Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Maling mga Priyoridad
Ang wala nang pag-asang mga kalagayan ng pamumuhay sa umuunlad na mga bansa ay mapabubuti nang lubos kung babaguhin lamang ng mga gobyerno ang kanilang pambansang badyet, ayon sa magasing Olandes na Internationale Samenwerking (International Cooperation). Binabatay ang mga konklusyon nito sa isang bagong ulat na inilabas ng UN Development Program, ang magasin ay nagpahayag na “kung ihihinto lamang ng umuunlad na mga bansa ang kanilang mga badyet sa depensa,” sila ay makapagtitipid ng mahigit na $10 bilyon bawat taon. Ang gayong halaga, na tinatawag ng magasin na isang dibidendong pangkapayapaan, ay maaaring makabayad sa edukasyon, pangunahing pangangalaga sa kalusugan, sapat na pagkain, at malinis na tubig na maiinom. Gayunman, binanggit din ng magasin na maraming bansa “ang kasalukuyang gumugugol ng hindi kukulanging doble ng halaga sa mga sandata kaysa edukasyon at pangangalaga sa kalusugan,” itinatala bilang halimbawa ang mga bansa sa Aprika, Asia, at Timog Amerika.
Pagpapaunlad ng Tabako sa Aprika
Habang ang paninigarilyo ay patuloy na bumibiktima sa milyun-milyong Aprikano, ang mga opisyal sa kalusugan ay nagsasalita na. Si Dr. Paul Wangai, isang kasangguni ng World Health Organization sa Kenya, Aprika, ay nagsabi: “Ang tabako . . . ang tanging produktong alam ko na pumapatay kung gagamitin gaya ng nilalayon ng mga tagagawa.” Ayon sa pahayagan sa timog Aprika na Lesotho Today, “175 bilyong sigarilyo ang hinihitit sa Aprika sa bawat taon.” Ito’y nangangahulugan ng paggugol na katumbas ng tatlo at kalahating ulit sa pambansang badyet ng Côte d’Ivoire. Idiniriin pa ni Dr. Wangai na ang mga tagagawa ng sigarilyo ay walang-konsiyensiyang nagsasamantala sa kawalan ng mga paghihigpit sa pag-aanunsiyo sa Aprika at gayundin ang umiiral na kawalang-alam sa mga panganib sa kalusugan ng paninigarilyo. Ayon sa Lesotho Today, ang pag-aanunsiyo at pagpapakete ng sigarilyo sa kalakhan ng Aprika ay hindi naglalagay ng “mga babala sa kalusugan na gaya ng kahilingan sa maunlad na mga bansa.”
May Bahid ang Natamong Kalayaan
Ang pagbagsak ng Tabing na Bakal ay nagsiwalat na ang Silangang Europa ay punô ng mga suliranin sa kapaligiran, sabi ng London Calling, ang magasing pamprograma ng British Broadcasting Corporation. “Ang di-napangangalagaang mga paggawaan ng kemikal, maruming patubigan, namamatay na mga gubat at di-ligtas na mga nuclear reactor,” ang ulat ng magasin, ay bumubuo ng maliit na bahagi lamang ng “pamanang pangkapaligiran na naiwan ng Komunismo . . . , ang mapait na latak sa natamong kalayaan.”
“Pagtatambak ng Lola”
Tinatawag ng mga manggagawa sa ospital ang gawaing ito na pagtatambak ng lola. Dinadala ng mga miyembro ng pamilya ang matanda nang kamag-anak sa emergency ward ng ospital, kadalasang binabanggit ang ilang karamdaman ng katawan na maaaring mangailangan ng sunud-sunod na magastos na mga pagsusuri at pagtigil ng isang gabi o higit pa. Pagkatapos ng mga pagsusuri, sisikaping makipag-alam ng ospital sa pamilya ng matanda, upang malaman lamang na ang direksiyon at ang numero ng telepono na kanilang iniwan ay di-totoo. Ang ilang nursing home ay sumusunod sa katulad na gawain. Habang nasa ospital ang matanda, kanilang ibinibigay ang kaniyang kama—kadalasan sa higit na makababayad na mga parokyano—at pagkatapos ay tinatanggihan ang pagsisikap ng ospital na ibalik ang pasyente. Ayon sa magasing Newsweek, ang mga dalubhasa ay sumasang-ayon na ang ganitong gawain ay lumalaganap. Binabanggit nito na sa isang impormal na surbey, “ang ilang doktor ay nag-ulat na kasindami ng walong matatandang pasyente ang itinatambak sa kanilang emergency ward bawat linggo.”
Pagbubutas sa Malalaking Ugat
Ang mga doktor sa Australia ay gumagamit ng di-pangkaraniwang bagong kagamitan upang alisan ng bara ang malalaking ugat ng puso, ulat ng magasing Asiaweek. Tinatawag na Rotablator, ang kagamitan ay may maliit na ulo na nababalutan ng libu-libong pagkaliliit na tapyas ng diyamante. Habang umiikot ang ulo sa bilis na 190,000 ikot bawat minuto, inaalis nito ang matigas na bara sa malalaking ugat, dinudurog yaon na maging mga butil na napakapino upang di na makalikha pa ng anumang panganib na sanhi ng atake serebral sa pamamagitan ng pagbara sa utak. Ligtas na tinatangay na lamang ito sa daluyan ng dugo. Ayon sa Asiaweek, ang kagamitan ay napakatumpak anupat “sa mga demonstrasyon gumawa ito ng isang uka sa balat ng hilaw na itlog nang hindi man lamang sinisira ang panloob na lamad.”
Isang Positibong Huwaran?
“Ako’y isang bakla!” Ang mga salitang ito ay buhat sa isang nakagugulat na pinagmulan kamakailan—ang bida sa isang komiks. Si Northstar, ang taga-Canadang bida na nakadamit ng pula sa isang kilalang komiks na inilathala ng Marvel Comics, ay inilarawan sa kamakailang labas na nagpapahayag na siya’y isang bakla. Bagaman ang tauhan ay tinagurian noon bilang “ang pinakakanais-nais na binata sa Canada,” matagal nang pinaghihinalaan ng mga bakla na siya’y magiging bakla, ayon sa Daily News ng New York. Pinuri ng mga pangkat ng bakla ang pinakahuling pagsisiwalat, na ipinahayag sa pabalat ng komiks ang mga salitang: “Si Northstar na Kailanma’y Hindi Ninyo Nakilala!” Bilang isang magulang, itinuturing moRoma 1:24-27.
ba ang isang bakla na isang positibong huwaran para sa iyong mga anak? Hinahatulan ng Salita ng Diyos ang Bibliya yaong ‘nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki.’ Tinatawag nito ang ginagawa nila na “mahalay.”—Isang Punong Walang Katawan
“Sa kasalukuyan, wala na tayong pangglobong paliwanag para sa ebolusyon ng buhay dito sa lupa,” sabi ng Le Figaro-Magazine ng Paris. Nag-uulat tungkol sa internasyonal na komperensiya na ginanap sa Blois, Pransiya, kung saan 200 kilalang mga siyentipiko buhat sa buong daigdig ay nagtipon upang talakayin ang pinagmulan ng buhay, napansin ng magasin na “gumuguho ang dating mga teoriya.” Binuod ng magasin ang mga komento ng ilang siyentipiko nang ganito: “Maaaring ipaliwanag ng teoriya ni Darwin ang ilang pangalawahing bagay subalit hindi ang mahahalagang yugto ng ebolusyon, gaya ng paglitaw ng bagong mga sangkap ng katawan o bagong mga uri ng kaayusan na gaya ng mga ibon o ng mga vertebrate.” Nagkokomento tungkol sa pagkalaki-laking mga agwat na nagiging palaisipan sa teoriya, ang paleontologong si Robert Fondi ay nagsabi: “Kung ilalarawan natin ang isang punong palaangkanan ng ebolusyon, mga dahon at ilang sanga lamang ang lilitaw at walang katawan. Isa itong punungkahoy na hindi makatatayo!”
May Sakit sa Isip at Walang Tirahan
Ang bilang ng mga taong kapuwa walang tirahan at may sakit sa isip ay patuloy na dumarami sa Estados Unidos. Sa katunayan, ang ranggo ng kahabag-habag na grupong ito ay dumami ng 7 porsiyento sa nakalipas na taon lamang, ayon sa isang surbey ng 21 lungsod sa Hilagang Amerika na isinagawa ng U.S. Conference of Mayors. Ang 21 lungsod ay nag-ulat ng tinatayang kabuuang bilang na 208,000 walang tirahan, halos sangkatlo nito—69,000 katao—ay malubhang may sakit sa isip. Kabilang sa surbey ang tatlong pinakamalaking lungsod sa bansa—ang New York, Chicago, at Los Angeles. Ang ilang alkalde na nasa komperensiya ay nagreklamo na ang problemang ito ay pangunahin nang dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno para sa pangangalaga sa kalusugang-pangkaisipan para sa mga may kapansanan sa isip.
Umiinit na Temperatura ng Lupa
Ang 1980’s ay isang mainit na dekada. Ang Perspectives, isang magasin na inilathala ng International Institute for Environment and Development, ay nag-uulat na “anim sa pitong pinakamainit na taon sa nakalipas na 140 yugto ng taon na ang mga rekord ng temperatura ay iningatan ay pawang nangyari mula noong 1980.” At ayon sa impormasyon na inilabas ng British Meteorological Office, ang 1990 ang pinakamainit na taon sa rekord. Ang impormasyong ito, sabi ng Perspectives, “ay nagpapatunay na ang katamtamang temperatura ng hangin sa ibabaw ng lupa ay tumataas at nagbibigay ng bagong katibayan na ang globo sa pangkalahatan ay umiinit.”
Ang mga Aso sa Paris
May isang aso sa bawat sampu katao, ang Paris, Pransiya, ay nagmamalaki na may pinakamaraming aso sa anumang kabisera sa Europa. Ang 200,000 asong ito ay nag-iiwan ng mga sampung tonelada ng dumi sa mga lansangan araw-araw. Ang lungsod ay gumugugol ng $8 milyon (FFr42m) sa isang taon upang umupa ng isang pangkat ng nakamotorsiklong mga manggagawang pansanitasyon na hahakot sa halos kalahati ng mga dumi, samantalang ang iba pa ay ipinalalagay na bubuhusan ng tubig tungo sa mga kanal at imburnal. Gayunman, napakarami sa nakasusukang dumi ang nananatili sa mga kalsada sa lungsod anupat ito ay ikatlo sa pinakakaraniwang inirereklamo ng mga taga-Paris tungkol sa kanilang lungsod. Ang lungsod ay naglulunsad ngayon ng isang kampaniya upang ipatupad ang mga batas na nag-uutos sa mga tao na linisin ang dumi ng kanilang aso.
Ang Salot ng Krimen ng mga Kabataan
“Dumarami ang delingkuwenteng mga kabataan. Ito ay dumoble sa nakalipas na limang taon. Ito ay dumami nang tatlong ulit sa nakalipas na ilang buwan lamang.” Ito ang madilim na larawan na ipininta ng estadistika tungkol sa paglago ng krimen ng mga kabataan sa Italya sa pagitan ng 1986 at 1990, sang-ayon sa pahayagang La Repubblica. Ang mga kaso ng matinding pinsala sa katawan noong 1986 ay may bilang na 3,064, samantalang noong 1990 ay may 6,092 ng gayong mga krimen na kinasangkutan ng mga kabataan. May 715 kaso ng ilegal na pagnenegosyo at paggamit ng droga noong 1986, kung ihahambing sa 2,113 noong 1990. Nakalulungkot nga, ang Italya ay hindi nag-iisa sa bagay na ito. Sa Ikalawang Internasyonal na Komperensiya Ukol sa Katiwasayan, na ginanap sa Paris noong Nobyembre, binanggit na maliban sa Hapón, ang krimen ng mga kabataan ay dumarami sa lahat ng dako sa daigdig.
“Ang mga Tagak sa Gabi”
Sa Brazil, ang magasing Veja ay nag-uulat na isang lihim na organisasyon ng mga kababaihan ang nag-iiwan ng mga sanggol sa mga pintuan ng mayayamang pamilya. Pagkatapos ilagak ang sanggol, kanilang pinatutunog ang kuliling at saka tatakbo upang magmasid mula sa isang nakaparadang kotse sa malapit. Kinagabihan ay tatawagan nila sa telepono ang pamilya nang hindi nagpapakilala, hinihimok sila na ampunin ang sanggol. Ang pamilya ay hindi na muling makababalita pa buhat sa mga babae. Iniuulat ng Veja na sa nakalipas na anim na taon, 60 mayayamang pamilya sa Feira de Santana, Brazil, ang nakasumpong ng bagong silang na mga sanggol sa kanilang pintuan. Ang pangkat ng mga kababaihan, na kilala bilang “ang mga tagak sa gabi,” ay ipinalalagay na nagsisikap na tulungan ang abandonadong mga bata, subalit ang gawaing ito ay kontrobersiyal. Si Márcia Serra Negra, isang abugada at espesyalista sa mga bagay na may kaugnayan sa pamilya, ay sinipi na nagsasabi: “Ang ginagawa ng mga tagak ay isang uri ng pamimilit.”