Kabalakyutan—Sino ang Dapat Sisihin?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Kabalakyutan—Sino ang Dapat Sisihin?
HABANG pumapasok siya sa kaniyang bahay, agad niyang naramdaman na mayroong hindi tama. Isang sulyap sa paligid ng bahay at napatunayan niya ang kaniyang pinakamasamang hinala—ang telebisyon, ang stereo, mga damit, at iba pang bagay ay nawawala. Pagkatapos, isang nakatatakot na kaisipan ang pumasok sa kaniyang isip, ‘Ano kung ang mga magnanakaw ay nasa loob pa ng bahay?’ Siya’y nagtungo sa isang kapitbahay upang tumawag sa pulisya. Oo, siya ay isa pang biktima ng krimen.
Kung hindi ka pa personal na nakaranas ng krimen, malamang na may kakilala ka na nakaranas na nito. Isa itong tanawin na napakadalas mangyari sa palibot ng daigdig. Sang-ayon sa isang surbey ng UN Committee on Crime Prevention and Control, ang dami ng iniuulat na krimen ay mabilis na dumarami kaysa pambansang mga ekonomiya at populasyon.
Ang taimtim, tapat-pusong mga tao saanman ay nababahala sa krimen, sa kakila-kilabot na pataksil na mga pagpatay, kawalang-katarungan, at katiwalian na nangyayari sa daigdig at natitigilan sa takot sa walang pinipiling karahasan. Ang marami ay nagtatanong, ‘Bakit hindi ito wakasan ng Diyos?’
Mabuting tanong iyan, at ang Bibliya ay nagbibigay ng kasagutan. Gayunman, upang mapahalagahan ang sagot, mahalagang alamin ang pinagmumulan, ang ugat na dahilan, ng kabalakyutan.
Hindi Dapat Sisihin ang Diyos
“Mayroon bang kawalan ng katarungan sa Diyos?” tanong ng manunulat ng Bibliya na si Pablo. “Huwag nawang mangyari!” sagot niya. (Roma 9:14) Subalit inaakala ng iba na yamang ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, siya ang may pananagutan sa lahat ng nangyayari. Hindi gayon. Isaalang-alang ito: Isang arkitekto ay nagdisenyo ng isang maganda at praktikal na gusali. Ang pagkakagawa ay pinakamataas na uri, at pinakamahusay na materyales ang ginamit. Gayunman, sinira at ginamit sa maling paraan ng mga nangungupahan ang gusali. Di-nagtagal ito ay nangangailangan ng malawakang pagkumpuni. Tiyak na sasang-ayon ka na ang mga nangungupahan, hindi ang nagdisenyo o ang nagtayo, ang may pananagutan sa masamang kalagayan ng gusali! Gayundin kung tungkol sa sangkatauhan at sa lupa ngayon. Gaya ng paliwanag ng Deuteronomio 32:4, 5, ang gawa ni Jehova ay sakdal. “Lahat niyang daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan.” Sino, kung gayon, ang dapat sisihin sa karamihan ng kaguluhan sa daigdig ngayon?
Ang kasulatan ay nagpapatuloy: “Sila’y nagpakasama . . . Ang depekto ay sa ganang kanila.” Oo, ang karamihan ng mga kaguluhan sa daigdig sa
ngayon ay tuwirang bunga ng sariling kahinaan ng tao o, marahil, kinusa nila. Gayunman, may isa pa, ang mas malaking pinagmumulan at dahilan ng kabalakyutan.Inilantad ang Tunay na Dahilan
Sa Apocalipsis 12:9, mababasa natin na si Satanas na Diyablo, “na siyang dumadaya sa buong tinatahang lupa,” ay inihagis sa kapaligiran ng lupa. Ang resulta? Ang Apoc 12 talatang 12 ng kabanata ring iyon ay nagpapatuloy: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” Kaya siya, ang dakilang Kaaway, ang siyang nagsusulsol sa kawalan ng katarungan na lumalaganap sa lupa. Totoo, may mga indibiduwal na nakikipagtulungan sa kaniyang mga pagsisikap; gayunman siya ang isa na inilalarawan bilang “ang mamamatay-tao buhat pa nang una.” (Juan 8:44) Ipinakikita sa atin ng Kasulatan na si Satanas na Diyablo ang ugat na dahilan ng mga problema ng tao. Hindi lamang siya ang dahilan kundi siya rin ang patuloy na tagapamalagi ng kabalakyutan, pinasisidhi ang kaniyang mga pagsisikap sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Kaya hindi ang Diyos na Jehova ang pinagmumulan ng kabalakyutan. Subalit nagmamalasakit ba siya upang wakasan ang paghihirap ng tao?
Wawakasan ba ng Diyos ang Kabalakyutan?
Oo, siya’y nagmamalasakit, at wawakasan niya ang kabalakyutan at paghihirap. Siya ang Diyos ng pag-ibig, at bilang isang maibiging Ama, nalalaman niya at sasapatan niya ang mga pangangailangan at naisin ng kaniyang mga anak. (Awit 145:16; 1 Juan 4:8-10) Na ito ay hindi pa ginagawa ng Diyos ay hindi nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala. Bagkus, ang kaniyang pagpipigil at pagtitiis ay katibayan ng kaniyang pagiging makapangyarihan-sa-lahat at walang-hanggang karunungan. Nalalaman niya ang pinakamabuting panahon upang wakasan ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay, at sa tamang-tamang panahon, gagawin niya iyon.
Ang kalagayan ay maihahambing sa isang inang malapit nang magsilang. Bagaman siya ay nasasabik sa pagdating ng kaniyang sanggol, alam niya na hindi kailangang lubhang mag-alala. Nauunawaan niya na nangangailangan ng panahon upang ang sanggol sa kaniyang bahay-bata ay lumaki nang husto. Walang alinlangan, may ilang pangamba at hirap, subalit ang pagdating ng isang malusog, ganap, husto sa buwan na sanggol ay gumagawang sulit sa lahat ng pag-aalala at paghihintay.
Gayundin, kung tungkol sa maluwalhating bagong sanlibutan ng kapayapaan na inilalarawan sa Bibliya. Ito’y darating karaka-raka pagkatapos na makialam ang Kaharian ng Diyos sa mga suliranin ng tao, inaalis ang kasalukuyang di-matuwid na sanlibutan. Pagkatapos, lahat ng kabalakyutan ay magiging isang lipas na bagay. Ang paghihirap, dalamhati, sakit, at kamatayan—lahat ng mga bagay na ito ay mawawala na. (Apocalipsis 21:3, 4) Mawawala na rin ang mga may pananagutan sa lahat ng paghihirap. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, pati na ang mga indibiduwal na naging bahagi ng kaniyang sistema ng mga bagay, ay hahatulan.—Malakias 4:1; Apocalipsis 20:1-4.
Wala nang nenerbiyusin na gaya ng babaing nabanggit sa pasimula ng artikulong ito tungkol sa pag-uwi sa bahay na mag-isa. Gaya ng pagkakasabi nilang mag-asawa: “Pagkatapos na malooban ang aming bahay, naglagay kami ng isang sistema ng alarma. Mga ilang taon na rin mula noong kami’y pagnakawan, kaya hindi na kami gaanong nababalisa sa bagay na ito. Subalit nalalaman namin na tanging sa hinaharap lamang, sa ilalim ng kaayusan ng Kaharian ng Diyos, na tayo’y magtatamasa ng tunay na kapayapaan at katiwasayan.”
Hanggang sa araw na iyon na malapit nang dumating, kailangang may katalinuhang gamitin natin ang panahon natin ngayon. Sinasabi sa atin ni Pedro na ituring “ang pagtitiis ng ating Panginoon na kaligtasan.” (2 Pedro 3:15) At kaligtasan din ng iba, sapagkat kapag sinasabi natin sa mga tao ang tungkol sa kahanga-hangang pag-asang ito, ating ‘ililigtas ang ating sarili at pati ng mga nakikinig sa atin.’ (1 Timoteo 4:16) Ngayon na ang panahon na pagsikapan nating taglayin ang mga katangian na gagawa sa atin na ang uri ng mga tao na mamumuhay sa bagong sanlibutang iyon, kung saan ang kabalakyutan ay magiging isang lipas na bagay. (Awit 37:9-11) Kailangang saliksikin natin ang Bibliya hindi lamang para sa mga kasagutan sa ating mga tanong kundi para rin sa patnubay na kailangan natin upang iayon ang ating buhay sa kalooban ng Diyos.
[Larawan sa pahina 28]
Ilustrasyon na Lucifer ni Doré para sa Divine Comedy ni Dante