Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Paggamot sa Kanser Naniniwala ako na ang balitang “Inihambing na mga Paggamot” na lumabas sa pitak ng “Pagmamasid sa Daigdig” (Setyembre 22, 1991) ay lubhang nakaliligaw. Ipinahihiwatig nito na ang mga taong pinahihirapan ng kanser ay makikinabang din sa di-karaniwang paggamot na gaya ng pakinabang sa paggamot sa isang matatag na sentrong pangmedisina. Ang himig ng artikulo sa The New England Journal of Medicine kung saan binatay ang inyong balita ay lubhang kakaiba sa inyong balita.
A. R., M.D., Estados Unidos
Ang aming maikling balita ay wasto, subalit hindi namin iniulat ang isang mahalagang tuklas ng pag-aaral, yaon ay, na ang mga pasyenteng may taning na ang buhay na tumanggap ng karaniwang medikal na paggamot ay nag-ulat ng “mas mabuting katangian ng buhay” kaysa roon sa tumanggap ng di-karaniwang mga paggamot. Gayumpaman, gaya ng ipinakita ng aming balita, ang alinmang paggamot ay hindi napatunayang mabisa sa pagpapahaba sa buhay ng mga pasyente. Kaya ipinakikita ng pag-aaral na isang “walang-paggamot na mapagpipilian” para sa ilang pasyenteng may taning na ang buhay ay dapat isaalang-alang. Sang-ayon sa mga mananaliksik mismo, dapat ding pansinin ng mga mambabasa na ang mga tuklas na ito “ay hindi maaaring gawing pangkalahatan sa mga pasyenteng hindi pa malala ang [kanser].” Ang mga awtor sa pag-aaral ay naghinuha na ang di-karaniwang mga paggamot “ay maaaring humiling ng angkop na imbestigasyon” ng medikal na mga mananaliksik.—ED.
Mga Kombensiyon sa Silangang Europa Nasumpungan kong makabagbag-damdamin ang mga serye ng “Nagsasaya ang mga Umiibig sa Maka-Diyos na Kalayaan sa Silangang Europa.” (Disyembre 22, 1991) Para bang naririnig ko ang mga hiyaw ng kagalakan at palakpakan habang tinatanggap ng ating mga kapatid na Kristiyano roon ang bagong mga publikasyon ng Bibliya sa kanila mismong mga wika. Yamang hindi posible para sa akin na maging presente sa mga kombensiyong ito, ako’y nagpapasalamat sa inyo sa paglathala ng mga artikulong ito, na nagpangyari sa amin, sa ilang paraan, na makibahagi sa kanilang kagalakan at higit na pahalagahan ang kalayaang ating tinatamasa.
M. M., Italya
Pag-alembong Nabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maiiwasan ang Pinsala ng Pag-alembong?” (Disyembre 8, 1991) Ito’y nakabagbag ng aking damdamin, yamang naranasan ko ang gaya niyaong inilahad sa artikulo. Isang subtitulo ang kababasahan ng “Huwag Kang Masaktan sa Isang Alembong!” Mahirap iyan sapagkat sa panahong matanto mo na ikaw ay biktima ng isang alembong, ikaw ay nasaktan na. Subalit gaya ng sinasabi ng artikulo, baka kailangang tanggapin natin ang ilang sugat at mga galos sa daan patungo sa tunay na pag-ibig. Salamat sa gayong mahahalagang artikulo.
S. C. S. M., Brazil
Pagtatalo sa Dugo Kababasa ko lamang ng artikulong “Huwag Mong Sabihing Nungka!” (Setyembre 22, 1991), at ako’y lumuluha samantalang isinusulat ko ang liham na ito. Bagaman ang aking asawang lalaki ay hindi na salansang sa aking pananampalataya ngayon, kung sakaling bumangon ang isang kalagayan sa aming anak na babae na kung saan ang pagsasalin ng dugo ay isang isyu, sasalansangin niya ang aking pananampalataya. Ikinintal ng artikulong ito sa aking isipan ang pangangailangan na sanayin ang aming mga anak upang sila mismo ay makatatayong matatag sa mga simulain ng Bibliya sa murang gulang.
L. W., Estados Unidos
Lana at mga Tangà Sa inyong artikulong “Ang Kahanga-hangang Lana” (Setyembre 22, 1991), binanggit ninyo: “Marahil ay hindi na kailangan pang ipaalaala sa iyo na gustung-gusto ng mga tangà ang lana. Nangingitlog sila anupat ang bagong pisang uod ay maraming makakain.” Gayunman, ang karamihan ng tangà ay hindi pumipinsala sa lana o sa iba pang tela! Kukumbinsihin ng pangungusap na iyon ang mga tao na lahat ng mga tangà ay nakapipinsala at dapat na patayin.
T. K., Inglatera
Ang artikulo ay hindi matatawag na lansakang pagpatay sa mga tangà kundi pagbibigay lamang ng praktikal na mga mungkahi upang maiwasan ang pamumugad ng tangà. Kawili-wili, sang-ayon sa “Grzimek’s Animal Life Encyclopedia,” ang uri ng mga tangà na kumakain ng lana “ay masyadong bantulot lumipad. Karamihan ng mga tangà na lumilipad sa mga tahanan ay kabilang sa iba, di-nakapipinsalang uri.”—ED.