Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Pinakamaimpluwensiyang Aklat
Anong aklat ang nakagawa ng pinakamalaking pagbabago sa buhay ng marami? Ang Bibliya. Ito ang nangunguna sa bagay na naimpluwensiyahan nito ang mas maraming tao kaysa anumang aklat, sang-ayon sa isang surbey tungkol sa mga ugali sa pagbabasa na isinagawa ng U.S. Library of Congress at ng Book-of-the-Month Club. Ipinakikita ng surbey sa 2,032 miyembro ng samahan sa aklat, na inilabas noong Nobyembre, na ang mga tinanong ay gumugol ng katamtamang 9 na oras isang linggo sa pagbabasa ng mga aklat, kung ihahambing sa 12 oras isang linggo sa panonood ng telebisyon. Gayunman, ang isa ay maaaring magtanong, Gaano karami sa oras na iyan ang talagang ginugol sa pagbabasa ng Bibliya?
Alkoholismo—Dobleng Pasanin
Ang alkoholismo ay mapanganib din sa ekonomiya ng nagpapaunlad na mga bansa na gaya ng implasyon, utang, at maling pangangasiwa, hinuha ng isang pag-aaral ng Worldwatch Institute, gaya ng iniulat sa magasing Olandes na Onze Wereld. Halimbawa, sa Papua New Guinea, 30 porsiyento ng kita ng katamtamang pamilya ay ginugugol sa mga inuming de alkohol, samantalang 44 porsiyento naman ng kita ng mga lalaki sa bansang Aprikano na Burkina Faso ang ginagamit sa beer. Napakahina na upang sakahin ang lupa, ang mga alkoholiko ay naging “isang mahalagang salik sa sanhi ng kakapusan ng pagkain.” Ang kanilang mga anak ang kaawa-awang mga biktima. Sa isang lungsod sa Guatemala, sangkatlo ng lahat ng mga bata ay dumaranas ng kakulangan ng sapat na pagkain dahil sa pag-abuso sa alak ng mga magulang. Upang palubhain pa ang mga bagay, sabi ng Onze Wereld, ang pasanin ng alkoholismo ay doble: Ibinababa nito ang pambansang kita at itinataas nito ang halaga ng pangangalaga sa kalusugan. Halimbawa, 47 porsiyento ng lahat ng lalaking napasok sa pinakamalaking ospital sa Trinidad ay pinahihirapan ng sakit na nauugnay sa alkohol.
Pagtatangi ng Lahi sa Europa
Ganito ang ilan sa hindi kanais-nais na resulta ng pinakamalawak na pag-aaral tungkol sa mga damdamin sa lahi sa Europa. “Marami sa 13,000 tinanong sa 12 bansa sa Europa ang nagpahayag ng poot sa mga minoridad sa kanilang mga bansa,” ulat ng The European. Ang maling opinyon ay batay sa kulay, galit sa mga Judio, mga salik na pangkabuhayan, at ang dati nang pagtatalo sa teritoryo. Nasumpungan ng surbey na ang mga Aleman ay kinaiinisan sa Poland, kung paanong ang mga Polako ay kinaiinisan sa Alemanya. Ayaw ng mga Hungariano sa mga Romaniano; ni naiibigan man ng mga taga-Bulgaria ang mga Turko, na dating mga pinuno sa Bulgaria. Ang isa pang sanhi ng tensiyon ay ang relihiyon. “Nais ipatupad ng mga taga-Hilagang Aprika ang Islam sa Pransiya,” reklamo ng isang Pranses na tsuper ng taksi. Maliwanag, ang mga pagsisikap upang pag-isahin ang Europa tungo sa isang mapayapang pag-iral ay malayo pang mangyari.
Bagong Paraan ng Pangungumit sa Tindahan
Sa Timog Aprika ang patuloy na pagtungo ng mga maninirahan sa lalawigan sa mga lungsod ay nagbunga ng dumaraming bilang ng mga walang trabaho. Dahilan sa tumataas na implasyon na nakadaragdag sa problema, parami nang paraming tao ang bumabaling sa isang pambihirang uri ng pangungumit sa tindahan (shoplifting) upang mapanatiling buháy ang kanilang mga sarili. Mayroong “mas maraming bukás na mga pakete sa mga istante kaysa rati,” ulat ng babasahing Security Focus. “Mas maraming tao na nagugutom ngayon ang pumapasok at basta kinakain ang anuman na kanilang masumpungan sa tindahan. Ang panganib na mahuli ay nababawasan at may nailalaman sila sa kanilang tiyan.”
Mga Mananampalatayang May Gawa—Lipas Na?
Sang-ayon sa isang komperensiya ng mga relihiyon sa gitna ng mga Europeo, na ginanap sa Turin noong nakaraang Oktubre, 2 sa bawat 3 Europeo ang nag-aangking naniniwala sa Diyos. Ang mga Italiano at mga Kastila ang nangunguna sa pag-aangking relihiyoso. Gayunman, bakit ang karamihan ng mga Europeo ay mga mananampalataya? Sinisipi ng La Stampa ang mga mananaliksik na nagsasabing “ang pagiging relihiyoso sa ngayon ay mahina, hindi gaanong nasasalig sa kaugalian [ortodokso], masyadong indibiduwalistiko, at sa [pagiging relihiyosong ito] maaaring ukitin ng lahat ang kaniyang sariling nitso.” Gayunman, ang relihiyosong debosyon na ito ay lumilitaw na pasalungat. Halimbawa, bagaman wala pang 60 porsiyento ng populasyon sa Alemanya ang ipinalalagay ang kanilang mga sarili na relihiyoso, 92 porsiyento ang nagpabinyag ng kanilang mga anak; subalit sa Italya, kung saan 83 porsiyento ang itinuturing ang kanilang sarili na relihiyoso, 53 porsiyento ang hindi dumadalo ng relihiyosong mga seremonya. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang pagiging relihiyoso ay nagkaroon ng napakalaking pagbabago. “Ang nakaraang dekada ay kinakitaan ng progresibong paglayo sa pagitan ng pananampalataya at gawa o, gaya ng maaaring sabihin ng mga sosyologo, ‘sa pagitan ng relihiyosong paniniwala at pagiging kaanib sa isang relihiyon,’ ” ulat ng La Stampa. “Ang mananampalatayang may gawa ay halos naging lipas na bagay.”
Nanganganib ang mga Welder
Isinisiwalat ng mga pag-aaral na isinagawa tungkol sa pangmatagalang mga epekto ng mga usok ng welding sa tao ang ilang nakababahalang mga bagay. Sa isang bagay, ang mga welder ay iniuulat na mas malamang na magkaroon ng kanser sa bagà. Itinatala ng isang artikulong pinamagatang The Dark Side of Welding sa magasing Safety Management ng Timog Aprika ang hindi kukulanging sampung iba’t ibang metal at usok na karaniwan sa welding na lubhang mapanganib sa mga tao. Iniuulat ng babasahin na ang matapang na usok ng cadmium ay maaaring maging sanhi ng “pangangati sa mga palahingahan at ng tubig sa bagà” at na “ang matagal na pagkalantad sa mababang antas ay maaaring humantong sa empesema at maaaring pinsalain ang mga bato.” Ang Safety Management ay nagsasabi na ang pinakamabuting panlaban sa nakapipinsalang mga epekto na nauugnay sa pagwewelding ay ang tamang proteksiyon sa palahingahan at sapat na bentilasyon, na maaaring kasama rito ang paggamit ng tamang mga sistema ng pasingawan.
Wala sa Bahay
Ang kasalukuyang mga relihiyon sa Australia ay nagsagawa kamakailan ng isang sensus na tinatawag na Attender Survey. Nakita ng kabalitaan sa relihiyon para sa pahayagang The Weekend Australian ang ilang pangunahing pagkukulang sa surbey na ito at sumulat: “Sa nakalipas na 20 taon ako’y dinalaw lamang ng lokal na relihiyon sa tatlong okasyon. Ang bawat isa ay upang alamin kung anong uri ng Kristiyano ako sa isang surbey na isinasagawa upang ihiwalay ang mga tupa sa mga kambing. . . . Mangyari pa ang pagdalaw ng mga pastor sa tahanan ay isang lipás na bagay para sa karamihan ng mga relihiyon, ang pagtalikod sa mga pagdalaw na ito ay ipinagtatanggol ng mga pangangatuwiran na walang tao sa bahay, o na ang mga pastor ay masyadong abala. . . . Ngayon ang katok sa pinto ay malamang na mula sa mga Mormon, sa mga Saksi ni Jehova, o sa iba pang ‘sekta’, karaniwan nang itinuturing na hindi ortodokso ng ibang mga Kristiyano, o masahol pa sa hindi ortodokso. . . . Nakalulungkot nga na kung tungkol sa pag-eebanghelyo ay mas mabuti ang nagagawa ng mga sekta, yamang aktuwal na ipinakikipag-usap nila ang kanilang pinaniniwalaan.”
Atentibong Tagapakinig
Ang mga tumatawag sa telepono na pinaghihintay ay atentibong tagapakinig. Kadalasang sinasamantala ito ng mga kompaniya at pinauulanan sila ng sunud-sunod na mga anunsiyo—kahit na, pinaghihinalaan, na ang tumatawag ay maaari naman sanang huwag nang papaghintayin pa. Ngayon pinalitan na ng isang kompaniya sa Amerika ang nakarekord na mga mensahe ng buháy na mga mensahe sa pagsisikap na payapain ang mga parokyano. Yamang ito’y tumatanggap ng mahigit na 13,000 tawag sa isang araw, ang mga parokyano ay kadalasang naghihintay ng sampung minuto o higit pa. Gaya ng iniulat ng The Economist, ang mga “hold jockey,” gaya ng mga disc jockey sa radyo, ay nakikipag-usap sa kanilang mga tagapakinig, nagpapatugtog ng nakaaaliw na musika, at nagsasabi ng oras at mga ulat ng trapiko karagdagan pa sa pagbabasa ng kanilang mga anunsiyo. Nagbibigay rin sila ng pana-panahong mga updates sa kung gaano pa katagal bago makapapasok ang tumatawag sa isang linya upang masagot ang kaniyang katanungan. Sinasabi ng kompaniya na hindi lamang mas kakaunti ang mga naiinis na parokyano kundi ito ay nakahihigit rin sa paglilingkod sa parokyano at maaari pa nga nitong ibigay ang mga anunsiyo nito sa espisipikong mga parokyano.
Pinagbuting Pangangalaga sa Bata
Sinusunod ang mga rekomendasyon ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), ang estado ng Brazil na Ceará ay “napababa ang dami ng mga namamatay na bata nito, mula sa 95 kamatayan sa bawat 1,000 sanggol tungo sa 65,” ulat ng Newsweek. Isang kinatawan ng UNICEF ay nagsabi: “Walang bansa o estado ang nakagawa ng katulad na madulang mga resulta sa gayunding kaikling yugto ng panahon na gaya ng estado ng Ceará.” Sinasabi ng Newsweek na pagkaraan ng 80 oras ng pagsasanay, 4,000 manggagawang pangkalusugan ay nagtungo sa mga lalawigan, naglalakbay sa pamamagitan ng paglalakad, bisikleta, kabayo, asno, at bangka, upang turuan ang mga ina ng mahalagang pangangalaga sa bata, gaya ng pagpapasuso ng ina sa sanggol. Nang turuan kung paano maghahanda ng isang nagliligtas-buhay na oral rehydration formula ng asukal, asin, at tubig, isang ina ng tatlong anak ay gulat na gulat na nagsabi: “Akala ko ito ay mas masalimuot.”
Mga Karapatan ng Indian
Sa loob ng mga dantaon, okupado ng mga Ianomami Indian ang napakalaking teritoryo sa kahabaan ng hangganan ng Brazil-Venezuela. Nalalambungan ng kagubatan ng Amazon, ang rehiyon ay anim na ulit ang laki sa Belgium. Mayaman din ito sa ginto at tin ore—kaakit-akit sa mga minero at mga tagapagpaunlad. Ang magasing Veja ng Brazil ay nag-uulat na si Presidente Carlos Andrés Pérez ng Venezuela ay lumagda kamakailan ng dalawang batas na gumagawa sa dako na nasa hangganan ng Venezuela na isang reserbadong dako at pambansang parke, sa gayo’y iniingatan ang mga karapatan ng mga Ianomami sa lupain. Ipinagbawal din niya “sa kanilang lupain ang mga puti na sa loob ng mga dekada ay sinikap na lupigin ang kanilang mga kaluluwa—ang mga misyonero—at ang kanilang mineral na mga kayamanan—ang mga minero.” Pinapurihan ito ng ilang ekologo na “isang hindi kapani-paniwalang disisyon.”