Bahagi 5—Hinihigpitan ng Malalaking Negosyo ang Hawak Nito
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo
Bahagi 5—Hinihigpitan ng Malalaking Negosyo ang Hawak Nito
HINDI pa halos natatapos ang Digmaang Pandaigdig I nang ang mapanganib na kalagayan ng ekonomiya sa Europa ay nagbabanta ng higit na problema. Noong dakong huli ng Oktubre 1929, humampas ang malaking kapahamakan. Ang bilihan ng sapi sa New York ay biglang bumagsak. Nataranta ang mga tao. Pagkatapos nito daan-daang bangko ang bumagsak. Libu-libong tao ang nalugi ng milyun-milyong dolyar, ang ilan ay lumukso sa kanilang kamatayan mula sa matataas na gusali.
Inihagis ng Great Depression (matindi at malubhang kalagayan sa ekonomiya) ang buong daigdig tungo sa pagkawasak sa ekonomiya at, sa pamamagitan ng sumisidhing mga kalagayan na nagdala sa Digmaang Pandaigdig II, tungo sa kasunod na kaguluhan sa pulitika. Inilarawan ng propesor sa kasaysayan na si René Albrecht-Carrié ang 1930’s na “tinatandaan ng mga pagitan ng mga krisis, na lumitaw sa tanawin ng malaking kapahamakan sa ekonomiya.”
Kaya, wala pang 20 taon pagkalipas ng 1914, maliwanag na ang mga sistema ng ekonomiya ng daigdig ay hindi katumbas ng mga atas ng bagong siglo. Mahalaga ito, yamang ayon sa kronolohiya ng Bibliya at sa hula ng Diyos, ang pagpapahintulot ng Diyos sa hindi mapigil na pamamahala ng tao ay natapos na noong 1914. Sa mahalagang taon na iyon, itinatag ng Diyos ang makalangit na Kaharian na ipakikilala ang di-nakikitang pag-iral nito sa pamamagitan ng nakikitang mga pangyayari. Ang ilan sa mga katibayang ito ay binabanggit sa Mateo kabanata 24, Lucas kabanata 21, at Apocalipsis kabanata 6, mga kabanata na hinihimok ka namin na basahin.
Isa pang litaw na katibayan ng pagkakatatag ng Kaharian ay na ang lupa ay patuloy na ipinapahamak ng mga maninirahan nito. (Apocalipsis 11:18) Dahilan sa mga bagay na nakakaharap natin ang pangglobong polusyon, pinsala sa pananggalang na ozone layer sa buong lupa, at ang potensiyal na malaking pinsala sa ekolohiya dahil sa tinatawag na greenhouse effect (pag-init ng ibabaw ng lupa), mayroon tayong sapat na dahilan upang maghinuha na ang hulang ito ay natutupad na.
Malalaking Negosyo—Pangunahing Tagapagparumi?
Ang pagbabago sa industriya ay naglatag ng pundasyon para sa isang kakaibang uri ng pagsulong—pagsulong na gumagawang mas madali, mas mabilis, at mas mura na paglaanan ang mga tao ng kanilang mga kagustuhan at mga pangangailangan na kasabay naman nito ay nagpapangyari ng pag-ulan ng asido, lumilikha ng natapong mga kemikal, at sumisira sa mga kagubatan ng lupa; pagsulong na gumagawang posible para sa mga turista na maglakbay sakay ng mga eruplanong jet sa kabilang panig ng lupa upang kanilang dumhan ang dating malilinis na dalampasigan at sirain ang likas na tirahan; pagsulong na sa pamamagitan ng pagpaparumi sa ating hangin, pagkain, at tubig ay pinagbabantaan tayo ng maagang kamatayan.
Bukod sa pagpapaunlad sa teknolohiya na nagbunga sa pagpahamak sa lupa, ang malalaking negosyo rin ang nagbigay ng pangganyak. Gaya ng binabanggit ng magasing Time, “ang apurahang paghahangad ng pakinabang ng mga negosyo ang malaon nang pangunahing pinagmumulan ng polusyon.” Isang ekonomista sa paggugubat ng UN ay sinipi na nagsasabing ang komersiyal na “ilegal na pagtotroso [sa mga kagubatan] ay nag-uugat sa kasakiman.”
May kasalanan din ang mga sistemang hindi
kapitalista. Ang peryudistang si Richard Hornick ay sumulat noong 1987 na “sa loob halos ng tatlong dekada ng pamamahalang Komunista, sinasabi ng Peking na imposibleng sirain ng mga programa sa pag-unlad ang kapaligiran.” Subalit dumating na ang panahon ng pagtutuos upang harapin ang mga resulta, at nalalaman ng Tsina “ang mga pinsala sa kapaligiran na dala ng pagsulong sa ekonomiya.”Tinatawag ng isa pang peryudista ang malaking kapinsalaan ng polusyon noong 40 taon ng pagkawasak sa Silangang Europa na “kasuklam-suklam na lihim ng komunismo.” Ngayon lamang nagiging maliwanag ang lawak ng pinsala, binibigyan ang Bitterfeld, 50 kilometro sa hilaga ng Leipzig, ng kahina-hinalang pagkakakilanlan na marahil ang pinakamaruming lungsod sa malamang na pinakamaruming rehiyon sa daigdig.
Mga Bunga ng Malupit na Kompetisyon
Kung paanong ang marami sa ating mga kilos at reaksiyon ay lubhang hinuhubog ng relihiyon at pulitika, tayo man din ay lubhang naiimpluwensiyahan ng malalaking negosyo. Sa katunayan, ang mahigpit na hawak nito sa sangkatauhan ay malamang na pinakamabuting makikilala sa paraan ng paghubog nito sa mga personalidad.
Ang mismong saligan na pinagtayuan ng daigdig ng komersiyong kapitalista, ang espiritu ng malupit na kompetisyon, ay masusumpungan sa lahat ng dako—sa paaralan, sa trabaho, sa daigdig ng entertainment at isports, at kung minsan ay sa loob pa nga ng pamilya. Ang mga kabataan ay naturuan mula sa pagkasanggol na makipagkompitensiya, upang maging ang pinakamagaling, upang maging numero uno. Ang pag-asenso sa kabuhayan ay minamalas na napakahalaga, at kakaunting pagbabawal ang inilalagay sa kung paano ito gagawin. Alang-alang sa tagumpay, ang mga lalaki’t babae ay pinasisiglang maging ambisyoso, maging agresibo pa nga kung kinakailangan.
Ang mga negosyante ay sinasanay na maging palakaibigan at magalang. Subalit inilalarawan bang lagi ng mga katangiang ito ang kanilang tunay na pagkatao, o inilalarawan ba nito kung minsan ang maskara na isinusuot nila habang ginaganap nila ang isang papel? Noong 1911, ganito ang ipinayo ni Edgar Watson Howe, peryudistang Amerikano: “Kapag may ipinagbibili sa iyo ang isang tao, huwag mong isipin na siya ay magalang sa lahat ng panahon.”
Ang kompetisyon ay nagpapaunlad ng mga damdamin ng pagkainggit, paninibugho, at kasakiman. Maaaring isipin ng mga taong nangunguna ang kanilang mga sarili na nakatataas, ginagawa silang arogante at mapanupil. Sa kabilang dako naman, ang talunan palagi ay maaari namang pahirapan ng kawalan ng pagpapahalaga-sa-sarili, nagpapangyari ng kawalan ng pag-asa. Nakakaharap ang mga panggigipit ng kompetisyon na hindi nila makayanan, maaaring piliin nila ang huminto, isang saloobin na nagpapaliwanag sa pagdami ng mga pagpapatiwakal sa gitna ng mga kabataan sa ilang bansa.
Dahil sa hindi pare-parehong napaglalaanan ang lahat ng mga pangangailangan sa buhay, maaaring pilipitin ng hindi mabisang mga sistema sa ekonomiya ang mga pagkatao tungo sa pagiging walang utang na loob, masakim, at manhid o kaya’y mapait, naaawa-sa-sarili, at nakikipagsabwatan. At sa pamamagitan ng pagtataas sa pera at sa mga ari-arian sa katayuan na halos dinidiyos, maaaring madaling alisin ng komersiyo sa mga tao ang kanilang espirituwalidad.
Ang Mapandayang Kapangyarihan ng Pera
Nang ipakilala ang pera sa lipunan, ito ay nagsimulang lumaganap sa lahat ng lipunan ng tao at sa gayo’y naapektuhan ang mga kaugnayan ng tao. Ipinataw ng sistema ng pagpipresyo ang halaga ng mga kalakal at mga paglilingkod. Di-nagtagal ang lahat ng bagay ay sinusukat sa pamamagitan ng pera, ito ang pamantayan kung saan maaaring tantiyahin ang halaga ng lahat ng bagay. Gayunman, ikinubli nito ang katotohanan na magandang ipinahahayag ng awit na “ang pinakamagagaling na bagay sa buhay ay libre.”
Kahit na ang mga tao ay sinusukat sa pamamagitan ng pera, pangunahin nang hinahatulan batay sa suweldo o ari-arian. Kinilala ito ng peryudistang si Max Lerner noong 1949, nang isulat niya: “Sa ating kultura ay ginagawa nating bayani ang mga taong nakaupo sa ibabaw ng bunton ng pera, at tayo’y nagbibigay-pansin hindi lamang sa kung ano ang sinasabi nila sa kanilang larangan ng kakayahan, kundi sa kanilang karunungan sa lahat ng katanungan sa daigdig.” Kamakailan lamang isang reporter ang nagpahayag ng pag-aagam-agam sa matatag na paniniwala ng presidente ng E.U. na diumano ang halaga ng tao ay maaaring sukatin salig sa kaniyang kayamanan. Nasumpungan ng reporter na ito ay “lubhang nagbibigay-halaga sa materyalistikong mga tunguhin na gumawa sa dekada ng 1980 na isang dekada kung saan ang hilig ng mga tao ay ang pag-aari ng mga bagay, isang panahon kung saan sa pamamagitan ng kanilang mga pag-aari ay makikilala at hahatulan ninyo sila.”
Ang labis-labis na pagdiriin sa pera at sa mga bagay na mabibili nito ay waring sumira sa mga kaugnayan ng tao. May punto nga ang isang binata mula sa Bangladesh, na pagkatapos lumipat sa kapitalistang Europa, ay nagsabi: “Ang mga tao rito ay interesado sa mga bagay; sa amin kami ay mas interesado sa mga tao.”
Pinababa rin ng saloobing nakasentro-sa-salapi ang trabaho, ginagawa itong isang paraan upang makamit ang ninanais, isang pabigat at hindi na isang kasiyahan. Ang isa ay nagtatrabaho, hindi dahil sa kagalakan ng paggawa o dahil sa kagalakan ng pagbibigay sa iba ng mga bagay na kailangan nila, kundi upang magkapera. Ang saloobing ito ay aktuwal na nag-aalis sa isa ng kagalakan sapagkat “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Nais Mo Bang Hubugin Ka ng Malalaking Negosyo?
Ang pagsulong sa siyensiya at teknolohiya na naging posible dahil sa pagkatuklas at pagkakapit ng likas na mga batas na mula sa Diyos ay kadalasang malaking pakinabang sa tao. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay lubos na nagpapasalamat sa pag-unlad ng modernong mga pamamaraan sa pag-iimprenta at sa bumuting mga posibilidad sa transportasyon at komunikasyon na nagpapahintulot sa kanila na ganapin ang kanilang atas na mangaral sa paraan na hindi sana posible sa ibang paraan.—Mateo 24:14.
Datapuwat, hindi maikakaila na ang potensiyal sa paggawa ng mabuti na iniaalok ng pagsulong na ito ay lubhang dinungisan ng mga taong hinayaang ang kanilang pagkatao’y hubugin sa masamang paraan ng huwad na relihiyon, bulok na pulitika, at di-sakdal na mga sistema sa ekonomiya.
Nais mo bang ang iyong potensiyal para sa mabuti ay mapawalang-saysay sa pamamagitan ng isang personalidad na masama ang pagkakahubog—na maging iyong personalidad? Pahihintulutan mo ba ang sakim na komersiyo ang magtakda ng
iyong mga pamantayan na pangunahing nasasalig sa pera? hahayaan mo ba ito na pangyarihin ang pag-ibig sa salapi at sa mga ari-arian ang manaig sa iyong buhay kaysa mga kaugnayan sa tao? alisin nito sa iyo ang espirituwalidad?Dahil sa humihigpit ang hawak ng komersiyo sa sangkatauhan sapol noong 1914, mayroon bang paraan upang huwag nitong mahubog ang ating personalidad? Oo, mayroon! Kasama sa pagpapakita sa atin kung ano nga ito, ipaliliwanag ng huling artikulo sa seryeng ito kung paano natin masasaksihan ang araw kapag ang sangkatauhan ay maaaring magbuntong-hininga: “Mga Problema sa Pera—Tapos na sa Wakas!”
[Kahon sa pahina 24]
Ang Malalaking Negosyo ay Tumutulong Upang Makilala “ang mga Huling Araw”
Sa pamamagitan ng paghubog sa mga pagkatao, ang malalaking negosyo ay tumutulong sa paglalaan ng katibayan ng “mga huling araw” gaya ng masusumpungan sa 2 Timoteo 3:1-4: Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan [kasali na ang problema sa pagharap sa mga kabalisahan sa ekonomiya]. Sapagkat ang mga tao ay magiging . . .
Maibigin sa kanilang sarili: Ang mga taong mahilig sa materyal ay maka-ako, isang saloobin na pinasisigla ng komersiyal na pag-aanunsiyo, na nangangatuwirang: ‘Karapat-dapat ka sa pinakamagaling. Maging mabait ka sa iyong sarili. Unahin mo ang iyong sariling kapakanan’
Maibigin sa salapi: Ang Amerikanong palabiro na si Mark Twain ay minsang nagsabi: “Ang ilang tao ay sumasamba sa mataas na posisyon sa lipunan, ang iba ay sumasamba sa mga bayani, ang iba ay sumasamba sa kapangyarihan, ang iba ay sumasamba sa Diyos, . . . subalit silang lahat ay sumasamba sa pera”
Mapagkunwari, mapagmataas: Ganito ang sabi ng isang pulitikong Aleman tungkol sa mabagal kumilos na mga kompaniya ng kemikal na hinihiling na itigil ang pagpaparumi: “Nasumpungan ko ang napakasamang nangingibabaw na saloobin. Ito’y ang kapalaluan ng kapangyarihan”
Walang utang-na-loob, di-tapat: Ang Ingles na manunulat na si Thomas Fuller ay nagsabi, “Pinalalaki ng kayamanan ang gana sa halip na sapatan ito” at, “Ang karaniwang kalakalan at komersiyo ay nandaraya sa pangkakalahatan na may pagsang-ayon”
Walang katutubong pagmamahal: Mga kompaniya na dahil sa tubo ay nagbebenta sa nagpapaunlad na mga bansa ng mga produktong ipinagbabawal sa ibang dako o naghahanap ng peligrosong mga pagawaan sa mga bansang hindi gaanong mahigpit sa mga regulasyong pangkaligtasan ay hindi masyadong nababahala sa buhay ng iba
Hindi marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri: Ang ekonomistang si Adam Smith ay nagsabi na “ang komersiyo, na dapat sana’y isang buklod ng pagkakaisa at pagkakaibigan sa gitna ng mga bansa, gayundin sa gitna ng mga tao, ay naging ang saganang pinagmumulan ng pagtatalo at matinding pagkapoot”
Walang pagpipigil sa sarili, mababangis: Ang labis-labis na pagbili nang hulugan, katuwaan sa paggasta na ginagamit ang credit-card, at ang “bumili ngayon, saka na ang bayad” na kaisipan, na pinasigla ng komersiyo para sa personal na pakinabang, ay nagpapakita ng kakulangan ng pagpipigil-sa-sarili; sinusulsulan ng ilang gawain sa komersiyo ang mga kahinaan ng tao at nagkakamal ng kayamanan mula sa droga, imoralidad sa sekso, at pagsusugal
Di-maibigin sa kabutihan, mga traidor: Ang pahayagang The German Tribune ay nagsasabi: “Kung ang pag-uusapan ay ang napakalaking halaga ng paglutas sa polusyon sa kapaligiran, ang mga pamantayang moral kung minsan ay napakababa.” Napakadaling ipagkanulo ng mga taong walang pamantayang moral ang iba alang-alang sa personal na pakinabang
Matitigas ang ulo: Ang makapangyarihang mga grupo, gaya ng mga tagapagtaguyod ng baril at tabako, ay matigas ang ulo na gumagasta ng napakalaking halaga upang diktahan ang pulitikal na mga patakaran upang tiyakin ang malakas na benta, kahit na ang kanilang mga kalakal ay nagsasapanganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko
Palalo: Ang mga ari-arian ay hindi dahilan upang maging palalo, sa kabila ng mga pag-aangkin ng mga mahilig sa materyal na bagay. Ang Griegong manunulat ng pabula na si Aesop ay nagsabi: “Ang panlabas na pagpaparangalan ay mahinang kahalili ng panloob na halaga”
Maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos: Idiniriin ng komersiyal na libangan ang kalayawan sa kapinsalaan ng espirituwalidad at lumikha ito ng isang salinlahi ng mga taong sugapa sa paghahanap ng kalayawan
[Larawan sa pahina 23]
Ang malalaking negosyo ay nakatulong sa paggawa sa Europa na malamang ang pinakamaruming kontinente sa daigdig