Kung Paano Nakuha ng Punong Talangà ang Ngalan Nito
Kung Paano Nakuha ng Punong Talangà ang Ngalan Nito
IILANG manlalakbay sa tigang na kaparangan sa mga rehiyon ng timugang Aprika ang hindi humahanga sa pagkakita sa isang punong talangà. “Taglay ang balat ng kahoy nito na kulay abo na may guhit na puti . . . , ito ay tumatayong tuwid sa mga tagaytay ng bundok, matayog at marangal. . . . Ito’y parang mga sinturyon ng limot na hukbo, sanáy sa hangin, araw, uhaw, at napakalamig na mga gabi.” Ganiyan inilalarawan ni Jon Manchip White ang mga punong talangà sa kaniyang aklat na The Land God Made in Anger.
Sa katunayan, ang punong talangà ay isa sa 150 uri ng sabila na tumutubo sa timugang Aprika. Bagaman mayroon itong matinik, matubig na mga dahon, ito’y tumutubo sa mga rehiyon na tumatanggap ng kaunti o walang ulan. Ito’y nabubuhay sa pag-iimbak ng tubig sa katawan nito. Tuwing Hunyo at Hulyo, nahahandugan ng punong talangà ang lokal na mga ibon, bubuyog, at baboons ng saganang piging ng nektar mula sa matingkad na dilaw na mga bulaklak nito.
Datapuwat, bakit ba popular na tinatawag ang punong ito na punong talangà? Sapagkat ginagamit ng mga Bushmen (taong katutubo), mga mangangaso-mangangahoy ng timugang Aprika, ang mga sanga ng punungkahoy upang gawing mga talangà (sisidlan ng palaso) para sa kanilang mga palaso. Inaalis ng mapamaraang mga imbentor na ito ang malambot at mahiblang ubod ng sanga, iniiwan ang matigas na panlabas na balat upang matuyo na isang hungkag na tubo. Kaya ang pangalan nito—ang punong talangà.