Ako’y Nagpapasalamat na Ako’y Nakaligtas
Ako’y Nagpapasalamat na Ako’y Nakaligtas
KUNG nakita mo ang pelikulang The Bridge on the River Kwai, maaaring madali mong maunawaan ang kuwento ko. Ako’y isang bilanggo ng mga Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig at kabilang ako sa mga pinilit magtayo ng riles ng tren sa kahabaan ng ilog Kwai (Khwae Noi ngayon).
Ang aming Olandes at katutubong mga kawal ay sumuko sa Bandung, Java, noong Marso 1942, pagkaraan ng mga ilang araw ng pag-urong sa mas maraming sundalong Hapones. Gumugol kami ng ilang linggo sa lokal na bilangguan ng mga sibilyan; pagkatapos maaga isang umaga kami ay sinabihan na maghanda para sa isang mahabang martsa.
Gayunman, una muna kami ay isinakay sa tren mula Bandung patungo sa Batavia (Djakarta ngayon), ang kabiserang lungsod ng Java. Doon ay isinikay kami sa isang barko para sa aming paglalayag patungong Singapore. Sa Singapore kami ay isinakay sa isang tren at inihatid halos isang libo at anim na raang kilometro patungo sa Siam (Thailand ngayon). Bago marating ang kabisera, ang Bangkok, ang aming tren ay pumakanluran sa isang sangay na linya at kami’y dumating sa Kanchanaburi, malapit sa hangganan ng Burma (Myanmar ngayon).
Ang binabalak na riles ng tren ay iplinano na susundan ang ilog Kwai, yamang ang ilog ay naglalaan ng isang pinagmumulan ng tubig na maiinom at pampaligo. Kaming gutom na mga bilanggo ang inaasahang magtatayo ng riles ng tren patungong Burma. Dinala kami ng mga trak sa dulo ng aspaltadong daan at pagkatapos ay sa kahabaan ng isang hindi aspaltadong daan patungo sa unang kampo ng mga bilanggo-ng-digmaan. Kinabukasan kami ay dinala sa ikalawang kampo.
Mula sa ikalawang kampong ito, nagsimula ang aming mahabang martsa. Subalit bago ko ilarawan kung ano ang nangyari, hayaan mong sabihin ko muna ang tungkol sa aking pinagmulan at kung paano ako naging isang bilanggo ng digmaan ng mga Hapones.
Ang Digmaan ay Dumating sa Netherlands Indies
Ang aking ina ay may lahing Aleman, at si Itay ay Olandes. Kami’y nakatira sa isang maganda, masaganang bukirin sa dalisdis ng bulkang Bukit Daun sa Java, ang ikaapat sa pinakamalaki sa mahigit na 13,600 kapuluan na bumubuo sa Netherlands Indies (Indonesia ngayon). Pinangangasiwaan ni tatay ang isang taniman ng goma, at ako naman ay nag-aaral sa isang malaking lungsod ng Bandung. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, lumipat kami mga 550 kilometro tungo sa bayan ng Lahat, sa Sumatra.
Si Inay ay isang Romano Katoliko, kaya ang dalawa kong kapatid na lalaki at ako ay pinag-aral sa isang Katolikong boarding school. Isang araw sa panahon ng klase, tinanong ko ang pari: “Bakit po pinag-uusig ni Hitler ang mga Judio gayong si Jesus ay isa ring Judio?” Pagalit siyang sumagot na si Jesus ay hindi isang Judio, mariing sinasabi na siya ay Diyos, bahagi ng Trinidad.
“Bueno, si Maria po ba, na ina ni Jesus, ay isang Judio?” tanong ko.
Lalo pang nagalit ang pari, at ang sabi: “Sasabihin ko sa iyo paglaki mo. Napakahirap na maunawaan mo ito ngayon!”
Sa Europa sinalakay ng hukbong Aleman ang Netherlands noong Mayo 1940. Ang Netherlands Indies noon ay isang kolonyang Olandes. Maaga rito ang aking ama ay sumama sa NSU (National Socialistic Union), inaakala niyang ang pulitikal na partidong ito ay magbibigay sa Indies ng mas mabuting depensa sa panahon ng digmaan. Subalit pagkatapos salakayin ng Alemanya ang Netherlands,
ang NSU ay kumampi kay Hitler. Si Itay ay agad na nagbitiw sa partido, subalit huli na ang lahat. Lahat ng miyembro ng NSU ay tinipon ng Hukbong Olandes sa Indies at inilagay sa kampong piitan. Si Itay man ay nakulong.Nang ang bapor de gerang Aleman na Bismarck ay lumubog noong Mayo 1941, maraming estudyante sa aming boarding school ang natuwa. Palibhasa’y nalalaman na ang aking ina ay may lahing Aleman, isinigaw nila, “Ang tanging mababait na Aleman ay ang mga patay na Aleman!” Noong panahon ng aming klase, tinanong ko ang pari: “Nangangahulugan po ba na ang lahat ng obispo at paring Aleman sa Alemanya ay kailangang mamatay?” Agad-agad siyang lumabas ng silid. Pagbalik niya pagkalipas ng isang oras, pinagbawalan niya kaming banggitin muli ang tungkol sa pulitika at digmaan.
Yamang si Itay ay isang pulitikal na bilanggo, si Inay ay nahirapan na pamahalaan ang bukid. Kaya ako ay umuwi upang tulungan siya samantalang ang dalawa kong kapatid na lalaki ay nanatili sa paaralan. Sa isa sa mga sulat ni Itay, binanggit niya ang isang kasamang bilanggo, isang tumatanggi dahil sa budhi, na nagtuturo sa kaniya ng kawili-wiling mga bagay mula sa Bibliya.
Halos noong panahong ito ang aking kuya ay tinawag na magsundalo, at pagkalipas ng tatlong buwan ako ay nagboluntaryong magsundalo. Ako’y binigyan ng isang trabahong pang-opisina sa isang tanggapang sibilyan, subalit nang salakayin ng mga Hapones ang Pearl Harbor noong Disyembre 1941, ako’y kaagad na tinawag sa hukbo ng Netherlands Indies at binigyan ng pagsasanay sa pakikipagbaka sa kagubatan. Natutuhan naming ibaon ang munisyon sa gubat at tinandaan ito sa mga mapa ng hukbo. Tinitiyak nito na kami, sa tulong ng mga mapang ito, ay magagamit namin ang mga munisyong ito sa pakikipagbaka sa gubat.
Hindi nagtagal ang hukbong sandatahan ng Hapón ay lumunsad sa mga isla ng Billiton (Belitung ngayon) at Sumatra. Dito sila nakaharap ng aming kakaunting kawal. Di-nagtagal nakuha ng mga Hapones ang Palembang, isa sa pangunahing lungsod ng Sumatra. Kami’y inutusang umurong sa ibayo ng Sunda Strait patungo sa Merak sa kanlurang baybayin ng Java, at mula roon ay umurong patungo sa Batavia. Sa wakas, gaya ng nabanggit kanina, kami ay sumuko sa mga Hapones sa Bandung at naging mga bilanggo ng digmaan.
Nakita Ko ang Aking Tatay
Sa di-inaasahang mga pangyayari, pinalaya ng sumasakop na mga hukbong Hapones ang aking itay sa bilangguan doon sa Bandung, kasama ng iba pang pulitikal na mga bilanggo. Pagkatapos siya ay tumira sa bahay ng tiya ko sa Bandung. Doon ay nabalitaan niya na ako ay bilanggo sa malapit na lugar, at dinalaw niya ako. Nasabi ko sa kaniya kung saan ngayon nakatira ang aming pamilya at na ang aking kuya ay iniulat na missing in action.
Tuwang-tuwa, sinabi sa akin ni Itay kung ano ang natutuhan niya tungkol sa Bibliya mula sa kaniyang kapuwa bilanggo. Sinabi niya sa akin na ang pangalan ng Diyos ay hindi Jesus kundi isang pangalan na banyaga sa pandinig ko noong panahong
iyon—Jehova. Nakalulungkot, tinanggihan ng mga Hapones ang anumang mga pagdalaw pa ni Itay, kaya hindi ko na siya nakausap. Ang kalayaan ni Itay ay panandalian lamang. Nalaman ko pagkatapos ng digmaan na siya ay namatay sa isang piitang kampong Hapones malapit sa Bandung noong Oktubre 1944.Pagtatayo ng Riles ng Tren
Gaya ng inilarawan sa simula, kaming mga bilanggo ng digmaan ay inihatid sa hangganan sa Burma. Kami’y hinati sa mga pangkat, at ang plano ay na ang bawat pangkat ay magtatayo ng halos 20 kilometro ng riles. Ang unang bahagi ay idurugtong sa gawa ng isa pang pangkat na nagsimula mga 20 kilometro na nauna sa unang pangkat. Ang mga pangkat ng bilanggo na tumatapos sa mga bahagi ng riles ay nakakatagpo sa wakas ang iba pang mga pangkat ng bilanggo na gumagawa ng riles mula sa loob ng Burma.
Sa init at umido ng tropiko, ang pagtatayo ng isang riles ng tren sa pamamagitan ng kamay, nang walang anumang gamit na makina, ay lubhang nakapapagod, kahit sa mga lalaking may mabuting pangangatawan. Subalit sa aming halos gutom na katayuan, ito ay halos higit pa sa matitiis ng tao. Nakadaragdag pa sa aming paghihirap, kailangan naming magtrabaho nang nakatapak at halos hubad sapagkat sa loob lamang ng ilang linggo, sinira ng patuloy na pag-ulan ang aming damit at boots.
Upang palubhain pa ang mga kalagayan, wala kaming gamot o mga benda. Sa kawalan ng pag-asa ay ginamit namin ang aming kulambo na benda. Ngunit pagkatapos, walang mga kulambo, kami’y inatake ng mga kuyog ng langaw sa araw at ng pulutong ng mga lamok sa gabi. Di-nagtagal ay lumaganap ang sakit. Malaria, disinterya, at hepatitis ang naging sakit ng marami sa sawing-palad na mga bilanggo.
Pagkatapos, kumalat ang nakatatakot na tropical ulcer, kahit sa gitna ng waring mas malalakas na sundalo. Dahil sa kakulangan ng gamot ang iilang doktor na kasama namin ay napilitan na gamutin ang mga ulser sa pamamagitan ng mga dahon ng tsa, mga latak ng kape, at putik. Ang tanging medisina na itinutustos ng mga Hapones ay mga tableta ng kinina upang hadlangan ang malaria. Sa ilalim ng mga kalagayang ito hindi nakapagtatakang mabilis na dumami ang mga namatay, hanggang sa kasindami ng anim na mga patay sa isang araw—pangunahin nang dahil sa malaria at tropical ulcer—na naging pangkaraniwan. Ang kamangha-manghang bagay ay na sa kabila ng lahat ng kakulangang ito at paghihirap ng tao, ang riles ng tren patungong Burma ay natapos sa wakas!
Ngunit pagkatapos ay nagsimula na ang mga pagsalakay na pagbomba sa riles ng mga hukbo ng Allied. Ang mga pagsalakay na ito ay kalimitan sa gabi. Kadalasan, mga time bomb ang ginamit, subalit maaga kinabukasan, lahat ng mga ito ay pumutok na. Saka aayusin naming mga bilanggo ang anumang pinsala na nangyari noong nagdaang gabi. Nang matapos ang riles ng tren, nagtayo rin kami ng mga tunél para sa machine-gun sa paanan ng Three Pagodas Pass sa hangganan ng Burma at Siam. Dalawang tulay ang tumatawid sa ilog Kwai mula rito. Narito ako nang matapos ang digmaan.
Noong tagsibol ng 1945, pagkatapos alipinin ng mahigit na tatlong taon bilang isang bilanggo ng digmaan, ang mga Hapones sa dakong iyon ay sumuko. Grabe ang sakit ko, dahil sa malaria, disinterya na dala ng amoeba, at hepatitis. Ako’y pumayat at ang timbang ko ay wala pang 40 kilo. Gayunman ako’y nagpapasalamat na naligtasan ko ang kakila-kilabot na mga taóng iyon.
Pagkatapos ng Digmaan
Noong tag-araw ng 1945, ako’y dinala muli sa Siam, kung saan ako ay tumanggap ng pagkain at medisina; gayunman, kumuha ng halos tatlong buwan upang ako’y makabalik sa kalusugan. Pagkatapos ako’y nagpatuloy sa paglilingkod sa hukbo, una sa Bangkok, pagkatapos sa mga kapuluan ng Netherlands Indies na Sumbawa, Bali, at Celebes (Sulawesi ngayon).
Sinikap kong makipag-ugnayan sa aking ina at nakababatang kapatid na lalaki. Nang magawa ko ito, ako’y humingi ng pantanging bakasyon, yamang si Inay ay ipadadala sa Netherlands dahil sa isang grabeng karamdaman. Ako’y binigyan ng tatlong linggo at tuwang-tuwa akong makita siyang muli sa Batavia. Noong Pebrero 1947, si Inay ay umalis ng Indies patungong Netherlands, kung saan siya nanatili hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1966. Ako man ay nagpasiyang mandayuhan sa Netherlands, at doon ako napalabas sa hukbo noong Disyembre 1947, pagkatapos maglingkod bilang isang kawal sa loob ng anim na taon.
Ang pagkakaroon ng mahusay na trabaho ay hindi madali. Gayunman, sa wakas, pagkatapos ng tatlong taon na pag-aaral sa gabi, naipasa ko ang aking pangwakas na eksamen at ako’y naging kuwalipikado bilang isang marine engineer. Ang pamilya na tinitirhan ko ay nagtanong kung ano ang gusto kong regalo sa okasyong iyon. Humiling ako ng isang Bibliya, at binigyan nila ako ng isang “Bagong Tipan,” na madalas kong basahin sa gabi samantalang ako ay nasa dagat, saanman ako dalhin ng aking trabaho.
Noong 1958, ako’y lumipat sa Amsterdam, balak kong mag-aral pa para sa mas mataas na titulo sa edukasyon. Subalit nasumpungan ko na ang pag-aaral na pinagbubuhusan ng isip ay hindi kaya ng aking kalusugan, na nagpapakita ng mga epekto ng mga dinanas ko noong panahon ng digmaan. Naaalaala ang mga bilanggo ng digmaan na Australiano na nakaibigan ko samantalang nagtatayo ng riles ng tren, nagpasiya akong mandayuhan sa Australia.
Nasumpungan Ko ang mga Kasagutan
Bago ako umalis ng Amsterdam patungong Australia, dinalaw ko ang ilang simbahan, naghahanap ng mga kasagutan sa mga katanungan. Pagkatapos ng isang pulong sa pagsamba, tinanong ko ang bikaryo kung nalalaman niya ang personal na pangalan ng Diyos. Sinabi niya na ito ay Jesus. Alam ko na hindi ito tama, subalit hindi ko matandaan kung ano ang sinabi sa akin ng tatay ko maraming taon na ang nakalipas na pangalan ng Diyos.
Hindi nagtagal pagkatapos nito isang mag-asawa ang dumalaw sa aking tahanan, ipinaliliwanag na nais nilang ibahagi sa akin ang mabuting balita mula sa Bibliya. Sa aming pag-uusap, tinanong nila ako kung nalalaman ko ba ang pangalan ng Diyos. Sumagot ako, “Jesus.” Ipinaliwanag nila na iyon ang pangalan ng Anak ng Diyos at saka ipinakita sa akin sa Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:18) Naalaala ko agad na ito nga ang sinabi ng tatay ko. Nang tanungin ko kung ano ang relihiyon nila, sila’y sumagot: “Saksi ni Jehova.”
Ang mga Saksi ay muling dumalaw, subalit hindi ako madaling makumbinse. Pagkalipas ng ilang araw, may nakilala akong isang bikaryo ng Dutch Reformed Church at tinanong ko siya kung ano ang palagay niya sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niyang siya’y hindi nalulugod sa kanila, subalit pinuri niya sila sa isang bagay—hindi sila nakikibahagi sa digmaan. Pagkatapos masaksihan ang mga kakilabutan noong Digmaang Pandaigdig II, iyan ay napakintal sa akin.
Pagkaraan ng ilang araw, noong 1959, ako’y nandayuhan sa Australia, at doon ay muli akong nakatagpo ng mga Saksi ni Jehova. Pinutol ko ang aking kaugnayan sa Iglesya Katolika, yamang napahalagahan ko, kabilang sa ibang bagay, na ang mga doktrina ng apoy ng impiyerno at Trinidad na itinuturo sa simbahan ay hindi tama. Ang kaalaman sa Bibliya ay nakatulong sa akin na mapagtagumpayan ko ang mga masamang panaginip at mga damdamin ng pagkakasala na naranasan ko sa loob ng mga ilang taon bunga ng aking mga karanasan sa digmaan. Pinalaya ako ng katotohanan na masusumpungan sa Bibliya.—Juan 8:32.
Ako’y nag-alay sa Diyos na Jehova at ako’y nabautismuhan noong 1963. Hindi nagtagal ako’y lumipat sa Townsville, sa baybayin ng hilagang Queensland, kung saan ako’y nakibahagi sa buong-panahong gawaing pangangaral. Doon ay nakilala ko si Muriel, isang tapat na kapuwa Saksi, at kami’y nagpakasal noong 1966. Mula noon kami ay magkasamang naglingkod kay Jehova, kadalasan ay sa buong-panahong ministeryo.
Nang mabalitaan namin ang mas malaking pangangailangan para sa mga ebanghelisador sa nabubukod na rural na dako ng Australia, kami’y nagboluntaryong maglingkod sa Alice Springs, sa gitna mismo ng malawak na lupaing ito. Sa mga panahong ito, kaming mag-asawa ay nagkaroon ng pribilehiyo na tulungan ang marami pang iba tungo sa daan ng espirituwal na kalayaan at buhay na walang-hanggan.—Gaya ng inilahad ni Tankred E. van Heutsz.
[Larawan sa pahina 21]
Si Tankred E. van Heutsz at ang asawa niya