Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Salungatan ng mga Kultura

Salungatan ng mga Kultura

Salungatan ng mga Kultura

MGA limang daang taon na ang nakalipas, sa isang maliit na bayan sa sentro ng Castile, ang mga diplomatikong Kastila ay nakipagtalo sa mga diplomatikong Portuges. Noong Hunyo 7, 1494, inayos nila ang kanilang mga di-pagkakasundo, at isang pormal na kasunduan ang nilagdaan​—ang Kasunduan ng Tordesillas. Ngayon, daan-daang angaw sa Kanlurang Hemispero ay nagsasalita ng Kastila o Portuges bilang resulta ng kasunduang iyon.

Muling pinagtibay ng kasunduan ang bula ng papa nang lumipas na taon na naghahati sa hindi pa natutuklasang daigdig sa pagitan ng dalawang bansa sa Iberia. Isang hilaga-timog na linya ang iginuhit “370 leagues kanluran ng Cape Verde Islands.” Maaaring sakupin at turuan ng ebanghelyo ng Espanya ang mga lupaing natuklasan sa kanluran ng linyang iyon (Hilaga at Timog Amerika, maliban sa Brazil) at ng Portugal ang lahat ng lupain sa silangan (Brazil, Aprika, at Asia).

Taglay ang basbas ng papa, ang Espanya at Portugal​—kasama ang iba pang bansa sa Europa na kasunod nila—​ay nagsimulang mamahala sa karagatan at pagkatapos ay mamahala sa daigdig. Limampung taon pagkatapos lagdaan ang kasunduan, ang mga daan sa dagat sa ibayo ng mga karagatan ay naitatag, ang malalaking kontinente ay pinag-ugnay, at naglitawan ang malawak na sakop ng mga imperyo.​—Tingnan ang kahon, pahina 8.

Ang mga resulta ng biglang pagdaming ito ng tuklas ay pagkalaki-laki. Ang mga sistema sa komersiyo at agrikultura ay nabago, at nagbago rin ang panlahi at relihiyosong pagkakahati ng daigdig. Gayunman, ang ginto ang nagpangyari ng mga pagbabago.

Ang Takbo ng Kalakalan

Tama si Columbus. May ginto roon, bagaman kakaunti lamang ang nasumpungan niya. Di-nagtagal, ang mga galeon ay nagsimulang maghatid sa Espanya ng napakaraming nadambong na ginto at pilak sa Amerika. Gayunman, ang kayamanan ay madaling mawala. Ang pagdagsa ng napakaraming mahahalagang metal ay nagpangyari ng kapaha-pahamak na implasyon, at ang sobrang madaling pera ay nakasagabal sa industriyang Kastila. Sa kabilang dako, ang gintong galing sa Amerikas ay nagtaguyod sa pag-unlad ng internasyonal na ekonomiya. May makukuhang pera upang ibili ng eksotikong mga kalakal, na inihahatid ng mga bapor na paroo’t parito mula sa apat na sulok ng daigdig.

Sa pagtatapos ng ika-17 siglo, ang isa ay makasusumpong sa Manila ng pilak na galing sa Peru, sedang Intsik sa Lungsod ng Mexico, gintong galing sa Aprika sa Lisbon, at mga balahibo ng hayop na galing sa Hilagang Amerika sa London. Nang mabuksan ng mga bagay na luho ang daan, ang karaniwang mga pangangailangan na gaya ng asukal, tsa, kape, at bulak ay inihatid sa ibayo ng mga karagatang Atlantiko at Indian sa napakalaking kantidad. At nagsimulang magbago ang mga kaugalian sa pagkain.

Bagong mga Pananim at Bagong mga Pagkain

Ang tsokolateng Suiso, patatas na Irlandes, at pizzang Italyano ay pawang galing sa mga magsasakang Inca at Aztec. Ang tsokolate, patatas, at kamatis ay tatlo lamang sa bagong mga produkto na dumating sa Europa. Kadalasan, ang bagong lasa, prutas, at mga gulay ay nangailangan ng panahon upang maging popular, bagaman sa pasimula si Columbus at ang kaniyang mga tauhan ay interesadong-interesado sa mga pinya at kamote.​—Tingnan ang kahon, pahina 9.

Ang ilang pananim mula sa Silangan, gaya ng bulak at tubó, ay naging popular sa Bagong Daigdig, samantalang ang patatas na galing sa Timog Amerika ay naging mahalagang pinagmumulan ng pagkain ng maraming sambahayang Europeo. Ang pagpapalitang ito ng mga pananim ay hindi lamang nagbigay ng pagkasarisari sa internasyonal na pagkain; nagdulot din ito ng pagbuti ng pagkain, na nakatulong sa lubhang pagdami ng populasyon ng daigdig noong ika-19 at ika-20 siglo. Subalit may malungkot na panig ang pagbabago sa agrikultura.

Pagtatangi ng Lahi at Paglupig

Ang bago at mabiling mga pananim, gaya ng bulak, asukal, at tabako, ay maaaring magpayaman sa mga mananakop, kung sila ay may sapat na manggagawang mura ang bayad na magtatrabaho sa kanilang mga asyenda. At ang maliwanag na pagmumulan ng mga manggagawa ay ang mga katutubo.

Karaniwan nang ipinalalagay ng mga mananakop na Europeo ang mga katutubo na wala kundi mga hayop na may kaloob na salita, isang masamang palagay na ginamit upang bigyan-matuwid ang kanilang pang-aalipin. Bagaman ang bula ng papa ng 1537 ay naghinuha na ang “mga Indian” ay talagang “tunay na mga tao na pinagkalooban ng kaluluwa,” wala itong gaanong nagawa upang patigilin ang pagsasamantala. Gaya ng binabanggit ng isang dokumento ng Vatican kamakailan, “ang pagtatangi ng lahi ay nagsimula sa pagkatuklas sa Amerika.”

Ang malupit na pagtrato, pati na ang pagkalat ng “mga sakit Europeo,” ay lubhang nakabawas sa populasyon ng Amerikas. Sa loob ng sandaang taon, ito’y bumaba ng hanggang 90 porsiyento ayon sa ilang tantiya. Sa Caribbean ang mga katutubo ay halos malipol. Nang ang mga katutubo ay hindi na mapilit na magtrabaho, ang mga may-ari ng lupa ay humanap sa ibang dako para sa malalakas, malulusog na mga manggagawa sa bukid. Ang mga Portuges, na matatag sa Aprika, ay nag-alok ng masamang solusyon: ang kalakalan ng alipin.

Minsan pa ang pagtatangi ng lahi at kasakiman ay nagdulot ng labis na paghihirap. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang magkakaagapay na mga bapor (pangunahin ng Britano, Olandes, Pranses, at Portuges) na naglulan ng mga alipin ay malamang na naghatid ng mahigit na 15 milyong aliping Aprikano sa Amerikas!

Dahil sa pagtatangi ng lahi, hindi kataka-taka na ang pagkatuklas sa Amerika ng mga Europeo ay lubhang ikinagalit ng maraming katutubong Amerikano. Isang Indian sa Hilagang Amerika ay nagsabi: “Hindi natuklasan ni Columbus ang mga Indian. Kami ang nakatuklas sa kaniya.” Gayundin, ang mga Mapuche Indian mula sa Chile ay tumututol na ‘walang tunay na pagkatuklas o kapani-paniwalang pag-eebanghelyo kundi bagkus ay paglusob sa teritoryo ng kanilang mga ninuno.’ Gaya ng ipinahihiwatig ng obserbasyong ito, ang relihiyon ay hindi walang-sala.

Relihiyosong Pananakop

Ang relihiyosong pananakop ng Bagong Daigdig ay may malapit na pakikipagtulungan sa pulitikal na pananakop. a Minsang masakop ang isang lugar, ang katutubong mga maninirahan ay obligadong maging Katoliko. Gaya ng paliwanag ng pari at mananalaysay na Katolikong si Humberto Bronx: “Sa simula sila ay nagbautismo nang walang bibigang pagtuturo, pangunahin nang sa pamamagitan ng dahas. . . . Ang mga templong pagano ay ginawang mga simbahang Kristiyano o mga monasteryo; ang mga diyus-diyusan ay pinalitan ng mga krus.” Hindi kataka-taka, ang gayong di-makatuwirang “pagkumberte” ay nagbunga ng isang kakatwang pagsasama ng Katoliko at tradisyunal na pagsamba na nagpapatuloy hanggang sa ngayon.

Pagkatapos ng pananakop at “mga pagkumberte,” ang pagsunod sa simbahan at sa mga kinatawan nito ay mahigpit na ipinatupad, lalo na sa Mexico at Peru, kung saan itinatag ang Inkisisyon. Tinutulan ng ilang taimtim na mga klerigo ang hindi maka-Kristiyanong pamamaraan. Ang prayleng Dominicanong si Pedro de Córdoba, nakasaksi mismo sa pagsakop sa isla ng Hispaniola, ay nanangis: “Sa gayong kabait, masunurin, at maaamong tao, kung ang mga mangangaral ay pumasok lamang sa kanila nang walang dahas at karahasan ng ubod ng samang mga Kristiyanong ito, sa palagay ko isang relihiyon na kagaya niyaong sinaunang mga Kristiyano ay maaaring naitatag.”

Kakaiba Ngunit Hindi Bago

Nakikita ng ilan ang pagtuklas, pananakop, at pagkumberte ng Amerika bilang isang “sagupaan ng dalawang kultura.” Ipinalagay naman ito ng iba bilang “pagsasamantala,” samantalang kinondena ito ng ilan bilang “panghahalay.” Anuman ang paghatol dito, walang alinlangan na ito ang pasimula ng isang bagong panahon, isang panahon ng pag-unlad sa ekonomiya at teknikal na pagsulong, kahit na sa kapinsalaan ng mga karapatang pantao.

Ang Italyanong nabigador na si Amerigo Vespucci ang nag-imbento noong 1505 sa katagang “Bagong Daigdig” upang ilarawan ang bagong kontinente. Walang alinlangan, maraming aspekto ang bago, subalit ang pangunahing mga problema ng Dating Daigdig ay palasak din sa Bago. Ang walang saysay na mga pagsisikap ng napakaraming Kastilang konkistadores na masumpungan ang maalamat na El Dorado, isang dako ng ginto at kasaganaan, ay nagpapahiwatig na ang mga pagnanais ng tao ay hindi nabigyan-kasiyahan sa pagkatuklas ng isang bagong kontinente. Masisiyahan pa kaya sila?

[Talababa]

a Ang pagnanais na magturo ng ebanghelyo sa Bagong Daigdig ay ginamit pa nga upang bigyang-matuwid ang hukbong militar. Si Francisco de Vitoria, isang kilalang teologong Kastila ngayon, ay nangatuwiran na yamang ang mga Kastila ay awtorisado ng papa na mangaral ng ebanghelyo sa Bagong Daigdig, ang kanilang pakikidigma sa mga Indian upang ipagtanggol at itatag ang karapatang iyon ay pinawalang-sala.

[Kahon sa pahina 8]

Columbus, Tagapanguna ng Panahon ng Pagtuklas

MGA 50 taon kasunod ng pagkatuklas ni Columbus sa Amerika ay muling binago ang mapa ng daigdig. Ang mga marinong Kastila, Portuges, Italyano, Pranses, Olandes, at Ingles, na naghahanap ng bagong mga ruta patungo sa Silangan, ay nakatuklas ng bagong mga karagatan at bagong mga kontinente. Noong 1542 tanging ang mga kontinente lamang ng Australia at Antartika ang nanatiling hindi pa natutuklasan.

Timog Amerika Una si Columbus at di-nagtagal pagkatapos ay sina Ojeda, Vespucci, at Coelho ang gumawa ng mapa sa baybayin ng Sentral at Timog America (1498-1501).

Hilagang Amerika Natuklasan ni Cabot ang Newfoundland noong 1497, at si Verrazano ang unang naglakbay sa kahabaan ng baybayin sa Silangan ng Hilagang Amerika noong 1524.

Paglibot sa Daigdig Una itong nagawa ni Magellan at ni Elcano, na nakatuklas sa Pilipinas pagkatapos ng isang di-karaniwang paglalakbay sa ibayo ng napakalawak na Karagatang Pasipiko (1519-1522).

Ang Ruta sa Dagat Patungong India sa Pamamagitan ng Daan sa Cape of Good Hope Pagkatapos libutin ang timugang dulo ng Aprika, si Vasco de Gama ay dumating sa India noong 1498.

Ang Dulong Silangan Narating ng mga marinong Portuges ang Indonesia noong 1509, ang Tsina noong 1514, at ang Hapón noong 1542.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Mga Halaman na Bumago sa mga Pagkain ng Daigdig

BINAGO ng pagkatuklas sa Amerika ang mga kaugalian sa pagkain ng daigdig. Nagkaroon ng mabilis na pagpapalitan ng mga pananim sa pagitan ng Dating Daigdig at ng Bagong Daigdig, at maraming halaman na sinasaka ng mga Inca at ng mga Aztec ay kabilang ngayon sa pinakamahalagang pananim ng daigdig.

Ang Patatas. Nang dumating ang mga Kastila sa Peru, ang patatas ang mahalagang kabuhayan ng mga Inca. Ang patatas ay tumutubo rin sa Hilagang Hemispero, at sa loob ng dalawang siglo ito ang naging pangunahing pagkain sa maraming bansa sa Europa. Ipinalalagay pa nga ng ilang mananalaysay sa hamak subalit masustansiyang lamang-lupang ito ang mabilis na pagdami ng populasyon na kasabay ng pagbabago sa industriya sa Europa.

Ang Kamote. Natikman ni Columbus ang kamote noong kaniyang unang paglalakbay. Inilarawan niya ito na parang “malalaking carrot” na “lasang kastanyas.” Ngayon, ang kamote ay pangunahing pagkain ng angaw-angaw na tao sa malaking bahagi ng lupa.

Mais. Napakahalaga sa mga Aztec ang pagtatanim ng mais anupa’t ipinalagay nila ito bilang sagisag ng buhay. Ngayon ang mais ay pangalawa lamang sa trigo sa lawak ng lupa na pinagtatamnan nito.

Ang Kamatis. Kapuwa ang mga Aztec at mga Maya ay nagtanim ng xitomatle (nang maglao’y tinawag na tomatl). Noong ika-16 na siglo, ang kamatis ay itinanim sa Espanya at Italya, kung saan ang gazpacho, pasta, at pizza ay naging paboritong pagkain. Gayunman, ang iba pang Europeo ay hindi nakumbinsi sa kapaki-pakinabang na mga katangian nito kundi noong ika-19 na siglo.

Tsokolate. Tsokolate ang paboritong inumin ng pinunong Aztec na si Montezuma II. Nang dumating si Cortés sa Mexico, ang mga balatong ng cocoa, kung saan galing ang tsokolate, ay lubhang pinahahalagahan anupa’t ang mga ito ay ginagamit bilang salapi. Noong ika-19 na siglo, nang idagdag dito ang asukal at gatas upang pagbutihin ang lasa, ang tsokolate ay naging isang internasyonal na mabiling pagkain, kapuwa bilang isang inumin at bilang isang mirienda sa anyong buo.

[Larawan]

Ang pagdating ni Columbus sa Bahamas, 1492

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Museo Naval, Madrid, (Espanya), at sa kapahintulutan ni Don Manuel González López

[Larawan sa pahina 7]

Kopya ng Kasunduan ng Tordesillas.

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Archivo General de Indias, Sevilla, Espanya

[Larawan sa pahina 10]

Mga biktimang Mexicano ng Inkisisyong Katoliko

Mural na pinamagatang “Mexico Through the Centuries,” orihinal na gawa ni Diego Rivera.

[Credit Line]

National Palace, Mexico City, Federal District, Mexico