Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Madadaig ang Karalitaan?

Paano Ko Madadaig ang Karalitaan?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Madadaig ang Karalitaan?

SI Gregory, isang kabataan mula sa Silangang Europa, ay nag-aakala na siya ay napakahirap. Hindi niya kayang bumili ng mamahaling damit o ng hi-fi na gaya ng ilang kabataan sa Kanluran. Nang maglaon, si Gregory ay nasiphayo sa mga kalagayan sa kaniyang sariling bansa, at siya’y nandayuhan sa Austria.

Libu-libong kilometro ang layo ng tinitirhan ni Loyiso, isang kabataan mula sa isang rural na nayon sa timugang Aprika. Nakatira sa isang maliit na kubo na kasama ng kaniyang pamilya, si Loyiso ay naiinggit sa mga kabataan sa isang kalapit na bayan na nagtatamasa ng kahanga-hangang “mga luho”​—tubig sa gripo at kuryente.

Gayunman, sina Loyiso at Gregory ay maituturing na mayaman ng isang kabataang Aprikano na nagngangalang Vasco. Pinagbabantaan ng isang gera sibil doon, si Vasco ay lumalakad ng maraming kilometro sa mapanganib ng mga palumpon sa Aprika upang may maitawid-buhay lamang.

Kaya nga ang “karalitaan” ay isang terminong may pasubali, na nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang bansa at kultura. Binibigyan-kahulugan ng isang diksiyunaryong Ingles ang “karalitaan” bilang anumang bagay mula sa “sukdulang kakulangan ng mga pangangailangan sa buhay hanggang sa kawalan ng materyal na mga ginhawa.” Nakalulungkot malaman na gaano ka man kahirap, may iba na malamang na mas naghihikahos. Gayunman, kung wala kang desenteng damit na isusuot sa eskuwela o kung kulang ka ng mahalagang pangangailangan na gaya ng tubig sa gripo, maaaring hindi gaanong nakaaaliw na ika’y sabihan na ang iba ay mas masahol pa ang kalagayan sa iyo.

Kaya hindi pinagtitinging kaakit-akit ng Bibliya ang pagiging mahirap. Bagkus, makatotohanang kinikilala ito: “Ang kapahamakan ng dukha ay ang kanilang karalitaan.” (Kawikaan 10:15) Gayunman, ipinakita ng naunang artikulo na maaaring iwasan ng isang kabataan ang ilang patibong ng karalitaan, gaya ng delingkuwenteng paggawi. a Taglay ang pagsisikap, maaari mong linangin ang isang mabuti at may pag-asang saloobin. Ano, kung gayon, ang ilan pang paraan upang madaig ang pang-araw-araw na mga panggigipit ng pagiging mahirap?

Ang Silo ng Inggit

“Hindi bale sana kung lahat tayo ay mahirap,” reklamo ng isang 17-anyos na kabataang Aprikano na nagngangalang Zanele. “Subalit kapag nakikita mo ang iba sa TV o sa ibang dako ay may higit kaysa taglay mo, mahirap itong tanggapin.”

Hindi kataka-taka ang damdamin ni Zanele, kung isasaalang-alang ang malaking agwat sa kabuhayan at lipunan na naghihiwalay sa mga tao ngayon. At dahilan sa paraan ng walang kahiya-hiyang pagpaparangalan ng media sa kayamanan at materyalismo, malamang na ikaw ay naiinggit kapag nakikita mo kung paano namumuhay ang mas mayamang mga kabataan. (Santiago 4:5) Gayunman, isang kawikaang Aleman ay nagbababala: “Ang inggit ay walang nginangatngat kundi ang sarili nitong puso.”​—Ihambing ang Kawikaan 14:30.

Mangyari pa, hindi naman masamang maghangad ng mas mabuting mga kalagayan sa buhay. Subalit ang karalitaan ay isang tatak ng tiwaling sistema ng mga bagay ni Satanas, at tanging ang Diyos lamang ang maaari​—at siyang magtutuwid—​sa mga kawalang-katarungan ng daigdig. Kung ikaw ay namumuhay sa isang bansang salat sa kabuhayan, maaaring kaunti lamang ang magagawa mo upang mapabuti ang iyong kalagayan. At kung umiiral ang mga pagkakataon sa ekonomiya, gunitain ang mga salita ni Solomon sa Eclesiastes 4:4: “Natutuhan ko rin kung bakit ang mga tao ay puspusang nagpapagal upang magtagumpay: ito’y dahilan sa kinaiinggitan nila ang mga bagay na mayroon ang kanilang mga kapuwa. Subalit ito’y walang kabuluhan. Ito’y parang naghahabol ka sa hangin.”​—Today’s English Version.

Kung ang iyong tunguhin ay kayamanan anuman ang isakripisyo mo, madali mong masusumpungan ang iyong sarili na natutuksong ikompromiso ang iyong moral na mga pamantayan. Gayundin, ang mga kalagayang higit sa iyong makakaya ay maaaring ubusin agad ang iyong pinaghirapang pera​—iniiwan ka na mas mahirap kaysa rati. Ang Kawikaan 23:4, 5 sa gayo’y nagbababala: “Huwag kang magtrabaho nang husto upang magpakayaman. . . . Iyo bang itinitig ang iyong mga mata rito, nang ito ay wala? Sapagkat walang pagsalang ito’y magkakapakpak na gaya ng isang agila at lumilipad sa dakong langit.”

Tasahin Mo ang Iyong mga Kabuhayan

Kung gayon, nangangahulugan ba ito na ikaw ay basta sumuko sa kawalang pag-asa? Tiyak na hindi! Ang positibong hakbang na maaari mong kunin ay pagtuunan ng pansin, hindi ang iyong mga kakulangan, kundi ang iyong mga kabuhayan (assets). Totoo, maaaring kaunti lamang ang iyong mga ari-arian. Subalit sa kaniyang aklat na Relationships, binanggit ni Dr. Tony Lake na “ang isa na mahirap sa pinansiyal na paraan ay maaaring may iba pang yaman, gaya ng isang maibiging pamilya, palakaibigang mga kapitbahay o isang maligayang lugar na pamumuhayan.” Tunay, ang gayong mga kabuhayan ay mas mahalaga kaysa pera! Sabi ng isang kawikaan: “Maigi ang pagkaing gulay na may pag-ibig kaysa matabang baka at may pagkakapootan.” (Kawikaan 15:17) Ang mga kabataang Kristiyano ay mayroon pang mahalagang kabuhayan: ang suporta ng “buong samahan ng mga kapatid.”​—1 Pedro 2:17.

Marahil maaari mo ring malasin ang iyong materyal na pag-aari sa mas positibong liwanag. Ipagpalagay nang totoo, maaaring ikaw ay nakatira sa simple, marahil mas saunahin, na tahanan. Maaaring ikaw ay nagsusuot ng luma, pinaglumaan, o tagpi-tagping damit. At maaaring naghahangad ka ng naiiba namang pagkain. Ngunit talaga bang kailangan mo ng damit na sunod sa moda o isang magarang tahanan upang palugdan ang Diyos? Kailangan mo ba ang kaakit-akit na pagkain upang manatiling buháy at nasa mabuting kalusugan? Mangyari pa hindi! Gaya ng sabi ni apostol Pablo: “Kung tayo’y may pagkain at pananamit, sapat na iyon sa atin.”​—1 Timoteo 6:8; TEV.

Si Eldred, isang lalaking taga-Timog Aprika na lumaki sa isang mahirap na pamilya, ay nagsabi: “Basta tinanggap namin na ang pamilya ay nabubuhay sa isang mahigpit na badyet at na hindi namin maaaring makuha ang lahat ng aming kailangan.” Nagugunita ni Eldred na nang ang pantalon niya na pamasok ay gulanit na, basta ito tatagpian ng kaniyang nanay. Nang magtagal, mas marami pa itong tagpi kaysa dati nitong tela! “Kailangan kong tiisin ang kaunting pagtukso,” sabi ni Eldred. “Subalit ang mahalagang bagay ay na ang aming mga damit ay malinis at praktikal.”

Pagtitipid sa Tahanan

Maaari ka ring kumuha ng praktikal na mga hakbang upang pagbutihin ang iyong kalagayan. Binabanggit ng Bibliya yaong may kamangmangang “mabilis na ginagasta ang kanilang pera na kasimbilis ng pagkuha nila nito.” (Kawikaan 21:20, TEV) Kaya, ipakita mong matalino ka sa pagiging maingat na huwag mag-aksaya ng pagkain, pera, o anumang pag-aari ng sambahayan. (Ihambing ang Juan 6:12.) Ang pagsusugal, pag-abuso sa nakalalasing na inumin, paninigarilyo​—ito’y mga bisyo na hindi lamang nag-aaksaya ng pera kundi ito’y hindi rin sinasang-ayunan ng Diyos. (2 Corinto 7:1) Kung ang ibang mga miyembro ng pamilya ay kumikilos nang walang katalinuhan tungkol sa mga bagay na ito, magpakita ng halimbawa sa kanila sa pamamagitan ng iyo mismong paggawi.​—Ihambing ang 1 Timoteo 4:12.

Ang isa pang paraan upang makatulong sa kapakanan ng iyong pamilya ay tulungan ang iyong mga magulang sa mga gawain sa bahay. Magboluntaryong tumulong sa pagluluto, paglilinis, pagkukumpuni, at paghahalaman. Ang paggawa ng gayon ay magbibigay sa iyo ng kasiyahan na ikaw ay may nagawa.

Karagdagang Kita

Ang ibang kabataan ay nakatutulong sa kita ng pamilya sa pagkakaroon ng isang part-time na trabaho. Si Loyiso, na nabanggit kanina, ay nagtinda ng gulay; tinanim niya ito sa isang pirasong lupa sa likuran ng kaniyang tahanan. Ang sariwang aning gulay ay nakatulong din upang pakanin ang kaniyang pamilya. “Siyang bumubukid sa kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay,” sabi ng Kawikaan 28:19. Nasumpungan ni Loyiso ang mga salitang ito na totoo.

Ang ibang kabataan ay nagkusang magtinda ng damit, pagkain, at gatong na kahoy. Ang iba ay gumagawa ng simpleng mga pagkukumpuni sa bahay, bumibili ng mga iniuutos, o nag-aalaga ng bata.

Pag-aaral at Karalitaan

Sang-ayon sa 1989 Britannica Book of the Year, maraming mas mahirap na kabataan ang nakakikita “ng kaunting pakinabang sa pagpapatuloy ng pag-aaral.” Ang mga pasilidad sa edukasyon sa maraming bansa ay kadalasang siksikan at hindi sapat. At kapag pinagtimbang-timbang ng mga kabataan ang hirap na makapasok sa trabaho laban sa ilang madali subalit ilegal na mga mapagkikitaan, ang iba ay nawawalan ng lahat ng pagnanais na mag-aral.

Gayunman, lalo lamang pinahihigpit ng kakulangan ng pag-aaral ang sunggab ng karalitaan. Maaaring mangailangan ng disiplina-sa-sarili, ngunit matalinong ikaw ay magpatuloy na mag-aral! Isaalang-alang ang munisipyo ng Howrah, isang slum sa Calcutta, India. Doon ay may 800,000 kataong nakatira sa pinakamiserableng karalitaan. Karamihan ng mga bata ay gumagawa ng hamak na mga atas sa maghapon; gayunman, ang marami ay nag-aaral sa gabi upang makakuha ng edukasyon. Kaya kahit na kung ang pag-aaral ay mahirap, huwag kang hihinto. Ang paaralan ay maaaring tumulong sa iyo na magkaroon ng komunikasyon at kakayahan sa pag-iisip​—mga kasanayan na balang araw ay tutulong sa iyo na makakuha ng trabaho.

Pagtingin sa Unahan

“Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapuwa. Si Jehova ang Maylalang sa kanilang lahat.” (Kawikaan 22:2) Ang katotohanang iyan ay nakatulong sa libu-libong kabataang mga Saksi ni Jehova na matagumpay na madaig ang karalitaan. Pinahahalagahan nila na ang kaligayahan ay depende, hindi sa pag-aari ng materyal na mga bagay, kundi sa pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova, na tinatanggap ang lahat ng nagnanais maglingkod sa kaniya​—mayaman o mahirap. Ang Diyos ay nagbibigay ng pag-asa ng buhay sa isang bagong sanlibutan sa hinaharap na malaya sa malupit na karalitaan.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.

Samantala, matalinong gamitin ang iyong mga yaman. Tumingin sa hinaharap. Magtipon ng espirituwal na mga kayamanan. (Mateo 6:19-21) Malasin ang pagdaig sa karalitaan bilang isang hamon​—isa na mapagtatagumpayan mo.

[Talababa]

a Tingnan ang aming labas ng Enero 22, 1992.

[Mga larawan sa pahina 26]

Hindi mapabubuti ng paghahangad ang iyong kalagayan, ngunit mapabubuti ito ng masikap na pag-aaral