Mga Kawikaan sa Zulu—Nagbibigay-Unawa sa Aprika
Mga Kawikaan sa Zulu—Nagbibigay-Unawa sa Aprika
ANG bansang Zulu, na matatagpuan sa subtropikong baybayin sa silangan ng Timog Aprika, ay nakamana ng nakatutuwang mga kasabihan na kumakatawan sa mga aral sa buhay sa karaniwang Aprikanong paraan. Yamang ang pinahahalagahang baka ng mga taga-Zulu ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa kanilang buhay, hindi nakapagtataka kung ito’y ipinababanaag sa marami nilang mga kasabihan.
Halimbawa, isaalang-alang kung paano ilalarawan ng isang taga-Zulu ang epekto kapag ang dalawang panginoon ay nagpapatakbo ng isang sambahayan. Iyan ay mapanganib na gaya ng paglalagay ng ‘dalawang toro sa iisang kraal [kulungan].’ (Akukho zinkunzi zahlala ndawonye.)
At kung baka ang pag-uusapan, ang masansang na amoy ng sinusunog na sungay sa karaniwang sunugan ay totoong di-kanais-nais sa lahat ng mga nakatira sa paligid. Kaya, sa taong magagalitin at palaaway, baka may bumulong: “Oh, ayan at nagsusunog na naman siya ng sungay.” (Ushis’ uphondo.)
Minamalas ng maraming tao na mabuting katangian ang magdala ng sariling pasanin sa buhay. Hindi maliliban ang mga taga-Zulu dito. Kaya nga, ang matandang pantas na tao ay maaaring magsabi: “Dapat mong harapin ang iyong mga pananagutan, yamang ‘walang elepante ang nabibigatan sa kaniyang sariling nguso.’” (Akundlovu yasindwa umboko wayo)—Ihambing ang Galacia 6:5.
Kung makasalubong ng isa ang isang dumadaluhong na rhino sa ilang na lugar, pinakamabuti ang umakyat sa isang puno. Kaya, ang kasabihan ay: “Huwag mong babanggitin ang tungkol sa rhino kung walang puno sa malapit!” (Ungakhulumi ngobhejane kungekho sihlahla eduze.) Ang babalang kasabihan ay maliwanag.
Sa gayunding kaisipan, ang subuking pangasiwaan ang lahat ng bagay nang sabay-sabay ay hindi mabunga. “Hindi mo maaaring tugisin ang dalawang antelope nang minsanan,” sabi ng mga taga-Zulu. (Ungexoshe mpalambili.) Malalaman ng sinumang nakasubok nito na habang ibinubuhos mo ang iyong lakas sa isang usa, ang isa naman ay tumatakas na. Ang aral? Gawin ang mga bagay nang isa-isa.
Karaniwan nang hindi sinasang-ayunan ng marami ang di-makatuwirang katigasan ng ulo. May kakatuwang paraan ng pangungusap ang mga taga-Zulu sa taong matigas ang ulo pagka kanilang sinabi: “Habang siya’y iniluluto, may bato ring iniluluto, ngunit mas naunang maluto ang bato.” (Kwaphekwa yena kwaphekw’ itshe, kwavuthw’ itshe kuqala.)
Bagaman hindi kinasihang gaya ng mga kawikaang matatagpuan sa Bibliya, marami sa lokal na mga kasabihang ito ang nagpapakita ng mabubuting pamantayan na tumutulong sa ating magtagumpay sa buhay.—Kawikaan 1:5, 6.
[Larawan sa pahina 25]
SUSUNOD NA PUNO 10 KM