Isang Napakahalagang Linggo
Isang Napakahalagang Linggo
ANG daigdig ay nasindak noong Lunes, Agosto 19, 1991, nang ang mga lider ng kudeta ay mamahala sa Unyong Sobyet, at si Presidente Mikhail Gorbachev ay ikinulong sa isang bahay sa Crimea. Mga ilang kilometro ang layo, sa magandang Odessa, ang pangwakas na mga paghahanda ay isinasagawa para sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa lungsod na iyon sa dulo ng sanlinggo. Nakalulungkot nga, ang kombensiyon sa Odessa ay kinansela ng lokal na mga opisyal.
Gayunman, ang mga Saksi ay hindi nawalan ng pag-asa. Ipinagpatuloy nila ang kanilang mga paghahanda para sa kombensiyon at nakiusap sa isang opisyal ng lungsod na gawin ang lahat ng magagawa niya upang baligtarin ang pagpapawalang-bisa. Ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ay sinabihang magbalik sa Huwebes, Agosto 22. Noong hapong iyon, pagkatapos ng miting ng konseho ng lungsod, ang nasusulat na pahintulot para sa kombensiyon ay iniabot sa mga Saksi at sila’y binati na magtagumpay sana ang kanilang kombensiyon. Sa Moscow, ang mga lider ng kudeta ay pinilit na sumuko noong araw na iyon!
Ang bilis ng mga pangyayari! At kagila-gilalas na makita ang mahigit na 12,000 na nagkatipon noong dulo ng sanlinggo! Noong Agosto 27, dalawang araw pagkatapos ng kombensiyon sa Odessa, ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ay nagtungo kay Mr. V. K. Simonenko, tagapangulo sa Executive Committee sa Lungsod ng Odessa, pinasalamatan siya sa pagpapahintulot niya na maganap ang kombensiyon, at iniabot sa kaniya ang isang kopya ng bagong aklat Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman sa wikang Ruso.
Si Mr. Simonenko ay nagpasalamat sa kaloob at nagsabi: “Wala ako sa kombensiyon, subalit alam ko ang lahat ng nagaganap doon. Mula sa pasimula ng Odessa, kailanma’y wala pa akong nakita na mas mahusay kaysa rito . . . Ipinangangako ko na kailanma’t kailanganin ninyo ang pahintulot upang ganapin ang inyong mga pulong, lagi kong ipagkakaloob ito.”
[Chart sa pahina 31]
MGA KOMBENSIYON SA UNYONG SOBYET NOONG 1991
Petsa Lungsod Pinakamataas Bautismo
na Bilang ng Dumalo
Hulyo 13, 14 Tallinn, Estonia 4,808 447
Hulyo 20, 21 Usolye-Sibirskoye, 4,205 543
Siberia
Agosto 2, 3 Kiev, Ukraine 14,654 1,843
Agosto 3, 4 Lvov, Ukraine 17,531 1,316
Agosto 24, 25 Odessa, Ukraine 12,115 1,943
Agosto 31– Chernovtsy, 14,137 1,126
Setyembre 1 Ukraine
Setyembre 7, 8 Alma-Ata, 6,802 602
Kazakhstan
74,252 7,820