Kolmanskop—Kung Saan Sumisira ang Buhangin at Kalawang
Kolmanskop—Kung Saan Sumisira ang Buhangin at Kalawang
Sa nakapapasong buhangin ng Disyerto ng Namib, malapit sa baybayin ng timugang Namibia, ay naroroon ang walang laman na mga kagibaan ng isang bayan na tinirhan ng mga tao ng wala pang 50 taon—ang Kolmanskop.
Nang matuklasan dito ang mga brilyante noong 1908, ang mga naghahanap ng hiyas, ang mga negosyante sa pagmimina, at iba’t ibang kahina-hinalang mga tao ay agad na nagdatingan na parang mga buwitre. Hindi nagtagal, ang Kolmanskop ay naging isang maunlad na bayan, kompleto na may malalaking kolonyal-Aleman na mga bahay, isang tanggapan ng koreo, at sariling otel. Ang Kolmanskop ay mayroon pa ngang dalawang-palapag na casino, na may teatro at bolingan—mga luho na gumawa sa buhay na mas kaaya-aya sa liblib na Disyerto ng Namib.
Subalit ang mismong dahilan ng pag-iral ng Kolmanskop ang umakay sa kamatayan nito. Ang mga minahan ay agad na nasaid ng mahahalagang bato ng pinakikinabangang laki at dami. Ang mga naghahanap ng hiyas ay di-nagtagal at nahikayat sa ibang lugar nang matuklasan doon ang mas malaki at mas mahusay na mga brilyante. Isa pa, nakita noong maagang 1900’s ang pagbagsak sa pamilihan ng brilyante. Ang buhay ng bayan ay unti-unting humina hanggang sa wakas, noong 1956, ang Kolmanskop ay pinabayaan.
Ngayon, ang makinaryang hindi na ginagamit ay kinakalawang sa ilalim ng malupit na araw sa Aprika—isang pamana ng panandaliang pagsisikap ng tao na kunin ang kayamanan buhat sa lupa. Ang Kolmanskop sa gayon ay nagsisilbing isang tagapagpaalaala sa pagkawalang-halaga ng paghahangad ng makalupang mga kayamanan. Sabi ni Jesus: “Magtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang.”—Mateo 6:20.