Ang Tunay na Layunin ng Buhay
Ang Tunay na Layunin ng Buhay
ISIPIN na ikaw ay namamasyal sa pagawaan ng isang kaibigan. Katatapos lamang niyang gawin ang isang proyekto, at ikaw ay nabighani roon. Ang bagay ay ginawa nang napakaganda at hinugis nang kaakit-akit. Ngunit magpumilit ka man, hindi mo alam kung para sa ano iyon. Paano mo malalaman? Aba, maaari mong tanungin ang iyong kaibigan, at tiyak na malugod niyang sasabihin sa iyo.
Kaya paano natin malalaman ang layunin ng buhay? Kung gayon, bakit hindi tanungin ang Diyos, “ang bukál ng buhay”? (Awit 36:9) Paano mo magagawa iyan? Nakalulugod, siya ay nagsalita sa atin sa pamamagitan ng Bibliya. Kaniyang ipinasulat sa mga taong mananampalataya ang kaniyang kaisipan sa paraang ating mauunawaan. Sa katunayan, ang layunin ng buhay ay maaaring ipahayag sa ilan lamang mga salita: Tayo ay narito upang matuto tungkol sa Diyos at gawin ang kaniyang kalooban. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang wakas ng lahat ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
Iyan ba ay waring napakasimple? Bueno, hindi naman. Ang ating pagiging narito upang matuto tungkol sa Diyos at gawin ang kaniyang kalooban ay may kahanga-hanga at malalim na kahulugan.
Ang Orihinal na Layunin ng Diyos
Ang pagkatuto sa kung ano ang unang nilayon ng Diyos para sa sangkatauhan ay tutulong sa iyo na higit na maunawaan ang layunin ng buhay. Iyon din ang magpapaliwanag kung bakit ang ilang bagay na nabanggit sa nakaraang artikulo ay nagbibigay ng kahulugan at layunin sa buhay ng marami sa ngayon.
Ang ulat ng Bibliya hinggil sa paglikha ng tao ay nagsasabi: “At sinabi ng Diyos: ‘Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis.’ ” (Genesis 1:26) Kung gayon, ang tao ay ginawa na may kakayahan na maging gaya ng Diyos, nagtataglay ng namumukod na mga katangian na taglay niya, lakip na ang karunungan, kapangyarihan, katuwiran, at pag-ibig. Samakatuwid, nakapagtataka ba na ang ilan ay makasumpong ng kasiyahan sa paghahanap ng bagong kaalaman o maging abala sa mga gawain na humahamon sa kanilang mental o pisikal na kakayahan? At di ba maaasahan na ang pagtulong sa iba ay nagbibigay ng nakasisiyang layunin sa buhay ng marami? Hindi nga. Ito nga, sa bahagi, ang layunin sa pagkakagawa sa atin.
Ang ulat ng Bibliya ay nagpapatuloy sa pagsasabing ang mga tao ay binigyan ng pangangasiwa sa lahat ng iba pang buhay sa lupa—“sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid . . . at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:26) Kaya nga, walang alinlangan na maging sa ngayon marami ang nakasusumpong ng kasiyahan sa pagkakaroon ng mga hayop sa kapaligiran at pakikipaglaro sa kanila. Ang ilan ay nakadarama ng kanilang pananagutan sa mga hayop hanggang sa punto na sila’y nagpapagal sa pag-iingat ng nanganganib na uri ng mga hayop, o sila’y nangangampaniya laban sa walang-awang pagpapahirap sa mga hayop.
Ang mga tao ay inutusan din na ‘supilin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Ano ang ibig sabihin nito? Tiyak na hindi upang may kasakiman at walang pakundangang pagsamantalahan ng tao ang lupa hanggang sa ang kayamanan nito ay maubos, ang atmospera nito ay dumumi, at ang mga dagat at mga lupain nito ay makalatan ng basura. Bagkus, ang Diyos ay naglagay ng parisan sa pagsupil sa lupa nang siya’y “nagtanim ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at inilagay roon ang taong kaniyang nilalang.” (Genesis 2:8) Ang hardin ng Eden na ito ang modelo na nagpapakita kung ano ang magiging kalagayan ng lupa. Iyon ay nagpapamalas ng layunin ng Diyos sa ating planeta.
Ang ulat ng Bibliya ay nagpapaliwanag: “At, binasbasan ng Diyos [ang unang lalaki at babae] atGenesis 1:28) Nais ng Diyos na magkaanak ang mga tao at punuin ang lupa. Kaniyang pinagsama ang unang lalaki at babae at, sa gayon, naganap ang unang kasal. (Genesis 2:22-24) Walang alinlangan na ang pag-aasawa at pamilya ay nagdaragdag ng kahulugan at layunin sa buhay ng marami!
sinabi sa kanila ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon.’” (Kung Ano Sana ang Buhay
Habang ating pinag-aaralan ang Bibliya, maliwanag na nilayon ng Diyos para sa pamilya ni Adan na lumaki at na palalaganapin niya at ng kaniyang mga anak ang mga hangganan ng hardin ng Eden hanggang sa mapunô ng tao ang buong lupa. At ang nasupil na lupa ay magiging paraiso. Totoo, maaaring gamitin ng tao ang kayamanan ng lupa para sa kaniyang sariling kapakinabangan. Subalit ito ay gagawin sa responsableng paraan. Ang tao ang magiging tagapangasiwa ng lupa, hindi tagasira niyaon. Ang pagkawasak ng lupa na ating nasasaksihan ngayon ay laban sa kalooban ng Diyos, at yaong mga nakikibahagi roon ay sumasalungat sa layunin ng buhay.—Apocalipsis 11:18.
Tayo’y may natutuhan pa mula sa sinaunang ulat ng Bibliya, at iyon ay na hindi layunin ng Diyos na mamatay ang tao. Ang ating unang mga magulang ay namatay lamang dahil sa kanilang pagsuway sa Diyos. (Genesis 2:16, 17) Nang sila’y sumuway, hindi na nila natupad ang layunin ng buhay—hindi na nila ginagawa ang kalooban ng Diyos. Kaya hindi lamang sila ang namatay kundi ang lahat ng kanilang supling ay napasailalim din sa kamatayan dahilan sa minanang di-kasakdalan mula sa kanila. (Roma 5:12) Gayunman, ang mga tao ay unang nilayong mabuhay magpakailanman, hindi ang mamatay. Ito marahil ang dahilan kung bakit nasusumpungan ng marami na nakasisiphayong pag-isipan ang pagpapaikli sa kanilang gawain sa buhay dahil sa kamatayan.
Ang Pagtupad sa Layunin ng Diyos
Ang orihinal na layunin ng Diyos sa sangkatauhan at sa lupa ay hindi nagbago. Kaniya pa ring nilalayon na magkaroon ng paraisong lupa na tatahanan ng sakdal na lahi ng tao. Subalit, kinailangan siyang gumawa ng mga kaayusan upang madaig ang malulungkot na bunga ng pagkabigo ng ating unang mga magulang. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ngayon ay nagsasangkot ng ating pagkilos ayon sa lahat ng kaayusang ito ng Diyos. Nakatutuwa, ang Bibliya ay naglalaan ng paglalarawan ng progresibong katuparan ng kaniyang layunin.
Ating nabasa sa unang aklat ng Bibliya na ang Diyos ay nagsabi tungkol sa isang “binhi” na darating upang alisin ang lahat ng pinsalang idinulot ng hindi paggawa ni Adan at ni Eva ng kalooban Niya. (Genesis 3:15) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (“Bagong Tipan”), ating mababasa ang tungkol sa paglitaw ni Jesu-Kristo bilang ang “binhing” iyon, ang kaniyang walang-salang buhay, at ang kaniyang kamatayan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. Ang kamatayan ni Jesus ay, sa katunayan, isang paghahandog alang-alang sa atin, nagbubukas ng daan para sa atin upang matamong muli ang walang-hanggang buhay na naiwala ni Adan at ni Eva. (Hebreo 7:26; 9:28) Oo, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay [huwag] mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
At mayroon pa. Pagkamatay niya, si Jesus ay binuhay-muli bilang espiritung nilalang na walang-kamatayan at ngayon ay nagpupuno bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Di-magtatagal ang Kahariang iyan ay kikilos upang palitan ang kasalukuyang makalupang mga pamahalaan ng isang bagong sanlibutang lipunan na siyang hahalili sa pamamalakad ng tao. Ang isang hula sa Bibliya ay nangangako: “Ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at ito sa ganang sarili ay lalagi magkailanman.”—Daniel 2:44.
Pagkatapos, ang Kahariang ito ang mangangasiwa sa isang kasiya-siyang gawain ng pagsasauli ng Paraiso sa lupa at sa pagpapasakdal ng sangkatauhan. Binabanggit pa nga ng Bibliya ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, upang sila man ay magkaroon ng pagkakataon na makibahagi sa katuparan ng dakilang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. (Gawa 24:15) Saka matutupad ang napakainam na pangako: “Ang maaamo mismo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang matuwid mismo ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37:11, 29.
Pakikinabang Nang Personal
Upang makinabang nang personal mula sa katuparan ng dakilang layunin ng Diyos sa lupa, kailangan muna nating makilala ang Diyos. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Paano natin magagawa iyan? Tayo’y natuto ng ilang mga bagay sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamasid sa ating kapaligiran, sa paglalang, kasali na ang mabituing mga langit. (Awit 19:1) Gayunman, tayo’y lalung-lalo nang natututo tungkol sa Diyos—gayundin tungkol sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo—sa pamamagitan ng Bibliya. Ating natutuhan ang kaniyang pangalan at ang kaniyang mga katangian, at ating detalyadong nalaman kung ano ang ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang gayong kaalaman ang magpapakilos sa atin na ibigin siya at maging lalong malapít sa kaniya at sa kaniyang Anak.
Ang pagkakilala sa Diyos ay nag-uudyok sa atin na gawin ang kaniyang kalooban. Marahil tayo’y nanalangin gaya ng itinuro ni Jesus: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”Mateo 6:10) Ang tunay na layunin ng buhay—ang isa na nagbibigay ng tunay na kasiyahan—ay ang ating pamumuhay nang ayon sa kalooban na iyon ng Diyos.
(Kung gayon, ano ang nasasangkot sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Para kina Adan at Eva, iyon ay nangangahulugan ng pangangasiwa sa mga hayop at pagsupil sa lupa at punuin iyon ng sakdal na mga supling. Kung ating gagawin ang kalooban ng Diyos ngayon, tayo’y dapat na matuto at magsagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. At tayo’y kailangang sumunod sa halimbawa ni Jesus ng pagsasabi sa iba hinggil sa ‘mabuting balita ng kaharian ng Diyos.’—Mateo 24:14.
Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay naglalakip din ng pagpapaunlad ng maka-Diyos na personalidad. Kaya kailangang makilala natin ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos—gaya ng pagsisinungaling, pagnanakaw, nakapipinsalang tsismis, di-mapigilang galit—at ating itatakwil ang mga yaon. Atin ding napag-aralan ang mga katangian na ibig ng Diyos—gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kabaitan, at kabutihan—at ating nililinang ang mga yaon sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:19-24) Upang tayo’y magtamo ng buhay na walang-hanggan, kailangan natin na maging ang uri ng tao na nais ng Diyos na manatili magpakailanman. Oo, ang pagkatuto hinggil sa Diyos at ang paggawa ng kaniyang kalooban ang nagbibigay ng layunin at kahulugan sa ating mga buhay na hindi magagawa ng anupaman!
Ang Halaga Nito
Ang buhay ng milyun-milyong tao sa buong mundo ay nagpapatotoo na ang paghahanap ng tunay na layunin ng buhay ay totoong may malaking epekto sa isang tao. Isaalang-alang ang halimbawa ni Wayne, na nanlupaypay sa kamatayan ng kaniyang unang asawa. Hindi siya naaliw ng klerigo sa kanilang dako, kaya si Wayne ay naging abala sa gawaing pagbuboluntaryo. Siya’y naglingkod bilang isang kumander sa American Legion at naging aktibo sa mga grupong pulitikal. Pagkatapos siya’y nag-asawang muli, ngunit ang pag-aasawa ay naging maunos. Walang direksiyon ang buhay nilang mag-asawa.
Gayunman, isang araw, kinuha ni Wayne ang Bibliya at nagpasimulang magbasa. Sa loob ng tatlong buwan ay natapos niya iyon, at siya’y nagsabi: “Ngayon ay alam ko na na may layunin ang ating pagkanaririto at ang pag-asa ng buhay pagkamatay.” Sinabi niya sa kaniyang asawa: “Kailangang hanapin natin ang mga taong ating makakasama na sumusunod sa Bibliya.” Di-nagtagal ay nakilala nila ang mga Saksi ni Jehova, at ang kanilang pakikipag-usap sa kanila ang nagpasidhi sa kanilang pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos. Kapuwa si Wayne at ang kaniyang asawa ay nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos, at ang kanilang pamilya ay nakinabang nang lubos.
Si Susan, isang anak ng mga misyonerong Presbiteryano, ay may nais gawin sa kaniyang buhay na totoong tutulong sa mundo. Isang lektyur tungkol sa mga panganib ng lakas nuklear ang kumumbinsi sa kaniya na ito ang pinakamahalaga. Kaya siya’y huminto sa kolehiyo upang gugulin ang buong panahon niya sa pagtuturo sa mga tao hinggil sa suliraning ito. Nang siya’y 21, siya’y naglingkod bilang isang coordinator ng isang malaking rally laban sa nuklear. Nang maglaon siya ay dinalaw ng mga Saksi ni Jehova at ipinakita kung ano ang sinasabi ng Bibliya at, di nagtagal, natagpuan niya ang tunay na layunin ng buhay. Bagaman walang alinlangang nababahala pa rin hinggil sa pagpahamak ng sangkatauhan sa lupa, kaniyang napagwari na ang Diyos ang lulutas sa mga suliraning ito sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Kaya, tinutulungan niya ang mga tao na maglagak ng pananampalataya roon.
Ginawang layunin sa buhay ni Marielle ang magtamasa ng lahat ng bagay na iniaalok ng sanlibutan. Siya’y nagtaguyod ng isang karera. Tinatamasa niya ang lahat ng ‘usong bagay’ sa Los Angeles, California, E.U.A., pati na ang mga parti at droga. Ngunit nang siya’y nagpasimulang mag-aral ng Bibliya, nakilala at naglingkod sa Diyos, nakita niya kung gaano kawalang-kabuluhan ang lahat ng bagay na yaon. Sinabi niyang ang kaniyang buhay ay mas mabuti ngayon na ito’y kasuwato sa mga layunin ng Diyos.
Ang bilang niyaong ang mga buhay ay pinagyaman sa pagkatuto ng tunay na layunin ng buhay ay lumalago nang daan-daan araw-araw. Ang pamumuhay ayon sa tunay na layunin ng buhay sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng ating mapagmahal, makalangit na Ama ang tunay na mahalaga. Maaari nitong baguhin ang iyong buong buhay sa ikabubuti. Kayo’y aming inaanyayahan na suriin ang bagay na ito sa inyong sarili. Ang inyong buhay ay higit na magiging makabuluhan kung gagawin ninyo ito.
[Larawan sa pahina 9]
Ang Tagapagbigay ng buhay ay may layunin sa paglikha sa sangkatauhan
[Larawan sa pahina 10]
Hindi tinalikdan ng Diyos ang kaniyang layunin na magkaroon ng paraisong lupa na punô ng sakdal na lahi ng mga tao