Ano ang Nasa Likod ng Isang Pangalan?
Ano ang Nasa Likod ng Isang Pangalan?
ALAM mo ba kung bakit ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang ang pangalan mo? Noong panahon ng Bibliya ang mga pangalan ng tao ay kadalasang nagpapabanaag ng pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Halimbawa, ang pangalang Abraham, na ibinigay sa kaniya ng Diyos, ay nangangahulugang “Ama ng isang Pulutong (Maraming tao).” Ang Ishmael ay nangangahulugang “Nakikinig (Pinakikinggan) ang Diyos.” At ang Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.”
Sa mga bansang Aprikano ngayon, ang pagbibigay ng pangalan ay kadalasang nagpapabanaag ng relihiyosong mga paniwala at pamantayan. Totoo ito sa gitna ng maraming Aprikanong Saksi ni Jehova.
Sa Nigeria isang dalaga ang nagkukuwento: “Natutuhan ng tatay ko ang katotohanan ng Bibliya buhat sa mga Saksi ni Jehova isang taon bago ako isilang. Nang taóng iyon, ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan ay inilabas sa Ingles. Nang maglaon, halos sa panahon ng aking pagsilang, ang aklat na Katotohanan ay lumabas sa aming wikang Yoruba. Dahil diyan, inakala ng aking tatay na angkop na ibigay sa akin ang pangalang Truth [Katotohanan].”
Isa pang saksi ni Jehova, isang lalaki, ang nagsabi: “Ang aking itay ay naging isang Saksi isang taon bago ako isilang. Siya’y nagtatrabaho sa isang dako na pinamamahalaan ng mga debotadong Katoliko, at dahilan sa kaniyang mga paniwala, nawalan siya ng trabaho. Nang ako’y isilang, wala siyang trabaho at may kaunting pera lamang. Subalit hindi siya nasiraan ng loob. ‘Ako’y nawalan ng trabaho dahil sa aking katapatan sa Kaharian ng Diyos,’ sabi niya. Kaya pinanganlan niya akong Kingdom [Kaharian].”
“Pinanganlan ako ng aking mga magulang na Ifeanyichukwu, isang pangalang Igbo,” sabi ng isa pang binata. “Iyan ay pangalang mahirap bigkasin para sa mga hindi nagsasalita ng Igbo, kaya gusto ko ng isang pangalan na mas madaling bigkasin. Nais ko ring maglingkod sa Bethel [ang lokal na tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower], at may kaibigan ako na ang pangalan ay Bethel. Kaya hiniling ko sa aking mga magulang kung maaari ko bang gawing ‘Bethel’ ang pangalan ko. Sumang-ayon naman sila.”
“Ang aking mga magulang ay mga payunir [buong-panahong mga ministro],” kuwento ng isa pang binata sa Nigeria. “Gusto ng tatay ko na isunod ang pangalan ng isa sa kanilang mga anak sa kanilang gawain. Iyan ang dahilan kung paano ko nakuha ang pangalang Pioneer [Payunir]. Inaasahan nila na mararanasan ko rin ang mayamang pagpapala ng buong-panahong paglilingkod.”
Nang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nasa Côte d’Ivoire noong Disyembre 1978, nakilala niya ang isang kapatid na babae na may sanggol na ang pangala’y Victorious Faith [Matagumpay na Pananampalataya] sapagkat siya ay ipinanganak samantalang ang ina ay dumadalo sa “Matagumpay na Pananampalatayang” Kombensiyon.
Sina Truth, Kingdom, Bethel, at Pioneer ay pawang nagtatrabaho sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Nigeria. Naglilingkod din doon ang mga Saksi na ang pangala’y Bible, Wisdom, Christian, Love, Innocent, Genesis, at Blessing. Lahat ng mga ministrong Kristiyanong ito ay gumagawang masikap upang mapanatili ang isang mabuting reputasyon, o pangalan, sa Diyos na Jehova, na pinagkakautangan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa ng pangalan.—Ihambing ang Efeso 3:14, 15.