Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Doomsday Clock” Binago

Sa labas ng Disyembre 1991, ang malaking kamay ng “Doomsday Clock” sa pabalat ng The Bullletin of the Atomic Scientist ay iniatras nang higit kaysa rati​—ng 17 minuto bago hatinggabi. “Isang larawan ng cold war” na unang nakita noong 1947, ang sabi ng U.S.News & World Report, “ang orasan ay nagpapakita ng nuklear na tensiyon sa pamamagitan ng pagtatanda ng oras hanggang sa hatinggabi ng Armagedon.” Nang ito’y pag-isipan, ang orasan ay may habang 15 minuto, gaya ng inaakala ng mga tagapagtatag nito na ito lamang ang kakailanganin sa kanilang buong buhay. Yamang ang Silangan-Kanlurang ugnayan ay umunlad sa loob ng mga taon, ang orasan ay binago nang 13 beses, sa haba na 12 minuto bago hatinggabi hanggang sa 2 minuto bago hatinggabi. Ngayon, dahil sa Strategic Arms Limitation Treaty at sa pagbabawas ng libu-libong armas, ang editor ng Bulletin ay nakadama na isang bagong panahon ang pumasok, taglay ang pag-asa na makamit ang “isang bagong kaayusan ng sanlibutan.” “Ngunit isang mapanganib na lugar pa rin ang mundo,” sabi ng Bulletin. “Mayroon pa ring mahigit na 50,000 bombang nuklear at mga warheads.”

Mga Nasasawi sa Mina sa Cambodia

“Ang Cambodia ang may pinakamataas na proporsiyon ng nababaldadong mga tao sa daigdig,” ang pahayag ng The Economist. Bakit? Dahil sa mga mina sa lupa na “inilagay kahit saan kapuwa ng pamahalaan at ng mga grupong oposisyon noong gera sibil.” Yamang walang mga rekord ng kanilang mga lugar ang naingatan, ang mga mina ang naging sanhi ng mas maraming pinsala kaysa anumang ibang armas. Inaakala ng dalawang grupo ng karapatang pantao, ang Asia Watch at Physicians for Human Rights, na ang mga bansa na nagtustos ng mga mina o nagbigay ng mga instraksiyon kung paano ilalagay iyon​—ang Britanya, Tsina, Singapore, ang dating Unyon Sobyet, Thailand, ang Estados Unidos, at ang Vietnam​—ay may moral na obligasyon na tiyakin na maalis ang mga iyon. Sila ay nananawagan na ipagbawal ng UN ang mga kagamitan na “hindi nakakikilala sa pagitan ng yapak ng mga sundalo at ng isang bata na nangangahoy,” sabi ng magasin.

Pag-aasawa at Haba ng Buhay

Ayon sa isang ulat ng French National Institute of Demographic Studies, ang mga may-asawa ay karaniwang nabubuhay nang mas mahaba kaysa walang-asawa. Kapuwa sa mga lalaki at mga babae, ang ulat ay nagpapakita na may tuwirang kaugnayan ang kalagayang may-asawa ng isang tao at ang haba ng kaniyang buhay. Ipinakikita ng estadistika na ang mga taong may-asawa ay may pinakamataas na katamtamang haba ng buhay, samantalang ang mga diborsiyado, mga walang asawa, mga biyuda, at mga balong lalaki ay mas maikli ang buhay. Napapansin na ang pagkakaiba ng haba ng buhay sa pagitan ng may-asawa at walang-asawang babae ay hindi gaanong litaw, ang mga mananaliksik ay nagsabi na ang mga babae ay waring mas mabuting umangkop sa kanilang walang-asawang kalagayan.

Pag-iingat sa Antartiko

“Sa wakas ay natamo na ng Antartiko ang proteksiyon sa kapaligiran nito,” ang sabi ng magasing New Scientist. Ang Tratadong Antartiko ng mga bansa ay “lumagda ng isang protokol na nagbabawal ng pagmimina sa kontinente sa di kukulanging 50 taon.” Ang mga kondisyon ng protokol ay sumasaklaw rin sa mga tuntunin sa polusyon at pagtatapon ng basura, humihiling na anumang bagong gawain ay pasailalim ng pagsisiyasat sa kapaligiran. Sa kasalukuyan, ang turismo ang ipinalalagay na pinakamalaking banta sa sistema ng ekolohiya ng Antartiko. Bawat bansa ay maglalaan ng bagong binuong komite sa kapaligiran na may detalyadong impormasyon sa mga pamamaraan nito ng pangangalaga sa kapaligiran, gayundin ang pagsubaybay sa polusyon sa kapaligiran. Ang protokol ay hindi maisasakatuparan hanggang pormal na mapagtibay ng bawat bansang miyembro, na kukuha ng mga dalawang taon.

Pamana ni Columbus

Si Columbus at ang iba pang manggagalugad ay higit pa ang ginawa kaysa pagtuklas sa Amerikas​—kanilang binago ito nang lubusan. Sa ngayon, isinulat ng historyador na si Alfred Crosby, ang “isang dalubhasa sa botanika ay madaling makasusumpong ng parang [sa Amerika] na kung saan mahihirapan siyang makakita ng mga uri na tumubo sa Amerika noong panahong bago kay Columbus.” Gaya ng naitala sa Wilson Quarterly, kabilang sa mga halaman na dinala mula sa Dating Daigdig ay ang mga saging, repolyo, daisy, Kentucky bluegrass, limón, letsugas, mangga, dalandan, peaches, labanos, bigas, tubó, tumbleweed, at trigo. Kasali sa mga hayop na dinala ay mga baka, manok, pusa, asno, pukyutan, kabayo, baboy, daga, tupa, maya, at martines. Gayunman, ang pinakanakapipinsala ay ang mga sakit na dinala roon. Kabilang dito ang bubonic plague, bulutung-tubig, trangkaso, sakit sa atay at apdo, malaria, tigdas, meningitis, biki, bulutong, tonsilitis, at tuspirina. Bagaman maraming hayop at halaman ang nakarating din mula sa Amerikas tungo sa Dating Daigidig, tanging isang sakit, ang syphillis, ang pinaniniwalaang naibalik.

Ang mga Uwang

Bawat araw, ang isang katamtamang baka ay nakagagawa ng 10 hanggang 15 malalaking tumpok ng dumi; ang elepante, mga 2 kilo bawat oras o higit pa. Karagdagan pa rito ang dumi ng lahat ng mga hayop, kasali na ang sa tao, at ang isa ay magtataka kung bakit ang ating mundo ay hindi natatabunan ngayon ng dumi. Pasok ang mga uwang (dung beetle). Bawat araw ay kanilang nililinis ang bilyon-bilyong tonelada ng mga dumi. Pagkalagpak na pagkalagpak ng tumpok, libu-libong uwang na kasindami ng 120 mga uri ang tumatakip kaagad doon at mabilis na pinapalis iyon. Ang mga mananaliksik ay nakabilang ng 16,000 uwang sa isang tumpok ng dumi ng elepante, na lubusang nawala pagbalik ng mga siyentipiko makalipas ang dalawang oras. Ang ilang uri ay nakakapit pa sa balahibo sa pigi ng ilang hayop at lumulukso sa mga dumi na nalalaglag. Anuman ang kanilang hindi kinakain, kanilang binibilog iyon at ibinabaon bilang pagkain para sa kanilang anak. Sa paggawa ng gayon, sila’y gumagawa ng isa pang dakilang paglilingkod sa sangkatauhan​—ang pagdaragdag ng nagpapatabang nitroheno sa lupa. Kanila ring binubungkal ang lupa at pinahahanginan iyon, at kinakain ng mga larva ng uwang ang mga uod at bulati na nabubuhay sa dumi at na maaaring magkalat ng sakit. Napakahalaga nila anupa’t sinasamba pa nga ng sinaunang mga Ehipsiyo ang uwang.

Dobleng Paradahan

Ang mga gumagawa ng kotse sa Hapón, na patuloy na bumubuo ng mga kotse at hinihikayat ang mga pamilya na bumili ng ikalawang kotse, ay may problema​—kung saan ipaparada iyon. Ang mga bagong tuntunin sa pagparada ay humihiling na ang sticker ay nakikita upang patunayan na ang may-ari ay may pagpaparadahan ng kaniyang kotse, sa bahay man o malapit sa opisina, isang kahilingan upang maparehistro ang kotse. Ngunit napakamahal ng mga lugar ng paradahan, nagkakahalaga ng ¥230,000 ($1,800, U.S.) isang buwan sa ilang residensiyal na lugar sa Tokyo. Kaya’t pinasok ng mga gumagawa ng kotse ang negosyo na pagbibili ng mga doble-andana o triple-andanang makina sa isang pang-isahang paradahan. Ang unang kotse ay iginagarahe sa plataporma, na itinataas ng koryente, at ang ikalawa (o ikatlong) kotse ay ipaparada sa ilalim. Ang isa pang uri ay ang home-parking machine na ibinababa ang unang kotse sa isang hukay sa ilalim. Ang impormasyon sa pagkakaroon ng lugar na paradahan ay inilalalan din sa mga mámimili ng kotse.

Ngiping Kinukumpuni-ang-Sarili?

Ang mga ngipin ay makagagawa ng bahagyang pagkukumpuni kung bibigyan natin sila ng sapat na oras na gawin iyon. Iyan ang paliwanag ni Propesor Tadashi Yamada sa Shikai Tenbo (Dental Circles View), isang magasing pangmedisina sa Hapón. Pagkatapos na makapasok ang asukal sa bibig, gaano man karami, ang dumi sa ngipin ay nagiging maasim sa loob ng 8 hanggang 20 minuto. Tinutunaw ng nangasim na dumi ng ngipin ang calcium ng ngipin na nagiging sanhi ng tinatawag ni Yamada na “maliliit na butas.” Gayunman, ayon kay Yamada ang calcium mula sa laway ay unti-unting pinapalitan ang nawalang calcium, kaya paglipas ng ilang oras, ang ngipin ay bumabalik sa normal na kalagayan. Yamang ang mga bakas ng asukal ay matatagpuan sa karamihan halos ng pagkain, inirerekomenda ni Yamada ang regular na pagsisipilyo, lalo na bago matulog, at iwasan ang mga merienda upang matulutan ang mga ngipin ng sapat na panahon na makagawa ng kanilang sariling pagkukumpuni.

Trahedya sa Black Sea

“Sa loob ng mga dantaon, ang Black Sea ay naglaan ng napakaraming balat ng dolphin at caviar at isda anupa’t hindi iisipin ng isa na ito’y magwawakas,” ang sabi ng The New York Times. Iyan ay nagbago na ngayon. Hindi lamang ang bawat industriya at nayon sa tabi ng dalampasigan nito ang gumagamit sa Black Sea bilang kanilang imburnal kundi mula sa isang rehiyon na binubuo ng 160 milyong tao, mahigit na 60 ilog ang nagtatapon ng basura sa dagat. Ang apat na pinakamalalaki​—ang Danube, Don, Dnieper, at Dniester—​ay tinatangay sa isang lugar na kilala bilang ang pinakamarumi sa buong mundo, nagdadala ng tone-toneladang nakalalasong mga materyal. Ang labis na pangingisda ay lumipol din sa isda, gayundin ang pagdami ng mga dikya na kumakain sa itlog at mga larva ng ibang isda. Bilang resulta, tanging 5 lamang sa 26 na mga uri ng komersiyal na isda na napakarami noong 1970 ang nasumpungang umunti ngayon, at ang mga seal ay naglaho na. “Kahit na patigilin natin ang lahat ng polusyon na parang madyik,” sabi ng biyologong si Yuvenaly Zaitsev, “imposibleng bumalik sa 1950’s. Ang kalikasan ay may sarili niyang mga batas.”

Ang mga Batang Binakunahan

Sa buong daigdig, 4 sa bawat 5 bata ang nabakunahan na laban sa anim na pumapatay na sakit: diphtheria, tigdas, polio, tetano, tuberkulosis, at tuspirina, sabi ng World Health Organization. Sampung taon ang nakararaan, ang proporsiyon ay 1 sa 5. Ngayon, sa halaga na isang dolyar sa bawat bakuna, halos tatlong milyong buhay ng mga bata ang naililigtas bawat taon. Gayunman, ayon sa World Health Organization, ang naiiwasang mga sakit ay pumapatay pa rin sa mahigit na dalawang milyong bata bawat taon.