Ang Paggawa ng “Compost” ay Nagbabalik at Lalong Malaki Kaysa Kailanman!
Ang Paggawa ng “Compost” ay Nagbabalik at Lalong Malaki Kaysa Kailanman!
ANG paggawa ng compost ay kasintanda na ng paghahalaman. May mga hukay ng compost ang Romanong mga bukid, na kung saan ang dumi ng tao at hayop ay tinatabunan kasama ng mga damo, mga dahon, at kung ano pa mang mga basurang naipon sa bahay. Sa pana-panahon, ang tubig ay idinaragdag upang tumulong sa pagpapabulok. Pagkaraan ng sanlibong taon, sa Moorish na Espanya, inilahad ng isang kasunduang pang-agrikultura ang tatlong paraan sa paggawa ng mga bunton ng “artipisyal na dumi,” gaya ng tawag sa compost—ang dumi ng kalapati ay idinaragdag upang pabilisin ang pagkabulok.
Sa pagdating ng mga tambakang pamayanan para sa pagtatapon ng basura at ng madaling gamitin at hindi makalat na kemikal na mga pataba para sa madaling gamit sa mga damuhan at hardin, ang paggawa ng compost sa bahay ay halos naging bihira na. Ngunit nagbabalik kamakailan ang paggawa ng compost. Nagsimula nang umapaw ang mga tambakan, ang mga estado ay naglagay ng mga paghihigpit sa kung ano at gaano ang maaaring itapon, at ang bayad sa pagtatapon ay maaaring umaabot mula sa $30 hanggang $100 sa isang tonelada. Isa pa, sumidhi ang pagkabahala sa kapaligiran, at ginawa rin nitong uso ang paggawa ng compost minsan pa.
Hindi lamang nagbabalik ang paggawa ng compost, ito ay lalong malaki kaysa kailanman. Ang tunguhin nito ay gamitin ang paraang paggawa ng compost sa mga tambakan. “Ang paggawa ng compost ay isang maaasahang teknolohiya na maaaring humantong sa paglutas sa lumalaking suliranin ng pagtatapon ng basura,” sabi ng isang artikulo sa The New York Times Magazine. “Naniniwala ang mga nagpanukala nito na kayang gamitin nito ang hanggang sa kalahati ng basura—basura sa kusina, pinagtabasan sa bakuran, maging ang ilang basurang papel—na itinatapon ngayon ng karamihan sa mga Amerikano. Sila’y naniniwala na ang paggawa ng compost ay maaaring makalikha ng mga taniman na magpapataba sa lupa sa halip na sirain ito, na maaaring palitan ng compost ang naagnas o napinsalang lupa, ingatan ang murang mga halaman mula sa sakit at bawasan ang pagkaumaasa sa mga pestisidyo at sintetik na mga pataba.”—Setyembre 8, 1991.
“Gumagawa Sila ng Pagkain Para sa mga Insekto”
“Ang bagong mga gumagawa ng compost ay sinisikap na maunawaan at pangasiwaan ang dati nang umiiral na proseso: pagtutunaw ng mga mikrobiyo. Totoo, sila ay gumagawa ng pagkain para
sa mga insekto,” ang artikulo ng Times ay nagpapaliwanag at nagbibigay ng mga detalye:“Ang paggawa ng compost ay simple lang sa pinakadiwa, ngunit masalimuot sa detalye. Pangunahin na, iyon ang paraan kung paano ginagawa ng lupa ang mga labí ng hilaw na mga organiko tungo sa materyales na kapaki-pakinabang sa mga halaman. Ang mga mikrobyong nabubuhay sa lupa—isang bilyon nito sa isang gramo ng matabang lupa—ay may pambihirang gana sa mga organic compound, na pangunahin nang binubuo ng mga atomo ng karbon, nitroheno at hidroheno. Sinusunog ng baktirya at fungi ang karbon para sa enerhiya at ginagamit ang nitroheno at ilang karbon upang buuin ang kanilang selulang katawan. Karamihan ay gumagana kung may oksiheno, ngunit ang ilan ay mas mainam kung walang oksiheno. Pagka umuunti na ang hilaw na mga compound, kinakain nito ang isa’t isa. Mula sa lahat ng kainan at lamunang ito ay nagkakaroon ng init, tubig, carbon dioxide at ang sangkap na tinatawag na humus, isang masalimuot na organikong mga molekula na humihila at pumipigil sa mga pagkain, tubig at hangin na kailangan ng mga halaman sa paglaki.”
Sa tamang pagkahalo sa compost, maaaring lamunin ng mga mikrobyo ang langis na diesel, TNT hydrocarbons, at uranyum. Tiyak, ang mga ito ay maliliit na makapangyarihang mga mikroorganismo, ngunit sa inyong paggawa ng compost sa inyong bakuran, hindi nito makakaharap ang gayong mga hamon.
Paghahanda ng Inyong Sariling Compost
Una sa lahat, kalimutan yaong mga bunton ng mga basura sa hardin, kung saan mo dating tinatambak, taun-taon, ang lahat ng dahon, tinabas na damo, dayami, tuyong kumpay, at damo na malamang ay umapaw. Pagka naparagdag pa ang mga basura sa kusina sa buntong ito, di-maiiwasan ang nakaririmarim na amoy, gaya ng nalalamang mabuti ng may karanasang hardinero. Upang malutas ang suliraning ito, kailangan mo ng tamang imbakang kahon (bin) ng compost. Ang ideya ay upang magawa mo sa iyong hardin ang kahanga-hangang proseso na inilarawan sa itaas. Ito rin ang proseso na nagreresiklo sa patay na organikong bagay na naiipon sa bawat sahig ng kagubatan, at ito’y nagpapatuloy sa loob ng libu-libong taon. Siyempre pa, ang Diyos ang unang gumawa nito, nang lalangin niya ang berdeng mga halaman na sa dakong huli ay mamamatay at pinasimulan niya ang proseso sa paggawa ng compost upang iresiklo ang kinakailangang kemikal para gamitin muli.—Genesis 1:11-13.
Higit na mabuti ang imbakang kahon sa paggawa ng compost, yamang pinananatili nitong sama-sama ang mga materyales at tinutulutan nito ang mas mabuting bentilasyon, na nagpapabilis sa kakayahan ng proseso ng pagkabulok. Ang mga siwang o butas ay kailangang gawin sa gilid ng imbakan upang makapasok ang oksiheno na kailangan para sa baktirya. Gayundin, ang pagkaumido ay dapat kontrolin. Ang imbakan ay dapat na nakaangat sa lupa, at dapat piliin ang tamang lugar. Ang proseso ng paggawa ng compost ay hindi gumaganang mahusay kung nakabilad maghapon sa matinding sikat ng araw, ni ito man ay magkakabisa sa lubos na kaliliman.
Ang halo ng compost mismo ay maaaring ipalagay na gaya ng maraming-baitang na sanwits: isang suson ng mga sukal sa hardin, isang suson ng lupa, isang suson ng basura sa bahay, na inuulit ito hanggang sa magkaroon ka ng isang bunton na 1.2 o 1.5 metro ang taas. Sa wakas, ang nabuong salansan ay maaaring takpan ng damo o katulad na materyal.
Paglipas ng dalawang taon magkakaroon ka ng napakatabang lupa at ng pinakamatalik na mga kaibigan ng hardinero—napakaraming bulati. Sila’y walang pagod na gagawa upang buhaghagin at lagyan ng oksiheno ang ibabaw na lupa ng iyong hardin. Ang proseso ng paggawa ng compost ay mapabibilis pa sa pamamagitan ng pagtataob paminsan-minsan sa bunton o pagdaragdag ng mga produkto na magpapabilis sa pagkabulok, gaya ng kaunting dumi ng hayop. Sa wasto ang pagkagawa na imbakan at tamang halo ng mga materyal, ang proseso ng pagkabulok ay mapadadali hanggang sa ang compost ay maaari nang gamitin pagkaraan lamang ng tatlo o apat na buwan sa halip na dalawang taon.
At tandaan, kailangang huminga ng compost, kaya ang sapat na bentilasyon, na may tamang kahalumigmigan, ay gagawa sa halo na maging mulch na kaaya-aya sa iyong mga halaman. Kapag inilatag mo ito sa ibabaw ng lupa, ang dulang ay nakahanda na, at maaari nang magsimula ang piging ng iyong mga bulaklak at mga gulay. Bigyan mo ang iyong halamanan ng ganitong pangangalaga, at gagantimpalaan ka nito ng saganang ani ng kagandahan para sa iyong mga mata at kaluguran sa iyong panlasa.