Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isa bang Misteryo ang Diyos?

Isa bang Misteryo ang Diyos?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Isa Bang Misteryo ang Diyos?

“Ano ba ang isang misteryo? Sa pangkaraniwang pananalita, ang misteryo ay isang katotohanan na likas na imposibleng maunawaan o mapatunayan. . . . Ano ang relihiyosong misteryo? Isa ito sa mga katotohanan ng Diyos na kailangan nating paniwalaan, bagaman hindi natin iyon maunawaan o mapatunayan. Ano ang pangunahing relihiyosong mga misteryo? Ito ang mga misteryo ng Kabanal-banalang Trinidad, ang Pagkakatawang-tao, at ang Pagtubos.”​—Abrégé de l’exposition de la doctrine chrétienne, 1901 (Pinaikling Paliwanag ng Doktrinang Kristiyano)

ANG nasa itaas ay kung paano binuod ng isang aklat na isinulat sa pasimula ng ika-20 siglo ang pangmalas ng Iglesya Katolika Romana hinggil sa mga misteryo. Karagdagan pa, ang inilathala kamakailan na Guide des difficultés de la foi catholique (Giya sa mga Problema sa Pananampalatayang Katoliko, 1989) ay nagpapakita na ang gayong mga doktrina ay binibigyang halaga pa rin sa pagsasabing: “Hindi dahil lamang sa personal na pagkahimok sa malabong mga katotohanan na tinatanggap ng isang Kristiyano ang pag-iral ng ilang mga misteryo ng kaniyang relihiyosong Paniniwala. Kung pinaniniwalaan niya ito, iyon ay pawang salig sa Salita ng Diyos.” Ngunit ano ang sinasabi ng “Salita ng Diyos?” Isa bang misteryo ang Diyos?

Malalaman ba Natin ang Lahat Hinggil sa Diyos?

Tayo’y binibigyan ng Bibliya ng maraming detalye hinggil sa Diyos bilang isang Persona, hinggil sa kaniyang mga katangian at kung paano siya nakikitungo sa sangkatauhan. Datapuwat ipinaliliwanag din nito na ang kaniyang karunungan at katalinuhan ay hindi matarok ng unawa ng tao. Kaya naman, sinasabi ng propetang si Isaias na ang lakad at pag-iisip ng Diyos ay higit na mataas kaysa mga tao.​—Isaias 55:8, 9.

Hindi natin dapat ipagtaka na hindi natin malalaman ang lahat ng bagay hinggil sa Diyos. Halimbawa, bagaman ang ating kaalaman hinggil sa sansinukob ay patuloy na lumalawak, tinatanggap ng mga siyentipiko na malamang na hindi nila lubusang maunawaan ang misteryo ng pagkaliliit o pagkalalaking bagay. Kaya’t paano nga lubusang malalaman ng sinumang nilalang ang kalaliman ng karunungan ng Diyos, na siyang Maylikha? Inamin ni Job kay Jehova: “Hindi ko nauunawaan ang mga bagay na totoong kagila-gilalas sa akin, na hindi ko nalalaman.” (Job 42:3; ihambing ang Roma 11:33.) Kaya, ang ganap na kaalaman ng Diyos, sa ilang bagay, ay di-abot ng ating limitadong kaunawaan. Gayumpaman, ang mga doktrina ng maraming iglesya ay lumalampas sa mga hangganan ng simpleng mga obserbasyong ito.

Higit na Misteryoso Kaysa Kinakailangan?

Ang kamakailang nalathala na Katolikong ensayklopidiya na Théo ay nagsasabi: “Sa mga turo ng simbahan, maikakapit din ang terminong misteryo sa kung ano ang inihahayag ng Diyos hinggil sa kaniyang sarili, halimbawa, hinggil sa kaniyang pag-iral bilang isang trinidad.” Gaya sa maraming iba pang aklat sa teolohiya, ang ideyang ipinahihiwatig dito ay ‘yamang tunay na misteryoso ang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi natin dapat ipagtaka kung ang Diyos ay isang Trinidad at na ang Trinidad na ito ay isang misteryo.’ Ang gayong pangangatuwiran ba ay mapanghahawakang matibay?

Una, kinikilala ng maraming aklat, gaya ng The New Encyclopœdia Britannica, na “maging ang salitang Trinidad man, o ang maliwanag na doktrina, ay hindi makikita sa Bagong Tipan.” Bukod pa riyan, ang kasaysayan ng doktrinang ito ay nagpapakita na pinagsama-sama nito ang maraming ideyang mula sa mga pilosopyang pagano na inilakip sa mga paniwala ng simbahan mga ilang dekada pagkamatay ng mga apostol. Kung gayon, walang matibay na patotoo na ang misteryo ng Trinidad ay nasasalig sa Bibliya. a

Isip-isipin ito: Yamang imposible na malaman ang lahat tungkol sa Diyos, makatuwiran ba para kay Jehova na hindi bigyan-linaw kung sino siya? Hindi, nais niyang makilala siya ng lahat. (Juan 17:3; ihambing ang Hebreo 8:11.) At makatuwiran ba para sa mga tunay na nagnanais na palugdan siya na palabuin ang pagkakakilanlan sa kaniya? Upang ilarawan: Kung sa bintana lamang ang tanging pagkakataon na makita ng isa ang ilang magagandang tanawin, matalino ba na panatilihing malabo ang bintana, sa pagsasabing: ‘Hindi na baleng malabo ito tutal hindi naman natin nakikita ang mga detalye?’ Hindi nga! Ang Bibliya at ang mabuting pang-unawa ay nagpapakita na ang ating kaalaman tungkol sa Diyos ay lubhang limitado. Ngunit ang mga limitasyong ito ay hindi nagbibigay-katuwiran na gawin ang ating kaalaman hinggil sa Diyos na misteryosong doktrina, gaya ng Trinidad, na nakagugulo lamang sa ating pagkaunawa sa kaniya.

Mga Misteryo​—Pagano at Kristiyano

Isa pa, pagka lumilitaw ang terminong “misteryo” sa Kasulatan, hindi ito nangangahulugang “natatagong kaalaman,” gaya ng karaniwang pagkaunawa rito. Gaya ng ipinaaalaala sa atin ng Théo: “Ang terminong misteryo ay hindi pareho ang diwa rito. Para sa mga Kristiyano iyon ay nangangahulugan ng bagay na karaniwang natatago o di-maabot, ngunit nais na sabihin sa kanila ng Diyos . . . at kanilang maranasan.”

Ang salitang Griego na my·steʹri·on (“misteryo,” o “banal na lihim”) ay 20 ulit na ginamit ni apostol Pablo sa isang partikular na diwa. Ginamit niya iyon upang tumukoy sa banal na lihim na malaon nang inilihim ngunit isiniwalat ng Diyos nang isinugo Niya sa lupa si Jesus. Si Jesu-Kristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, ang siyang pangunahing bahagi ng ipinangakong “binhi” na gagamitin ng Diyos upang tubusin ang sangkatauhan, ang Isa na ‘sa pamamagitan niya ay pagpapalain nga ng bansa sa lupa ang kanilang sarili’ at magkakaroon ng mga kasamang tagapagmana sa langit. (Genesis 3:15; 22:18; Roma 8:17) Ang itinago, o misteryosong, mga katotohanang ito ay inilihim sa mga lingkod ng Diyos bago ang panahong Kristiyano ngunit inihayag ni Jehova sa tamang panahon. (Efeso 1:9; Colosas 1:26) Nakagagalak, hindi inilaan ang kaalamang ito sa kakaunting mga pinili lamang​—gaya sa kaso ng relihiyosong mga misteryo sa ilang relihiyon​—kundi ipahahayag sa hangga’t maaari’y marami pang mga tao nang walang pagtatangi.​—Efeso 6:19, 20.

Pagsamba sa Diyos sa Katotohanan

Naglalaman ang Bibliya ng sapat na impormasyon upang sambahin natin ang Diyos sa paraang sasang-ayunan niya. Malayo sa pagtuturo ng Trinidad, napakaliwanag na isinisiwalat nito ang kataasan ni Jehova at mas mababang kalagayan ni Jesus. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28; 1 Corinto 15:28) Ipinakikita rin ng Bibliya na ang banal na espiritu ang aktibong puwersa ng Diyos, na siyang gumagabay sa kaniyang tapat na mga lingkod.​—Gawa 2:1-4.

Nang nakikipag-usap sa isang babaing Samaritana, ipinakita ni Jesus na upang makalugod sa Diyos, kailangang sambahin natin Siya “sa espiritu at katotohanan.” Isinusog pa niya na “hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba niya.” (Juan 4:21-24) Pananagutan ng bawat isa sa atin na hanapin ang tumpak na kaalamang ito na magdadala sa atin ng mga pagpapala kung tayo’y magtitiwala sa Salita ng Diyos sa halip na tanggapin ang gawang-tao, misteryosong tradisyon na itinatakwil ito.

[Talababa]

a Tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1989.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Reserbado ang lahat ng karapatan