Kalayaan sa Relihiyon sa Bulgaria
Kalayaan sa Relihiyon sa Bulgaria
Anim na bus mula sa Bulgaria, na nagdadala ng mahigit na 300 delegado sa “Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon, ang dumating sa dakong pinagdarausan ng kombensiyon sa labas ng Tesalonica, Gresya, noong Huwebes ng gabi, Hulyo 11, 1991. Dahil sa gera sibil sa kalapit na bansang Yugoslavia at sa kaguluhan na likha nito sa dakong iyon, ang mga delegadong ito ay hindi nakakuha ng kanilang mga visa hanggang noong huling sandali.
Noong Miyerkules ng hapon ang kawani sa embahada sa Sofia, Bulgaria, ay nag-overtime upang iproseso ang mga visa. Kaya, tamang-tama lamang sa panahon na naisakay ng mga bus ang mga delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng Bulgaria upang ihatid sila sa dako ng kombensiyon noong gabi bago magsimula ang kombensiyon noong Biyernes, Hulyo 12.
Noong panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal sa Bulgaria, kaya’t anong laking kagalakan para sa kanila na malayang tamasahin ang pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano sa kalapit na bansa ng Gresya! Isang bulwagan sa dako ng kombensiyon, na may entabladong kaakit-akit na nagagayakan (makikita sa larawan), ay inihanda para sa mga bisitang taga-Bulgaria. Anong laking tuwa at pasasalamat ng mga bisita na halos ang buong programa ay iharap sa kanilang sariling wika! Maliban na lamang sa drama sa Bibliya. Isang 15-minutong pahayag na binubuod ang drama ay ipinahayag sa wikang Bulgariano, at pagkatapos ang mga delegado ay nakisama sa kanilang mga kapatid na Griego upang panoorin ang pagtatanghal nito.
Isang tampok ng kombensiyon sa mga taga-Bulgaria ay ang diskurso sa bautismo noong Sabado ng umaga. Isang pinakamataas na bilang ng 342 ang dumalo, at 39 ang nabautismuhan (ang ilan sa kanila ay makikitang nakatayo sa itaas). Tuwang-tuwa rin ang mga delegado sa paglabas, sa kanilang sariling wika, ng brosyur na Espiritu ng mga Patay—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga bang Umiiral Sila? at ang publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.
Subalit pinakamalaking kagalakan sa lahat ng kagalakan ang naghihintay sa mga delegado pagkaraan ng maikling panahon pag-uwi nila sa Bulgaria. Noong Hulyo 17, wala pang isang linggo pagkatapos ng kombensiyon, ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova ay naging legal sa Bulgaria! Kapansin-pansin, noong sumunod na buwan ang mga mamamahayag ng kongregasyon sa Bulgaria ay may katamtamang 21.2 oras sa kanilang ministeryo. Anong ligaya natin na ang kalayaan sa relihiyon ay tinatamasa na sa isa pang bansa sa Silangang Europa!