Kailan Magsisimula at Kung Gaano ang Sasabihin
Kailan Magsisimula at Kung Gaano ang Sasabihin
MARAMING maingat na magulang ang waring may akala na ang edukasyon sa sekso ay maaaring pangasiwaan sa panahon ng nakahihiyang sampung-minutong usapan sa kakahuyan tungkol sa sekso at panganganak kasama ng kanilang 13-anyos na anak. Subalit ito ay kadalasang napatunayang hindi lamang kakaunti kundi huling-huli na. Karaniwan na para sa isang maibiging magulang na magkomento: “Halos lahat ng bagay na sinabi ko sa kanila, para bang alam na nila.”
Mayroon bang mas mabuting paraan upang ituro ang mahahalagang bagay na ito? Kung gayon, kailan dapat magsimula ang mga magulang, at ano ang maaari nilang gawin at sabihin?
Matalino, halos mula sa pagsilang ng sanggol,
dapat mong simulang maglatag ng pundasyon para ibahagi ang mahalagang pagtuturong ito. Kung sisimulan mo ito sa pagkabata, maaari kang magbigay ng impormasyon nang mahinahon, paunti-unti sa paraang madaling maunawaan ng bata ayon sa kakayahan ng iyong anak upang makinabang.Habang pinaliliguan ng mga magulang ang kanilang mumunting anak, maaari nilang ituro rito ang mga bahagi ng kanilang katawan: “Ito ang iyong dibdib . . . ang iyong tiyan . . . ang iyong tuhod.” Bakit lalaktawan ang mula sa tiyan hanggang sa tuhod? Nakahihiya ba kung ano ang nasa pagitan nito? O ito ba ay basta pribado? Mangyari pa, hindi natin gagamitin ang bulgar na mga salitang lansangan para sa pribadong mga bahaging ito. Kundi bakit hindi basta sabihing “ari ng lalaki” o “ari ng babae”? Ito man ay bahagi ng paglalang na tinawag ng Diyos na “napakabuti.”—Genesis 1:31; 1 Corinto 12:21-24.
Pagkatapos, marahil kapag nakikita ng bata ang pagpapalit ng lampin, may paggalang na masasabi mong ang mga lalaki’t babae ay may kani-kaniyang ari. Mahinahon mong maipaliliwanag na ang mga bagay na ito ay personal. Ito ay dapat lamang pag-usapan sa loob ng pamilya, hindi sa ibang mga bata o sa mga tao sa labas ng pamilya.
Sa gayon, maipaliliwanag mo ang maraming bagay bago pa ito maaaring maging kahiya-hiya, nagsisimulang maaga at sumusulong na kaagapay ng pagsulong ng kakayahan ng bata na umunawa.
Pagpapaliwanag Tungkol sa Panganganak
Kapag tatlo hanggang limang taóng gulang, a ang isang bata ay maaaring magtanong tungkol sa panganganak at magsabi: “Saan galing ang mga beybi?” Maaari mong sagutin nang payak na: “Ikaw ay lumaki sa isang mainit, ligtas na dako sa loob ni nanay.” Malamang na ito ay makasapat na sa kasalukuyan. Pagkatapos ay maaaring itanong ng bata: “Paano lumalabas ang beybi?” Maaari kang sumagot: “Ang Diyos ay gumawa ng pantanging puerto na labasan ng beybi.” Ang haba ng atensiyon ng mga bata ay maikli, kaya ang pinakamabuting mga sagot ay payak at tuwiran. Ibigay ang kinakailangang impormasyon nang unti-unti, ilaan ang higit pa sa hinaharap.
Kung alisto ang mga magulang, makasusumpong sila ng maraming pagkakataon upang magturo. Kung isang malapit na kamag-anak ay nagdadalang-tao, maaaring sabihin ng isang ina: “Si Tita Susan ay malamang na malapit nang manganak—halos gayon ako kalaki mga ilang linggo bago ka isilang.” Ang inaasahang kapanganakan ng isang kapatid na lalaki o babae ay maaaring maglaan ng mga buwan ng nakatutuwa at kasiya-siyang edukasyon.
Pagkaraan ang bata ay maaaring magtanong: “Paano nagsisimula ang beybi?” Ang payak na sagot ay: “Isang binhi buhat sa tatay ay nakakatagpo ng isang itlugan ng nanay at ang beybi ay nagsisimulang lumaki, kung paanong ang isang binhi sa lupa ay lumalaki at nagiging isang bulaklak o isang punungkahoy.” Sa ibang pagkakataon ang bata ay maaaring magtanong: “Paano napupunta ang binhi ni tatay kay nanay?” Maaari mong sabihin, na may paggalang: “Alam mo kung paano ang pagkakagawa sa isang lalaki. Mayroon siyang ari. Ang nanay ay may puerto sa kaniyang katawan kung saan pumapasok ang ari ng lalaki, at ang binhi ay itinatanim. Gayon ang pagkakagawa sa atin ng Diyos upang ang mga beybi ay lumaki sa isang maganda, mainit na dako hanggang sa sila’y lumaki upang makapamuhay sa kanilang sarili. Pagkatapos isang magandang beybi ay isinisilang!” Maaari b
kang magsalita sa diwa ng pagkamangha sa kagila-gilalas na paraan ng pagkakaayos ng Diyos sa mga bagay na ito.Huwag na huwag mong iantala ang pagsagot sa mga tanong na may pagkahiyang sinasabing: “Saka ko na lamang sasabihin sa iyo kapag malaki ka na.” Maaari lamang pasidhiin nito ang pagkausyoso ng mga bata at maaaring ugyukan sila na hanapin ang impormasyon mula sa di-wastong pinagmumulan sa ibang dako. Ang batang may sapat nang gulang upang magtanong ay may sapat ding gulang na tumanggap ng payak at magalang na sagot. Ang hindi pagbibigay ng sagot ay maaaring magpahina ng loob ng inyong mga anak na sa inyo magtanong para sa gusto nilang impormasyon.
Gaano Kaaga?
Inaakala ng maraming magulang na ang kanilang mga anak ay dapat magkaroon ng isang pangunahing pagkaunawa sa mga bagay na ito bago sila pumasok sa eskuwela, kung saan maaaring marinig nila ang hindi gaanong tumpak na impormasyon mula sa ibang bata.
Isang lolo ang nagsabi: “Hindi ako nagtatanong, ngunit nang ako ay anim na taóng gulang, ipinasiya ng aking tatay na panahon na upang ipaliwanag kung saan galing ang mga beybi. Sinabi niya na ang pagtatalik ng isang lalaki at ng isang babae na maaaring gumawa ng isang bata ay natural lamang na bagay na gaya ng pagkain, subalit sinabi ng Diyos na ito ay para lamang sa mga taong mag-asawa. Kaya, mayroong isang ina at isang ama na magmamahal sa bata at mangangalaga nito.” Ito pa ang isinusog ni lolo: “Ang paliwanag na ibinigay niya ay napapanahon. Nakakita na ako ng mga anim-na-taóng-gulang na tumatawa sa imoral na mga larawan na iginuhit nila na hindi ko maunawaan.”
Mangyari pa, ang gayong mga paliwanag ay dapat iharap, hindi bilang isang bagay na kahiya-hiya, kundi bilang isang bagay na pribado. Maaari mong banggitin muli na ito ay isang sekreto ng pamilya na hindi dapat banggitin sa ibang mga bata o sa ibang tao sa labas ng pamilya. Kung madulas ang bibig ng inyong anak sa bagay na ito, mahinahong sabihin: “Shhh! Tandaan mo, sekreto natin iyan. Pinag-uusapan lamang natin ito sa loob ng pamilya.”
Hindi Nakasisindak
Kung ang pangangailangan sa pagtalakay na ito ay nakasisindak sa kaninumang mambabasa, isipin lamang kung gaano karaming maingat na may kabataang mga magulang ang naghahanap ng magalang na paraan upang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa kanilang mga anak. Hindi ba’t ang prangkang mga paliwanag sa isang maibiging sambahayan ay mas maigi kaysa paraan na unang nalaman ng maraming magulang ang mga bagay na ito, mula sa maruming pinagmumulan sa labas ng pamilya?
Kung ikaw ay talagang nakikinig at kung sinasagot mo ang mga taong sa isang payak at magalang na paraan, ginagawa mong mas madali para sa iyong mga anak na lumapit sa iyo kapag may iba pa silang katanungan sa paglipas ng mga taon at ang kanilang pangangailangan para sa impormasyon ay lumalago.
[Mga talababa]
a Ang bawat bata ay naiiba. Kaya, ang anumang pagtukoy sa edad sa mga artikulong ito ay nilayon sa pangkalahatang paraan, upang ipakita ang progresibong kalikasan ng pagtuturong ito.
b Tinatalakay ito ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya at ang marami pang moral na aspekto ng pagpapalaki sa bata at sa buhay pampamilya. Maaari mong hilingin ito mula sa mga taong nagdala sa iyo ng magasing ito o mula sa mga tagapaglathala nito sa direksiyon na nasa pahina 5.
[Larawan sa pahina 6]
Ang nalalapit na pagsilang ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mahalagang instruksiyon