Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Hormone—Ang Kamangha-manghang mga Mensahero ng Katawan

Mga Hormone—Ang Kamangha-manghang mga Mensahero ng Katawan

Mga Hormone​—Ang Kamangha-manghang mga Mensahero ng Katawan

IKAW ay tumatawid ng daan. “Ingat!” sigaw ng isa. Ika’y lumingon at nakita mo ang isang trak na hindi huminto sa pulang ilaw at maingay na rumaragasa patungo sa iyo.

Agad na sinasangkapan ka ng iyong katawan para kumilos sa kagipitan. Ang iyong utak ay nagpapadala ng apurahang mensahe sa iyong mga glandulang adrenal, na tumutugon naman sa pagbubuhos ng adrenaline at noradrenaline sa iyong daluyan ng dugo. Inihihinto ng mga hormone na ito ang suplay ng dugo sa mga bahagi ng katawan na ang mga paglilingkod ay hindi agad kinakailangan upang matakasan ang mapanganib na kalagayang ito, at ito’y minamadali nila upang tulungan ang iyong utak, puso, at mga kalamnan.

Pinupuwersa ng adrenaline at noradrenaline ang iyong puso na tumibok nang malakas at mabilis. Pinalalawak nito ang daanan ng hangin sa iyong mga bagà; ang iyong paghinga ay bumibilis. Pinararami nito ang asukal sa iyong dugo upang magtustos ng maraming enerhiya. Sa isang kisap-mata, ang mga hormone ay nakatulong upang sangkapan ka na gawin ang pambihirang lakas at pagtitiis na higit kaysa normal mong kakayahan.

Ang ugong ng trak ay papalapit, at ang lupa ay yumayanig. Walang saglit na dapat aksayahin! Ikaw ay lumukso nang husto tungo sa kaligtasan sa bangketa. Ikaw ay humihingal, ang iyong puso ay tumitibok nang malakas, ang iyong sikmura ay kumukulo, nangangatog ang iyong mga kamay​—subalit ikaw ay buháy!

Sa gayong mga kalagayan ang mga hormone ay tumutulong upang magligtas ng buhay. Subalit higit pa riyan ang ginagawa nila. Tinutulungan nila tayong lumaki at maging malusog na mga lalaki at babae. Pinangyayari nila ang ating seksuwalidad at pagpaparami. Kung tayo’y malamig o mainit o nagugutom o nauuhaw o nagdurugo o maysakit, tinutulungan nila tayo. At sila’y nagtatrabaho 24 oras isang araw!

Subalit paano ba naaayos ang lahat ng gawaing ito sa ating katawan? Upang tulungan tayong maunawaan iyan, ating isaalang-alang kung ano ang mga hormone at kung paano sila kumikilos.

Pakikipagtalastasan sa Loob

Ang mga hormone ay kemikal na mga sustansiya na ginagawa ng ating mga glandulang endocrine. Mainam na inilalarawan ng salitang “endocrine,” na nangangahulugang “gumagawa nang tuwiran tungo sa,” ang mga glandulang ito, yamang sila’y gumagawa ng mga hormone nang tuwiran tungo sa daluyan ng dugo. Habang binobomba ng puso ang dugo sa katawan, ang mga hormone ay mabilis na nagtutungo sa iba’t ibang patutunguhan, kung saan gagawin nila ang kanilang gawain.

Upang magawa ng mga hormone ang kanilang gawain, kailangan ang mabuting pakikipagtalastasan sa gitna ng maraming bahagi ng ating katawan. Lahat tayo ay may masalimuot na mga sistema ng komunikasyon na naghahatid ng impormasyon upang panatilihin tayong buháy at kumikilos nang maayos​—ang sistema ng endocrine at ang sistema ng nerbiyos.

Upang ilarawan kung paano gumagawang magkasama ang dalawang sistemang ito, tingnan natin ang Venice, Italya, isang lungsod na kilala sa magkakaugnay na mga kanal nito. Sa Venice, ginagamit ng mga tao ang sistema ng telepono upang magpadala ng mga mensahe sa iba pang bahagi ng lungsod. Sa gayunding paraan, ang katawan ay nagpapadala ng mga mensahe nito sa pamamagitan ng sistema ng nerbiyos, isang mabilis na network ng komunikasyon na gumagamit ng elektrokemikal na mga hudyat. Tulad ng isang tawag sa telepono, ang isang paghahatid ng nerbiyos ay halos naihahatid kapagdaka.

Mangyari pa, ang mensahe ay maaari ring ihatid sa pamamagitan ng gondola, isang mahabang bangka na naglalakbay sa magkakaugnay na mga kanal ng lungsod. Sa katawan, ang kemikal na mga mensahero (mga hormone) ay naglalakbay sa daluyan ng dugo o sa iba pang mga likido ng katawan.

Kung itutulad natin ang daluyan ng dugo sa mga kanal sa Venice, kung gayon ang mga hormone ay tulad ng mga pangkat ng gondola na paroo’t paritong naghahatid ng mga mensahe mula sa maraming pinagmumulan tungo sa maraming patutunguhan. Ang mga hormone na ito ay naglalakbay sa mga kalamnan, sa mga sangkap ng katawan, o sa mga glandula na malayo sa kanilang pinagmulan. Minsang marating nito ang kanilang patutunguhan, pinakikilos nila ang isang serye ng masalimuot na kemikal na mga reaksiyon upang maisakatuparan ang kanilang layunin.

Subalit paano ba pinangangasiwaan at pinagtutugma ang lahat ng gawaing ito? Upang sagutin ang tanong na iyan, ating tingnan ang punong-tanggapan ng sistema ng endocrine at tingnan natin kung anong gawain ang ginagawa roon.

Pituitary​—Ang Among Glandula

Ang tagapangasiwa ng sistema ng endocrine ay ang pituitary, isang maliit, mamula-mula-abong sangkap ng katawan na nakadikit sa utak sa pamamagitan ng isang payat na tangkay at nasa mabutong sisidlan sa likod lamang at itaas ng ilong.

Ang pituitary ay hindi kahanga-hangang masdan. Ito’y sinlaki lamang ng isang gisantes, at ito’y tumitimbang ng 0.6 gramo. Ngunit bagaman maliit ang pituitary, napakalaki ng tungkulin nito. Ito ay tinatawag na among glandula, ang konduktor ng orkestra ng endocrine. Tulad ito ng ehekutibo ng isang negosyo na ang opisina ay abalang-abala sa gawain, na may mga mensaheng galing at patungo sa maraming departamento.

Ang ibang gawain ay ipinapasa ng pituitary sa ibang glandula ng endocrine. Halimbawa, ang pituitary ay naglulunsad ng isang hormonal na mensahe sa daluyan ng dugo na nag-uutos sa glandulang thyroid na gumawa at maglabas ng tatlong iba pang hormone. Sinusupil ng mga ito ang metabolismo, init ng katawan, at mantensiyon ng buto. Inuutusan din ng pituitary ang mga glandula sa sekso na gumawa ng mga hormone na magpapangyari ng mga pagbabago sa katawan sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Maaari ring tagubilinan ng among glandula ang mga adrenal na gumawa ng mga hormone na magpapanatili sa presyon ng dugo at timbang na asin sa katawan.

Gayunman, kung minsan tuwirang pinangangalagaan ng pituitary ang mga bagay-bagay, nagpapadala ng hormonal na mga mensahe na nakaiimpluwensiya sa paglaki ng ating mga buto at mga kalamnan. Sinusupil pa nga ng mga hormone nito kung gaano tayo kataas.

Ang pituitary ay gumaganap pa ng malaking bahagi sa panganganak. Upang tulungan ang isang babae na naghihirap sa panganganak, ang pituitary ay naglalabas ng oxytocin, isang hormone na nagpapasigla sa paghilab. Kapag ang ulo ng sanggol ay umabot na sa puerto, ang utak ay nagpapadala ng mensahe sa pituitary na humihiling ng karagdagang suplay ng oxytocin upang tumulong sa huling yugto ng panganganak. Sa buong panahong ito, pinasisigla ng mga hormone buhat sa pituitary ang paggawa ng gatas sa suso ng ina. Kapag isinilang na ang sanggol, ang ina ay nasasangkapan upang pakanin ito.

Ang Amo ng Among Glandula

Bagaman ang pituitary ang tagapangasiwa sa ibang glandula, mayroon din itong sariling tagapangasiwa​—ang hypothalamus. Ito’y isang bungkos ng mga selula ng nerbiyos na hindi na lálakí pa sa dulo ng iyong hinlalaki. Ito’y nasa gawing ibaba ng utak at konektado sa pituitary. Ang gawain nito ay hindi lamang pangasiwaan ang gawain ng sistema ng endocrine kundi pagtugmain din ang gawain ng autonomic nervous system.

Bahagi ng gawain nito ay subukin ang kayarian at temperatura ng dugo. Mas maraming dugo ang bumubulwak sa hypothalamus kaysa anupamang bahagi ng utak. Sa daloy na ito ng dugo, ang hypothalamus ay naglalabas ng kulubot na tulad-daliring mga sensor, kung paanong ginagamit ng isang naliligo ang kaniyang daliri upang subukin ang temperatura ng tubig sa kaniyang bathtub. Kung ang dugo ay napakalamig, ang hypothalamus ay nagpapadala ng mga tagubilin (sa pamamagitan ng pituitary at ng thyroid) para sa higit pang thyroxine, isang hormone na nagpapalakas sa metabolismo upang lumikha ng init upang painitin ang dugo.

Yamang kusang ginagawa ng hypothalamus ang gawain nito, karaniwan nang wala tayong kamalay-malay sa mga pagpapagal nito. Gayunman, ito ay may araw-araw na epekto sa ating mga buhay. Ikaw ba’y nagugutom? Napansin ng iyong hypothalamus ang kakaunting glucose sa iyong dugo, kaya sinasabi nito sa iyo na kumain ka. Ikaw ba’y nauuhaw? Ipinasiya ng iyong hypothalamus na ang antas ng asin sa iyong dugo ay may kataasan. “Uminom ka ng tubig,” sabi nito sa iyo.

Sinusubaybayan din ng hypothalamus ang mga antas ng kalsiyum sa dugo. Kung walang kalsiyum ang ating utak, mga kalamnan, at mga nerbiyos ay hindi magtatrabaho nang wasto. Kapag ang antas ng kalsiyum sa dugo ay napakababa, ang hypothalamus ay kumukuha ng kalsiyum sa mga buto, kung paanong ang isang tao ay naglalabas ng pera sa isang bangko. Paano ba ginagawa ang paglalabas ng kalsiyum? Ang hypothalamus ay nagpapadala ng isang hormonal na mensahe sa pituitary. Ang pituitary ay nagpapadala ng sarili nitong utos sa parathyroids, na nasa leeg. Ang parathyroids naman, ay gumagawa ng parathormone, na nagtutungo sa mga buto upang humingi ng kalsiyum para sa daluyan ng dugo. Minsang makita ng hypothalamus na ang antas ng kalsiyum ay tama, kinakansela nito ang pidido para sa higit pang paglalabas.

Subalit kumusta naman kung malaman ng hypothalamus na napakaraming kalsiyum sa dugo? Minsan pa ang mga mensahero ay sinusugo sa ‘bangko ng buto,’ subalit sa halip na maglabas, ito ay nagdedeposito. Ganito ang pamamaraan: Ang hypothalamus ay nagpapadala ng isang mensahe sa punong ehekutibo nito, ang pituitary. Ang pituitary ngayon ay mag-uutos sa thyroid. Ang thyroid naman, ay maglalabas ng hormone na calcitonin, na naglilipat ng sobrang kalsiyum mula sa dugo tungo sa mga buto.

Matalinong Disenyo

Anong obramaestra ng pagkakaayos! Sinusupil ng hypothalamus ang pituitary, pinangangasiwaan ng pituitary ang mga glandula, at kinukondisyon naman ng mga glandula ang katawan. At lahat ng ito ay ginagawa ng mahigit na 30 iba’t ibang uri ng mga hormone na tahimik na dumadaloy sa ating katawan upang pangalagaan ang pinakamahahalagang pangangailangan ng ating katawan. Gayunman, sa kabila ng kasalimuutan ng lahat ng ito, ang sistema ng endocrine ay kumikilos nang buong kahusayan.

Ang Bibliya ay nagsasabi na “inilagay ng Diyos ang bawat isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.” Anong pagkaangkup-angkop nga ang sinabi ng salmista sa Diyos: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa”!​—1 Corinto 12:18; Awit 139:14.

[Kahon/Mga dayagram sa pahina 18]

ANG MGA GLANDULA NG ENDOCRINE AY NAGLALABAS NG MGA HORMONE SA DALUYAN NG DUGO

ANG MGA HORMONE AY NAGLALAKBAY SA IBANG BAHAGI NG KATAWAN UPANG GAWIN ANG IBA’T IBANG ATAS

Glandulang Pineal

Ang maliit na glandulang ito, na nasa punò ng utak, ay naglalabas ng melatonin, na inaakalang nakaaapekto sa pagiging gisíng at sa iba’t ibang biorhythms sa katawan. Ang eksaktong gawain ng melatonin ay hindi pa alam.

Gonads, o mga Glandula sa Sekso

Ang dalawang obaryo (sa mga babae) ay masusumpungan sa pelvic girdle, sa magkabilang panig ng matris. Dito ginagawa ang mga hormone na estrogen at progesterone. Sinusupil nito ang siklo ng regla at apektado nito ang paglaki ng katawan ng adultong babae.

Ang testes (sa mga lalaki), na nasa supot (scrotum), ay gumagawa ng mga hormone na sumusupil sa paglaki ng katawan ng adultong lalaki sa pagbibinata at pinasisigla ang paggawa ng similya (sperm).

Glandulang Pituitary

Itong sangkap na ito ng katawan na sinlaki-ng-gisantes ay nakakabit sa utak sa pamamagitan ng isang payat na tangkay at nasa itaas lamang at likod ng ilong. Ang pituitary ang superbisor ng iba pang glandula, nagpapadala ng kemikal na mga mensahe sa mga glandulang thyroid, adrenal, at sekso, gayundin sa iba pang glandula na nagsasagawa ng gawain ng endocrine. Ito ang pangunahing sumusupil sa taas at iniimpluwensiyahan ang paglaki ng mga buto at mga kalamnan. Pinasisigla rin nito ang paggawa ng gatas sa mga suso ng isang nagpapasusong ina.

Mga Glandulang Thyroid at Parathyroid

Ang mga glandulang ito ay nasa leeg. Ang parathyroid ay naglalabas ng mga hormone na inaayos ang mga antas ng kalsiyum upang panatilihing malusog ang mga buto. Ang thyroid ay gumagawa ng iba pang hormone na sumusupil sa bilis ng paggamit sa oksiheno at pagkain upang gumawa ng enerhiya.

Mga Glandulang Adrenal

Nasa itaas lamang ng bawat bato (kidney), ang dalawang glandulang adrenal ay gumagawa ng adrenaline at noradrenaline, na nagsasangkap sa katawan na labanan o takasan ang mga kagipitan. Ang karagdagang mga hormone na ginagawa rito ay nakaaapekto sa metabolismo ng carbohydrates at protina, inaayos ang tubig na pinangangasiwaan ng mga bato, at pinasisigla ang mga imbakan ng pagkain ng katawan kapag kaunti lamang ang pagkain.

Lapay

Nasa ilalim ng sikmura, ang glandulang ito ay naglalabas ng glucagon at insulin, na umaayos sa antas ng asukal sa dugo.

[Mga dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Glandulang pineal

Glandulang pituitary

Glandulang thyroid

Mga glandulang adrenal

Lapay

Testes

[Dayagram]

Matris

Mga obaryo