Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Relihiyon sa Canada
“Napakaraming bilang ng mga taga-Canada ang nag-aalisan sa relihiyon,” ulat ng The Vancouver Sun. Kalahati ng mga adulto sa Canada ang hindi nagsisimba o nagsisimba lamang minsan sa isang taon. Ipinakikita ng mga estadistika kamakailan na sa nakalipas na sampung taon, ang bilang ng mga taga-Canada na nagsasabing wala silang relihiyon ay halos dumoble. Si Jim Hodgson, kasamang kalihim ng ekumenikal na edukasyon at komunikasyon para sa Canadian Council of Churches, ay nagsabi: “Nasusumpungan ng maraming tao na ang komersiyalismo at konsumerismo ang kanilang pangganyak sa buhay.” Isinusog pa niya na “ang mga pamilihan ay malamang na mas mahalaga kaysa simbahan sa karamihan ng buhay ng tao.”
Bagong Kabisera ng Nigeria
Sa nakalipas na 77 taon, ang Lagos ang kabisera ng Nigeria. Subalit noong Disyembre 12, 1991, ang presidente ng Nigeria na si Ibrahim Babangida at ang kaniyang maybahay na kumakaway bilang pamamaalam sa nagbubunying pulutong ng mga tao sa Lagos, ay sumakay ng eruplanong jet, at lumipad ng 500 kilometro patungo sa Abuja, na opisyal na ipinahayag bilang ang bagong kabisera ng bansa. Ang pasiya na ilipat ang sentro ng pamahalaan sa Abuja ay ginawa noong 1976 noong panahon na malakas ang negosyong langis ng Nigeria. Sang-ayon sa magasing Newswatch ng Nigeria, ang pasiya ay udyok ng isang pagnanais na ilagay ang kabisera sa gitna ng bansa at upang iwasan ang pagsisikip sa Lagos.
Problemang Tagtuyot sa Australia
“Ang rural na dako sa Australia ay bumulusok sa pinakamalubhang krisis nito sa loob ng halos 50 taon,” sabi ng The Weekend Australian Review ng Sydney. Noong katapusan ng Oktubre 1991, ang estado ng New South Wales ay nagdeklara na 65 porsiyento ng lupa nito ay hinampas ng tagtuyot. Sa hilaga, ang kalapit na estado ng Queensland ay nagpahayag na mahigit na dalawang-katlo ng estado ay apektado ng tagtuyot. Nang ang kontinente ay pumasok sa panahon ng tag-araw nito kamakailan, 60 porsiyento ng silangang Australia ay nagtala na ng mababa-sa-katamtaman na patak ng ulan para sa maraming buwan, na ang ilang dako ay nag-uulat ng pinakamababang patak ng ulan. Binanggit ng Review na “ang tanong ay kung ito kaya Ang Malaking Tagtuyot: ang minsan-sa-100-taóng-tagtuyot.”
Hindi Malusog na Huwaran
“Ang huwaran ng magandang babae na kasalukuyang ipinatatalastas sa mga babae na kanilang pagsikapang maabot ay sa karamihang kaso hindi likas, hindi makamit, at hindi malusog,” sang-ayon sa isang report kamakailan sa Tufts University Diet and Nutrition Letter. Sa mata ng maraming babae ngayon, ang ideya ng maganda ay laging may kaugnayan sa pagiging payat. Itinataguyod ng media ang pamantayang ito sa pamamagitan ng laging paggamit ng sobrang payat na mga modelo. “Subalit,” gaya ng sabi ng ulat, “ang mga babae ay hindi lamang pinagtitinging parang mga lalaking nag-ehersisyo nang husto, ang karamihan ay hindi makayang pumayat gaano man ang pagsisikap na gawin nila.” Ang mga babae, sa wari, ay likas na nag-iimbak ng mas maraming taba kaysa mga lalaki; karamihan ng mga babae ay hindi magsisimulang magregla hanggang ang kanilang katawan ay halos 17 porsiyentong taba. Ang pagdadalang-tao ay nagdaragdag ng taba sa katawan. Kaya, maraming babaing nasa kalagitnaan ng buhay, anumang kultura o bansa, ay nagdadala ng halos 40 porsiyento ng timbang ng kanilang katawan sa taba.
Pagpapabagal sa Mabilis na Pagdami ng Populasyon
Noong kalagitnaang-1991, ang populasyon ng lupa ay umabot ng 5.4 bilyon. Kung ito’y patuloy na darami sa kasalukuyang bilis, sabi ng report ng State of World Population 1991, ang populasyon ng daigdig ay aabot ng sampung bilyon sa taóng 2050. Ang UNFPA (UN Fund for Population Activities) ay nagbabalak na pabagalin ang pagdaming ito—lalo na sa Aprika kung saan, sa katamtaman, ay may 6.2 mga pag-aanak sa bawat babae. Ang target ng UNFPA para sa taóng 2000 ay dagdagan ang paggamit ng makabagong mga paraan ng pagpigil sa pag-aanak nang 50 porsiyento sa buong daigdig. Ang pag-abot sa tunguhing ito ay magkakahalaga ng $9 bilyon taun-taon, sang-ayon sa UNFPA. Ang iba ay may palagay na ang gastos na ito ay sulit. Halimbawa, ang opisyal na mga kalkulasyon sa India ay nagpapahiwatig na sapol noong 1979 mga 106 milyong pag-aanak ang nahadlangan sa paggamit ng mga paraan ng pagpigil sa pag-aanak. Ito ay nakapagtipid ng $742 bilyon sa gastos sa edukasyon at kalusugan.
Reputasyon ng Klero
Sang-ayon sa EPS (Ecumenical Press Service), isang ahensiya ng balita ng World Council of Churches, isinisiwalat ng isang surbey kamakailan na ang larawan sa publiko ng mga klero sa Alemanya “ay dumanas ng matinding sagwil.” Ang EPS ay nagsasabi na binanggit ng information service ng German Evangelical Alliance na “sa kauna-unahang pagkakataon ang mga ministro ng simbahan ay hindi lumitaw sa sampung pangunahing propesyon na may pinakamataas na reputasyon.” Mula noong 1987, ang mga klero sa dating Silangang Alemanya ay bumaba sa ika-19 na puwesto sa talaan ng 25
propesyon na sinurbey, samantalang ang kanilang mga kasamahan sa dating Kanlurang Alemanya ay bumaba mula sa ika-5 puwesto tungo sa ika-12 puwesto.Kanser sa Dibdib ng Lalaki
Isang lalaki sa Provo, Utah, E.U.A., ay sumulat sa magasing American Health at nagtanong: “Posible bang ang isang lalaki ay magkaroon ng kanser sa dibdib?” Ang sagot ay: “Oo, subalit ito ay totoong pambihira.” Sa mahigit na 170,000 bagong mga pasyente ng kanser sa dibdib na inaasahan sa Estados Unidos noong 1991, mga 900 lamang ang malamang na lalaki. Ang salik sa panganib para sa mga lalaki na itinala ng magasin ay: “mayroon sa pamilya ng lalaking may kanser sa dibdib; Klinefelter’s syndrome, isang henetikong sakit na nauugnay sa gynecomastia (paglaki ng dibdib); at hyperestrogenism, ang paggawa ng labis na estrogen.” Ang American Health ay nagsabi pa na “yamang ang kanser sa dibdib ng lalaki ay karaniwang malala na bago ito mapansin, pangkalatang inirerekomenda ng mga doktor ang mastectomy (pag-aalis ng dibdib).”
Dugo at Sakit
Ang ministro ng kalusugan sa Indonesia ay nagsasabi na kasindami ng 2,500 katao sa bansa ang maaaring nahawaan ng AIDS, ulat ng The Jakarta Post. Mayroong higit na kabatiran ang publiko tungkol sa panganib ng AIDS sa gitna ng mga taga-Indonesia. Kinikilala na ang nakatatakot na sakit ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, isang pantanging pagsisikap ang ginagawa upang subukin ang suplay ng dugo ng Indonesia. Ang The Jakarta Post ay nag-uulat na wala pang nasumpungan HIV sa anumang mga sampol ng ipinagkaloob na dugo. Gayunman, ang Indonesian Red Cross ay nakasumpong ng syphilis spirochete at ng virus ng Hepatitis B sa 2.56 porsiyento ng ipinagkaloob na dugo na nasubok.
Garing na Mula sa Halaman
Ang pangangailangan para sa garing ng hayop ay nagpangyari na ang elepante ay halos malipol. “Ngayon mula sa mga kagubatan ng Timog Amerika ay dumating ang isang natural na produkto na maaaring tumulong upang bawasan ang pangangailangang iyon,” sabi ng magasing International Wildlife. “Ito’y tinatawag na tagua, at, di-gaya ng mga pangil ng elepante, ito ay lumalaki sa mga punungkahoy.” Ang garing na mula sa halaman ay ginawa mula sa pinatuyo at pinakinis na mga buto ng palma sa Timog Amerika. Inuukit, ito ay kahawig na kahawig ng garing ng hayop kapuwa sa tingin at salat, at tinutularan pa nga nito ang maliliit na butas nito. Walang alinlangan na iyan ang dahilan kung bakit ito ay tinawag na Phytelephas—“halamang elepante.” Ang tanging balakid nito ay ang laki nito, mahigit lamang ng dalawa’t kalahating centimetro, na nagtatakda sa mga bagay na maaaring gawin mula rito. Ang paggamit ng garing na mula sa halaman ay hindi bago kundi noon pang mahigit 100 taon na. Ang mga butones at iba pang bagay ay ginagawa mula rito. Subalit pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, ang kompetisyon mula sa bagong gawa at murang mga plastik ay pumalis sa kalakalan ng tagua, at ito ay halos nakalimutan. Ang paggamit ng tagua ay umuunlad na sa Hapón, Pransiya, Italya, Alemanya, at Estados Unidos.
Pangangalunya sa Argentina
Ang pahayagan sa Argentina na Clarín ay nag-uulat na 90 porsiyento ng mga tao na nagbabayad para sa mga paglilingkod ng pribadong mga tiktik sa Argentina ay naghahanap ng katibayan ng pangangalunya ng kanilang kabiyak. Binabanggit ng Clarín na “ang karamihan ng mga kliyente ay mga babae (humigit-kumulang 75 porsiyento). Karaniwan nang ang mga ito ay mahigit na 40 anyos.” Ang mga pribadong tiktik ay nakakukuha ng sapat na sirkumstansiyal na katibayan upang patunayan ang mga hinala ng pangangalunya sa 80 porsiyento ng mga kasong ito.
Nagbabagong mga Saloobin
Mula noong Digmaang Pandaigdig II, ang Hapón ay nakaahon sa kahirapan at ngayon ay malawakang kinikilala bilang isa sa mga dambuhala sa ekonomiya ng daigdig. Gayunman, ang karaniwang Hapones ay hindi humahanga. Nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan na tanging “27 porsiyento ng mga Hapones ang nagsasabing ipinagmamalaki nila ang malalaking kompaniya ng bansa,” sabi ng Mainichi Daily News. Sa sampung bansang sinurbey, ang mga Hapones ay hindi gaanong makabayan sa lahat ng bagay. Tanging 10 porsiyento lamang ng mga Hapones ang nagsasabi na sila ay mamamatay alang-alang sa kanilang bansa. Ito ay isang malaking pagbabago mula sa saloobin noong kainitan ng Digmaang Pandaigdig II, sang-ayon sa Kodansha Encyclopedia of Japan, na 92 porsiyento ng mga sibilyang lalaki na sumasali sa digmaan ay ginagawa iyon nang kusa.
Natatalo sa Paglaban sa Malaria
“Ito ang nakatatakot na mga araw sa pagkikipagbaka laban sa malaria,” sabi ng magasing Science. Ipinakikita ng isang bagong report mula sa Institute of Medicine na pagkatapos gumawa ng pagsulong noong 1940’s at 1950’s, ang mga tao ngayon ay natatalo sa paglaban sa parasito. Mahigit na isang milyon katao sa 102 bansa, karamihan ay mga bata, ang pinapatay taun-taon. Nakadaragdag pa sa problema ay na ang ginagamit na mga gamot laban sa malaria ay nawalan na ng bisa, at ang mga pagsisikap na gumawa ng bagong mga bakuna ay kapos. Ang mga digmaan sa mga bansang Aprikano, kung saan nangyayari ang karamihan ng mga kamatayan, ay gumawa rin ditong mahirap na labanan ang sakit, at binabawasan ng mas mayayamang bansa ang kanilang mga badyet para sa pananaliksik sa malaria.