“Dowsing”—Siyentipiko o Okulto?
“Dowsing”—Siyentipiko o Okulto?
“KAGILA-GILALAS!” bulalas ng isang magsasaka sa Gitnang-Kanluran ng Estados Unidos. Isang piraso ng sanga na kinuha sa puno ang gumagalaw at malakas na pumipilipit sa kaniyang mga kamay. Ibinaon niya ang kaniyang mga kuko ng daliri sa balat ng kahoy upang mahawakang matatag ang sanga, subalit ang pababang puwersa ay malakas. “Nag-iwan pa nga ito ng mga piraso ng balat ng kahoy sa aking kamay,” humihingal na sabi niya, nasisindak. Lalo pang ipinagtaka niya nang maglaon nang makasumpong siya ng tubig sa paghukay sa mismong dako kung saan nakaturo ang sanga. Ano ang nangyayari rito?
Isinasagawa ng magsasaka ang kadalasa’y tinatawag na dowsing. Kadalasan, ang dowser ay humahawak ng isang nagsangang sanga sa kaniyang kamay at naglalakad-lakad, nagtutuon ng isip sa kaniyang paghahanap ng tubig. Walang anu-ano, ang kaniyang dowsing rod ay maaaring manginig. Ang ibang tungkod (rod) ay kumakalog patungo sa lupa, ang iba naman ay kumikilos pataas, nahahampas pa nga ang mukha o ang dibdib ng dowser, samantalang ang iba naman ay bahagya lamang kumilos. Sa anumang kalagayan, nadarama ng dowser na may tubig sa ilalim. Ang dowsing ay isinasagawa sa buong daigdig. Sang-ayon sa isang tantiya, mga 25,000 dowser ang nagsasagawa ng kanilang gawain sa Estados Unidos lamang.
Ito ba’y Siyentipiko?
May siyentipikong simulain ba na nagpapangyari sa dowsing na gumana? Ang katanungan ay malaon nang pinagtatalunan. Mahigit na 70 taon na ang nakalipas, ganito ang pangangatuwiran ng magasing Bantayan: “Hindi namin nais na ipagwalang-bahala ang anumang batas ng kalikasan, subalit wari bang lubhang kakatuwa na ang isang munting bukal ng tubig mga lima o anim na metro sa ilalim ng lupa ay magkaroon ng magnetikong lakas upang baluktutin ang isang sanga ng punong willow samantalang ang isang sapà na punô ng tubig ay hindi maaapektuhan ang sanga ng kahoy ring iyon. . . . Kaya tiyak na higit pa sa natural na mga batas ang kumikilos dito.”
Gayunman, iginigiit ng maraming dowser na ang dowsing ay isang siyensiya. Sa katunayan, tinatawag ng The American Society of Dowsers ang sarili nito na “isang hindi nagtutubò, pang-edukasyon at siyentipikong Samahan.” Sa nakalipas na mga taon, maraming siyentipiko ang sumisipi bilang awtoridad sa ilang bagong sangay ng siyensiya upang ipaliwanag ang dowsing. Noong 1700’s ipinaliwanag nila na ang “mga pagbuga” mula sa mga partikulo ng atomo ang nagpapakilos sa dowsing. Noong 1800’s ito raw ay dahil sa elektrisidad. Sa ating siglo iba’t iba ang kanilang paliwanag mula sa radyoaktibidad hanggang sa
elektromagnetismo hanggang sa sikolohiya ng tao.Kamakailan lamang, noong 1979, inilathala ng kagalang-galang na magasing New Scientist ang tila mapaniniwalaang mga teoriya tungkol sa dowsing. Isang kasangguni tungkol sa enerhiya at isang heologo ang nagpanukala na ang katawan mismo ng tao ay maaaring maging masyadong sensitibo sa mahiwagang mga pagbabago sa mga larangan ng kuryente, magneto, o elektromagneto na pinangyayari ng tubig o inambato (ore) sa ilalim ng lupa. a
Subalit ang mga teoriyang iyon ay hindi malawakang tinanggap ng mga siyentipiko. Sa katunayan, sa The Encyclopedia Americana, ganito pinawalang-saysay ng mga siyentipiko sa Harvard University na sina E. Z. Vogt at L. K. Barrett ang dowsing: “Hindi napatunayan ng kontroladong mga pagsubok sa larangan at sa laboratoryo ang pagiging totoo ng dowsing, at salig sa siyentipikong mga pamantayan ang gawaing ito ay walang gaanong batayan.” Noong Nobyembre 1990, ang mga dowser ay nagsagawa ng 720 eksperimento sa Kassel, Alemanya. Bagaman sila ay nasisiyahan sa mga kalagayan ng pagsubok at nakatitiyak ng tagumpay, ang mga dowser ay nabigo; nagkaroon lamang sila ng kaunting tagumpay sa pagtunton sa tubig at metal sa ilalim ng lupa. Ang buwanang magasing Naturwissenschaftliche Rundschau ay naghinuha na kung ito ay siyentipikong hahatulan, ang dowsing ay “hindi maaasahan na gaya ng kara-krus.” Ang iba pang eksperimento ay nagwakas din ng gayon.
Ipinaliliwanag ng mga dowser ang gayong mga kabiguan sa kakatuwang mga termino. Halimbawa, ang iba ay nagrereklamo na ang mga pagsubok ay nagpangyari sa kanila na pagdudahan ang kanilang mga kakayahan o inakay sila na mag-dowse na ang motibo ay hindi tama o hindi gaanong seryoso. Ang gayong mga salik, sabi nila, ay nagpangyari sa kanila na pansamantalang maiwala ang kanilang kapangyarihan. Sa katunayan, maraming dowser ang nakasumpong na pagkatapos ng buong-buhay na matagumpay na pagdo-dowsing, na kung kailan talagang kailangan nilang patunayan ang kanilang sarili saka pa na ang kanilang kapangyarihan ay biglang naglaho—o iniligaw sila. Kaya ang iba ay naghinuha na ang puwersa sa likuran ng dowsing ay may lisyang pagkamapagpatawa.
Ito ba ay siyentipiko sa iyo? Tutal, ang likas na mga puwersa (yaong sinusukat sa pamamagitan ng mga paraang kilala ng siyensiya) ay walang ugaling mapagpatawa, lisya man o hindi; ni ito man ay kakatuwa. Ang mga ito ay walang pagbabago. Hindi ito nagbabago ayon sa kondisyon, takbo ng isip, o motibo niyaong sumusubok o sumusukat dito. Kaya, sa karamihan ng mga siyentipiko ang dowsing ay isang pamahiin—wala nang iba. Sa katunayan, kahit na ang kilalang mga dowser ay sumang-ayon na walang puwersang kilala ng siyensiya ang makapagpapaliwanag sa dowsing.
Ito ba’y Huwad?
Subalit nangangahulugan ba ito na dahil sa ito’y hindi siyentipikong maipaliwanag na ang lahat ng iniulat na mga kaso ng matagumpay na dowsing ay alin sa nagkataon lamang o ganap na huwad? Kumusta naman ang tungkol sa karanasan ng magsasaka na nabanggit sa pasimula—ito ba’y tsamba lang, isang nabubukod na kaso?
Sa katunayan, ang larangan ng dowsing ay nakagawa ng di-mabilang na mga kuwentong pinatunayan nang husto. Halimbawa, isang babae sa Vermont ang tumawag ng isang dowser nang ang suplay ng tubig sa kaniyang bahay ay maputol. Sa wari ang mahabang tubo mula sa isang malayong bukal tungo sa kaniyang bahay ay nagkaroon ng tagas. Hindi nga alam ng babae kung nasaan ang tubo—ito ay naibaon mga 30 taon na—at lalong hindi niya alam kung nasaan ang sira. Subalit sa kaniyang isip ay tinanong ng dowser ang kaniyang patpat, at ito’y kumilos sa isang dako. Labinlimang centimetro mula roon, nasumpungan ang tumatagas na bahagi ng tubo.
Marahil ang pinakabantog na kuwento ay yaong sa kilalang Amerikanong dowser na si Henry Gross. Ang mga heologo ay kumbinsido na walang tubig-tabáng ang masusumpungan sa ilalim ng lupa sa Bermuda. Ang The Saturday Evening Post ay nag-ulat: “Inilatag ni Gross ang isang mapa ng Bermuda sa tahanan [ng nobelistang si Kenneth] Roberts sa Kennebunkport, Maine, at pinadaraan ang kaniyang divining rod sa ibabaw nito, minarkahan nito ang tatlong dako kung saan masusumpungan ang tubig-tabáng . . . Upang
tingnan ang kaniyang mga tuklas, sina Gross at Roberts ay nagtungo sa Bermuda, hinikayat nila ang gobyerno na maglaan ng mga gamit sa paghuhukay, at naghukay. Pagkalipas ng ilang buwan, noong Abril 1950, lahat ng tatlong balon ay naglabas ng tubig gaya ng sabi ni Gross.”Sinasabi ng mga dowser na libu-libong balon ng tubig ang kanilang natuklasan. Sinamahan ng mga reporter ang mga dowser, nakita nila ang malakas na pagkalog ng mga patpat anupa’t namaltos ang mga kamay ng dowser, at narinig nilang hinulaan ng mga dowser pati na ang lalim ng tubig sa ibaba. Nakita nilang hinukay ang mga balon at ang mga hula ay nagkatotoo. Bagaman hindi maipaliwanag ng siyensiya kung bakit gumagana ang kababalaghang ito, talagang gumagana ito—sa paano man ay gumagana ito sa ibang tao, kung minsan. Bakit?
Isang Nagsisiwalat na Kasaysayan
Ang kasaysayan ng dowsing ay lubhang nagsisiwalat hinggil sa bagay na ito. Ang gawaing ito ay maaaring umiiral na sa loob ng libu-libong taon. Subalit nang isulat ng manggagamot noong ika-16 na siglo na si Georgius Agricola ang kaniyang akda tungkol sa pagmimina, ang De Re Metallica, unang naitala ang detalyadong paglalarawan ng dowsing. Ginagamit ng mga minerong Aleman ang gawaing ito upang hanapin ang mga ugat ng metal na inambato. Subalit kahit na noon ay may pagtatalo na kung baga ang dowsing ay isang likas o okultong kababalaghan. Binanggit ni Agricola na ang ilan ay tumututol sa gawaing ito, yamang “ang mga sanga [dowsing rods] ay hindi kikilos sa lahat, kundi roon lamang sa gumagamit ng mga orasyon at katusuhan.” Habang lumalaganap ang dowsing sa Europa, ang pagtatalo ay kumalat na kasama nito. Kinondena ito ni Martin Luther, at nang maglaon ay nagsigaya rin ang iba pang lider ng simbahan. Upang payapain ang mga klerigong iyon, pinabautismuhan ng ibang dowser ang kanilang mga patpat, at kanilang tinatawag ang kanilang Trinitaryong Diyos kapag sila’y nagdo-dowsing.
Para sa maraming dowser, ang paghahanap ng tubig at ng mga mineral sa ilalim ng lupa ay hindi sapat. Nakasumpong sila ng higit at higit pang gamit para sa patpat. Noong ika-17 siglo sa Pransiya, ginamit ni Jacques Aymar ang dowsing upang hanapin ang mga kriminal! Iniulat, isang araw siya ay nagsasagawa ng dowsing upang humanap ng tubig nang ang kaniyang patpat ay biglang kumalog nang malakas sa puntod ng isang babaing pinatay. Ang patpat ay saka tumuro sa asawa ng babae, na agad-agad na umalis. Ginamit ni Aymar—at ng maraming manggagaya—ang dowsing rod upang ilantad ang mga kriminal sa buong Europa. Hiningi pa nga ng mga panatikong Katoliko ang tulong ni Aymar at ang kaniyang dowsing rod upang tulungan silang tugisin ang mga Protestante upang patayin.
Ang Okultong Kaugnayan
Hindi kataka-taka, kahit na noong panahon ni Aymar may mga “eksperto” na nag-aakalang maipaliliwanag nila ang gayong kahanga-hangang mga gawa sa makasiyentipikong paraan. Kanilang ipinaliliwanag na ang dowsing rod ni Aymar ay nakasasagap ng mahiwagang “mga pagbuga” na natatangi sa mga mamamatay-tao, na binansagan nilang “mga bagay na nakamamatay.” Gayunman, maliwanag na ang kahanga-hangang mga gawa ni Aymar ay walang gaanong kaugnayan sa siyensiya. Ang puwersa sa likuran ng ginawa ni Aymar ay matalino. Natutunton nito ang mga kriminal, nakikilala nito ang Protestante at Katoliko, at nasusumpungan din nito ang tubig at mineral.
Sa katulad na paraan, paanong hindi masasabing isang matalinong puwersa ang nasa likod ng map dowsing, kung saan itinuturo ng patpat ang mga bukal ng tubig sa isang mapa lamang ng isang malayong lugar? Nasumpungan ng ilang dowser ang nawawalang pitaka, pasaporte, alahas, at mga tao pa nga sa pamamagitan ng dowsing na gamit ang isang pendulo sa ibabaw ng mapa. Binabantayan ng ilan ang tugon ng instrumentong gamit sa dowsing sa mga tanong na oo at hindi ang sagot. Noong 1960’s ginamit ng ilang U.S. Marines ang mga dowsing rod upang hanapin ang mga tunél, mga minang sumasabog na nakatago sa ilalim ng lupa, at mga bitag sa Vietnam. Ngayon, ang dowsing rod ay nagiging popular bilang isang gamit sa sobrenatural. Ito’y ginagamit upang hulaan ang kinabukasan, upang hanapin ang ‘mga multo,’ at upang imbestigahan ang ‘dating buhay’ ng isang tao.
Ang awtor na si Ben G. Hester ay nakumbinse dati na ang dowsing ay isang “hindi-pa-nauunawaang pisikal na kababalaghan.” Subalit pagkatapos siyasatin ang bagay na ito sa loob ng walong taon, isinulat niya ang aklat na Dowsing—an Exposé of
Hidden Occult Forces. Dito ay itinumbas niya ang dowsing rod sa mga aparato na gaya ng mga Ouija board. Natuklasan niya na inaangkin ng ilang dowser ang kakayahang magpagaling ng mga tao—o dulutan sila ng sakit—sa pamamagitan ng isang dowsing rod! Gayundin, ang dowser na si Robert H. Leftwich ay sumulat sa kaniyang aklat na Dowsing—The Ancient Art of Rhabdomancy: “Ang mga enerhiyang nakukuha ay malamang na galing sa kapangyarihan na . . . nauugnay roon sa nagsasagawa ng pangkukulam. Ang walang-ingat na pag-eeksperimento sa gayon ay maaaring maging mapanganib.”Sa tunay na mga Kristiyano, ang mga nabanggit ay may hindi kanais-nais na tunog. Tunay man o huwad, ang dowsing sa gayong mga kaso gaya ng nabanggit na ay maliwanag na hindi siyentipiko; waring ito ay okulto. Gaya ng pagkakabuod dito ng mga siyentipikong sina Evon Z. Vogt at Ray Hyman sa Water Witching U.S.A.: “Kaya kami’y naghihinuha na ang pangkukulam sa tubig ay isang malinaw na kaso ng mahikong panghuhula.”
Dapat Bang Masangkot sa Dowsing ang Isang Kristiyano?
Mangyari pa, kung ang dowsing ay talagang isang gawain ng panghuhula, ang isang tunay na Kristiyano ay hindi makikisangkot dito. Ang bayan ng Diyos ay pinag-utusan, gaya ng mababasa natin sa Bibliya sa Deuteronomio 18:10: “Huwag makasusumpong sa iyo ng sinuman . . . na gumagamit ng huwad na panghuhula, ng isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan o isang manggagaway.” Itinangis ni propeta Oseas ang hindi pagsunod ng mga Israelita sa utos na ito, na ang sulat: “Ang aking bayan ay sumangguni sa kanilang bloke ng kahoy, isang tungkod ang sumasagot ng kanilang mga katanungan.”—Oseas 4:12, The Jerusalem Bible.
Gayunman, ang iba ay maaaring tumutol na sila ay sumasangkot lamang sa pinakasimpleng anyo ng dowsing: paghahanap ng tubig. Subalit ang water dowsing ba ay walang kaugnayan sa okulto? Kawili-wiling pansinin na karaniwang itinuturo ng mga tagapagturo ng dowsing sa mga estudyante na tuwirang sabihin sa patpat kung ano ang hinahanap nila, na para bang ito’y isang matalinong kinapal. Sinasabi pa ng isang instruktor sa dowsing sa kaniyang mga estudyante na panganlan ang patpat at tawagin ito sa pangalan! Kadalasang tinatanong ng mga dowser ang kanilang mga dowsing rod kung gaano kalalim ang bukal ng tubig. Ang patpat ay nagsisimulang tumaas-bumaba, at binibilang ito ng dowser. Ang pangwakas na bilang ang siyang katumbas na lalim, sa metro, ng bukal ng tubig! Hindi ba ito nagpapahiwatig ng isang natatagong talino na kumikilos?
Bukod pa riyan, ang water dowsing ay nauugnay sa isa pang gawain na malaon nang maingat na iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova—ang ESP (extrasensory perception). Binanggit ng Ang Bantayan ang kaugnayang iyan noon pang 1962. Di-nagtagal pagkaraan niyan, ang American Society of Dowsers ay tumugon sa pamamagitan ng isang sulat: “Kami’y sumasang-ayon sa teoriya na ang dowsing ay isang anyo ng ESP at na ang pagsasagawa ng anumang anyo ng ESP ay maaaring humantong sa pagiging ‘inaalihan’ o pagkasangkot sa ‘balakyot na espiritung puwersa’ malibang magsagawa ng wastong pag-iingat. Gayunman, dapat naming tutulan ang inyong dogmatikong payo na ganap na abstinensiya.” b
Ano ang palagay mo? Kung inaamin ng kahit na ang pinakamasigasig na tagapagtaguyod ng water dowsing na ito’y nagdadala ng panganib na masangkot sa balakyot na espiritung mga puwersa o ang alihan pa nga, hindi ba’t nanaisin ng isang Kristiyano na umiwas sa gayong gawain?
‘Ngunit hindi ba’t ang dowsing ay maraming nagagawang kabutihan?’ maaaring itanong ng iba. ‘Hindi ba iyan patotoo na ang puwersang nasa likuran ng dowsing ay mabait?’ Nakalulungkot sabihin, hindi. Tandaan, “si Satanas ay patuloy na nagkukunwaring anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Kahit na noong panahon ng Bibliya paminsan-minsan ay sinisikap ng mga demonyo na magkaroon ng pabor at impluwensiya sa pagsasabi ng mga katotohanan.—Gawa 16:16-18.
Ipagpalagay na, hindi natin dogmatikong masasabi na ang bawat kaso ng dowsing (at gayundin ang ESP) ay siyentipikong hindi maipaliwanag at malamang na pinangyayari ng mga demonyo. Walang alinlangan, marami pa tungkol sa isip ng tao at sa mga puwersa ng kalikasan ang hindi pa rin maipaliwanag ng siyensiya. At tiyak na maraming kahanga-hangang mga gawa ng dowsing at ESP ang maaaring ipaliwanag bilang payak, makalumang panghuhuwad. Subalit yamang ang kasaysayan at ang kasalukuyang pagsasagawa ng dowsing ay lubhang nauugnay sa okulto, ESP, at espiritismo, maliwanag na ito ay lubhang mapanganib na waling-bahala bilang isang hindi nakapipinsalang pandaraya.
Hindi, kung ang pag-uusapa’y dowsing, “huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi” ang siya pa ring angkop na payo.—2 Corinto 6:17.
[Mga talababa]
a Ang isa sa mga teoriyang iyon ay iniulat sa Nobyembre 22, 1979, na labas ng Gumising!
b Noong 1989 binanggit ng isang detalyadong report tungkol sa dowsing sa magasing The New Yorker na ngayon kahit na ang mas konserbatibong Amerikanong mga dowser ay sumasang-ayon—nang tahimik—na ang ESP ang puwersang nasa likuran ng dowsing.
[Kahon sa pahina 15]
Ito ba’y Isang “Dowsing Rod”?
MARAMING anyo ang mga dowsing rod ngayon bukod sa nagsangang sanga. Ang ibang dowser ay gumagamit ng isang pares ng metal na mga tungkod na nag-aanyong krus kapag “nagmamanman” ng ninanais na materyal. Ang iba naman ay gumagamit ng patpat na tangan nila sa kanilang mga kamay. Ang iba ay gumagamit ng metal na mga sabitan ng amerikana. At ang iba ay walang ginagamit na anuman; basta hinihintay nila ang damdamin na pagkaalibadbad o panginginig ng kanilang mga kamay. Marami ring modernong dowsing rod sa pamilihan, na may mga tatangnan at isang silid kung saan ilalagay ang isang sampol ng bagay na hinahanap. Mangyari pa, may lehitimong mga detektor din ng metal. Ito’y nangangailangan ng pinagmumulan ng enerhiya, gaya ng mga batirya, at sa gayo’y madaling madistinggi mula sa mga dowsing rod.
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Larawan sa kahoy ng dowser mula sa De Re Metallica ni Georgius Agricola