Mga Dayuhan—Paano Sila Magtatagumpay?
Mga Dayuhan—Paano Sila Magtatagumpay?
“PUWEDE ba,” pakli ng 17-anyos na si Jaroslav, sawâ na sa katutukso sa kaniya sapagkat siya’y Ukrainiano, “ang aking mga magulang ay nagpunta rito [bilang] mga takas.” Ipinaliwanag niya na kanilang nilisan ang kanilang sariling bansa at na kahit na gustuhin nila, sila’y hindi na makababalik ngayon. Ang karanasang ito, na dokumentado ng awtor na si John Brown sa kaniyang aklat na The Un-melting Pot, ay nagsisiwalat ng karaniwang mga pagpupunyagi na tinitiis ng maraming nandarayuhan at mga dayuhan para sila’y tanggapin. Nasumpungan ng kabataang ito sa mahirap na paraan na ang laging paghingi ng paumanhin sa kaniyang pagiging dayuhan ay hindi nakatutulong. Sa wakas naipasiya niya na gamitin ang paraan na ‘tanggapin ninyo ako kung ano ako’—at ito’y mabisa!
Ang masamang opinyon, paghihinala, at hindi pagpaparaya ay mga katotohanan na kailangang harapin ng mga dayuhan. Subalit kung ikaw ay isang dayuhan, may mga positibong hakbang na kailangan mong kunin upang tulungan kang makayanan ang pagbabago ng kalagayan.
Mga Motibo at Saloobin
Taglay ang kaalaman na makakaharap mo ang masamang opinyon at posibleng pagtanggi sa iyong bagong buhay, maaari mong baguhin ang iyong mga reaksiyon nang naaayon. Si Rosemary, isang Ingles na mandarayuhan sa Hapón, ay nagsasalita buhat sa karanasan. “Huwag kang mabalisa kapag ang lokal na mga tao ay magsalita ng nakasasakit na mga salita tungkol sa iyong lupang tinubuan,” babala niya, sabi pa niya: “Labanan ang masidhing pagnanais na ipagtanggol ang iyong sarili, ang iyong bansa, at ang iyong pinagmulan. Kung bibigyan mo ng panahon, hahatulan ka ng mga tao sa iyong pang-araw-araw na mga saloobin at gawi at babaguhin ang kanilang masamang opinyon tungkol sa iyo. Maaari itong kumuha ng mga taon.”
Tandaan, ang lokal na pamayanan ay napakasensitibo tungkol sa iyong mga motibo ng pagtira sa kanilang bansa. Isang kabalitaan ng Gumising! sa Alemanya, na ngayon ay maraming mandarayuhan buhat sa Silangang Europa, ay nagsasabi: “Ang problema ng pakikibagay sa buhay sa isang bagong bansa ay depende sa motibo ng isa sa pandarayuhan. Yaong mga nandarayuhan dahil sa mabuting dahilan, nagnanais na gawing tahanan nila ang bagong bansa, ay pangkalahatang may pangganyak na matutuhan ang wika at makibagay nang pinakamabuti hangga’t magagawa nila. Yaon namang itinuturing ang kanilang pandarayuhan na pansamantala lamang o na naganyak lamang ng mga pakinabang sa kabuhayan ay agad na nasisiraan ng loob. Kaya hindi sila gaanong nagsisikap na magbago, na humahantong sa pagkasiphayo kapuwa sa kanilang sarili at doon sa nakikitungo sa kanila.” Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na ang mga nandarayuhan ay hindi dapat bumalik sa kanilang mga lupang tinubuan kung iyon ang nais nila.
Gayumpaman, ang mga saloobin at motibo ng isang dayuhan ay maaaring mangahulugan ng tagumpay o kabiguan kung ating uunawain ang bagay na ito. Kung ikaw ay isang dayuhan, kilalanin mo, gaya ng pagkakasabi rito ng U.S.News & World Report, na ang mga taong nakatira sa isang dako ay may isang matibay na paniniwala na “inaalis ng mga estranghero ang etnikong kola na bumubuklod sa mga bansa.” Subalit kung patutunayan mo ang iyong halaga bilang isang dayuhan at gagawa ka ng iyong kontribusyon, mas madali kang tanggapin at kaibiganin pa nga ng bansang dinayo mo. Gaya ng sabi ni Rosemary, ang mandarayuhang nabanggit kanina: “Nais nilang ikaw ay maging isang dayuhan, subalit nais din nilang maibigan mo ang naiibigan nila.”
Ang ilan sa mga problemang makakaharap mo bilang isang mandarayuhan ay maaaring asahan, kung hindi man maiwasan, sa pamamagitan ng pag-aaral ng hangga’t maaari’y maraming bagay tungkol sa iyong patutunguhan. Ang pagbabasa, pag-aaral, at pakikipag-usap sa iba tungkol sa bansa, mga kaugalian,
at kultura ay maaaring maging malaking tulong upang ihanda ka sa pagkabigla o pagkalito sa naiibang kultura na tiyak na mararanasan mo.Mangyari pa, ang paggawang legal sa iyong pandarayuhan ay mahalaga upang makamit ang paggalang ng lokal na mga tao. Sa paningin ng marami, ang ilegal na mga dayuhan ay isang panggulo at isang banta. Sa pinakamabuting kalagayan sila ay itinuturing na murang manggagawa, na naghihintay lamang na walang awang pagsamantalahan. Sinasabi ng matagumpay na mga mandarayuhan na sulit na sikaping gawing legal ang inyong pandarayuhan. Kapag kinapanayam ng mga awtoridad sa imigrasyon, ang isang malinis, maayos na paghaharap ay mahalaga sa paggawa ng paborableng impresyon. Magpakita ng matulunging saloobin. Huwag maging palaiwas.
Subalit ikaw, ang dayuhan, ay maraming magagawa upang bawasan ang hirap ng pakikibagay sa isang bagong bansa.
Palawakin ang Ugnayan
Ang natural na hilig ng karamihang bagong dating ay ang magsama-sama sa kanilang sariling mga pamayanan. Halimbawa, sa Lungsod ng New York, ang buong mga pook ay pangunahin nang binubuo ng isang nasyonalidad—munting Italya, Chinatown, ang bahaging Judio, upang banggitin lamang ang ilan. Ang mga pamayanang iyon ay nagbibigay ng mahalagang alalay upang mapalagay ang mandarayuhan—isang panimulang dako upang galugarin ang bagong lugar.
Nakalulungkot naman, sa puntong ito ang iba ay bumubukod at inihihiwalay ang kanilang mga sarili sa mga pagkakataon at mga bentaha na talagang makatutulong sa kanila. “Kung ang pagtanggi at hindi mo pagsisikap na maging pamilyar sa kultura ng bansang iyong dinayo ang pipiliin mong paraan ng pakikitungo sa bagong . . . paraan ng buhay,” sabi ng babasahing Psychology of Women Quarterly, “ang proseso ng pakikibagay ay maaaring hindi matagumpay na makumpleto.”
Sa kabaligtaran, karamihan ng mga dayuhan na malawak-ang-isip upang buong-pusong makibagay sa lipunang tinutuluyan nila ay nag-uulat na ang kanilang buhay ay lubhang napagyaman dahil dito. Isang grupo ng mga estudyanteng Amerikano na gumugol ng ilang linggo sa paggawa ng pag-aaral sa kultura sa isla ng Guam sa Micronesia ay nagkomento tungkol sa nakapagpapalawak na epekto nito sa kanilang pangmalas tungkol sa ibang kultura. “Minamasdan ko ang mga pagkakaiba taglay ang interes at pagkausyoso sa halip na bilang isang banta,” sabi ng isang estudyante. Sabi pa ng isa: “Sinisimulan kong malasin ang aking kultura sa perspektibo. . . . Kinukuwestiyon ko ang mga pamantayan at mga bagay na dati’y ipinalalagay kong totoo. . . . Maaari akong matuto mula sa kanila.”
Gayunman, upang magtagumpay sa pagkuha ng mga pagkakataon na sumulong, may ilang mahalagang mga kahilingan na dapat matugunan.
Mga Susi sa Pagsasama-sama
“Ang pagkatuto ng wika ng bansang tinutuluyan ay humahantong sa mas mabilis at mas madaling pakikibagay . . . sapagkat pinangyayari nito na ang mandarayuhan ay maging mas malapít sa mga tagaroon.” Gayon ang inirerekomenda ng babasahing Psychology of Women Quarterly. Subalit mag-ingat! Ang pag-aaral ng isang wika ay hindi madali. “Sa pasimula ay nahirapan ako,” gunita ni George, isang mandarayuhan sa Hapón. “Pagtatawanan nila ako kapag ako’y nagkamali subalit hindi nila ako tinutulungan.” Hindi nasisiraan ng loob, dinadala ni
George ang isang nabibitbit na radyo saanman siya magpunta at nakikinig sa pagbobrodkas sa wikang Hapones. Susog niya: “Nasumpungan ko na ang madalas na pagbabasa ay nakatulong sa akin na matuto ng wika.”Ang wika ng isang bansa ang pintuan sa kultura nito. Bagaman sa wakas ay maaaring matutuhan mo ang wika, ang bagong kultura ay mas mahirap pakibagayan. Dito kinakailangan ang pagkakatimbang. Ang isang dayuhan na nagnanais magtagumpay ay dapat na maging handa na makipagpunyagi na matutuhan ang bagong kultura, samantalang kasabay nito ay pinananatili ang sarili niyang pagkatao at paggalang-sa-sarili. Gaya ng pagkakasabi rito ng Yugoslavong manunulat na si Milovan Djilas, “maaaring talikdan ng isang tao ang lahat ng bagay—tahanan, bansa, lupa—subalit hindi niya maaaring talikdan ang kaniyang sarili.” Ang pagkasumpong sa pagkakatimbang na iyon ay naghaharap ng isang malaking hamon.
Pagkakaisa ng Pamilya
Ang reaksiyon ng bawat tao ay magkakaiba sa isang bagong kapaligiran. Nauunawaan naman, nasusumpungan ng mas matatandang tao na ang kanilang katutubong kultura at wika ay naitanim nang malalim. Gayunman, ang mga bata ay mas mabilis na nakauunawa sa wika at kultura. Hindi nagtatagal, sila na ang nagiging interprete para sa kanilang mga magulang, at kadalasang nasusumpungan ng mga magulang ang kanilang mga sarili sa katayuan na sila ang mga estudyante. Ang di-likas na pagbaligtad na ito ng mga papel ay kadalasang humahantong sa alitan sa loob ng pamilya. Maaaring akalain ng mga magulang na sila ay hindi na iginagalang, samantalang ipinaghihinanakit naman ng mga anak na ang ‘makalumang’ kultura ng kanilang mga magulang ay ipinatutupad sa kanila. Kaya paano nga mapagtatagumpayan ng mga pamilyang dayuhan ang tumitinding panggigipit na ito?
Sa isang bagay, dapat isaalang-alang ng mga magulang ang epekto ng bagong kapaligiran sa kanilang mga anak. Nangangahulugan ito ng paggawa ng pagsisikap na makibagay na kasama ng kanilang mga anak—hindi sila inaasahan na mamuhay sa isang kultura gayunma’y maging tapat sa isang kultura. Ang pagpapahinuhod na ito ay nangangailangan ng matalinong unawa sa bahagi ng mandarayuhang mga magulang, subalit malaki ang nagagawa nito upang bawasan ang kaigtingan sa tahanan. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang simulain sa Bibliya: “Sa karunungan ay natatayo ang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay natatatag.”—Kawikaan 24:3.
Sa katulad na paraan, dapat kilalanin ng mga anak na bagaman ang kanilang mga magulang ay galing sa ibang kultura, sila’y natuto buhat sa paaralan ng buhay at samakatuwid ay may higit na karanasan. Ang wastong paggalang na ibinibigay sa kanila ay malaking tulong sa pagkakaroon ng isang mapayapang buhay pampamilya.
Kaya, sa kabila ng mga kasalimuutan ng pagsasama-sama, ikaw, ang dayuhan, ay maraming magagawa upang gawin sa iyong pakinabang ang karanasan. Ganito ito binubuod ng matagumpay na binatang Portuges na nagngangalang Tony: “Bagaman dumanas ako ng maraming hirap, bunga nito, ako’y napagyaman ng aking karanasan. Ang pag-unawa sa dalawang wika at kultura ay nagbigay sa akin ng mas malawak na pangmalas sa buhay.”
[Kahon sa pahina 10]
Paano Magtatagumpay ang mga Dayuhan?
Pagsikapang . . .
▶ matutuhan ang wika
▶ tanggapin at unawain ang bagong kultura
▶ makibagay sa lokal na mga kaugalian
▶ pag-aralan ang iyong bagong kapaligiran at magtanong tungkol dito
▶ makibagay bilang isang pamilya
▶ makipagtulungan sa mga awtoridad; gawing legal ang iyong katayuan
Huwag . . .
▶ lumayo sa iyong tinutuluyang pamayanan
▶ ituring ang iyong sariling kultura na nakatataas
▶ gawing pangunahing bagay sa iyong buhay ang pera at ari-arian
▶ asahan ang iyong mga anak na mangunyapit sa inyong dating kultura
▶ hamakin ang iyong mga magulang dahil sila ay may ibang pinagmulan
▶ mandayuhan nang hiwalay sa iyong pamilya, kung maiiwasan mo ito
[Larawan sa pahina 9]
Kung matututuhan mo ang wika ng iyong bagong bansa, mapalalawak mo ang iyong mga pakikitungo