Mayroon nga Bang Isang Matuwid na Digmaan?
Mayroon Nga Bang Isang Matuwid na Digmaan?
SA NAGDAANG mga dantaon, ang Sangkakristiyanuhan ay maraming sinasabi tungkol sa ideya ng “matuwid na digmaan.” Noong nakaraang taon inilathala ng magasing Time ang talaan ng anim na pangunahing kahilingan na inaakala ng mga teologo ay dapat matugunan ng isang digmaan upang ito ay matawag na “matuwid.” Pinatutunayan ng kasaysayan na wala sa mga digmaan na itinaguyod ng Sangkakristiyanuhan ang aktuwal na nakatutugon sa mga kahilingang ito.
Ngunit ang Har–Magedon, ang digmaan na ipinangako ng Diyos na isasagawa niya laban sa bulok na sistemang ito ng mga bagay, ay nakatutugon sa lahat ng anim na kahilingan ng mga teologo.
“Itinataguyod nito ang isang ‘matuwid na layunin,’ gaya ng pagtatanggol-sa-sarili o paglupig sa masama.” Lilipulin ng Har–Magedon ang lahat ng bahagi ng masamang daigdig na si Satanas na Diyablo ang diyos. Sa gayon, ganito ang masasabi tungkol sa “Tapat at Totoo” na Mandirigma ng Diyos sa Har–Magedon, si Kristo Jesus, na “siya’y humahatol at nakikipagbaka sa katuwiran.”—Apocalipsis 19:11; 2 Corinto 4:4.
“Ito’y ipinahahayag at pinamamahalaan ng isang ‘may kakayahang awtoridad.’ ” Ang Har–Magedon ay maliwanag na ipinakikilala bilang “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”—kaniyang digmaan. Sino pa ang higit na may kakayahang awtoridad kaysa Maylikha mismo ng sansinukob?—Apocalipsis 16:14; tingnan din ang 11:17, 18; ihambing ang Isaias 36:10.
“Ito ang ‘tanging mapagpipilian’ pagkatapos mabigo ang mapayapang paraan.” Libu-libong taon na ngayon, hinimok ng Maylikha—nagsumamo pa nga sa—sangkatauhan na “makipagkasundo sa Diyos” at “paglingkuran si Jehova nang may takot.” Subalit sa pagbibingi-bingihan sa mga pangunguna sa kapayapaan at sa mga babala mula sa Diyos sa loob ng 6,000 taon, iniwan ng tao ang Diyos na walang mapagpipilian kundi ang makipagbaka.—2 Corinto 5:20; Awit 2:2, 10-12.
“Ito sa paano man ay may ‘probabilidad’ na magtagumpay.” Isaalang-alang ang magkabilang panig. Sa isang panig ay ang sama-samang kapangyarihan ng mga bansa ng daigdig na ito, taglay ang lahat nilang mga arsenal ng kasindak-sindak na mga sandata. Sa kabilang panig naman ay ang Maylikha ng sansinukob. Isa sa kaniyang mas maliit na nilalang, ang araw, ay isang pagkalaki-laking pugon ng termonuklear na mga pagsabog na napakalakas anupa’t kahit na kung pasasabugin ng mga bansa ang lahat ng kanilang mga sandatang nuklear sa isang dambuhalang pagsabog, ang pagsabog na iyon ay parang sagitsit lamang ng isang posporo. Magagamit ni Jehova sa anumang oras ang lahat ng makapangyarihang mga hukbo ng paglalang upang tiyakin na ang kaniyang digmaan ay tiyak na magtatagumpay.—Isaias 40:15; 54:17.
“Ito’y alinsunod sa ‘katumbasan’—mahihigitan ng mabuting magagawa nito ang pinsala.” Isaalang-alang ang hinaharap na walang Har–Magedon na digmaan ng Diyos. Ang sangkatauhan ay walang-tinag na disididong lipulin ang sarili. Kung pababayaan sa kaniyang sariling mga hilig, gaano kaya katagal sisirain ng tao ang planetang ito at kahiya-hiyang humilahod sa daan ng pagkalipol, ang kahulihan sa nakatatakot na parada ng mga uri na pinangyari ng tao na malipol? Ito kaya ay magiging isang hapon ng nuklear na pagkatupok? o mga ilang dekada ng pangglobong polusyon? Alinman dito, ang tao ay patungo na sa pagkalipol kung hindi nakialam ang Diyos sa pamumuhay ng tao. Sa kabilang dako, isaalang-alang ang mabubuting pangako na gagawin ng Har–Magedon—mapayapang kinabukasan ng maka-Diyos na mga tao sa planetang ito, wala nang polusyon, wala nang digmaan, wala nang kahirapan, wala nang sakit o kamatayan man. Ang Diyos ay nangangako: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:3-5.
“Ito’y ‘mapamili,’ iniiwasang saktan hangga’t maaari ang hindi lumalaban.” Ang Har–Magedon ay magiging mapamili. “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong nagsisipaghintay kay Jehova ay magmamana ng lupa.”—Awit 37:9.
Kailangang matutuhan ng lahat ng interesadong makaligtas sa tunay na matuwid na digmaang ito ang saligan ng “pagtitiwala kay Jehova” sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng kaniyang salita.