Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Napakahigpit ng Curfew Ko?

Bakit Napakahigpit ng Curfew Ko?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Napakahigpit ng Curfew Ko?

SI Len ay nasiyahang magpagabi kasama ng kaniyang mga kaibigan. Ngunit di-nagtagal nalaman ng kaniyang ama na ang pagpapagabi ni Len ay hindi pawang katuwaan lamang. “Minsan ako’y napasangkot sa gulo,” ang gunita ni Len, “kaya ako’y hindi pinayagang lumabas ng aking silid sa loob ng dalawang linggo​—maliban para kumain at pumasok sa paaralan. Hindi rin ako dapat makitang sumusungaw sa bintana! Nang matapos na ang aking parusa, ako’y lumabas na kasama ng aking mga kaibigan at nagpaabot hanggang hating-gabi. Pagtapat ng kotse sa driveway, nakita ko ang aking ama na nakaupo sa balkon na naghihintay sa akin . . .”

Maraming kabataan ang nayayamot sa pagsubaybay ng kanilang mga magulang sa kanilang pag-alis at pagdating. Sabi ng isang batang babae: “Nang ako’y maging tin-edyer, ang aking mga magulang ay nagsimulang maglagay ng lahat ng pagbabawal sa akin, tulad ng pag-uwi ng hatinggabi. Talagang kinayamutan ko iyon.” Pagka ipinakita ng gayong mga kabataan ang kanilang pagkayamot sa pamamagitan ng pagsuway, ang karaniwang resulta ay, hindi higit na kalayaan, kundi higit at mas mahigpit na mga pagbabawal.

Para sa maliliit na paglabag ang parusa ay maaari na ang curfew ay mapaaga. Para sa mas mabigat na pagkakasala, ang isang kabataan ay maaaring pagkaitan ng mga pribilehiyo, o baka siya ay pansamantalang hindi palabasin. “Pagka ginabi ka nang uwi sa Sabado ng gabi,” paliwanag ng isang tin-edyer na babae, “maaaring hindi ka na makalabas sa susunod na Sabado.” At nariyan din ang ‘pagkakulong’: walang bisita, walang mga tawag sa telepono, walang telebisyon. Ngunit para sa ilang kabataan, ang pinakamasaklap na parusa sa lahat ay ang masermunan. “Oh, ang pangongonsensiya!” ang bulalas ng isang tin-edyer na lalaki. “Sila’y magpapasimulang magsabi kung gaano sila talagang nag-aalala sa iyo. Katakut-takot na pangongonsensiya.”

Gayunman, hindi ba totoo na mahal ka ng iyong mga magulang at may karapatan sila na hilingan kang umuwi sa isang makatuwirang oras? At pagka hindi ka dumating sa oras, sila’y hindi mapakali, balisa, hindi pa nga makatulog. Ang isang kabataan na talagang nagmamahal at nagmamalasakit sa kaniyang mga magulang ay tiyak na hindi nagnanais managot sa gayong di-kinakailangang pagkabalisa. Hindi ba iyan pagpapakita ng labis na kasakiman?

Gayunman, maraming kabataan ang nakadarama na ang kanilang mga magulang ay naglagay sa kanila ng mga pagbabawal na di-makatarungan o di-makatuwiran. “Sira sila, itinuturing nila akong tulad sa isang kinse-anyos,” ang tutol ng 18-anyos na si Fred. “Basta hindi ko gagawin ang sinasabi niya at nag-aaway kami ng tatay ko hinggil doon.” Ngunit may mas mabubuting paraan upang pakitunguhan ang iyong mga magulang kaysa ang sumuway.

Makatarungan o Di-makatarungan?

Una sa lahat, gaano nga ba di-makatarungan ang gayong mga pagbabawal? Gaya ng ipinakita ng nakaraang artikulo, marahil ang iyong mga magulang ay may matuwid na mga dahilan na matakot para sa iyong kaligtasan at kapakanan. a Hindi ba ang ibang Kristiyanong kabataan na kasinggulang mo ay nasa ilalim ng gayunding mga pagbabawal? Kung gayon, anong mabuting dahilan mayroon ka upang pag-alinlanganan ang pagpapasiya ng iyong mga magulang?

Hindi maunawaan ng kabataang si Len, nabanggit sa simula, na hangad ng kaniyang ama ang pinakamabuti para sa kaniya. Inyong matatandaan na kaniyang nilabag ang kaniyang curfew, upang masumpungang naghihintay sa kaniya ang kaniyang ama sa balkon. Ang solusyon ni Len? Higit na pagsuway. “Habang papalapit ang kotse sa driveway, ako ay nagtago sa upuan ng kotse upang huwag akong makita ni Itay, at sinabi ko sa aking kaibigan na umalis na. Nagpasiya ako na ako’y lalayas.” Si Len ay umalis nga ng bahay at nakisama sa magulong grupo na umakay sa kaniya sa seksuwal na imoralidad, pagnanakaw ng kotse, at pag-abuso sa droga. Sa wakas, siya ay nakulong. Isang sukdulang kaso? Marahil. Ngunit malinaw na inilalarawan niyan ang katotohanan ng Kawikaan 1:32: “Sapagkat ang pagtalikod ng walang karanasan ang papatay sa kanila.”

Ang ilang kabataan ay maaaring hindi tumutol sa idea ng curfew sa simulain, ngunit sila’y nayayamot na ang kanilang mga kapatid ay waring may higit na kalayaan kaysa kanila. “Ang aking nakatatandang kapatid na si Mark ay nagpapagabi noon hanggang gusto niya,” ang reklamo ng kabataang nagngangalang Patti, “ngunit hindi siya kailanman pinagbawalan. Ako​—kung ako’y mahuli lamang ng ilang minuto, tapos na ang lahat! Iyon ay di-makatuwiran.” Madaling makita kung bakit ang gayong kalagayan ay maaaring makainis sa iyo. Ngunit bago mo sabihing “di-makatuwiran!” isaalang-alang ang simulain ng Bibliya na nakaulat sa Galacia 6:4, 5: “Ngunit siyasatin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa. Sapagkat ang bawat tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.”

Ikaw ay isang indibiduwal. At ang katotohanan na ang mas nakatatandang kapatid ay nagtatamasa ng mga pribilehiyo ay hindi naman nagbibigay sa iyo ng karapatan na magkaroon ng gayunding pribilehiyo. Malamang na ang iyong nakatatandang kapatid ay nagpatunay ng kaniyang pagkamaaasahan sa isang yugto ng panahon. Maging gayon ka rin. Bukod dito, hindi ba’t naiinis ka pagka inihahambing ka ng isang magulang sa iyong nakatatandang kapatid na lalaki o babae? Bakit gayundin ang gagawin mo sa pamamagitan ng paghahambing ng iyong iba’t ibang mga pribilehiyo? Sa kaniyang aklat na “After All We’ve Done for Them,” si Dr. Louis Fine ay nagsabi: “Malimit na nakikitungo at dinidisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak nang magkakaiba. Ito’y sapagkat kanilang nalalaman na ang kanilang mga anak ay mga indibiduwal na may pantanging mga pangangailangan at kakayahan at dapat ituring na magkakaiba.”

Kaya, minsan inaakala ng mga kabataan na sila’y pinapananagot sa pagkakamali ng nakatatandang kapatid. “Dahil ba sa inilabas ng kapatid kong babae ang kotse at ginabi nang husto, na ako’y hindi na puwedeng magpagabi. Hindi man lamang ako binigyan ng pagkakataon na patunayan ang aking sarili!” Gayunman, ang kalagayang ito ay maaaring hindi naman waring di-makatarungan. Ang iyong mga magulang ay mas matanda at mas marunong kaysa noong pinalaki nila ang iyong nakatatandang kapatid na lalaki o babae. Palibhasa’y ayaw nilang maulit ang kanilang mga pagkakamali, sila’y maaaring maging mas mahigpit nang kaunti sa iyo.

Ngunit bakit kailangang parusahan sa pag-uwi nang medyo gabi na? Walang alinlangan hinggil diyan, hindi nakatutuwa ang paghigpitan. Kaya iyong pinag-iisipang mabuti ang tungkol sa pagpapagabing muli. Ganito ang sabi ng kabataang si Marcus: “Ako’y naparusahan na nang napakaraming beses. . . . Kung hindi ka pa naparusahan, wala kang matututuhan.” Gaya ng sabi ng Bibliya, “siya na nangungunyapit sa disiplina ay daan ng buhay.”​—Kawikaan 10:17.

Mahigpit na mga Magulang

Sabihin pa, kung minsan waring ang parusa ay nakahihigit sa “krimen.” Ang mga magulang ay nagiging napakahigpit at marahil di-makatuwiran sa kanilang mga kahilingan. Gayunman, kalimitang nahahadlangan ng mabuting pakikipagtalastasan ang pagkakaroon ng suliranin. Kung ipaaalam mo sa iyong mga magulang kung saan ka pupunta, kung ano ang iyong gagawin, kung sino ang iyong mga kasama, at kung kailan kayo babalik, marahil sila’y magpapahintulot sa inyo ng higit na kalayaan. Kung sila’y waring di-makatuwiran, sikaping lapitan sila sa “tamang panahon”​—marahil pagka sila ay tiwasay at nakapahinga na. (Kawikaan 25:11) Kilalanin ang kanilang mga pangamba at pag-aalala. Tiyakin mo sa kanila ang pag-ibig mo sa kanila at ang iyong pagnanais na makipagtulungan sa kanila. Tulungan mo sila na pahalagahan na ang pagkakamit ng higit na kalayaan ay bahagi ng pagiging adulto.

“Kailangang ipaalam mo rin sa kanila kung ano talaga ang kalagayan,” sabi ng isang tin-edyer na babae. “Pagka ipinaliwanag mo kung bakit hindi ka makauuwi nang maaga sa pagkakataong iyon, karaniwan nang mauunawaan nila.” Sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng mga bagay-bagay sa maygulang na paraan, ipinamamalas mo sa iyong mga magulang na ikaw ay responsable​—isa na mapagkakatiwalaan. Kung ang iyong mga magulang ay may pag-aalinlangan pa rin, marahil makapagmumungkahi ka ng makatuwirang kasunduan.

Paano kung ikaw ay payagan? Kung gayon ‘hayaang ang inyong Oo ay maging Oo,’ at umuwi nang nasa oras! (Mateo 5:37) Totoo, maging ang pinakamaayos na mga balak ay maaaring masira. (Ihambing ang Santiago 4:13, 14.) Ang di-inaasahan o biglaang pagbabago ng mga balak ay maaaring mangyari. Kung gayon, hangga’t maaari ay tumawag sa bahay, at ipaalam mo sa iyong mga magulang kung ano ang nangyayari. “Basta’t alam ng aking ina kung nasaan ako at na ako’y pauwi na, OK siya,” sabi ng isang tin-edyer.

Ang pagtatatag ng isang mabuting ulat ay isa pang mahalagang hakbang. Sinasabi ng Kawikaan 20:11: “Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa kung ang kaniyang mga gawa ay magiging malinis at matuwid.” Kung ikaw ay magtatakda ng isang huwaran ng pagsunod at matuwid na paggawi, maaaring manatiling panatag ang iyong mga magulang kung ikaw ay gabihin nang kaunti sa isang pagkakataon. Mangyari pa, maging si Jesus na may sakdal na ulat ng paggawi, ang kaniyang mga magulang ay ‘nabalisa’ nang siya’y nawawala. (Lucas 2:48) Kaya huwag mabigla kung ang iyong mga magulang ay mabalisa​—lubhang balisa anupat sa simula ay maaaring hindi ka nila pahintulutang magpaliwanag kung bakit ka ginabi!

Ang Kawikaan 29:11 ay nagsasabi: “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya, ngunit ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.” Hayaang humupa muna ang kanilang galit. Pagka pumayapa na nang kaunti ang mga bagay, magpaliwanag. Ngunit “magsalita ng katotohanan.” (Efeso 4:25) Huwag umimbento ng malayong-mangyaring pagdadahilan; iyan ay magpapatunay lamang na ikaw ay hindi mapagkakatiwalaan. Kung ikaw ay pabaya o makakalimutin, taimtim na humingi ng paumanhin, at maging handang tanggapin ang parusa. Marahil makikita ng iyong mga magulang na di na kailangang palalain pa ang bagay-bagay. Subalit magkagayon man, maaaring akalain nila na kailangan ang ilan pang pagbabawal, at kailangang muling makamit mo ang kanilang pagtitiwala.

Ang mga curfew ay maaaring nakaaabala, ngunit ang mga ito ay hindi malupit at kakaibang parusa. Tanggapin iyon nang maluwag. Kung ikaw ay makikipagtulungan sa iyong mga magulang at iiwasan ang masuwaying espiritu, sila’y maaari pa ngang makapagpasiya na dapat silang magluwag nang kaunti at bigyan ka ng higit na kalayaan.

[Talababa]

[Larawan sa pahina 23]

Ang pagsuway sa iyong mga magulang ay karaniwan nang nagbubunga ng higit pang paghihigpit sa iyong kalayaan