Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Humihina ang Kalakalan ng Armas?
Sang-ayon sa Disarmament Newsletter ng UN, may mabuting balita sa daigdig ng kalakalan ng mga sandata. Waring nasumpungan ng Stockholm International Peace Research Institute na “ang pangglobong halaga ng kalakalan sa malalaking kombensiyunal na mga sandata ay 35% mas mababa noong 1990 kaysa noong 1989, na sa ganang sarili ay mas mababa kaysa mga bilang na naitala para sa mga taon ng kalagitnaang 1980s.” Gayunman, ang The Bulletin of the Atomic Scientists ay nagkaroon ng malabong palagay tungkol sa pulitikal na usapan tungkol sa mga pagbabawas ng armas, na ang sabi: “Sa tunay na daigdig, ang aktuwal na bentahan ng mga sandata ay lumalakas.” Halimbawa, binabanggit ng Bulletin ang Pransiya, na nakasaksi sa “70 porsiyentong pagtaas sa pagluluwas ng mga sandata” noong 1990. Mula nang magsimula ang krisis sa Persian Gulf, ang mga manggagawa ng sandata sa Estados Unidos ay nagkaroon ng kontrata na gumawa ng $15 bilyong halaga ng mga sandata—para lamang sa mga bansa sa Gitnang Silangan! At noon lamang Hulyo 1991, ang pambuong-daigdig na pagluluwas militar ng E.U. ay umabot ng $7 bilyon.
Ang Kabayaran ng “Cocaine Babies”
Isa pang kalagim-lagim na estadistika ang tumataas—ang bilang ng mga nagdadalang-tao sa Estados Unidos na sugapa sa drogang cocaine. Sang-ayon sa magasing New Scientist, ang tantiya sa bilang ng mga sanggol na nalantad sa droga samantalang nasa bahay-bata pa ay mula sa 92,000 hanggang 240,000 sa bawat taon. Tinatantiya ng pamahalaan ng E.U. na 158,400 gayong mga sanggol ay ipinanganak noon 1990 lamang. Ang cocaine ay madaling makarating sa inunan upang salakayin ang kanlungan ng ipinagbubuntis na sanggol, at ngayon lamang nauunawaan ng mga siyentipiko kung paano maaaring pinsalain nito ang ipinagbubuntis na sanggol. Natuklasan ng isang pag-aaral na ang “cocaine babies” ay mas matagal na nananatili sa ospital, dalawang ulit na malamang na magaang ang timbang, at 50 porsiyentong malamang na magtungo sa intensive care dahil sa iba’t ibang karamdaman. Ang halaga ng lahat ng ekstrang pangangalaga sa ospital? Tinatayang $504 milyon sa isang taon!
Nakamamatay na Pagbabalik
Ang mga moose (isang uri ng malaking usa) ay dati-rating nanganib na malipol sa mga estado ng Maine, New Hampshire, at Vermont sa Hilagang Amerika. Gayunman, ang populasyon ng moose ay biglang dumami sa nakalipas na dekada, at ito ay humantong sa lubhang pagdami ng mga banggaan sa pagitan ng mga hayop at ng mga sasakyan. Ang adultong moose, na tumitimbang ng mula 450 kilo hanggang 700 kilo, ay may taas na dalawang metro mula sa balikat. Yamang sa taas na ito ay inilalagay nito ang ulo ng hayop sa itaas ng sinag ng mga ilaw sa harap ng sasakyan, walang naibabalik na liwanag mula sa mga mata upang babalaan ang dumarating na mga tsuper sa gabi. “Kung mababangga mo ang isang moose, makikita mo lamang ang mga paa at hindi mo ito makikita hanggang sa ito ay tumama sa salamin sa harapan,” sabi ng dalubhasa sa buhay-ilang na si Howard C. Nowell. Sa Maine lamang ay nagkaroon ng 500 banggaan ng moose-sasakyan noong 1990. Ang isa pang problema ay na ang mga moose ay hindi mahulaan. Inakala ng isang tsuper ng isang maliit na kotse na maaari niyang takutin at itaboy ang isang moose sa daan sa pamamagitan ng pagbusina. Sa halip na matakot, dinaluhong ng moose ang kotse at pinagulong ito sa kakahuyan!
Mga Babaing Nawawala
Sa pagsusuri sa malawak na estadistikal na huwaran sa bilang ng kapanganakan at kamatayan, narating ng mga demograpo ang isang nakababahalang tuklas. Isang daang milyong mga babae ang waring nawawala mula sa populasyon ng daigdig. Iniuulat ng The New York Times na samantalang 5 o 6 na porsiyentong higit na mga lalaki kaysa mga babae ang ipinanganganak, mas maraming lalaki ang namamatay. Kaya sa maunlad na mga bansa na gaya ng Inglatera at Estados Unidos, mas maraming babae kaysa lalaki halos 105 babae sa 100 lalaki. Gayunman, sa maraming mahihirap na bansa, lalo na sa Asia, kapansin-pansin na mas kakaunti ang mga babae—kung minsan ay 93 lamang sa bawat 100 lalaki. Ang dahilan? Ganito ang sabi ng Times: “Kabilang sa sampu-sampung milyon ng nawawalang mga babae ay . . . yaong mga ipinalaglag o pinatay sa pagsilang o namatay dahil sa sila ay binigyan ng mas kaunting pagkain kaysa mga lalaki, o dahilan sa ipinalalagay ng mga miyembro ng pamilya na ang anak na babae na nagtatae ay buwisit subalit ang anak ng lalaki na nagtatae ay isang medikal na krisis na nangangailangan ng isang doktor.”
Ang Pangmalas ng mga Kabataan sa Hapón
Natuklasan ng isang surbey kamakailan na ang mga kabataan sa Hapón ay may kataka-takang malungkot na pangmalas sa lipunang Hapones at sa hinaharap. Ang Asahi Evening News ay nag-uulat: “Mahigit na 50 porsiyento ng mga estudyanteng tinanong ay sumagot ng oo sa mga sinasabing ‘yamang higit na pinahahalagahan ng kasalukuyang lipunan ang pera at mga bagay, ang espirituwal na yaman ay napababayaan.’ ” Halos 70 porsiyento ng mga estudyante ay nagpahayag ng kawalan ng kasiyahan sa lipunan. Nang sila’y hilingin na pumili ng isang kulay na pinakamahusay na nagpapahayag ng kanilang pangmalas
sa kinabukasan ng kanilang bansa, pinili ng 38.8 porsiyento ang kulay abo, pinili ng 15.7 porsiyento ang itim, at 3.1 porsiyento lamang ang pumili ng kulay rosas. Nang tanungin kung ano ang nais nilang ituro sa kanila ng paaralan, pinili ng karamihan ang patnubay sa kung paano magkakaroon ng karakter, gaya ng kung paano dapat mamuhay ang isa. “Ito’y isang malubhang paghingi ng saklolo,” hinuha ng pahayagan.Pagpapataas sa IQ
Ang iyo bang IQ—ang iyong Intelligence Quotient na sinusukat ng pamantayang pagsubok—ay isang sukatan ng iyong matatag, panlahat na talino? O ang IQ ba ay apektado rin ng panlabas na mga impluwensiya? Ang mga tanong na iyon ay mainit na pinagtalunan ng mga eksperto sa larangan ng pagsubok sa talino. Mariing ipinakikita ng bagong mga katibayan na ang paaralan, yamang ito ang nagtuturo sa mga bata kung paano mag-isip at lumutas ng mga problema, ay gumaganap ng isang malaking bahagi sa pagbuo ng IQ. Sang-ayon sa magasing Science News, nirepaso ng sikologong si Stephen J. Ceci ng Cornell University sa Estados Unidos ang 200 iba’t ibang pag-aaral na gumawa ng tsart ng pag-unlad ng IQ. Nasumpungan niya na ang IQ ng mga bata ay walang pagbabagong bumababa nang kaunti pagkatapos ng isang mahabang bakasyon mula sa paaralan. Isa pa, ang mga batang patigil-tigil sa pag-aaral ay waring dumaranas ng pagbaba ng IQ. Ipinakikita ng mga pag-aaral ni Ceci na sa bawat taon ng pag-aaral na ang bata ay hindi pumapasok, ang IQ ay maaaring bumaba mula sa sangkapat ng isang punto hanggang sa anim na punto.
Epidemya ng Krimen sa Timog Aprika
Nasaksihan ng nakalipas na dalawang taon “ang kapaha-pahamak na pagdami ng malubhang krimen,” sa Timog Aprika, ulat ng The Star, isang pahayagan sa Johannesburg. Noong 1990 may 15,109 pagpatay—isang 28-porsiyentong pagdami sa bilang ng pagpatay noong 1989; sa unang walong buwan ng 1991, ito ay tumaas pa ng 2 porsiyento. Tumaas din ang iba pang mararahas na krimen. Ang Witness Echo ng Pietermaritzburg ay nag-uulat na “sa bawat tatlong minuto isang babae ang hinahalay sa Timog Aprika”—kasindami ng 300,000 sa isang taon, ayon sa isang tantiya. Binabanggit ng pahayagan ang tungkol sa isang dumadalaw na sosyologo na naghinuha na ang Timog Aprika ang may pinakamataas na insidente ng panghahalay sa daigdig. Tinataya ng isang ahensiya sa paghadlang sa krimen na 1 sa bawat 4 na babae sa Timog Aprika ang dumanas na halayin sa buong buhay niya. Sampung taon lamang ang nakalipas, ang katumbasan ay 1 sa 10.
Isang Paring Torero
Iniulat ng pahayagang Kastila na El País ang kaso ni Ángel Rodríguez Tejedor, 55 anyos, pari sa parokya ng Titulcia (Madrid), na lumaban sa isang batang toro sa harap ng isang pulutong ng 1,500 katao upang mangilak ng pera para sa kaniyang simbahan. (Ang perang napangilak mula sa naunang corida de toros ay ipinambayad sa sistema ng pagpapainit sa isang kombento.) Patungo sa dako na pagtatanghalan ng corida de toros, siya’y huminto sa harap ng simbahan upang magdasal at sa nanginginig na tinig ay sumigaw sa istatuwa ng Birhen del Rosario: “¡Guapa, ayudame!” (Marilag na isa, tulungan mo po ako!) Nang dumating na ang sandali ng pagpatay sa toro, sinugo ng pari ang sakristan ng simbahan upang patayin ang hayop. Iniulat ng pahayagan na ang pari at ang kaniyang koponan ay ginantimpalaan ng mga tainga ng patay na toro bilang isang tropeo at na ang ginawa ng pari noong hapon “ay mas pinahalagahan kaysa Misang idinaos niya noong Linggo, sa paano man kung ang pagbabatayan ay ang bilang ng dumalo.”
Buhay Pampamilya sa Europa
Binabanggit ng Pranses na aklat na Euroscopie na ang dami ng diborsiyo sa Europa ay naging triple (mula 171,000 tungo sa 530,000) sa loob ng 20 taon. Tinutukoy ng aklat ang United Kingdom, kung saan ang dami ng diborsiyo ay anim na beses na dumami sa pagitan ng 1960 at 1988. Sa Denmark, 1 sa bawat 2 pag-aasawa ngayon ang nagwawakas sa diborsiyo—halos katulad ng sa Estados Unidos. Nagkokomento tungkol sa bahaging ito ng aklat, ang magasing Pranses na L’Express ay nagsasabi: “Bagaman patuloy na inilalagay ng mga Europeo [ang pamilya] sa itaas ng kanilang listahan ng mga pinahahalagahan, ang malaon nang institusyon ay walang lubag na gumuguho.”
Masakit na Katotohanan?
Kinuwestiyon ng isang artikulo kamakailan sa The Wall Street Journal ang pagkamaaasahan ng marami sa “siyentipikong” mga pag-aaral na ginagamit ng mga tagagawa upang ianunsiyo o ipagtanggol ang kanilang mga produkto. Sa pagsurbey sa isang limitado, di-karaniwang sampol ng mga tao, o sa pamamagitan ng pagtatanong ng nakaliligaw ng mga tanong, o sa paggawa ng mga palagay na pabor-sa-sarili, ang mga pag-aaral ay maaaring gawin upang sumuporta sa halos anumang palagay. Kadalasan nang ang mga ito’y binabayaran ng mga kompaniya ng pinansiyal na gantimpala. Halimbawa, itinaguyod kamakailan ng mga industriyang gumagawa ng telang-lampin ang dalawang pag-aaral na naghinuha na ang mga lamping-papel ay nakapipinsala sa kapaligiran. Samantala, itinaguyod naman ng industriya na gumagawa ng lamping-papel ang dalawang pag-aaral na “nagpapatunay” na hindi ito nakapipinsala sa kapaligiran! Si Eric Miller, editor ng isang pahayagan na nagrerepaso ng 2,000 gayong mga pag-aaral sa bawat taon, ay nagsabi sa Journal: “May mabagal na pag-urong sa etika.” Susog pa niya: “Ang nakatatakot na bahagi ay, ang mga tao’y gumagawa ng mga disisyon salig sa mga bagay na ito. Maaari itong maging isang di-nakikitang krimen, subalit ito’y hindi isang krimen na walang biktima.”