Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Dayuhan—Paano Mo Sila Matutulungan?

Mga Dayuhan—Paano Mo Sila Matutulungan?

Mga Dayuhan​—Paano Mo Sila Matutulungan?

ANG peryodistang si Günter Wallraff ay nagkunwang isang manggagawang Turko at nagtrabaho sa isang Alemang pagawaan ng bakal. Nang isiwalat niya ang kaniyang mga tuklas tungkol sa pagtrato sa mga manggagawang dayuhan, o panauhin, ang publiko ay kapuwa nasindak at nagalit. Pinatunayan niya sa pamamagitan ng mga dokumento ang bawat kaso ng lantarang pagtatangi ng lahi at mapang-aping masamang opinyon na pagtrato sa mga manggagawang dayuhan. Sa isang pagkakataon, nasaksihan niya ang mga manggagawang Turko na inuutusang magtrabaho sa isang mapanganib na dako sa kabila ng bagay na ang mga sirenang pangkagipitan at mga pulang ilaw ay kumikislap. Nang isang tao ay matakot at nais umalis sa dakong iyon, siya ay binantaan na aalisin sa trabaho.

Maliwanag na inilalantad ng mga karanasan ni Wallraff ang suliranin ng mga mandarayuhan. Habang nagkakaroon ng higit na kabatiran ang madamaying mga mamamayan sa mga problemang nakakaharap ng mga dayuhan, marami ang nagtatanong kung ano ang magagawa nila upang tulungan ang mandarayuhan at ang kaniyang sambahayan.

Tanggapin N’yo Kami Kung Ano Kami

Iwasan ang masamang opinyon. Wala nang mas mabilis na lumikha ng pader ng paghihinala at hindi pagpaparaya sa pagitan ng lokal na mga mamamayan at ng dayuhan kaysa ang lambong ng masamang opinyon. “Pinipilipit ng [kultura] ang ating pangmalas sa kung paano ginagawa ng mga tao ang mga bagay, lalo na kung ang kanilang paraan ay naiiba . . . sa ating tinatanggap na pamantayan,” sabi ng manunulat na si Ben Levitas sa kaniyang aklat na Tribal Life Today. Sabi niya na ang mga pagkakaibang ito “ay kadalasang umaakay sa atin na maging mapamintas sa paraan ng pagkilos ng iba.” Tandang-tanda pa ni Helen, isang Koreanang mandarayuhan sa Canada, ang araw nang galit na sinigawan siya ng kaniyang guro dahil sa hindi niya paggawa ng isang atas na ipinagagawa sa kanilang klase. “Hindi niya natalos na hindi ko siya maintindihan,” sabi ni Helen, na lubhang nasaktan nang panahong iyon.

Ang mga hindi pagkakaunawaan at dati nang mga ideya tungkol sa ibang nasyonalidad ay kadalasang nasasalig sa bungang-isip kaysa mga katotohanan. Ang mga awtor na sina Mildred Sikkema at Agnes Niyekawa-Howard sa kanilang aklat na Cross-Cultural Learning & Self-Growth, ay nagsasabi tungkol sa isang propesor na Amerikano na sinubok ang kaniyang bagong mga estudyanteng dayuhan sa pagsasabi sa kanila ng isang biro. Saka niya mamasdan ang kanilang reaksiyon. Kung hindi sila natawa, ang mga estudyante ay agad na ipadadala sa mga klase sa Ingles. “Waring hindi natatalos [ng propesor],” sabi ng mga awtor, “na upang maunawaan ang isang birong Amerikano ay dapat na pamilyar ka sa kulturang Amerikano gayundin sa wika . . . Ang maaaring ituring ng mga tao buhat sa isang kultura na nakatatawa ay maaaring ituring ng [iba] na hindi maganda.” Ang gayong mainam ang intensiyon na mga kilos sa bahagi ng mga tagaroon ay nagpapakita ng kakulangan ng matalinong unawa sa pakikitungo sa mga dayuhan.

Kung tatanggapin mo ang dayuhan sa kung ano siya, nang walang masamang opinyon, pahahalagahan ka niya dahil dito. Ang gayong landasin ay kasuwato ng pumapatnubay na simulaing ipinahayag ni Jesus: “Iibigin mo ang . . . iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Lucas 10:27) Si Yasushi Higashisawa, isang abugado sa Tokyo, Hapón, na maraming kaugnayan sa mga dayuhan, ay nagrerekomenda na “ang malapít na kaugnayan sa mga tao ng ibang kultura ang pinakamabuting lunas sa masamang opinyon.” Ang uring ito ng kaugnayan ay nagpapangyari sa mandarayuhan na matulungan din sa maraming iba pang paraan.

Praktikal na Tulong

Maraming nais malaman ang dayuhan tungkol sa kaniyang bagong bansa​—kung paano makakukuha ng pabahay, matuto ng wika, maipasok ang mga bata sa paaralan, magamit ang mga paglilingkod na pangkalusugan at panlipunan na inilalaan ng gobyerno. Matutulungan mo siya nang malaki sa pagbahagi sa kaniya ng nalalaman mo.

Halimbawa, matutulungan mo ba ang dayuhan na hanapin ang mga ahensiya o organisasyon na tutulong sa kaniya na makibagay sa wika at sa kultura? O marahil masasamahan mo ba ang isang mandarayuhang babae sa kaniyang unang pagtungo sa pamilihan upang makilala niya ang mga panindang pagkain at mga gamit sa bahay? Kumusta naman ang pagbibigay ng payo sa isang pamilyang mandarayuhan kung ano ang gagawin sa kadalasa’y masalimuot na mga pormalidad tungkol sa kanilang legal na katayuan, pagkuha ng trabaho, pagsagot sa mga porma sa buwis, at katulad nito?​—Tingnan ang talababa sa kahon.

Isa na Masasandigan

Sa tuwina’y nakabubuting tanungin ang iyong sarili: ‘Kung ako’y nasa ibang bansa, paano ko nanaising ako’y pakitunguhan?’ “Lahat ng bagay . . . na nais ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gayundin naman ang gawin ninyo sa kanila,” sabi ni Jesus sa kilalang Ginintuang Tuntunin. (Mateo 7:12) Ang pagkakaroon ng isang kaibigan na masasandigan sa mahirap na panahon ng pagbabago at pakikibagay ay isang tulong na pahahalagahan ng maraming dayuhan. Ang gayong pagkamapagpatuloy sa bahagi ng lokal na mga residente ay nagdudulot ng pakinabang sa isa’t isa. Ang isa pang simulain ng Bibliya ay nagsasabi: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ang pinakamabuting kaloob na maibibigay mo sa isang dayuhan ay ang pag-asa ukol sa isang nagkakaisang kapatiran. Tiyak na makasusumpong ka ng ilang nakapagpapatibay na babasahin na maibabahagi mo sa kaniya sa kaniyang sariling wika.

Mangyari pa, ang pananagutan para sa matagumpay na pandarayuhan ay pangunahin nang nakasalalay sa dayuhan. Subalit taglay ang kaunting pag-iintindi sa hinaharap, malaki ang magagawa mo upang mapalagay siya, sa gayon ang pandarayuhan ay hindi gaanong traumatiko, kasiya-siya pa nga.

[Blurb sa pahina 11]

“Ipinalalagay natin na ang mga tao ng ibang kultura . . . ay nakakikita, nakadarama, at nag-iisip na gaya natin. . . . Maraming di-pagkakaunawaan ay dahil sa pag-aakala na ang atin mismong mga reaksiyon ay pansansinukob.”​—Cross-Cultural Learning & Self-Growth

[Blurb sa pahina 12]

Ganito ang sabi ng isang estudyante pagkatapos gumugol ng panahon sa isla ng Guam: ‘Ako’y naging higit na mapagparaya sa bago at kakaibang paraan ng paggawa ng mga bagay.’​—Cross-Cultural Learning & Self-Growth

[Kahon sa pahina 12]

Matutulungan mo ang dayuhan na . . .

▶ maging palagay kung ikaw ay magiging mapagpatuloy sa kaniya

▶ makipag-alam sa mga opisyal samantalang ginagawang legal ang kaniyang pagkanaroroon a

▶ sagutan ang mga porma sa buwis b

▶ makipagkita sa mga organisasyon na nagtuturo ng lokal na kultura at wika

▶ kumuha ng matutuluyan

▶ gamitin ang medikal at sosyal na paglilingkod na inilalaan ng gobyerno

▶ ipasok sa paaralan ang mga bata

▶ ipamili ng kinakailangang mga bagay sa tamang halaga

▶ humanap ng trabaho

[Mga talababa]

a Ang ilang bansa, gaya ng Alemanya, ay may mahigpit na mga batas tungkol sa kung sino ang maaaring magpayo ukol sa mga bagay na legal, pandarayuhan, at buwis. Ang mga ito ay dapat tingnan bago mag-alok ng anumang tulong sa mga dayuhan may kaugnayan sa kanilang legal na kalagayan.

b Ang ilang bansa, gaya ng Alemanya, ay may mahigpit na mga batas tungkol sa kung sino ang maaaring magpayo ukol sa mga bagay na legal, pandarayuhan, at buwis. Ang mga ito ay dapat tingnan bago mag-alok ng anumang tulong sa mga dayuhan may kaugnayan sa kanilang legal na kalagayan.