Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bahagi 4—Ang Pagbabago sa Industriya—Saan Ito Umakay?

Bahagi 4—Ang Pagbabago sa Industriya—Saan Ito Umakay?

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo

Bahagi 4​—Ang Pagbabago sa Industriya​—Saan Ito Umakay?

ANG pagbabago sa industriya ay nagsimula noong ika-18 siglo at binago nito ang daigdig na gaya ng nagawa ng ilang bagay noon. Ang teknikal na kaalaman, sapat na kapital, ang makukuhang hilaw na mga materyales, ang posibilidad ng murang paghahatid nito at ng natapos na mga produkto​—ito at ang iba pang mga unang kailangan para sa pagsulong ng industriya ay nagtagpo sa Inglatera. Sinimulan nito ang walang-katulad at mabilis na pagdami sa produksiyon ng mga paninda.

Gayunman, ang paghahanda ng daan ay mga pangyayaring naganap na maaga. Ang karbón (coal), na makukuha sa Britaniya, ay ipinakilala bilang gatong. At, samantalang ang Kontinental na Europa ay ginigiyagis ng relihiyosong mga digmaan, ang Inglatera ay nagtatamasa ng kapayapaan. Ang bansa ay may napakahusay na sistema ng pagbabangko. Kahit na ang pakikipagkasira nito sa Iglesya Katolika Romana ay mahalaga, yamang idiniin ng Protestantismo ang madaling pagbuti ng ekonomiya, sa wari’y, sinisikap lumikha ng isang langit sa lupa.

Simula noong 1740’s, tumaas ang populasyon ng Britaniya. Ang industriya ay kailangang humanap ng bagong mga pamamaraan upang matugunan ang dumaming pangangailangan. Ang kausuhan ay maliwanag na mas marami at mas mahusay na mga makina. Yamang ang sistema ng pagbabangko ay naglalaan ng mga pondo para sa pagtatayo ng bagong mga negosyo, ang pulutong ng mga manggagawa ay nagkulumpulan sa mga pagawaan na punô-ng-makina. Ang mga unyon ng manggagawa, na dati-rati’y ipinagbabawal, ay ginawang legal. Ang mga manggagawang Britano, na hindi gaanong natatakdaan ng mga regulasyon ng mga unyon kaysa mga manggagawa sa Kontinental na Europa, ay binabayaran por piraso na trabaho. Ito’y nagbigay sa kanila ng karagdagang pangganyak upang humanap ng mas mabuting paraan ng paggawa ng mga produkto nang mas mabilis.

Ang Britaniya ay mayroon ding sanay-na-sanay na mga manggagawa. Si Propesor Shepard B. Clough ay nagsasabi na “ang mga unibersidad sa Glasgow at Edinburgh ay walang kapantay sa mga bagay ukol sa siyentipikong pagsisiyasat at pag-eeksperimento noong dakong huli ng ikalabingwalong siglo.” Kaya, pinangungunahan ng Britaniya, ang pagbabago sa industriya ay kumalat sa buong Europa at sa Estados Unidos. Sa nagpapaunlad na mga bansa ito ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon.

Ang Mas Malungkot na Panig

Dahil sa mga pag-unlad na ito, ganito ang sabi ng The Columbia History of the World, “dumating ang kapuna-punang kasaganaan sa mga bayang Ingles, nababanaag sa bumuting mga pamantayan ng pamumuhay, umuunlad na kulturang panlalawigan, at ang lumalagong kapurihan at pagtitiwala.” Ang Britaniya ay “nangibabaw pa nga sa militar, lalo na sa pandagat, na nagbigay rito ng malaking ‘diplomatikong’ kapangyarihan.” Ang pagiging dalubhasa sa ilang prosesong pang-industriya ay nagbigay sa bansa ng kapangyarihan sa ekonomiya sa mga kakompetensiya nito. Ang mga lihim pang-industriya nito ay nakapahalaga anupa’t gumawa ng mga batas upang maingatan itong lihim.

Halimbawa, nang si Samuel Slater ay umalis ng Britaniya noong 1789, itinago niya ang kaniyang pagkakakilanlan sapagkat ang mga manggagawa sa textile ay hindi pinapayagang mandayuhan. Nalusutan niya ang mga batas na nagbabawal sa pagluluwas ng mga plano sa paggawa ng tela sa pamamagitan ng pagsasaulo ng buong plano ng isang Britanong pagawaan ng tela. Ito ay nagpangyari sa kaniya na magtayo ng unang pagawaan ng cotton-yarn na kailanma’y naitayo sa Estados Unidos.

Ang patakaran na pag-iingat sa mga lihim ng negosyo ay umiiral pa rin. Ang magasing Time ay nagkokomento na “tinutugis ng mga kompaniya at mga bansa ang mga lihim ng korporasyon na parang mga pating na takaw na takaw sa pagkain.” Ang pagnanakaw ng kaalaman ng isa ay makapagtitipid ng mga taon ng pananaliksik at malaking gastos. Kaya “ang produkto man ay medisina o mamon, ang mga kompaniya ay abala higit kailanman sa paghahanap ng mga paraan ng pag-iingat sa kanilang mga lihim ng negosyo.” Isang mangangalap sa industriya ng elektroniks ay umamin: “Napakaraming kasakiman sa daigdig ng negosyo. Kung makapapasok ka sa tamang kalagayan, ikaw ay milyonaryo agad.”

Inilalarawan ng industriya ng tela ang isa pang malungkot na panig ng pagsulong ng ekonomiya. Nang gawing posible ng bagong mga pamamaraan sa paghabi ang paggawa ng mga produktong cotton sa pamamagitan ng makina, ang pangangailangan para sa hilaw na cotton ay dumami. Ngunit napakalaking panahon ang kinakailangan upang iproseso ito sa pamamagitan ng kamay anupa’t hindi matugunan ng panustos ang pangangailangan. Pagkatapos, noong 1793, inimbento ni Eli Whitney ang cotton gin (makinang naghihiwalay sa mga buto, balat, at iba pang bagay mula sa cotton). Sa loob ng 20 taon ang ani ng cotton ng E.U. ay lumawak ng 57 ulit kaysa rati! Subalit gaya ng binabanggit ni Propesor Clough, ang imbensiyon ni Whitney ang may pananagutan din “sa pagpapatuloy ng sistema ng asyenda at ng pag-aalipin sa mga Negro.” Kaya bagaman nakatutulong, paliwanag ni Clough, ang cotton gin “ay nakatulong nang malaki sa tensiyon na nangyari sa pagitan ng mga estado sa Hilaga at Timog, na sa wakas ay humantong sa Digmaan sa pagitan ng mga Estado.”

Ang pagbabago sa industriya ay nakatulong sa paglikha ng isang sistema ng malalaking pagawaan sa mga kamay ng mayayaman. Ang mayayaman lamang ang may kayang bumili ng mamahaling mga makina, na ang laki at bigat ay humihiling na ang mga ito ay iinstala sa permanente, mahusay ang pagkakatayo na mga gusali. Ang mga ito ay itinayo kung saan may makukuhang enerhiya at kung saan ang hilaw na mga materyales ay maaaring ihatid sa mababang halaga. Kaya ang mga negosyo ay waring nagtipun-tipon sa pagkalaki-laking mga sentro ng industriya.

Ang matipid na gamit ng enerhiya​—sa simula’y tubig at nang dakong huli ay singaw—​na kinakailangan upang patakbuhin ang mga makina ay humihiling na ang ilan sa mga ito ay paandarin nang sabay-sabay. Kaya ang mga pagawaan ay lumaki. At mientras mas lumalaki, lalong nagiging hindi personal. Ang mga empleado ay hindi na nagtatrabaho para sa tao; sila’y nagtatrabaho para sa mga kompaniya.

Mientras mas malaki ang negosyo, mas malaki ang problema ng pamumuhunan. Dumami ang pagka-kasosyo, at ang mga kompaniya na magkatambal-sapi, na umunlad noong ika-17 siglo, ay pinapurihan. (Tingnan ang kahon.) Subalit ang mga ito ay nakatulong sa pagsasama-sama ng kapangyarihan sa mga kamay ng iilan, yamang ang mga namumuhunan, o mga aksiyonista, ay may kaunting kontrol sa pangangasiwa. Ang mga negosyanteng magkasabay na naglilingkod bilang mga direktor ng ilang kompaniya o bangko ay nagtataglay ng napakalaking kapangyarihan. Binabanggit ni Clough ang tungkol sa “magkakawing na mga direktor” na sa pamamagitan nito “maaaring tiyakin ng isang maliit na grupo ang pinakamalaking halaga na mauutang ng mga negosyo, maaaring tanggihang magpautang sa mga kakompetensiya, at maaaring magkaroon ng pagkalaki-laking kapangyarihan anupa’t maaari nitong tiyakin ang mga patakaran ng mga pamahalaan at ibagsak pa nga ang mga rehimen na kalaban nito.”​—Amin ang italiko.

Sa gayon, ang pagbabago sa industriya ay nagbigay sa daigdig ng komersiyo ng karagdagang kapangyarihan. Gagamitin kaya ito sa responsableng paraan?

Malayang Pangangalakal o Kontroladong Ekonomiya?

Ang kapitalismo ay namukadkad nang husto sa Inglatera. Kilala rin bilang malayang pangangalakal o bilang isang ekonomiyang bilihan, ang kapitalismo ay nakagawa ng napakaraming milyonaryo gayundin ng pinakamataas na pamantayan ng pamumuhay sa kasaysayan.

Gayunman, inamin kahit na ng pinakamatapat na mga tagapagtaguyod ng kapitalismo na ito ay may mga kahinaan. Halimbawa, ang pag-unlad ng ekonomiya sa ilalim ng kapitalismo ay hindi mapaniniwalaan. Ang kawalang-katatagan nito sa pana-panahon ang dahilan ng paghina at paglakas ng ekonomiya, biglang paglakas at pagbagsak ng negosyo. Ang paglakas at paghina na dati’y dala ng panlabas ng mga puwersa na gaya ng mga digmaan o lagay ng panahon ay maaaring likhain ng sistema mismo ng ekonomiya.

Ang ikalawang kahinaan ay na bagaman gumagawa ng mahuhusay na kalakal, ang kapitalismo ay kadalasang gumagawa ng masamang mga epekto​—usok, nakalalasong basura, o mga kalagayan sa pagtatrabaho na hindi mabuti sa kalusugan. Napakaliwanag na ginawa ito ng pagbabago sa industriya, na siyang dahilan ng tinatawag na greenhouse effect (pag-init ng ibabaw ng lupa) pati na ang mga bunga nito. a

Ang ikatlong disbentaha ay na hindi tinitiyak ng kapitalismo ang walang-dayang pamamahagi ng kayamanan o produkto. Kunin halimbawa, ang Estados Unidos. Noong 1986 ang beinte porsiyento ng mahihirap na pamilya nito ay kumita na wala pang 5 porsiyento ng kabuuang kita ng bansa, samantalang ang beinte porsiyento ng mayayamang pamilya ay kumita ng halos 45 porsiyento.

Habang ang kapitalismo ay ganap na umunlad noong pagbabago sa industriya, ang mga kahinaan nito ay kapansin-pansin. Kinondena ito ng mga taong gaya ni Karl Marx, hinihiling na ito’y palitan ng kontrolado o isinaplanong ekonomiya. Iminungkahi nito na ang gobyerno ay magtakda ng mga tunguhin sa produksiyon, kontrolin ang presyo, at pamahalaan ang negosyo. Gayunman ngayon, pagkaraan ng mga dekada ng pagsubok sa Unyong Sobyet at sa Silangang Europa, ang sistemang ito ay nawalan ng pang-akit nito. Ang sentral na pagpaplano ay pinakamabisa kapag hinihiling ang crash planning, gaya sa pakikidigma o sa paggawa ng mga space program. Sa pang-araw-araw, pamilihan ng ikinabubuhay, ito ay hindi nakatutugon sa pangangailangan.

Gayunman, aaminin ng mga tagapagtaguyod ng kapitalismo gaya ng inamin ni Adam Smith, na pinagbatayan ng turong ito, na ang pagkasangkot ng gobyerno sa ekonomiya ay hindi lubusang maiiwasan. Kung ang mga problema na gaya ng implasyon at kawalan ng trabaho ay pamamahalaan nang matagumpay, dapat itong pakitunguhan sa antas na pampamahalaan. Samakatuwid, karamihan ng mga bansa na may sistema na malayang pangangalakal ay umalis mula sa purong kapitalismo tungo sa halo o binagong sistema.

Tungkol sa hilig na ito ay ganito ang hula ng 1990 Britannica Book of the Year: “Malamang . . . [na] ang mga sistema sa ekonomiya ay mawalan ng ilang tiyak na mga pagkakaiba na nagtanda sa mga ito noon at sa halip ay magmungkahi ng isang continuum kung saan ang mga elemento ng dalawang pamilihan at pagpaplano ay sabay na umiiral sa magkaibang kasukat. Ang mga lipunan sa gayong continuum ay maaaring patuloy na tawagin ang kanilang mga sarili bilang kapitalista at sosyalista, subalit malamang na isiwalat nila ang maraming magkahawig na aspekto sa mga solusyon sa kanilang mga problema sa ekonomiya yamang maaari pa rin silang magpakita ng malaking pagkakaiba.”

Nakadaragdag sa Problema

Noong 1914, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig I. Nang ito’y magsimula, ang sakim na komersiyo ay handang magbigay ng mga baril, tangke, at mga eruplano na kinakailangan ng nagdirigmang mga bansa na ginawang posible ng pagbabago sa industriya.

Binabanggit ng The Columbia History of the World na bagaman “ang pagsasaindustriya ay nakatulong upang lutasin ang marami sa pisikal na mga problema ng tao,” ito rin naman “ay nakaragdag sa grabe at masalimuot na mga problema ng lipunan.”

Ngayon, 78 taon pagkalipas ng 1914, mayroon tayong higit na dahilan na sumang-ayon sa mga salitang ito. Angkop nga, ang susunod na bahagi sa seryeng ito ay “Hinihigpitan ng Malalaking Negosyo ang Hawak Nito.”

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Setyembre 8, 1989.

[Kahon sa pahina 18]

Ang Bilihan ng Sapi​—Buhat sa Simula Hanggang sa Wakas

Noong ika-17 siglo, karaniwang gawain na maglunsad ng bagong mga negosyo sa pamamagitan ng pagsasama ng kapital ng ilang mamumuhunan. Mga bahagi ng sapi ay iniaalok at pinipresyuhan. Ang kaayusang ito ng magkatambal-sapi ay tinawag na isa sa pinakaimportanteng imbensiyong kailanma’y nagawa sa organisasyon ng negosyo. Sinikap ng mga Ingles ang gayong mga pakikipagsapalaran noong kalagitnaan ng 1500’s, subalit ito’y naging malaganap kasunod ng pagtatatag ng English East India Company noong 1600.

Habang dumarami ang bilang ng mga kompaniya na magkatambal-sapi, dumami rin ang pangangailangan para sa mga stockbroker. Sa simula sila’y nakikipagtagpo sa mga kliyente sa iba’t ibang dako, kung minsan sa mga kapihan. Nang maglaon, nagtatag ng mga sentro upang maglaan ng isang tiyak na dako para sa mga transaksiyon ng mga sapi. Ang London Stock Exchange ay itinatag noong 1773. Subalit ang pinakamatandang sentro ay marahil yaong nasa Amsterdam, na sabi ng ilan ay nagbukas noong 1642, o marahil ay yaong nasa Antwerp, na sinasabi ng iba ay naitatag noon pang 1531.

Ang mga kompaniya ng sapi ay may mga bentaha na gaya ng sumusunod: naglalaan ng sapat na kapital upang pakilusin ang malalaking negosyo; nagbibigay ito ng pagkakataon sa publiko na maglagay kahit na kaunting kapital na kumita; binabawasan ang pagkalugi ng sinumang mamumuhunan sakaling magkaroon ng mga balakid; pinapayagan nito ang mga stockholder na madaling makakuha ng pera sa pamamagitan ng pagbibili ng lahat o ng ilan sa kanilang mga sapi; at pinapayagan ang mga sapi na maipasa bilang isang pamana.

Gayunman, ang di-inaasahang pagtaas at pagbaba ng presyo ng sapi ay maaaring mangahulugan ng malaking kapahamakan. At, gaya ng ipinakikita ng mga iskandalo sa Wall Street, ang bilihan ay maaaring ilegal na maneobrahin, marahil sa pamamagitan ng ilegal na pagpapatubo ng mga sapi batay sa lihim na impormasyon, isang gawain na nauuso. Ginagamit o ipinagbibili ng mga indibiduwal ang mahalagang maagang impormasyon​—marahil ang kaalaman tungkol sa isang nalalapit na pagsasama ng dalawang kompaniya—​sa gayo’y nakikinabang sa pagkilos ng mga sapi ng mga kompaniyang iyon. Ipinalagay ng isang kaibigan ng isang taong pinaratangan ng ilegal na gawaing ito noong 1989 na ito’y bunga ng kasakiman. Bagaman may hakbang sa maraming bansa na ipagbawal ang ilegal na pagpapatubo ng sapi batay sa lihim na impormasyon, ang magasing Time ay nagkokomento: “Ang mga batas ay hindi sapat upang lutasin ang problema.”

Sa mabilis na dumarating na araw ng paghuhukom ni Jehova, ang problema ay malulutas magpakailanman. Ang pilak at ginto ay mawawalan ng halaga, at ang mga sapi at bono ay magiging kasinghalaga lamang ng papel na pinaglimbagan nito. Ang Ezekiel 7:19 ay nagsasabi: “Kanilang ihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay.” Ang Zefanias 1:18 ay nagsasabi pa: “Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ni Jehova.”

[Larawan sa pahina 17]

Ang imbensiyon ng “cotton gin” ay humantong sa paglawak ng mga manggagawang alipin

[Credit Line]

The Old Print Shop/Kenneth M. Newman