Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tunay na Bagong Daigdig na Naghihintay Tuklasin

Ang Tunay na Bagong Daigdig na Naghihintay Tuklasin

Ang Tunay na Bagong Daigdig na Naghihintay Tuklasin

“ANG pangalan ay isang di-tiyak na bagay, hindi mo ito maaasahan!” Ang mahinahong obserbasyong ito ay napatunayang totoo sa kaso ni Columbus.

Kasuwato ng kahulugan ng kaniyang unang pangalan, Christopher, si Columbus ay nagsikap na maging isang “tagapagdala ng Kristo.” Sa paano man, siya ay sinugo ng mga soberanong Kastila sa “paglilingkod sa Diyos at sa pagpapalawak ng pananampalatayang Katoliko.” Subalit pagkatapos turuan ang ilang hindi nakauunawang mga katutubo na mag-antanda ng krus at kumanta ng Ave Maria, pinagtuunan niya ng pansin ang materyal na mga gantimpala: paghanap ng ginto at ng mailap na ruta patungong India.

Gayumpaman, ang ibang Katoliko ay nangangatuwiran na dapat sana si Columbus ay gawing isang “santo” dahil sa kaniyang mahalagang bahagi sa pagpapalawak sa mga hangganan ng Sangkakristiyanuhan. Subalit ang lansakang “pagkumberte” na kasunod ng kaniyang mga pagtuklas ay walang gaanong nagawa upang ipakilala si Jesu-Kristo sa mga tao sa Bagong Daigdig. Ang tunay na Kristiyanismo ay laging pinalalaganap sa mapayapang paraan, hindi sa pamamagitan ng tabak. Ang paggamit ng dahas sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang malaking pagpapasinungaling sa kung ano ang itinuro ni Jesus.​—Ihambing ang Mateo 10:14; 26:52.

Si Columbus (Kastila, Colón) ay mas matagumpay sa pagtulad sa kaniyang apelyido, na nangangahulugang “mananakop.” Siya ang nagtatag ng unang dalawang kolonyang Europeo sa Bagong Daigdig. Bagaman ito ay nauwi sa wala, hindi nagtagal ang iba pa ay naitatag. Ang pananakop sa Amerikas ay nagpatuloy, subalit hindi ito maligayang pananakop, lalo na sa mga nasakop.

Ang prayleng Dominicano na si Bartolomé de las Casas, na nakasaksi sa panimulang pananakop ng West Indies, ay tumutol kay Philip II, hari ng Espanya, tungkol sa ‘pagyurak sa katarungan na pagtrato sa mga taong ito, sinisira at dinudurog sila nang walang makatuwirang dahilan o rason maliban sa kasakiman at ambisyon na nag-udyok sa mga iyon na gawin ang gayong masasamang gawa.’

Bagaman ang pinakamasamang mga pag-abuso ay iniwasto nang maglaon, ang masakim na mga motibo at malupit na pamamaraan ay patuloy na nagdikta sa patakaran. Hindi kataka-taka, ang gayong pamamahala ay naging kasuklam-suklam. Noong ika-20 siglo, iniwaksi ng karamihan ng mga bansa sa Amerikas ang kolonyal na pamatok.

Ang pagkumberte sa mga kontinente sa Kristiyanismo at ang pamamahala ng makatarungang pamumuno sa napakaraming tribo at wika ay totoong isang mahirap na atas. At magiging di-makatarungan na sisihin si Columbus sa lahat ng kabiguan tungkol sa pagkalaki-laking proyekto na hindi sinasadyang inilunsad niya nang tawirin niya ang karagatan at simulan ang tinatawag ng ilan na ang “Sagupaan ng Dalawang Daigdig.”

Gaya ng binabanggit ni Kirkpatrick Sale sa kaniyang aklat na The Conquest of Paradise, “noong minsan ay may isang pagkakataon, isang pagkakataon para sa mga tao sa Europa na makasumpong ng isang bagong daungan sa isang bagong bansa, sa kung ano ang hindi nila natalos ay lupain ng Paraiso.” Subalit ang pagtuklas sa isang bagong daigdig ay isang bagay; ang paglikha ng isang bagong daigdig ay ibang bagay naman. Hindi ito ang unang pagkakataon na ang pagsisikap na magtayo ng isang bagong daigdig ay nabigo.

Isang Pambihirang Paglalakbay

Dalawang libong taon bago maglayag si Columbus, halos dalawang daang libo katao ang nagsagawa ng isa pang pambihirang paglalakbay. Sa halip na tawirin ang isang karagatan, malamang na tinawid nila ang isang disyerto. Sila rin ay patungong kanluran, tungo sa kanilang lupang tinubuan, ang Israel, na hindi kailanman nakita ng karamihan sa kanila. Ang kanilang layon ay magtatag ng isang bagong daigdig, para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak.

Tinupad ng kanilang paglalakbay mula sa pagkabihag sa Babilonya ang hula. Dalawang daang taon bago nito, inihula ni propeta Isaias ang kanilang pagbabalik sa kanilang lupang tinubuan: “Narito ako [ang Soberanong Panginoong Jehova] ay lumilikha ng mga bagong langit at ng bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala, o mapapasa puso man.”​—Isaias 65:13, 17.

Inilalarawan ng ‘mga bagong langit at bagong lupa’ ang makasagisag na mga terminong tumutukoy sa isang bagong administrasyon at isang bagong lipunan ng mga tao. Ang mga ito’y kailangan sapagkat ang isang tunay na bagong daigdig ay nangangailangan ng higit pa kaysa bagong teritoryong sasakupin; ito’y nangangailangan ng isang bago, hindi masakim na espiritu sa gitna niyaong mga namamahala at sa mga pamamahalaan.

Kakaunti sa mga Judio na nagbalik mula sa Babilonya ang may gayong espiritu. Sa kabila ng tagumpay sa simula, mga isang daang taon pagkatapos nilang magbalik, malungkot na inilarawan ng Hebreong propeta na si Malakias kung paanong ang kasakiman at kaimbutan ang nangibabaw na puwersa sa lupain. (Malakias 2:14, 17; 3:5) Isang pambihirang pagkakataon upang magtayo ng isang bagong daigdig para sa mga Judio ay nasayang.

Isang Bagong Daigdig ang Naghihintay Pa Rin sa Atin

Gayumpaman, ang mga kabiguan sa pagtatatag ng isang bagong daigdig noon ay hindi nangangahulugan na ang paghahangad nito ay walang pag-asa. Sa aklat ng Apocalipsis, si apostol Juan, inuulit ang mga salita ni Isaias, ay inilalarawan ang sumusunod na madulang tanawin: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay naparam . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”​—Apocalipsis 21:1, 4.

Tinitiyak sa atin ng mga salitang ito na ang Diyos mismo ay determinadong magkaroon ng isang bagong pamahalaan sa buong lupa at isang bagong lipunan ng mga tao na tutugon sa kaniyang pamamahala. Ang mga pakinabang nito ay di-matantiya. Ito ay magiging isang kapani-paniwalang bagong daigdig.

Ang bagong daigdig na gagawin ng Diyos ay maaaring magtinging malayong mangyari. Subalit ang matibay na paniniwala ni Columbus na may mga kontinente sa Kanluran ay waring hindi rin kapani-paniwala sa marami na kaniyang mga kapanahon. Ang paglalarawan sa ipinangakong bagong daigdig ng Diyos ay maaari ring magtinging hindi kapani-paniwala, gayunman ilan sa mga iskolar noong ika-15 siglo ang nag-akalang sangkatlo ng lupain ng lupa ay lingid sa kaalaman ng siyensiya?

Ang kawalang-alam sa siyensiya noong panahon ni Columbus ay gumawa sa pagkatuklas ng Bagong Daigdig na halos hindi kapani-paniwala. Ang kawalang-alam sa mga layunin ng Diyos at sa kaniyang kapangyarihan ay maaari ring mag-alis ng pagtitiwala sa kaniyang ipinangakong bagong langit at bagong lupa. Subalit itinutuloy pa ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang paglalarawan sa pagsasabing: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. . . . Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”​—Apocalipsis 21:5.

Walang alinlangan, ang lahat ng sangkatauhan ay nanabik sa isang uri ng bagong daigdig. Ganito ang minsa’y nasabi ng Mexicanong manunulat na si Carlos Fuentes: “Ang Utopia (isang dako na huwaran sa kasakdalan) ay isang bagay ng nakalipas at ng hinaharap. Sa isang panig, ito ang alaala ng isang mas mainam na daigdig noon at wala na. Sa kabilang dako naman, ito ang pag-asa na ang mas mainam na daigdig na ito, mas matuwid at mas mapayapa, ay darating balang araw.” Ang mga estudyante ng Bibliya ay nagtitiwala na ang mas mainam na daigdig​—hindi isang Utopia—​ay talagang darating sapagkat ipinangako ito ng Diyos at sapagkat magagawa ito ng Diyos.​—Mateo 19:26.

Isang Bagong Daigdig sa Abot-Tanaw

Nang sinisikap kumbinsihin ni Columbus ang kaniyang mga tripulante na sila’y papalapit sa isang lupa, higit pa sa pananampalataya ang kinakailangan. Kailangan niya ang ilang nakikitang patotoo. Ang sariwang pananim na lumulutang sa dagat, dumaraming ibon sa lupa, at sa wakas isang namumulaklak na sanga na inaanud-anod ng tubig ay nagsauli ng pagtitiwala ng mga marino sa kanilang almirante.

Mayroon ding nakikitang katibayan ngayon na tayo ay papalapit na sa isang bagong daigdig. Ang bagay na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ang kaligtasan ng tao ay nanganganib ay nagpapagunita sa atin na ang pagtitiis ng Diyos sa pamamahala ng tao ay malapit nang matapos. Siya’y nangako noong matagal nang panahon na “ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ang kasakiman at kaimbutan na dala ng maraming di-malutas na pangglobong mga problema, mga problema na buong linaw na inilalarawan ng Bibliya nang patiuna bilang mga pangyayari na tumuturo sa nalalapit na pakikialam ng Diyos. a

Nang marating ni Columbus ang isla ng Cuba limang daang taon na ang nakalipas, sinasabing siya’y bumulalas: “Nais kong manirahan dito magpakailanman!” Ang mga papasok sa bagong daigdig ng Diyos ay gayundin ang madarama. At sa pagkakataong ito ang gayong mithiin ay ipagkakaloob.

[Talababa]

a Para sa masusing pag-aaral ng maka-Kasulatang katibayan na ang bagong daigdig ng Diyos ay malapit na, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, kabanata 18, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 13]

Ang pagtuklas sa isang bagong daigdig ay isang bagay; ang paglikha ng isang bagong daigdig ay ibang bagay naman