Pagtulong sa mga May Sakit na Kaugnay ng Pagkain
Pagtulong sa mga May Sakit na Kaugnay ng Pagkain
NAKAKAHARAP ng angaw-angaw na pamilya sa buong daigdig ang isang miyembro ng pamilya na may sakit na kaugnay ng pagkain. Ang bulimia (pagpapakalabis sa pagkain at saka pagpupurga), anorexia nervosa (matagal na hindi pagkain), at ang gumon sa labis na pagkain (di-mapigil na pagkain) ay naging epidemya sa ilang dako.
Ang mga sakit na ito ay pangunahin nang problema ng mga babae. Apektado nito ang mga babae ng lahat ng edad, kapuwa walang asawa at may asawa. Ang mga bata at tin-edyer, gayundin ang nakatatanda, pati na ang mga lola, ay kabilang sa pinahihirapan nito. a Yamang mahigit na 90 porsiyento niyaong mga apektado ay babae, ipatutungkol namin ito sa mga babae kapag binabanggit yaong mga may problema rito.
Kung ang isa na minamahal mo ay may sakit na kaugnay ng pagkain, walang alinlangan na nais mo siyang tulungan. Subalit ang basta paghiling sa isa na may sakit na bulimia na ihinto ang labis-labis na pagkain at pagpupurga ay tulad ng pagsasabi sa isang taong may pulmunya na ihinto ang pag-ubo. Bago mo talaga matulungan ang isa na may sakit na kaugnay ng pagkain, kailangan mong makilala at bigyang pansin ang matinding pagkabalisa ng damdamin na kadalasang pinagmumulan ng problema. Kaya, ang kasanayan—hindi lamang ang mabuting layunin—ay mahalaga. Kung minsan ang problema ay dahil sa naranasang pag-abuso sa sekso noon. Kung gayon nga, ang maysakit ay karaniwang mangangailangan ng pantanging tulong mula sa isang may kakayahang tagapayo. b
Talakayin ang Problema
Ang malaman na ang iyong anak, asawa, o kaibigan ay may problema sa pagkain ay hindi laging madali. Ito’y dahilan sa yaong mga may sakit na kaugnay ng pagkain ay maaaring malihim. (Tingnan ang kalakip na kahon.) Gayunman, ang isang sakit na kaugnay ng pagkain ay karaniwang hindi nawawala sa ganang sarili. Mientras mas maagang makausap at matulungan ang isa na maysakit nito, mas mabuti ang tsansa ng paggaling.
Gayunman, bago magsalita sa isang pinaghihinalaang may sakit, maingat na iplano kung ano ang sasabihin at gayundin ang pinakamabuting panahon upang sabihin ito. Ang panahon ay dapat kapag ikaw ay mahinahon at walang makaaabala. Ang maling paglapit—gaya ng paggawa ng malawakang pagbabanta—ay hahadlang sa komunikasyon at maaari lamang palalain ang mga bagay.
Kapag nakikipag-usap sa isa na pinaghihinalaan mong may sakit na kaugnay ng pagkain, huwag maging palahatol, maging espisipiko. Halimbawa, maaaring sabihin mo, ‘Malaki ang ipinayat mo. Ang luluwag na ng mga damit mo. Ano ang dahilan?’ O, ‘Narinig kong sumusuka ka sa banyo. Alam ko na ito’y nakahihiya, pero nais kong tumulong. Puwede ba tayong magprangkahan sa isa’t isa?’ Kahit na kung ang isang tao ay tutugon na galít at magkakaila, ang mahinahong paglapit ay maaaring humikayat sa kaniya na ipakipag-usap ang bagay na ito. (Kawikaan 16:21) Ang pagkakaroon ng prangkahang pag-uusap ay isang makatotohanang tunguhin para sa inyong unang pag-uusap.
Ang mga sakit na kaugnay ng pagkain ay kadalasang lumilitaw kapag ang mga miyembro ng pamilya ay labis na nababahala sa laki ng kanilang katawan at kapag ang mga bata ay pinupuri sa kanilang hitsura o mga nagawa. Kaya, sa isang pamilya kung saan ang isang miyembro ay may sakit na kaugnay ng pagkain, baka kailangang muling tasahin ng ibang miyembro ng pamilya ang kanilang mga saloobin at prayoridad. Ang lunas sa problema ng isang maysakit nito ay maaaring humiling ng mga pagbabago sa mga miyembro ng pamilya. Oo, ang kanilang mga pagsisikap ay kadalasang isa sa pinakamahalagang salik sa paggaling ng isa na pinahihirapan nito.
Iwasan ang Pagmamatigasan
Sa isang pamilya literal na pinasakan ng pagkain ng lubhang nayamot na magulang ang bibig ng isa na may anorexia, subalit ang batang babae ay tumanggi at nasiyahan sa kaniyang sarili na maaari niyang tanggihan ang mga pagsisikap ng kaniyang mga magulang. Kaya kilalanin na hindi mo mapipilit ang isang tao na kumain o huminto sa labis-labis na pagkain. Mientras pinipilit mo ang maysakit, lalo naman siyang nagmamatigas.
“Ang mga bagay ay lalo lamang lumalala tuwing gagawin kong isyu ang tungkol sa kaniyang pagkain,” sabi ni Joe, na ang anak na babaing si Lee ay halos mamatay dahil sa anorexia. “Kinailangan kong lubusang ihinto ang pagbanggit tungkol sa pagkain.” Ang kaniyang asawa, si Ann, ay nagpaliwanag kung ano ang nakatulong sa kanilang anak na babae: “Tinulungan namin siya na madama na makakaya niyang supilin ang kaniyang sarili nang hindi na bumabaling sa gayong mga kalabisan. Ito ang nagligtas ng kaniyang buhay.” May katalinuhan, huwag gaanong idiin ang tungkol sa isyu ng pagkain. Tulungan ang maysakit na makita na kapag siya’y kumakain, ginagawa niya iyon para sa kaniyang sarili at hindi para sa iyo.
Tulungang Magkaroon ng Pagtitiwala
Karamihan ng tao na may sakit na kaugnay ng pagkain ay mga perpeksyunista. Kaunti lamang ang nakaranas ng kabiguan. Ang kanilang mga magulang—taglay ang pinakamabuting layunin—ay kung minsan nakatulong sa problema. Paano? Sa pagiging labis-labis na mapangalaga, sinisikap na ipagsanggalang ang kanilang anak mula sa anumang kahirapan.
Kaya kailangang tulungan ng isang magulang na matanto ng bata na ang kaniyang pagkakamali ay isang bahagi ng buhay at hindi tumitiyak sa kaniyang halaga-sa-sarili. “Ang matuwid ay nabubuwal na makapito,” sabi ng Kawikaan 24:16, “at siya’y bumabangon.” Ang isang bata ay hindi magugupo ng kahirapan kung siya ay naturuan na ang mga kabiguan ay normal, pansamantala, at maaaring daigin.
Dapat ding tanggapin at pahalagahan ng isang magulang ang pagiging walang-katulad ng bawat bata. Bagaman sinisikap na sanayin ng Kristiyanong magulang ang bata sa “pangkaisipang-patnubay ni Jehova,” dapat pa rin niyang pahintulutan ang bata na maging isang indibiduwal. (Efeso 6:4) Huwag sikaping gawin o pakilusin ang bata ayon sa iyong sariling mga ideya. Upang madaig ang isang sakit na kaugnay ng pagkain, dapat madama ng isang bata na ang kaniyang pagkaindibiduwal ay iginagalang at pinakamamahal.
Magkaroon ng Bukás na Komunikasyon
Sa maraming sambahayan kung saan ang isang anak o asawa ay may sakit na kaugnay ng pagkain, umiiral ang mahinang komunikasyon. Yaong mga maysakit ay karaniwang nahihirapang ipahayag ang kanilang tunay na mga damdamin kapag ito ay naiiba sa damdamin ng isang magulang o ng asawa. Totoo ito lalo na sa isang sambahayan kung saan ang tuntunin ay, ‘Kung wala kang masabing maganda, huwag ka nang magsalita.’ Kaya ang maysakit ay bumabaling sa pagkain upang kalimutan ang panloob ng kabiguan.
Halimbawa, hindi natulungan ni Matthew na madaig ng kaniyang asawa ang kaniyang pagkagumon
sa pagkain. “Kailanma’t siya’y balisa siya ay umiiyak at saka aalis at kakain,” panangis niya. “Kailanman ay hindi niya . . . sinabi sa akin kung ano ang gumugulo sa kaniya.” Iminungkahi ng isang tagapayo na silang dalawa ay magtabi ng isang oras sa isang linggo upang mag-usap nang sarilinan at na sila’y magpahayag ng anumang reklamo nang hindi inaabala ng isa. “Naunawaan namin kung ano ang problema,” sabi ni Matthew. “Wala akong kaalam-alam na si Monica ay totoong hindi maligaya tungkol sa napakaraming bagay at na ipinangangatuwiran ko naman ang aking sarili. Akala ko ako’y mahusay na tagapakinig ngunit hindi pala.”Kaya, upang tulungan ang iyong asawa o ang iyong anak, maging handang makinig sa kanilang negatibong mga damdamin at kawalan ng kasiyahan. Sang-ayon sa Kasulatan, ang pakikinig sa “nagrereklamong daing ng dukha,” ay wasto. (Kawikaan 21:13) Natutuhan nina Joe at Ann ang aral na ito.
“Kinailangan kong ihinto ang paghihinuha nang hindi nalalaman ang lahat ng katotohanan at ang pagpapakita ng aking pagkayamot kapag iba ang palagay ni Lee,” sabi ni Joe tungkol sa kaniyang anak na may anorexia. Ang kaniyang asawa, si Ann, ay nagsabi: “Pakinggan kung ano ang gustong sabihin ng bata. Huwag mong ilagay ang iyong mga salita sa kaniyang bibig. Pakinggan kung ano talaga ang palagay niya sa bagay-bagay.”
Inilarawan ni Ann ang bagay na ito: “Dati-rati, kapag nagrereklamo si Lee na may nakasakit sa kaniyang damdamin, sasabihin ko sa kaniya na hindi naman iyon sinasadya ng tao. At lalo pa siyang mababalisa. Ngayon kapag siya’y nagrereklamo, sinasabi ko, ‘Batid ko na nasaktan ka. Nauunawaan ko kung bakit ito ay nakasasakit sa iyo.’ Sinisikap kong magkaroon ng empatiya sa halip na baguhin ang kaniyang palagay ora mismo.” Kaya makinig na talaga, at huwag mong akalain na alam mo na ang mga layunin o damdamin ng isa.
Kapag bukás ang komunikasyon, ang isa ay makasusumpong ng kaaliwan sa panahon ng kabagabagan at hindi na siya napipilitang bumaling sa hindi nakalulusog na mga kaugalian sa pagkain. Ipinaliwanag ni Dawn kung bakit hindi na siya bumalik sa kaniyang pagkagumon sa pagkain at bulimia: “Kapag ako’y balisa, lagi kong makakausap ang mister ko sapagkat siya ay napakamaunawain at nakaaaliw.”
Magpakita ng Pag-ibig na Mapagsakripisyo-sa-Sarili
Ganito ang payo ng isang nagdadalamhating ama na ang anak na babaing may bulimia ay namatay dahil sa sakit sa puso: “Mahalin ninyo ang inyong mga anak nang higit kaysa inaakala ninyo ay sapat na.” Oo, maging mapagbigay sa pagpapahayag ng pag-ibig. Tulungan ang inyong anak at ang inyong asawa na madama na ang inyong pag-ibig sa kanila ay hindi depende sa kanilang hitsura o mga nagawa. Subalit ang pagpapakita ng pag-ibig sa isa na sinunggabang mahigpit ng isang sakit na kaugnay ng pagkain ay hindi madali. Iyan ang dahilan kung bakit ang susi ay ang pag-ibig na mapagsakripisyo-sa-sarili, na inilalarawan ng Bibliya bilang mabait, matiisin, at mapagpatawad. Ito ang pagkukusa na unahin ang kapakanan ng iba.—1 Corinto 13:4-8.
Nang malaman ng mag-asawa na ang kanilang anak na babae ay may sakit na bulimia, naguluhan sila sa kung ano ang dapat gawin. “Inakala ko na kung hindi mo tiyak kung ano ang gagawin, gawin mo ang mabait na bagay,” sabi ng ama. “Natalos ko na siya ay isang tanging anak na babae na may napakaseryosong personal na problema. Ang mabait na bagay ay bigyan siya ng katiyakan at emosyonal na suporta.”
Tinanong niya ang kaniyang anak na babae: “Hindi mo ba mamasamain kung regular na kumustahin namin ng nanay mo ang tungkol sa iyong problema?” Siya ay nagpahayag ng pasasalamat sa mabait na pagkabahalang ito, kaya ang mga magulang ay magtatanong sa pana-panahon.
“Lilipas ang mga araw, pagkatapos ilang linggo, at saka ilang buwan bago siya babalik sa dating sakit,” sabi ng ama. “Subalit kapag inamin niya na siya ay muling napadaig sa dating sakit, pinatitibay-loob namin siya at sinisikap naming huwag magtinging nasisiraan ng loob.” Susog pa ng ina: “Madalas kaming mag-usap. Sinabi ko sa kaniya na siya’y sumusulong. Sabi ko, ‘Huwag kang susuko. Nakaya mo ito sa loob ng dalawang linggo. Tingnan natin kung hanggang saan ka makatatagal ngayon.’ ”
“Isa sa mga dahilan kung bakit hindi namin napansin ang kakatwang ugali sa pagkain ng aming anak na babae ay sapagkat kami ay bihirang kumain na magkasama,” sabi ng ama. “Kaya binago ko ang iskedyul ko sa trabaho upang makasama ko ang aking pamilya sa hapunan.” Ang paggawa ng pagbabagong iyon na kumain na magkakasama,
pati na ang paglalaan ng matiyaga at maibiging atensiyon, ay tumulong sa kanilang anak na babae na lubusang gumaling.Samantalang sinisikap gawin kung ano ang pinakamabuti para sa maysakit, mahalaga na magbigay ng kinakailangang disiplina, na kapahayagan ng pag-ibig. (Kawikaan 13:24) Huwag ipagsanggalang ang maysakit sa mga kahihinatnan ng kaniyang kilos. Ang pagpapabayad sa kaniya mula sa kaniyang sariling pera upang palitan ang pagkain na ginamit niya sa panahon ng labis-labis na pagkain, o ang paghiling sa kaniya na linisin ang kalat sa banyo na gawa ng kaniyang udyok-sa-sarili na pagsusuka, ay maaaring magturo sa kaniya na siya ang may pananagutan sa kaniyang paggawi. Sa paggiit na siya’y mamuhay ayon sa makatuwirang mga tuntunin sa sambahayan, inihahatid mo ang iyong pagtitiwala na kaya niyang pangasiwaan nang wasto ang kaniyang buhay. Maaari nitong itaas ang pagpapahalaga-sa-sarili na karaniwan nang wala sa mga may sakit na kaugnay ng pagkain.
Dahil sa kaniyang panloob na ligalig, ang maysakit ay maaaring magsalita sa galit. Kung magkagayon, sikaping unawain ang dahilan ng silakbo ng damdamin. Sikaping hanapin at pakitunguhan ang sanhi ng “pagkagalit.” (Job 6:2, 3) Isang pantanging hamon para kina Joe at Ann nang ang kanilang anak na babaing may sakit na anorexia ay naging rebelde at mapanlait.
“Patuloy naming sinikap na pagpakitaan siya ng pag-ibig sa halip na basta palayasin siya,” sabi ni Ann. Sabi pa ng kaniyang asawa: “Patuloy kaming humanap ng tulong para sa kaniya at sinasabi namin sa kaniya kung gaano namin siya kamahal.” Ang resulta? Sa wakas ay natanto niya na talagang mahal na mahal siya ng kaniyang mga magulang, at siya’y nakikipag-usap na sa kanila.
Kapag ang maysakit ay isang bata, ang hirap sa mga magulang, lalo na sa ina, ay matindi. Kaya nga, dapat bigyan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae ng mahalagang emosyonal na pagtangkilik. Huwag ninyong isakripisyo ang inyong pagsasamang mag-asawa sa karamdaman ng inyong anak. Tanggapin ang inyong mga limitasyon.
Sa ilang mga kaso, baka kailanganin ninyo ang tulong mula sa labas ng pamilya. Tantiyahin ang lahat ng salik na nasasangkot, at tiyakin kung anong uri ng tulong ang pinakamabuti. Mangangailangan ng katatagan kung ang maysakit ay nag-aatubili. Ipaalam sa kaniya na kayo ay kikilos upang pangalagaan ang kaniyang buhay kung kinakailangan, subalit iwasang sabihin ang mga bagay na hindi ninyo magagawa.
May mga panahon na kayo ay makadarama ng panghihina at ang kalagayan ay para bang wala nang pag-asa, subalit huwag kalimutang sabihin ang mga problemang iyon sa panalangin sa Diyos ng pag-ibig. Siya ay makatutulong! “Natalos namin na ito ay higit kaysa makakaya namin,” pagtatapat ni Joe. “Ang mahalagang bagay na natutuhan namin ay ang lubusang magtiwala sa Diyos na Jehova. Hinding-hindi niya tayo bibiguin.”
[Mga talababa]
a Tingnan ang “Sino ang Nagkakaroon ng mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain?” sa aming labas ng Disyembre 22, 1990.
b Tingnan ang “Tulong para sa mga Biktima ng Insesto” sa Abril 1, 1984, na labas ng aming kasamang babasahin na Ang Bantayan.
[Kahon sa pahina 13]
MGA PALATANDAAN NG MGA SAKIT NA KAUGNAY NG PAGKAIN
◼ Limitadong pagkain, gaya ng mahigpit na diyeta o pag-aayuno
◼ Labis na pangangayayat o pabagu-bago ang timbang
◼ Kakatwang mga ritwal sa pagkain, gaya ng paghiwa sa pagkain sa maliliit na piraso
◼ Matinding takot na tumaba, gaano man kababa ang timbang
◼ Pagkaabala sa at laging pag-uusap tungkol sa pagkain at/o timbang, kadalasa’y sinasamahan ng masidhing rutina sa ehersisyo
◼ Paghinto ng regla
◼ Paglayo sa iba, mga tanda ng paglilihim, lalo na ang paggugol ng mahabang panahon sa banyo
◼ Pagbabago ng damdamin, gaya ng panlulumo at pagkamayamutin
◼ Labis na pagkain kapag nagagalit, nininerbiyos, o natutuwa
◼ Pag-abuso sa gamot na pampaihi, mga pilduras na nag-aalis ng gana sa pagkain, o mga pampurga, gaya ng mga laksante
[Larawan sa pahina 15]
Mahalaga ang pakikinig na may empatiya