Mahalagang Magsimula Nang Maaga
Mahalagang Magsimula Nang Maaga
ANG mga bata ay may karapatan sa makatuwirang ganap na paliwanag sa kung paano kumikilos ang kanilang mga katawan at kung paano nila pangangalagaan ang kanilang sarili mula sa imoral na mga tao. Subalit kailan dapat magsimula ang pagtuturo? Mas maaga kaysa inaakala ng marami.
Ang adolesens ay nagsisimula sa pagbibinata at pagdadalaga, ang panahon kung kailan nagsisimulang lumitaw ang mga tanda ng seksuwal na paggulang. Ang isang babae ay maaaring magsimulang magregla sa gulang na 10 o mas maaga pa nga o huli na sa gulang na 16 o higit pa. Ang isang lalaki ay maaaring labasan ng tamod o semen sa pagtulog na kasing-aga ng 11 o 12 anyos. Ang inyo bang mga anak ay magiging handa bago ang panahong iyon, sabihin pa sa gulang na siyam? a Malalaman din kaya nila sa murang gulang na iyon ang kahalagahan ng pag-iingat ng kanilang pagkabinata o pagkadalaga?
Ipaalam sa Kanila ang mga Pagbabago sa Katawan
Ang inyong anak na babae ay may karapatang malaman ang bigay-Diyos na mga pagbabago na mangyayari sa kaniyang katawan. Maaaring banggitin ng ina ang kaniyang regla at ipakita sa kaniyang anak na babae kung anong uri ng proteksiyon ang ginagamit niya. Dapat niyang ipaliwanag na ang mga pagbabagong ito ay normal na mga proseso ng katawan. Sa isang napakapositibong paraan, maaaring ipaliwanag ng isang ina na ang katawan ng kaniyang anak na babae ay maghahanda na sa ganang sarili para sa panahong ito, mga ilang taon mula ngayon, kapag siya ay mag-asawa at maging ina mismo. Maaaring ipaliwanag ng isang ina sa kaniyang anak na babae na ang katawan ay naghahanda sa matris para sa bata ng isang pantanging malambot, tulad-isponghang sapin na sagana sa mga daluyan ng dugo. Kapag ang isang sanggol ay hindi naipaglihi, ang sapin ay ilalabas at daraan sa kaluban, at ang prosesong ito ay tinatawag na regla.
Sa kahawig na paraan, dapat ding malaman nang patiuna ng inyong anak na lalaki ang tungkol sa paglalabas ng tamód sa pagtulog, o wet dreams. (Deuteronomio 23:10, 11) Dapat niyang maunawaan na ang paglalabas ng madulas na likido, kung minsan kapag siya’y nananaginip, ay paraan lamang ng katawan ng paglalabas ng naipong tamód. Dapat malaman kapuwa ng inyong mga anak na lalaki at babae na walang masama sa mga pagbabagong ito sa kanilang katawan. Ang kanilang mga katawan ay naghahanda lamang para sa posibleng pag-aasawa at pagiging magulang sa hinaharap. b
Bilang mga magulang, dapat ninyong pakadibdibin ang mga bagay na ito, sapagkat ito’y mga bagay na banal. At kayo ang mga guro na inatasan ng Diyos.
Ano ang Ligtas na Pagtatalik?
Habang ang mga taon ay mabilis na lumilipas at ang inyong mga anak ay pumapasok na sa pagiging tin-edyer, dapat ninyong tiyakin na alam nila na ang pagtatalik sa pagitan ng hindi mag-asawa ay mapanganib, anuman ang naririnig nila sa kabaligtaran. Ang mga sakit na naililipat sa pagtatalik, pati na ang AIDS, ay naging isang pambuong-daigdig na salot. Ang mga sakit na iyon ay maaaring pagmulan ng pagkabaog, mga depekto sa panganganak, kanser, at kamatayan pa nga. Isa pa, maaari itong ilipat ng mga taong walang kabatiran na mayroon sila nito.
Dapat matanto ng inyong mga anak na walang pamamaraan ng kontrasepsiyon ang napatunayang mabisa sa paghadlang sa pagdadalang-tao o sa paghinto sa paglilipat ng sakit. Sa katunayan, isang nakagugulat na bilang ng mga kabataan na nagsasagawa ng iba’t ibang uri ng kontrasepsiyon ang nabuntis. At bagaman ang mga condom ay iniaanunsiyo bilang isang depensa laban sa pagkakaroon ng AIDS mula sa isang katalik na mayroon
nito, iniuulat ng The New England Journal of Medicine na hindi nahahadlangan ng mga condom ang paglilipat ng virus ng AIDS sa dalas na 17 porsiyento ng panahon.Kaya, pinasinungalingan ng kolumnista sa New York Post na si Ray Kerrison ang pag-aangkin na ‘binabawasan [ng mga condom] sa pinakakaunti ang panganib na magkaroon ng AIDS’ sa pagsulat: “Lubhang kakaunti. Kung ilalagay mo ang isang bala sa isang baril, paiikutin ang lalagyan ng bala at maglalaro ka ng tinatawag na Russian roulette, mayroon kang isa-sa-anim na tsansa na mapatay mo ang iyong sarili. Sa condom, ikaw ay may halos isa-sa-limang tsansa na magkaroon ng AIDS. Mabibigyan na namin ngayon ng tunay na pangalan ang kasinungalingan na ang condom ay humahadlang sa pagkakaroon ng isa ng AIDS. Ito ang seksuwal na roulette.”
Dapat malaman ng inyong mga anak na ang lunas sa problema tungkol sa mga sakit na naililipat ng pagtatalik ay simple. Ito ay ang tanggapin ang kaayusan ng Diyos sa paggamit ng banal na kaloob ng pag-aanak. Oo, ang ligtas na paggamit ng iyong seksuwalidad ay sa loob ng pag-aasawa, huwaran sa isang habang-buhay na pagsasama sa isang minamahal na wala ring ibang katalik.
Isang Proteksiyon ang mga Tagubilin ng Diyos
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang lalaki . . . ay makikipisan sa kaniyang asawa.” “Huwag kang mangangalunya.” “Hayaang ang pakikiapid . . . ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.” “Walang mapakiapid . . . ang may anumang mana sa kaharian ni Kristo at ng Diyos.”—Genesis 2:24; Mateo 5:27; Efeso 5:3, 5.
Ang mga tagubiling ito ay hindi mapaniil. Bagkus, ang pagsunod sa mga ito ay aakay sa isang maligaya, malapít ang ugnayan na pamilya. Ang ipinagbubuntis na bata ay mapaglalaanan ng isang bagay na may karapatan ito—dalawang magulang, isang ina at isang ama. Ang bawat isa ay may naiibang mga katangian, at ang bawat isa’y makatutulong sa buhay ng bata ng mga bagay na hindi taglay ng isa.
Bilang mga magulang, kapuwa sa inyong pagtuturo at sa inyong halimbawa, dapat ninyong ikintal sa puso at isipan ng inyong anak ang mga simulaing salig-Bibliya. Dapat kayong magtayo na ang gamit ay matatag na mga materyales—mga materyales na hindi natutupok ng apoy. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magsasaysay, dahil sa iyon ay mapapalantad sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawat isa kung anong uri iyon.” Kung ikaw ay magtatayo nang matatag at ang iyong gawa ay manatili, ikaw ay saganang pagpapalain.—1 Corinto 3:13.
Subalit ang mahalagang tanong ay nananatili: Paano mo mapatitibay ang pagsasanay na ito habang ang iyong mga anak ay lumalaki mula sa mga taon ng tin-edyer tungo sa pagkaadulto?
[Mga talababa]
a Si Dr. Leon Rosenberg ng Johns Hopkins University, Baltimore, Maryland, E.U.A., ay nagsabi: “Pagsapit ng bata sa gulang na 9, dapat ay nakausap na ng mga magulang at lubusang napaliwanagan ang bata tungkol sa mga detalye sa sekso at moralidad. Mientras mas maraming impormasyon ang nakukuha ng mga bata sa kanilang mga magulang, mas mabuti.”
b Higit pang impormasyon ang masusumpungan sa mga kabanatang “Pagbibinata” at “Pagdadalaga” sa Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, isang aklat na makukuha mo sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 8]
Mahalaga na ihanda ang inyong anak sa mga pagbabago ng katawan