Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kagila-gilalas na mga Ibon sa Lawa ng Bogoria

Kagila-gilalas na mga Ibon sa Lawa ng Bogoria

Kagila-gilalas na mga Ibon sa Lawa ng Bogoria

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya

NASA makipot na lunas, ang Lawa ng Bogoria ay pinangingibabawan ng nagtataasang mga dalisdis. Tinatawag ito ng ilan na ang pinakamagandang lawa sa buong Kenya, at habang kaming tatlo ay bumababa rito sakay ng aming trak na pickup, madali naming naunawaan kung bakit. Ito’y kumikinang, kulay berdeng-gisantes, bunga ng saganang suplay ng lumot. Ang mumunting mga halamang ito ay nabubuhay dahil sa saganang liwanag ng araw at init ng napakaraming mainit na bukál na nagtutungo sa lawa. Kaya ang Lawa ng Bogoria ay isang popular na dakong kainan ng dose-dosenang kulay rosas, kumakain-ng-lumot na mga flamingo na nagpapalamuti rito.

Ngunit ang mga flamingo ang una lamang sa maraming kagila-gilalas na mga ibon na makikita namin nina Paul, at ng kaniyang asawang si Paula sa paglalakbay na ito. Kami’y marahang nagpapatakbo ng trak sa kahabaan ng mabato, tigang na kanlurang pampang. Mga singaw ng mainit na bukál ay pumapailanglang paitaas na parang mga balahibong puti. Sa ibayo niyan, nakadapò sa isang bato na nakausli sa tubig malapit sa pampang, ay nakaupo ang isa pang ibon na nakikinabang sa saganang suplay ng lumot: ang African fish eagle (isang uri ng agila).

“Walang isda sa alkalinong lawang ito,” paliwanag ni Paul. “Kaya sa palagay mo bakit naririto ang mga agila?” tanong niya. Ang sagot ay dumarating​—isa pang fish eagle na may dalang flamingo na hawak ng matatalim na kuko nito! Ngayon nauunawaan ko na kung bakit ang magagandang kulay rosas na flamingo ay lumalayo sa nakadapong mga maninilang iyon!

Ang fish eagle ay madaling makilala kahit sa malayo. Ang puting ulo, likod, dibdib, at buntot nito ay litaw na litaw sa kulay kastanyas na tiyan at itim na pakpak nito. Kapag masusumpungan sa mga lawang alkalino kung saan walang isda, ang mga flamingo ang tanging pagkain ng agila, isang pares ng agila ang pumapatay ng isang flamingo tuwing ikalawa o ikatlong araw. Gayunman, sa mga lawang ang tubig ay tabang, ang fish eagle ay talagang kumakain ng isda. Gayunman, isip-isipin ang paglalakad sa kahabaan ng pampang sa isang lawa sa Aprika na ang tubig ay tabang at nahuhulog sa harap mo ang isang isda para sa hapunan! Imposible? Hindi naman. Ang agilang ito na puting-ulo ay may madudulas na kuko at kilala sa paghuhulog ng huli nitong isda​—sa kasiyahan ng lokal na mga residente!

Gayumpaman, ang fish eagle ay isang bantog na manlilipad, nagtatanghal ng napakagandang akrobatiks sa himpapawid. Ang isang pares ay maaaring sumalimbay sa taas na 60 metro at saka biglang maghahawakan. Na ang kanilang mga pakpak ay matigas na nakaladlad, sila ay iikot, na hihinto lamang mga 9 na metro sa ibabaw ng tubig! Kumakalag sa pag-ikot, sila’y muling sasalimbay, sumasakay sa mainit na hangin upang lumipad nang mas mataas.

Mga Mananayaw na Ibon

Ang maalikabok, mabatong daan sa palibot ng timugang dulo ng lawa ay patarik nang patarik at mahirap bagtasin. Habang inaakyat namin ang dulo, nadaanan namin ang isang pares ng crowned crane (isang uri ng tagak) na tahimik na nanghuhuli ng mga insekto sa matataas na dahon ng damo. Dapit-hapon na, at nagbubuntunghininga, narating namin ang aming destinasyon​—ang Kampo ng Fig Tree. Nasa timog-silangang dulo ng lawa, ito ay isang magandang oasis para sa pagod na mga manlalakbay.

Pagkapahinga sa gabi, naupo kami sa palibot ng isang sigâ sa umaga, humihigop ng mainit ng kape. Pagkatapos, walang anu-ano, hayun ito! Isang metro lamang sa itaas, ay lilipad-lipad ang lalaking paradise flycatcher (isang uri ng ibon), na abalang-abalang gumagawa ng pugad sa isang punungkahoy halos isang metro ang layo sa aming kampo. “Anong pagkaganda, pagkahabang puting buntot!” bulalas ni Paula. Mahaba nga. Ang haba ng lalaking ibon ay labingwalo hanggang labinsiyam na centimetro kung walang balahibo sa buntot. Ngunit ang dalawang balahibo nito sa buntot ay umaabot ng kamangha-manghang 40 centimetro sa haba. Bagaman may kaliitan, ang paradise flycatcher ay matapang. Kahit na kung mas malalaking ibong maninila ang lumalapit sa pugad ng pamilya, ang lalaking flycatcher ay hindi nag-aatubiling sumalakay!

“Mahirap kunan ng litrato ang isang ito,” sabi ni Paul habang inihahanda niya ang kaniyang kamera. Hindi nauupong matagal sa isang dako, ang abalang manggagawa-ng-pugad ay paroo’t parito sa isang abandonadong barado-ng-dahon na bahay ng gagamba sa taas ng isang puno. Ang layunin niya? Upang tipunin ang malagkit na bagay na ginagamit niya sa paggawa ng kaniyang pugad. Buong pananabik na hinahanap ang pinakamainam na bahagi ng bahay ng gagamba, ito ay lilipad-lipad muna rito, pagkatapos ay roon, nagsasagawa ng mabilis na pagilid na mga kilos ng katawan na nagpapangyari sa buntot nito ng mabilis na pumilantik. Nasiyahan kami sa kaniyang magandang sayaw! Pagkasumpong ng piling mga piraso, siya’y nagbabalik sa pugad, ang kaniyang magandang buntot ay parang alon sa likod niya.

Noong magtatanghali na nakita namin ang isa pang pares ng crowned crane. Sila’y nagpasiyang manginain sa madamong kaparangan sa harap ng aming kampo, sa pagitan ng lawa at ng kagubatan ng mga punong igos. Isa sa pinakamataas sa mga ibon sa Silangang Aprika, ang crowned crane ay tumatayo ng halos isang metro sa parang tiyakad na mga paa. Ang balahibo nito ay magandang halo ng puti, maroon, itim, at abo. Subalit ang kahanga-hangang bahagi nito ay makikita sa ibabaw ng leeg. Ang malapelus na itim na noo nito ay may puti at iskarlatang face wattles sa gilid​—malalaking bilugang laman. At ang korona? Isang makaharing tungkos ng kulay-dayami, tulad-buhok na mga balahibo. Hindi kataka-taka na ito ang napiling pambansang ibon ng kalapit na bansa ng Uganda!

“Nakakita ka na ba ng sayaw ng isang crowned crane?” sigaw ni Paul sa akin mula sa kalayuan. Agad akong nagtungo sa kaniyang direksiyon. “Ano ang masasabi mo riyan?” bulong niya habang nilalapitan namin ang mga ito. Ang mga tagak ay magkaharap, ang eleganteng mga ulong iyon ay tataas-bababa at yumuyuko na para bang nakikibahagi sa isang maharlikang seremonya. Ang kapuwa mga pakpak ay nakabuka at nakataas sa likuran, na sumusukat ng mahigit na isang metro, sila’y sumasayaw at umiikot sa pormal na paraan sa loob ng ilang minuto.

“Ito ba ang sayaw sa pag-aasawa?” bulong ko.

“Hindi, ginagawa nila ito anumang panahon,” sagot niya. “Sa kanlurang Kenya ay nakakita ako ng isang kawan ng isang daan o higit pa na nagsasayaw.”

Sa panahon ng pag-aasawa, ang lalaki ay talagang nagtatanghal. (Paano nga niya mapahahanga ang babaing ibon sa pamamagitan lamang ng kaniyang pang-araw-araw na sayaw?) Nakatayong nakatalungko at nakayuko, na isang pakpak lamang ang nakataas, may pagmamalaking itinataas nito ang kaniyang ulo at, ang kaniyang tukâ ay nakaturo sa langit, binibigkas niya ang malakas at mababa ang tunog na tawag ng pag-aasawa. Talagang kahanga-hanga!

Isa Pang Kahanga-hangang Ibon

Mabigat ang loob namin na ligpitin ang aming mga gamit at humanda na sa pag-alis, hindi namin natatalos na isa pang kahanga-hangang ibon ang naghihintay sa amin. Walang anu-ano, isang tila-kakatuwang lumilipad na kinapal ang lumipad sa himpapawid. Ito ang lalaking paradise whydah. Ito ay may 28-centimetrong buntot, na taglay niya lalo na sa pag-aasawa. Ang buntot ay may malaking patindig na umbok, na parang palda na may patigas. Yamang ang ibon ay may gayong mabigat na ‘vertical stabilizer,’ hindi kataka-taka na ito, bagaman lumilipad nang deretso, ay umaalun-alon sa paglipad. Para itong isang eruplano na madalas humihinto! Gayunman, ang ibon sa paano man ay lumalapag nang may katiyakan, literal na lumalagpak mula sa langit.

Ang aming paglalakbay ay napakadali upang makita ang lahat ng makikita sa dakong ito. Gayunman, pinasigla nito ang aming pagpapahalaga sa Maylikha at pinanabik kaming asamin ang panahon kapag ang lahat ng nilikha sa lupa ay payapang mamumuhay na sama-sama sa sakdal ang pagkakatimbang na ekolohiya sa buong lupa.​—Oseas 2:18.

[Mga mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KENYA

Lawa ng Bogoria

Nairobi

[Mga larawan sa pahina 24]

Crested cranes

Flamingos

Paradise whydah

Fish eagles