Bahagi 6—Mga Kabalisahan sa Ekonomiya—Kailan Ito Magwawakas?
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo
Bahagi 6—Mga Kabalisahan sa Ekonomiya—Kailan Ito Magwawakas?
HABANG nananatili ang mahigpit na hawak ng sakim na komersiyo sa masa, ang mga kabalisahan sa ekonomiya ay magpapatuloy. Iyan ang masamang balita. Ang mabuting balita ay na ang hawak nito ay malapit nang malagot, winawakasan ang mga kabalisahan sa ekonomiya minsan at magpakailanman. Sa kasalukuyan ipinahahayag ng mahigit na apat na milyong mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mabuting balita ito sa iba.—Tingnan ang kahon sa pahina 14.
Pinakamabisang Instrumento
Ang layunin ng pag-aanunsiyo—kapag ikinapit sa ekonomiya—ay upang magbili ng mga produkto o mga serbisyo. Upang itaguyod ang benta, ang publiko ay dapat na maimpluwensiyahang bumili. Isinasagawa ito ng mga paskilan, pahayagan, magasin, radyo, at telebisyon, bukod pa sa nakayayamot na bagay na iyon na tinatawag na “junk mail.”
Ang masalimuot na mga anunsiyo sa modernong telebisyon ay malayung-malayo sa mga mensahe ng mga tagapaghayag sa madla sa sinaunang Gresya. Subalit ang layunin ng pag-aanunsiyo—upang impluwensiyahan ang mga tao—ay hindi nagbago. Ang imbensiyon ng imprenta mula sa nakikilos na tipo ni Johannes Gutenberg ay nagbukas ng bagong mga tanawin sa pag-aanunsiyo sa madla anupa’t noong 1758 ang kilalang Ingles na magaling sa panitikan na si Samuel Johnson ay makasusulat: “Napakarami na ngayon ng mga anunsiyo anupa’t ang mga ito’y nakaliligtaang basahin, kaya nga kailangan itong makatawag ng pansin sa pamamagitan ng marikit na mga pangako at sa pamamagitan ng kahusayang magsalita na kung minsan ay kahanga-hanga at kung minsan ay kahabag-habag.” Kung hindi dahil sa kaniyang sinaunang pagbaybay, maaari nating ipalagay na isinulat ni Johnson ang mga salitang ito ngayon, sa 1992.
Ang pag-aanunsiyo ay pinasigla ng pagbabago sa industriya. Ang napakaraming bagong mga produkto na ginawa nitong madaling mabibili ay nangangailangan ng mga mamimili, na ngayo’y maaabot ng lumalagong network ng mga pahayagan at mga magasin. Hindi nagluwat, sinakop ng radyo at telebisyon ang mas maraming tagapakinig. Ang pag-aanunsiyo ay naging isang negosyo sa ganang sarili. Ang mga ahensiya sa pag-aanunsiyo ay itinatag kasing-aga noong 1812, nang ang Reynell and Son ay magbukas sa London.
Kung ang pag-aanunsiyo ay makatotohanan, ipinaaalam sa atin ang tungkol sa makukuhang mga produkto o mga serbisyo upang sapatan ang lehitimong mga pangangailangan, ito’y nagsisilbi sa isang mabuting layunin. Gayunman, hindi gayon kung ito’y lumalabis sa wastong mga hangganan, hinihikayat tayo na bilhin kung ano ang hindi natin kailangan at nagkakandabaon sa utang alang-alang sa kagyat na kasiyahan. “Ito’y nanghihikayat, nagsusumamo, nangangatuwiran, sumisigaw,” ang pagkakalarawan dito ng isang manunulat, at isinusog pa: “Sa namamalayan man natin o hindi, tayong lahat ay apektado, sa ikabubuti o ikasasama, ng pag-aanunsiyo.”
Ang inaasahang mámimili ay karaniwang nahihikayat ng mga salik na wala pa ngang kaugnayan.
Ang mga tagapag-anunsiyo ay nananawagan sa pag-ibig sa sarili; iniimpluwensiyahan nila ang mga damdamin. Maaaring iharap nila ang bahagyang mga katotohanan. Masahol pa, maaaring itago nila ang negatibo o mapanganib na mga aspekto ng kanilang produkto, sa gayo’y ipinakikita ang lubhang kawalan ng pagkabahala sa kapakanan ng iba—ang lahat ay sa pangalan ng kompetisyon sa ekonomiya.Kailangan ba ang Kompetisyon sa Ekonomiya?
Maaaring akalain mo, gaya ng iba, na ang kompetisyon ay mahalaga para sa pag-unlad. At, totoo, sa kasalukuyan, ang tapat na kompetisyon sa ekonomiya ay maaaring mangalaga sa mga mámimili sa ilang paraan. Subalit kinukuwestiyon ng manwal sa edukasyon na Psychology and Life kung baga ang kompetisyon ay “isang mahalagang katangian ng kalikasan ng tao,” na nagtatanong: “Kailangan ba nating tapakan ang isa na natalo upang maging maligaya?”
Bagaman binabanggit na ang mga taong pinalaki sa isang paligsahang lipunan ay maliwanag na “tumutugon sa hamon na daigin ang isa,” sinasabi ng aklat-araling ito na ang pagpapaligsahan ay hindi katutubong ugali. Sa katunayan, sa panghuling resulta, ang kompetisyon ay hindi mabunga. Isinisiwalat ng mga pagsubok na ito “ay lumilikha ng saloobing manalo-anuman-ang-mangyari na kadalasang hindi nakatutulong sa pinakamahusay na kalidad ng gawain.”
Ang kompetisyon, halimbawa, ay maaaring pagmulan ng takot na mabigo. Subalit ang takot, maging sa paaralan, sa dako ng trabaho, o saanman, ay hindi talaga nakatutulong sa mabuting paggawa. Isa pa, ang kompetisyon ay maaaring umakay sa kawalan ng katapatan o pandaraya. Ang mga estudyanteng labis-labis na nakikipagpaligsahan upang makakuha ng matataas na marka ay maaaring hindi makita ang tunay na layunin ng edukasyon: upang sangkapan sila na maging mas mabuti at mas produktibong mga miyembro ng lipunan.
Hanggang sa panahon ng pagsulat nito noong 1930’s, binanggit ng Psychology and Life ang Samoa bilang halimbawa ng isang lipunan na walang kompetisyon. “Ang mga tao ay nagtatrabaho at iniimbak ang mga produkto ng kanilang pagpapagal sa isang bodegang panlahat kung saan ang lahat ay nakakukuha ayon sa kanilang pangangailangan,” paliwanag nito, susog pa nito: “Iniuulat ng mga antropologo na ang mga taong iyon ay lubusang maligaya na gaya ng kanilang mas makasariling kapuwa tao sa ibang bahagi ng daigdig.”
Kaya, ang kasiya-siya at matagumpay na sistema sa ekonomiya ay hindi kinakailangang nasasalig sa kompetisyon. Iginigiit ng isang kilalang negosyante na bagaman ang kompetisyon ay maaaring mahalaga upang ganyakin ang hindi maygulang
na mga tao, ang maygulang na mga indibiduwal ay dapat na hindi nahihirapang makasumpong ng pangganyak sa gawain mismo. Ang kagalakan ay masusumpungan sa pagkatuto, sa pagiging mapanlikha, sa pagpapaligaya sa iba, sa paggawa ng mga pagsulong at bagong mga tuklas.Mauunawaan naman, kung gayon, ang matalinong payo ng Bibliya ay: “Huwag tayong maging labis na palaisip sa sarili, na nagpapaligsahan sa isa’t isa, nagkakainggitan sa isa’t isa.”—Galacia 5:26; Eclesiastes 4:4.
Umalpas Para sa Mas Mabuting Bagay!
Maliwanag na ginagamit ni Satanas ang sakim na komersiyo bilang isang instrumento upang makamit ang kaniyang layunin. Sa paglikha ng mga kabalisahan sa ekonomiya, lalo niyang hinihigpitan ang hawak sa sangkatauhan. Dahil sa pag-aalala sa kung paano masasapatan ang materyal na mga hinahangad ay nawawalan ng panahon upang matugunan ang mahahalagang espirituwal na mga pangangailangan. Ang ideya na ang mga paninda ay ginawa upang gamitin at saka itapon na pinaunlad ng komersiyo ay negatibong nakaaapekto sa kapaligiran. Sinisira ng saloobin nito na kamtin-itong-lahat-at-kamtin-ito-ngayon ang pagkakontento at kaligayahan. Sa katunayan, ang lehitimong mga interes sa ekonomiya, kung hindi lalakipan ng mga simulain ng Diyos, ay sa wakas mauuwi sa interes-sa-sarili at, ito naman, ay mauuwi sa kasakiman.
Gayunman, ang kasakiman at labis-labis na interes-sa-sarili ay mga anyo ng idolatriya, na kasuklam-suklam sa Diyos. (Colosas 3:5) Ang mga tao na hinahayaang ang kanilang mga pagkatao’y negatibong hubugin ng komersiyo ay, tulad ng mga tagapagtaguyod ng huwad na pagsamba at mga tagapagtangkilik ng pamamahala ng tao, lumalakad sa panganib. Sila’y nanganganib na maging mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Si Jesus ay nagbabala: “Pakaingat nga kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito [kasali na ang mga kabalisahan sa ekonomiya], at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon [ng paghatol ni Jehova] na gaya ng silo.”—Lucas 21:34.
Yaong mga magiging Kristiyano ay kailangang umalpas mula sa hawak ng di-sakdal na mga sistema sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagtanggi sa espiritu na pinauunlad nito at sa pagtatakwil sa masakim na mga tunguhing pangkabuhayan. Ang mga pagkatao ay dapat na hubugin ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha, hindi ng makapangyarihan-sa-lahat na dolyar. Ang katapatan ay dapat na pagsikapan sa lahat ng panahon. Kailangang magkaroon ng kasiyahan sa kung ano mayroon ang isa, hindi ang patuloy na pagsunggab sa higit pa.—Efeso 5:5; 1 Timoteo 6:6-11; Hebreo 13:18.
Upang maglagay ng wastong mga prayoridad, dapat suriin ng mga Kristiyano sa pana-panahon ang kanilang mga tunguhin sa buhay. (Filipos 1:9, 10) Ito’y nababanaag sa kanilang pinipiling trabaho at edukasyon para sa kanilang mga anak. Iniingatan nila sa isip na “ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Laging ipinaaalaala nito sa atin na kapag lumipas ang sanlibutan, mararanasan ng pandaigdig na komersiyo ang ‘Pagbagsak ng Wall Street’ kung saan ito at ang mga tagapagtaguyod nito ay hinding-hindi na makababawi.—1 Juan 2:16, 17.
[Kahon sa pahina 14]
Walang Kabalisahan sa Ekonomiya sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos
Walang nagtataasang presyo dahil sa kakapusan ng pagkain: “Isisibol mismo ng lupa ang kaniyang bunga; ang Diyos, ang aming Diyos, ay pagpapalain kami.” “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 67:6; 72:16.
Walang pagkakautang sa doktor: “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’” “Madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
Walang napakataas na mga upa at sangla na babayaran: “At sila nga’y mangagtatayo ng mga bahay at ang mga yao’y kanilang tatahanan; at sila nga’y mangag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Walang mga uring mayaman at mahirap: “Siya’y tiyak na hahatol sa gitna ng maraming bayan, at itutuwid ang mga bagay tungkol sa matitibay na bansa sa malayo. . . . Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:3, 4.
Wala nang anumang uri ng pangangailangan na hindi sasapatan: “Silang nagsisihanap kay Jehova, sila’y hindi kukulangin ng anumang mabuting bagay.” “Binubuksan mo ang iyong kamay ay sinasapatan mo ang naisin ng bawat bagay na may buhay.”—Awit 34:10; 145:16.
[Larawan sa pahina 15]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ang mga kabalisahan sa ekonomiya ay mawawala na sa wakas