Malayo sa Aming Tahanan, Ako’y Nangakong Maglilingkod sa Diyos
Malayo sa Aming Tahanan, Ako’y Nangakong Maglilingkod sa Diyos
ANG lumilipad na nagyelong ulan at niyebe ay tumama sa aming mga mukha. Ang napakalamig na hangin ay naging malakas na hangin. Ang aming mga tsuper ng trak ay ayaw nang magpatuloy sa pagmamaneho. “Ang lahat ay lumabas at lumakad!” Ang bulyaw sa amin na walang sinuman sa amin ang nangahas na tumanggi. Kaya nilakad namin ang huling tatlong kilometro o higit pa pabalik sa aming kampo sa Siberia—miserable, sabik sa pag-uwi, at nilalamig.
Halos mga 150 kami—pawang mga presong Aleman sa pangangalaga ng 6 na mga Rusong bantay. Ang walang-lubag na bagyo ay napakatindi anupa’t kailangan naming yumuko dahil sa hangin. Nakakakita lamang kami hanggang sa limang tao sa unahan namin. Sa pana-panahon, ang maunos na hangin ay biglang hahampas, na nagpapangyari sa amin na sumubsob!
Sa wakas, kami’y dumating sa kampo, patáng-patâ. Noong gabing iyon sa Siberia, na ang temperatura ay 50 digris mababa sa sero Celsius, ako’y nangako sa Diyos na kung ako’y makababalik sa Alemanya, hahanap ako ng paraan upang paglingkuran siya.
Mga Problema Noong Panahon ng Digmaan
Ako’y isinilang noong 1928 sa Berlin, Alemanya. Nang ako’y halos sampung taon, ako’y nagpatala sa kilusang Hitler Youth. Nang maglaon, nais ni Nanay na ako’y makumpilan sa simbahan, kaya’t pinadalo niya ako sa mga klase na nagtuturo ng relihiyon. Nakalulungkot nga lang, dalawang araw bago ang aking kumpil, siya ay namatay. Lungkot na lungkot ako at nagsimula akong manalangin nang madalas sa pinakamainam na paraang nalalaman ko, sinasabi sa Diyos ang tungkol sa aking mga problema.
Ang Digmaang Pandaigdig II ay tumitindi, at may mga pagsalakay sa himpapawid sa Berlin halos araw-araw at gabi-gabi. Ang malupit na huwaran ay ang sunud-sunod na mga eruplanong lumilipad at naghuhulog ng nagliliyab na mga bomba, karaniwang posporus. Pagkatapos, habang nililisan ng mga tao—karamihan ay mga babae at mga bata—ang kanilang mga kublihan upang patayin ang apoy, sila’y nasusukol at pasasabugin habang inihuhulog ng susunod na pangkat ng mga eruplano ang kanilang mas malalaking bomba na kargado ng mga pampasabog.
Noong isang taglamig ang Royal Air Force ay naghulog ng mga bomba na inorasang sasabog, hindi sa pagbagsak, kundi sa ika–7:00 n.g. ng Disyembre 24. Alam nila na ang mga pamilya ay magkakasama sa gabing iyon bago ang Pasko. Hindi makatkat sa isip ko ang tanong na: ‘Bakit kaya pinapayagan ng Diyos na mangyari ang gayong kakila-kilabot na mga bagay?’
Noong 1944, ako’y nagpasiyang sumali sa hukbo. Gayunman, sa aking pangwakas na medikal na pagpapatingin, ako’y sinabihan na hindi sapat ang aking lakas para sa militar na paglilingkod at na dapat akong bumalik pagkalipas na anim na buwan. Sa wakas, noong Marso 1945, ako’y tinawag sa hukbo, subalit ipinasiya kong huwag magreport.
Nagsimula ang Tunay na Kahirapan
Di-nagtagal, noong Mayo 1945, natapos ang Digmaang Pandaigdig II. Si tatay ay dinala bilang isang bilanggo ng digmaan, at ang hukbong Sobyet ang sumasakop ngayon sa aming bahagi ng Berlin. Noong sumunod na mga buwan, kailangan naming magtrabaho para sa sumasakop na mga hukbo, nag-iimpake ng mga makinarya at iba pang kagamitan ng isang pagawaan ng kemikal upang ipadala pabalik sa Russia. Ito ay nagbigay sa akin ng pagkakataon na makilala ang ilang Ruso. Sa pagtataka ko ay nasumpungan ko na sila ay mga taong gaya rin natin, naniniwala na ang kanilang pakikipaglaban ay para sa kalayaan at para sa isang mas mabuting daigdig.
Noong Agosto 9, 1945 mga alas dos ng hapon,
isang kotse ang huminto sa harap ng aming bahay. Dalawang sundalong Ruso at isang sibilyan ang lumabas at, pagkatapos malaman ang aking pangalan, ay itinulak ako sa loob ng kotse. Maraming iba pang kabataan ang dinampot noong araw na iyon. Lahat kami ay sa wakas dinala sa isang kalapit na arabal. Karamihan sa amin ay pinaratangan na mga miyembro ng organisasyong Werwolf, na hindi nalalaman ng isa man sa amin.Isa sa mga kabataan ay nagsabi na nalalaman ko ang mga tirahan ng iba pang kabataan. Ikinaila ko ito kaya’t ako’y inihagis sa isang madilim, basang bodega sa ilalim ng lupa kasama ng batang tagapagbigay ng impormasyon. Nag-iisa sa bodega sa ilalim ng lupa—malamig at nangungulila—nangingilid ang mga luha sa aking pisngi habang ako’y nakaluhod at nananalangin sa Diyos. Ang panalangin ay para bang laging nakatutulong. Sa katunayan, nang gabing iyon nang ako’y ilabas mula sa selda at pahintulutan makabalik na kasama ng ibang kabataan, pinuri ng marami ang aking masayang kalooban sa kabila nang aking dinanas.
Pagkalipas ng isa o dalawang linggo, kami’y nagmartsa sa bayan ng Cöpenick, malapit lamang. Doon kami ay pinaupo sa labas sa matigas na lupa. Nagsimulang umulan. Sa wakas ang mga batang lalaki ay tinawag sa loob ng bahay sa mga pangkat na lima-lima. Narinig namin ang mga tili niyaong nauna sa amin at nakita namin silang lumalabas na nagdurugo at hinahawakan ang kanilang mga pantalon. Ang kanilang mga sinturon ay inalis at ang butones ng kanilang mga pantalon ay sinira upang ito ay mahulog malibang hawakan ng kamay. Habang ang aming grupo ay papasok sa loob, alam namin na may nakatatakot na bagay na naghihintay sa amin.
Wala akong sinturon kundi sa halip ay suot ko ang isang pares ng tirante. Nang makita ito ng sarhento, hinablot niya ito at inihampas sa mukha ko. Kasabay nito, sinipa ako at sinuntok ng dalawa pang sundalo. Ako’y nagdurugo nang husto mula sa bibig at ilong. Kung hindi ako nahatak ng ibang sundalo, marahil ako ay napatay.
Kami’y muling ikinulong sa bodega sa ilalim ng lupa at pinapayagan lamang magtungo sa kasilyas minsan tuwing umaga. Kami’y inoorasan, dalawang minuto lamang ang ipinahihintulot sa amin upang magbawas. Sinumang mangahas na magtagal ay nanganganib na itulak sa hukay ng mga dumi ng tao. Isang kawawang kaluluwa ang nalunod nang siya ay itulak dito.
Bumuti ang Aking Kalagayan
Pagkaraan ng apat na araw kami ay isinakay sa mga trak at dinala sa isang kampo sa Hohen-Schönhausen. May mga 60 kami sa pagitan ng edad na 13 at 17, gayundin ng halos 2,000 adulto. Ang mga bilanggong Polako ang inatasang magsandok ng sopas, at tiniyak nila na kaming mga kabataan ang laging unang sisilbihan.
Pagkatapos, noong Setyembre 11, 1945, maagang-maaga, kami’y nagsimulang magmartsa tungo sa piitang kampo ng Sachsenhausen, mga 50 kilometro ang layo. Yaong mga namatay sa pagmamartsa ay inihahagis sa isang kariton na hila-hila ng kabayo, gayundin yaong mga napakahina upang lumakad. Kinahapunan ay umulan. Sa wakas, malalim na ang gabi, narating namin ang mga pintuan ng isa sa mga kampo, basang-basa, malamig, at patáng-patâ. Kinaumagahan kami ay pinagmartsa sa pangunahing kampo. Dalawang daan katao ang inatasan sa bawat kuwartel.
Hindi kalayuan sa Sachsenhausen, may malaking depo na imbakan ng pagkain sa isang bayan na tinatawag na Velten. Inilululan ng mga bilanggo roon ang mga trigo at iba pang pagkain sa mga tren patungo sa Russia. Pagkatapos magtrabaho roon nang ilang panahon, ako’y napiling magtrabaho bilang isang delivery boy. Ang atas ko ay kunin ang mga resulta ng medikal na mga pagsubok mula sa kampong Ruso tungo sa laboratoryo sa hindi kalayuan. Anong kaaya-ayang pagbabago!
Kasama ko sa isang kuwarto ang isa pang delivery
boy at isang Rusong lalaking nars. Araw-araw ay binibigyan kami ng bagong mga kumot at maraming blangket hangga’t gusto namin. Ang aming pagkain ay mas mabuti, at may kalayaan kaming magtungo saan man namin gustuhin. Kaya ginalugad namin ng isa pang delivery boy ang bakuran ng piitang kampo ng Sachsenhausen na ginamit ng mga Nazi.Sa dulong panig ng kampo, dinalaw namin ang mga gas chamber at ang mga hurno na pinagsusunugan ng mga bangkay. Hindi ako halos makapaniwala sa ginawa ng mga Nazi. Nasindak ako. Bagaman hindi ako personal na trinato nang masama, daan-daang kapuwa mga bilanggong Aleman ay namamatay araw-araw sa pangunahing kampo. Ang kanilang mga bangkay ay inihahagis sa mga kariton at dinadala sa libingan sa kagubatan kung saan sama-samang inililibing ang mga bangkay.
Isang araw ay natuklasan namin ang isang pisara na nagtatala ng iba’t ibang uri ng mga bilanggo na nasa mga kampong piitan noong panahon ni Hitler. Kasali sa mga nakatala ang mga Saksi ni Jehova. Wala akong kamalay-malay na balang araw ako ay magkakaroon ng pribilehiyo na maging isa sa mga Saksi ni Jehova mismo.
Mas Matinding Pagtrato
Ang mas mabuting kalagayan na tinatamasa ko ay hindi nagtagal. Pinahinto ako ng isang opisyal at inalam kung bakit ko nilustay ang salapi para sa ilang suplay ng medisina. Bagaman sinabi ko sa kaniya na wala akong nalalaman tungkol sa bagay na ipinaparatang niya sa akin, hindi siya naniwala sa akin, at ako’y inilagay sa bartolina. Sa maliit na seldang iyon, ako’y tumanggap ng kaunting pagkain at walang kumot, kahit na taglamig noon. Pagkatapos, walang anu-ano, noong ika-11 araw, ako’y pinalabas.
Habang ako’y naglalakad pabalik, nagulat ako nang ako’y masiglang salubungin ng isang batang sundalo na bantay noon sa pultahan sa pangunahing kampo. Dati’y malamig ang pakikitungo niya sa akin. Ngunit ngayon inakbayan niya ako at sa paputul-putol na Aleman ay sinabi niya na ang kaniyang mga magulang ay pinatay ng Gestapo at na siya ay napunta sa mga piitang kampo ng mga Aleman. Sinabi niya na alam niyang ako’y walang kasalanan.
Hindi nagtagal pagkatapos nito, kaming mga bilanggo ay sinabihan na ang pinakamalakas ang katawan sa amin ay ipadadala sa ibang lugar para magtrabaho. Noong Enero 30, 1946, kami’y isinakay sa isang tren na may dalawang andanang magaspang na papag. May 40 preso sa bawat kotse, na nangangahulugan ng pagsisiksikan sa mga papag. Mahirap makatulog sa gabi, sapagkat kapag pumihit ang isang tao, ang lahat ay kailangang pumihit na kasama niya.
Nariyan ang lahat ng uri ng bali-balita tungkol sa aming patutunguhan, subalit lahat ng ito ay napatunayang mali. Sa aming unang hinto, 500 pang mga preso mula sa ibang kampo ang sumama sa amin. Mula noon kami ay tumatanggap ng araw-araw na rasyon ng tuyot, matigas na tinapay at isang tuyo at kaunting mainit na sopas. Tuwing ikalawang araw kami ay binibigyan ng kaunting tsa. Sa pagsisikap na pawiin ang kanilang uhaw, dinidilaan ng karamihan ng mga lalaki ang nagyeyelong mga dingding ng mga kotse ng tren. Pagdating namin sa labas ng bayan ng Moscow, kami’y naligo at inalisan ng kuto. Sa palagay ko ako’y uminom ng isang timba ng tubig noong araw na iyon.
Patungo sa Siberia!
Noong Marso 6, 1947, kami’y dumating sa Prokopyevsk, Siberia. Ang sibilyan na populasyon ng lungsod ay haluan mula sa maraming bahagi ng Unyong Sobyet. Napakakapal ng niyebe saanman, sa ilang dako ay kasintaas ng mga bakod. Ang mga kuwartel ay itinayo na ang kalahati ay nasa ilalim ng lupa upang magbigay ng proteksiyon mula sa matinding lamig sa taglamig. Noong unang pagtira namin dito naranasan ng isang pangkat sa amin ang nagbabanta-sa-buhay na karanasan na inilarawan ko sa simula.
Ang unang taon sa Siberia ay napakahirap. Ang kampo ay hinampas ng isang matinding biglang paglitaw ng disenterya. Ang ilan ay namatay. Nagkasakit rin ako at noong minsa’y nasiraan na ako ng loob na gumaling pa. Ang isang bentaha namin sa loob ng kampo ay na tinatanggap namin ang aming araw-araw na rasyon ng tinapay, samantalang karamihan ng mga Rusong nakatira sa Prokopyevsk ay kailangang pumila ng ilang oras sa lamig, at kung minsan ang mga panustos na pagkain
ay nauubos bago pa sila makakuha ng anuman.Noong taglagas ng 1949, isang komisyon ng mga opisyal na panghukuman ay dumating buhat sa Moscow upang repasuhin ang unang mga sentensiya sa amin at tiyakin kung ano ang dapat na gawin sa amin. Isang makabayang nakababatang opisyal, na waring galít sa lahat ng mga Aleman, ay kinapanayam ako. Ako’y nagpapasalamat na ako’y hindi tumanggap ng sentensiyang pagkabilanggo. Yaong mga hindi tumanggap ng sentensiya ay dinala sa Stalinsk, ngayo’y tinatawag na Novokuznetsk, kung saan kami ay inatasang magtrabaho sa pagtatayo ng isang istasyon ng kuryente.
Sa Bahay sa Wakas!
Sa wakas, noong Marso 1950, kami ay pinauwi sa Alemanya, at noong Abril 28, ako sa wakas ay nakapiling na muli ng aking pamilya. Bagaman malaking kagalakan na makauwi ng bahay, hindi pa tapos ang mga problema ko. Dahil sa aking maikling kaugnayan sa Hitler Youth, ako’y trinato ng mga awtoridad sa Komunistang Silangang Alemanya bilang isang may simpatiya sa mga Nazi at kalahati lamang ng karaniwang rasyon ng pagkain at pananamit ang ibinigay sa akin. Kaya, pagkatapos umuwi sa bahay ng mga tatlong linggo lamang, ako’y lumipat mula sa Silangang Berlin tungo sa Kanlurang Berlin.
Gayunman, hindi ko nakalimutan ang pangako ko na kung ako’y makabalik sa Alemanya, hahanap ako ng ilang paraan upang paglingkuran ang Diyos. Kadalasan ako’y tatayo sa harap ng isang simbahan, subalit hindi ko magawang pumasok. Nawalan ako ng tiwala sa relihiyon, kaya’t ipinasiya ko na ipagpapatuloy ko na lamang ang personal na pananalangin sa Diyos, hihilingin ko na ipakita niya sa akin ang paraan kung paano ko siya mapaglilingkuran.
Nang maglaon ay pinakasalan ko si Tilly, at kami’y nagkaroon ng isang anak na lalaki, si Bernd. Pagkatapos, noong tagsibol ng 1955, isang kasama sa trabaho na isa rin sa mga Saksi ni Jehova ay nakipag-usap sa akin tungkol sa Diyos. Gayunman, hindi ko na siya nabalitaang muli nang kami’y biglang-biglang umalis ng bansa. Maaga rito ako ay nag-aplay na mandayuhan sa Australia. Ang aming biglang pag-alis ay dala ng isang telegrama na nagpapayo sa amin na ang aming aplikasyon ay tinanggap at na dapat ay handa kaming maglayag mula sa Bremerhaven sa loob ng tatlong araw.
Isang Bagong Bansa, Isang Bagong Buhay
Sa wakas ay nanirahan kami sa Adelaide. Dito isang Saksi na nagsasalita ng Aleman ang dumalaw sa amin noong dakong huli ng 1957. Kami’y tuwang-tuwa! Di-nagtagal kami’y gumawa ng mahusay na pagsulong sa aming regular na pag-aaral sa Bibliya. Subalit ang totoo, pagtapos na maranasan namin ni Tilly ang lahat ng ito, ang aming pangunahing pagkabahala ay ang kalayaan sa paniniil. Ngayong kami’y nagtungo sa maaraw na Australia, para ba kaming kasinlaya ng mga ibon at naiibigan namin ito. Subalit hindi nagtagal ay nasumpungan namin na kahit na rito ay may ilang anyo ng paniniil, mga suliranin sa kabuhayan, at iba pang mga panggigipit sa buhay.
Anong laki ng pasasalamat namin na malaman ang pangunahing dahilan. “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng masama,”1 Juan 5:19) Bunga nito, magkakaroon ng mga problema saanmang bansa tayo nakatira. Kami’y nasisiyahan ding malaman ang kahulugan ng panalangin na napakadalas kong inulit-ulit noon: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” Naunawaan namin na ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na pamahalaan, isang makalangit na pamahalaan, at na si Kristo Jesus ang itinalaga bilang Hari sa Kahariang iyon noong 1914. Anong laking katuwaang malaman na ang Kaharian ng Diyos ay kumikilos na—na pinalayas nito si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa langit at na di na magtatagal, sa malaking kapighatian, lilinisin ang buong lupa ng lahat ng kasamaan!—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 12:12.
sabi ng Bibliya. (“Gayon nga,” sabi ko. Alam ko na ngayon kung paano ko tutuparin ang aking pangako sa Diyos. Kaya noong Enero 30, 1960, sinimulan kong tuparin ang aking pangako sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabautismo bilang sagisag ng aking pag-aalay sa kaniya, at si Tilly ay sumama sa akin sa pag-aalay Kristiyano.
Mula noon, sa loob ng mahigit na 30 taon, tinamasa namin ang iba’t ibang pagpapala sa paglilingkod sa Diyos. Si Brend ngayon ay may sarili nang pamilya, at siya rin ay naglilingkod bilang isang elder sa kongregasyong Kristiyano. Noong 1975 ipinagbili namin ang aming tahanan upang kami’y makalipat at maglingkod kung saan may malaking pangangailangan para sa mga Saksi na mangaral ng mabuting balita. Pagkatapos, noong 1984, tinanggap ko ang alok na maging tagapangalaga ng Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Adelaide.
Gayon na lamang ang kagalakan naming mag-asawa na aming natutupad ang naipangako ko sa Diyos noong ako’y malayo sa bahay sa Siberia mahigit na apatnapung taon na ang nakalipas. Mapakumbaba kaming naniniwala na para sa amin ang kinasihang kawikaan ay paulit-ulit na napatunayang totoo: “Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang itutuwid ang iyong mga landas.” (Kawikaan 3:6)—Gaya ng inilahad ni Gerd Fechner.
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ng aking asawa, si Tilly