tulong

Hindi kukulanging 18 bayan at 2 lungsod malapit sa Bundok Pinatubo ang dumanas ng matagal na pag-ulan ng abo at buhangin. Libu-libong gusali, kasali na ang walong Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, ay lubusang nagiba nang bumagsak ang mga bubong dahil sa bigat ng buhangin, gayundin ng tubig dala ng bagyo. a Ang presidente ng Pilipinas, si Corazon Aquino, sa kaniyang talumpati tungkol sa kalagayan ng bansa noong Hulyo 22, ay nagsabi: “Ang pagputok ng Bundok Pinatubo ang pinakamalaki sa siglong ito. . . . Ito’y totoong mapangwasak anupa’t sinira nito ang 80,000 produktibong ektarya sa ating agrikultura, at niwasak ang komersiyo ng hindi kukulanging tatlong lalawigan. . . . Ito’y isang pangyayaring napakalakas anupa’t nilipol nito ang pinakamalaking base militar sa Pasipiko.”

Libu-libo, pati na ang daan-daang mga Saksi ni Jehova, ang tumakas sa kanilang mga tahanan at mga kabuhayan. Nang dumating ang mga tawag upang humingi ng tulong sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower noong Hunyo 15, mga sentro para sa nagsitakas ang itinatag sa kalapit na mga Kingdom Hall at dalawang Assembly Hall. Lunes ng umaga, Hunyo 17, nakita ang dalawang pangkat ng mga Saksi buhat sa tanggapang sangay na nagsimula ng pag-iinspeksiyon sa mga lugar na sinalanta. Nang ang kanilang mga ulat ay tinanggap kinabukasan, ang naglalakbay na mga ministro ay tinagubilinan na gumawa ng mas malawak na mga pagdalaw sa apektadong mga Saksi, dinadalhan sila ng karagdagang mga suplay ng pagkain, tubig, at medisina. Kasabay nito, mga tulong na salapi ay tinanggap sa tanggapang sangay mula sa mga Saksi sa Metro Manila gayundin sa iba pang panig ng bansa na hindi apektado ng pagputok. Napansin ng mga indibiduwal na hindi mga Saksi ni Jehova ang tulong na ibinigay. Isang tao ang narinig na nagsabi: “Kayong mga Saksi ay talagang maalalahanin, agad na tumutugon.”

Mga Lahar​—Walang Tigil na Panganib

Agad na naidagdag ng mga mamamayan sa sentral Luzon ang isang bagong salita sa kanilang bokabularyo, ang lahar, ibig sabihin ay ang agos ng putik na naglalaman ng mga labí ng bulkan. Saklaw ng Bundok Pinatubo ang pinagmumulan ng tubig ng hindi kukulangin 13 sapa at ilog. Bagaman hindi ito isang napakataas na bundok, 1,760 metro lamang, ang natipong 2 bilyong metro cubiko ng buhangin at abo sa mga dalisdis nito ay magiging mapangwasak sa mga dakong nasa kahabaan ng mga ilog. Sa katunayan, noong Sabado, Hunyo 15, ang araw ng pinakamalaking pagsabog, pinalis ng mga agos ng putik ang Porac, Guagua, Bacolor at ang Lungsod ng Angeles. Sinira ng lahar na nagtungo sa Ilog ng Abacan sa Lungsod ng Angeles ang tatlong tulay at sinarhan sa trapiko ang expressway, samantalang sa Bacolor ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova pati na ang tirahan ng daan-daan ay napunô ng putik. Sa katapusan ng Hulyo, mahigit na 36,000 tahanan ang nagiba at 61,000 pa ang nasira, na patungo sa pagkagiba.

Bagaman napakalaki ng pagkawasak sa apektadong mga dako at ang potensiyal na banta sa higit pang pagkasira ay malaki, ang kahanga-hangang espiritu ng bayang Pilipino sa pagharap sa gayong sakuna taglay ang kahinahunan ay kapuri-puri. Ang Manila Bulletin, sa editoryal nito noong Hunyo 29, 1991, ay nagkomento: “Sa kabila ng bagay na walang umaasa sa pagputok ng Pinatubo, ang mga tao sa lugar na iyon, ang mga ahensiya ng gobyerno at ang publiko ay waring napananagumpayan naman ang kalagayan. Gaya noong nakaraang lindol, ang nasasaksihan natin ay ang kakayahan ng ating mga kababayan sa pagharap sa mga kahirapan. Kahanga-hanga ang kanilang tibay ng loob at katatagan.”

[Talababa]

a Sa Pilipinas, ang bagyong ito ay pinanganlang Diding at may lakas ng hangin na 130 kilometro nang ito’y magdaan sa gitnang Luzon noong Hunyo 15, 1991.

[Mga mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PILIPINAS

Tsina

[Mapa]

PILIPINAS

Bundok Pinatubo

Lungsod ng Olongapo

Manila

South China Sea

[Mga larawan sa pahina 16]

Bumagsak ang mga bubong ng Kingdom Hall dahil sa bigat ng abo, buhangin, at ulan