Ang Maligalig na Panahon ng mga Tin-edyer
Ang Maligalig na Panahon ng mga Tin-edyer
ANG mga tin-edyer ay napaliligiran ng erotikong mga mensahe. Ang sekso ay ginagamit upang mag-anunsiyo ng lahat ng bagay mula sa sapatos hanggang sa mga jeans. Ang modernong musika ay punô ng seksuwal na mga pasaring. Sa telebisyon ang kaakit-akit na mga adulto ay palipat-lipat mula sa isang seksuwal na karanasan tungo sa isa. Subalit wasto ba ito?
Isang pangunahing pahayagan sa Amerika ang nagsabi na ang “saganang pagpapasok ng seksuwal na mensahe” sa mga programa sa TV sa oras na karamihan ng mga tao ay nanonood nito ay isang “nakababalisa at lubhang iresponsableng hilig sa pagpoprograma.” Tinawag ito ng The Journal of the American Medical Association na ang “pagsasamantala sa mga adolesens sa pamamagitan ng libangan at media sa pag-aanunsiyo.”
Dapat na tiyakin ninyo na nalalaman ng inyong mga anak na hindi lahat ay namumuhay nang gayon. Gaya ng sinasabi, kahit na kung kalahati ng mga 17-anyos na babae sa Amerika ay nakipagtalik na, nangangahulugan pa rin iyan na ang kalahati ay hindi nakipagtalik. Gaya ng sinabi ng dating Kalihim ng Edukasyon ng E.U. na si William J. Bennett: “Hindi ito ginagawa ng ‘lahat,’ at marahil ay nanaisin natin na bigyan ang mga kabataang iyon—kalahati ng ating mga disisiete-anyos—ng suporta at pampatibay.”
Binanggit niya na sa isang surbey na isinagawa sa Grady Memorial Hospital sa Atlanta, Georgia, E.U.A., 9 sa 10 mga babae na wala pang 16 anyos “ay nagnanais malaman kung paano tatanggihan ang pagtatalik.” Matutulungan ba ninyo ang inyong mga anak na maging kumbinsido na, hindi lamang isang mahina at di-tiyak na reaksiyon, kundi isang positibo at maliwanag na hindi ang tamang sagot sa anumang imoral na mungkahi? Matutulungan ba ninyo sila na matalos na igagalang sila ng karapat-dapat na mga tao dahil dito? Gaya ng sinabi ng isang tin-edyer na nagngangalang Emily sa isang pahayagan sa California, E.U.A.: “Ang mga taong higit na iginagalang ay hindi imoral.”
Dapat ninyong tulungan ang inyong mga anak na tin-edyer na matanto na ang sekso ay isang malakas na puwersa—napakalakas anupa’t nagawa nito ang buong lahi ng sangkatauhan. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi ito maaaring supilin. Bagkus, ito’y nangangahulugan na tulad ng isang matulin na isports car, dapat itong gamitin nang wasto, ayon sa mga tuntunin sa daan. Ang pagwawalang-bahala sa mga tuntunin sa isang paliku-likong daan sa bundok ay maaaring humantong sa
sakuna. Ang pagwawalang-bahala sa mga tuntuning bigay-Diyos tungkol sa seksuwal na paggawi ay magkakaroon din ng gayong resulta. Paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak, na mahal na mahal ninyo, na makilala ang katotohanang ito?Turuan Sila na ang Kalinisan sa Moral ay Mahalaga
Ipakipag-usap sa inyong anak na tin-edyer ang mahusay na halimbawa sa Bibliya tungkol sa magandang dalagang Shulamita. May pagmamalaking masasabi niya: “Ako’y isang kuta, at ang aking dibdib ay parang mga moog.” Sa moral na paraan siya ay tulad ng isang di-masasampang pader ng isang kuta na may di-mapapasok na mga tore. At sa paningin ng kaniyang mapapangasawa, siya ay gaya ng isa “na nakasusumpong ng kapayapaan.” Oo, kapayapaan ng isip na hindi binabagabag ng pagsisisi ay isang mayamang pakinabang ng pagiging malinis sa moral.—Awit ni Solomon 8:10.
Subalit paanong ang isang kabataan ay makapananatiling matatag sa moral, tulad ng isang pader? Bago pa bumangon ang mga bagay na iyon, dapat ninyong tiyakin na nalalaman ng inyong nagkakaisip na mga anak ang pangangailangang maging maingat sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kalagayan na maaari, at kadalasan, ay humahantong sa imoralidad. Halimbawa, dapat nilang malaman na kung paanong ang pagmamaneho nang lasing ay maaaring humantong sa sakuna, maaari ring mapahamak ang isa sa isang parti ng mga tin-edyer kung saan ang iba ay nagdadala ng inuming nakalalasing o kung saan walang responsableng adulto ang naroroon.
Gayundin naman, tulungan silang pahalagahan na ang pag-iisa sa bahay (o sa isang apartment) na kasama ng isang kabataan na hindi kasekso ay tulad ng pagbubukas ng pinto sa tukso. Dapat na makitang malinaw ng mga kabataan ang moral na panganib kung hahayaan nila ang sinuman na hindi nila asawa na ilagay ang kamay nito sa kanilang pribadong bahagi ng katawan, pati na sa dibdib. Ipaliwanag sa kanila na ang pang-aakit ay kadalasang nagsisimula sa seksuwal na nakapupukaw na paghipo sa maseselang bahaging iyon ng katawan.—Ihambing ang 1 Corinto 7:1.
Dapat ninyong tulungan ang inyong minamahal na mga anak na matanto na ang tunay na pag-ibig ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagtatalik at na ang pagtatalik sa labas ng pag-aasawa ay masama. Ang ibang mga kabataan ay nakikipagtalik bago pa gumawa ng pangako o commitment ng pag-aasawa. Nakikipagtalik sila sa marami nang hindi nag-aasawa. Pagkatapos, sa paglipas ng panahon ay natatanto nila na talagang kailangan nila ng isang kabiyak, nasusumpungan nila ang kanilang sarili na nag-iisa at abandonado. Totoo, walang sinuman
ang humiling sa kanila ng pangako, subalit wala rin namang nangako sa kanila.Dapat malaman ng inyong mga anak na lalaki at babae na ang kanilang pagkabinata o pagkadalaga ay napakahalaga upang itapon na parang tubig na walang halaga. Tulungan ang inyong anak na maunawaan na ang ganap na kasiyahan sa pagtatalik ay maaari lamang kamtin sa loob ng sagradong kaayusan ng pag-aasawa. Sa maganda, makatang wika, ang Bibliya ay nagsasabi: “Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa mga tulo ng tubig na nanggagaling sa iyong sariling balon. Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, ang iyong mga agos ng tubig sa mga lansangan? Pagpalain nawa ang iyong bukal, at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.”—Kawikaan 5:15, 16, 18.
Bilang maibiging mga magulang, dapat kayong gumawa ng partikular na pagsisikap na ituro ang mga katotohanang ito. Ito ay isang pantanging hamon ngayon, sapagkat ang pagdadalang-tao sa gitna niyaong mga hindi kasal ay karaniwang tinatanggap. Si Lillian, isang obstetric na nars, ay nagsasabi na siya ay hindi na nagugulat na makita ang takot sa mga mata ng isang 15-anyos na binatang ama kapag inilalagay ng isang nagmamalaking lolo sa kaniyang mga bisig ang isang bagong silang na anak na lalaki na hindi niya handa, kusa, o kayang tanggapin.
Binanggit ng isang komentarista sa telebisyon na maraming “dalagita na may mga anak subalit walang asawa” ang kadalasang hindi nakukuhang magtapos ng pag-aaral, magtrabaho, o bigyan ng wastong pagpapalaki ang kanilang mga anak. Ang mga inang tin-edyer na ito, sabi niya, ay “nasilo sa kanilang sariling personal na mga trahedya. . . . Ang karukhaan ay halos hindi maiwasan at ang batang isinilang ay malamang na manatili ring dukha.”
Ang Inyong Mismong Halimbawa
Ang inyo mismong paggawi ay magkakaroon ng malakas na epekto sa inyong mga anak. Kung minsan ito ay totoo sa mas tusong paraan kaysa inaakala ninyo. Ano ang nangyayari kapag ang isang ama ay ugali nang titingin-tingin sa kaakit-akit na mga babae? O kapag sinasabi ng isang ina, “Ang guwapo!” sa nagdaraang makisig na lalaki? Pinasisigla ba ng mga magulang na iyon ang kanilang tin-edyer na mga anak na maging malinis sa moral? Kung ang pisikal na hitsura ang partikular na hinahangaan ninyo, dapat ba kayong magtaka kung higit na hangaan ng inyong mga anak ang makalamang mga katangian kaysa moral, kabaitan, tunay na pag-ibig, o ang pag-aalay ng tao sa Diyos?
Samakatuwid ang pagtuturo sa inyong mga anak ng kung ano ang kailangan nilang malaman tungkol sa sekso ay higit pa ang saklaw kaysa inyong inaakala. Kasali rito ang inyong saloobin, ang espiritu na nililikha ninyo sa sambahayan, ang inyong pagkukusa na turuan nang maaga ang inyong mga anak, gayundin ang halimbawang inyong ipinakikita. Maliwanag, lahat ng ito ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap, subalit malaki ang gantimpala!
Hindi Pa Ninyo Sila Naturuan?
Ngunit kumusta kung ang inyong mga anak ay halos malaki na, at hindi pa ninyo natalakay ang mga bagay na ito sa kanila? Maaaring sabihin mo: “Talagang nagkamali ako sa paghintay nang napakatagal upang ipakipag-usap sa iyo ang tungkol sa mga bagay na ito, ngunit kung maaari’y hangad kong magkaroon ka ng pinakamahusay na buhay anupa’t sisikapin kong gawin ito ngayon.”
Tunay, mas mabuting talakayin ang mga bagay na ito sa inyong mga anak kapag sila’y mas malaki na kaysa hindi ito ipakipag-usap sa kanila. Ang pagtuturo sa inyong mga anak tungkol sa moral ay isang mahalagang pananagutan at isang pribilehiyo. Si Ron Moglia ng New York University ay nagsabi: “Ang sinumang magulang na tinatalikuran ang karapatang kausapin ang kanilang anak tungkol sa sekso ay isinusuko ang isa sa kahanga-hangang karanasan na maaaring maranasan niya.”
Kung kamakailan mo lamang napahalagahan ang moral na mga kahilingan ng Diyos at alam ng iyong mga anak na hindi ka namuhay ayon dito noon, tiyak na nauunawaan nila kung bakit nagbago ka na ngayon. Maaaring imungkahi mo na basahin nila ang magasing ito at saka magsaayos na pag-usapan ang impormasyong ito. Hindi mo dapat isaisang-tabi ito kapag sinabi ng isang kabataan na: “Oh, alam ko nang lahat iyan!” Ang mga katha-kathang nakukuha sa ibang mga kaklase o mga kuwento ng mga kaedad kahit na nga ang karanasan tungkol sa mga gawain ng sekso ay hindi maihahalili sa matinong moral na patnubay. Ang totoo ay na ang kawalang-alam ay maaaring humantong sa kapahamakan.
Ang pagsasanay sa inyong mga anak ay maaaring humiling ng malaking pagsisikap, subalit ang gantimpala ay maaaring maging kahanga-hanga! Gaya ng pagkakasabi ng Bibliya, payak at malinaw: “Ang matuwid na tao ay lumalakad sa kaniyang pagtatapat. Maligaya ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.”—Kawikaan 20:7.
[Larawan sa pahina 9]
Ano ang itinuturo ng telebisyon tungkol sa sekso?
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagwawalang-bahala sa mga tuntunin ng pagmamaneho ay kadalasang humahantong sa malubhang mga problema, gayundin kung tungkol sa pagwawalang-bahala sa mga tuntunin ng maka-Diyos na paggawi