Hindi Kapani-paniwalang mga Insekto Hinihiya ang mga Eruplano ng Tao
Hindi Kapani-paniwalang mga Insekto Hinihiya ang mga Eruplano ng Tao
PAGKATAPOS ng digmaan, ang mga peryodista at mga eksperto sa militar ay waring ipinagmamalaki ang kasalimuutan ng modernong mga sandata. Pinupuri nilang mainam ang kagalingan ng “matalinong mga bomba,” laser-guided cruise missiles, at mga pagsalakay ng helikopter na walang katulad—at nakamamatay—na pagmamaneobra. Walang alinlangan, ang katalinuhan sa likod ng mga sandatang ito ay kadalasang kapansin-pansin. Subalit ang gayong mga papuri sa makinarya ng kamatayan ay bihirang kumilala sa simpleng katotohanan: Kahit na ang pinakabagong kahanga-hangang eruplanong gawa ng tao ay saunahin sa disenyo kung ihahambing sa munting lumilipad na mga makina na sagana sa paglalang.
Isaalang-alang ang cruise missile. Sang-ayon sa The Wall Street Journal, “ang landas ng cruise missile ay tinitiyak na patiuna ng isang digitized na reperensiyang mapa na nakatago sa loob ng isang computer processor. Isang zoom lens at electronic sensors ang nagpapanatili rito sa landasin nito habang ito ay mabilis na sumasalimbay, malapit sa kalupaan.” Mukhang napakasalimuot, hindi ba? Subalit isaalang-alang, kung ihahambing, ang isang hamak na insekto—ang bee wolf (isang uri ng bubuyog).
Munting Tagagawa ng Mapa
Si Ben Smith, isang teknikal na editor para sa magasin tungkol sa computer na BYTE, ay sumulat kamakailan: “Kung ihahambing sa bee wolf, ang cruise missile ay walang sinabi.” Bakit? Sapagkat ang isang cruise missile, sa lahat ng teknikal na kadalubhasaan nito, ay madaling linlangin. Ganito ang pagkakasabi rito ni Smith: “Alisin mo lang ang target, iwan mo ang huwad na target. Sapagkat sinisira ng cruise missile ang sarili nito sa pagsira nito sa target, hinding-hindi nito matutuklasan na ito ay nagkamali.”
Ang paglinlang sa bee wolf ay mas mahirap. Sinubok ito ng isang biyologong pinag-aaralan ang mga insektong ito. Napapansin na daan-daan sa mga ito ang namumuhay sa isang pamayanan ng magkakatulad na mga butas sa kahabaan ng dalampasigan, naghintay siya hanggang ang isa sa mga ito ay lumipad, at saka niya agad tinakpan ng buhangin ang pasukan ng bahay nito. Pagkatapos ay naghintay siya upang makita kung masusumpungang muli ng insekto ang butas. Sa kaniyang pagtataka, walang kamali-maling lumapag ito sa natatagong
pasukan at hinukay ito! Napapansing ang bee wolf ay lumilipad na para bang nagmamanman sa ibabaw ng butas nito kailanma’t ito’y umaalis o bumabalik, ang biyologo ay nag-isip kung isinasaulo ba ng insekto ang mga palatandaan nito sa palibot, gumagawa ng mapa sa isipan.Upang subukin ang kaniyang teoriya, tinakpan niyang muli ang butas at sa pagkakataong ito ay ginulo niya ang ilang kono ng pino na nasa paligid. Nang umuwi na ang bee wolf, ito’y nagmanman mula sa itaas na gaya ng dati at saka lumapag sa maling dako! Sandali itong nalito. Pagkatapos ito’y lumipad na muli at nagmanman na muli—subalit sa pagkakataong ito ay sa mas mataas na dako. Maliwanag ang bagong pangmalas na ito sa problema ay nagbigay sa munting insekto ng ilang mas matatag na mga palatandaan na maaari niyang sangguniin, sapagkat agad nitong nasumpungan ang natatagong butas at hinukay itong muli.
Ang computer sa isang cruise missile ay maaaring magkahalaga ng halos isang milyong dolyar at tumitimbang ng halos limampung kilo. Ginagamit ng bee wolf ang isang utak na kasinlaki ng ulo ng aspili. Ganito pa ang sabi ni Ben Smith: “Ang bee wolf ay maaari ring lumakad, humukay, hanapin at daigin ang biktima nito, at humanap ng isang kapareha (isang atas na magiging kapaha-pahamak para sa isang cruise missile).” Si Smith ay naghinuha: “Kahit na madaig ng magagaling na makina sa taóng ito ang modelo noong nakaraang taon sa napakalaking antas, hindi pa rin ito makapapantay sa gawain ng utak ng hamak na bee wolf, ni mapapantayan man nito ang gawain ng utak ng tao.”
Ang Kagila-gilalas na mga Pakpak na Iyon
Gayundin ang masasabi kung tungkol sa pinakabagong gawang-taong eruplano, gaya ng mga helikopter na pansalakay. Si Robin J. Wootton, isang paleontologo ng mga insekto sa Inglatera, ay gumugol ng mahigit na dalawang dekada sa pag-aaral sa paraan ng paglipad ng mga insekto. Ang ilang insekto, sulat niya kamakailan sa magasing Scientific American, “ay nagtatanghal ng kahanga-hangang aerobatikong mga gawa. Ang langaw, halimbawa, ay maaaring bumagal mula sa mabilis na paglipad, lumipad-lipad, umikot sa kakaunting espasyo, lumipad nang patiwarik, gumawa ng silo, gumulong at lumapag sa kisame—lahat ng ito sa loob lamang ng wala pang isang segundo.”
Ano nga ba ang nagpapangyari sa mumunting lumilipad na mga makinang ito na madaig ang gawang-taong eruplano? Bueno, karamihan ng mga eruplano ay may mga gyroscope upang tulungan ito na mapanatili ang katatagan habang ito ay nagmamaneobra. Ang mga langaw ay may sariling bersiyon ng gyroscope—ang mga halteres, hugis-pingga na mga nakausli roon mismo sa kinaroroonan ng huling pakpak sa ibang insekto. Ang mga haltere ay nanginginig na kasabay ng mga pakpak. Pinapatnubayan nito ang paglipad at pinananatili itong timbang habang ito ay humahagibis.
Subalit ang tunay na sekreto, sang-ayon sa paleontologong si Wootton, ay nasa mga pakpak ng insekto. Siya’y sumulat na nang siya ay isang graduate student noong 1960’s, naghinala na siya na ang mga pakpak ng insekto ay “higit pa kaysa mahirap unawaing mga padron ng mga ugat at lamad,” gaya ng karaniwang paglalarawan dito. Bagkus, sabi niya, “ang bawat pakpak para sa akin ay waring isang eleganteng piraso ng munting inhinyeriya.”
Halimbawa, ang mahahabang ugat sa mga pakpak ng insekto ay sa katunayan malalakas na tubo na may nakakabit na maliliit na duct na punô ng hangin na tinatawag na tracheae. Ang magagaang, matibay na mga spar ay pinagkakabit ng mga crossvein. Sa gayon ang padron na nabubuo ay napakaganda; ayon kay Wootton, ito ay kahawig ng mga sala-salang girder at mga space frame na ginagamit ng mga inihinyero upang dagdagan ang lakas at tibay.
Sa ibabaw ng masalimuot na balangkas na ito ay isang lamad na hindi pa rin lubusang maunawaan ng mga siyentipiko, bukod sa bagay na ito ay napakalakas at napakagaang. Binabanggit ni Wootton na ang pagbanat sa materyal na ito sa sala-salang pakpak ay nakatutulong upang gawing mas malakas at mas matibay ang pakpak, kung paanong nasusumpungan ng isang pintor na ang pagbanat ng kaniyang canvas sa isang frame na kahoy ay magpapatigas dito.
Ngunit ang mga pakpak ay hindi dapat na masyadong matigas. Kailangang maligtasan nito ang matinding panggigipit ng napakabilis na pagpagaspas nito at maging handang tiisin ang maraming banggaan. Kasuwato nito, nasumpungan ni Wootton sa pagsusuri sa cross section ng mga pakpak na marami sa mga ito ay paliit sa dulo, ginagawa itong
mas nababaluktot sa dulo. Sulat niya: “Ang mga pakpak sa pangkalahatan ay tumutugon sa mga pagbangga hindi sa pamamagitan ng pagmamatigas kundi sa pamamagitan ng pagsunod at mabilis na paggaling, tulad ng tambo sa hangin.”Marahil mas kagila-gilalas pa, maaaring baguhin ng mga pakpak ang hugis sa panahon ng paglipad. Mangyari pa, gayundin ang ginagawa ng mga pakpak ng ibon, subalit ginagamit ng mga ibon ang mga kalamnan sa kanilang pakpak upang baguhin ang hugis nito. Ang mga kalamnan ng insekto ay hindi lumalampas sa pinaka-puno ng pakpak nito. Sa bagay na ito ang pakpak ng insekto ay parang layag sa isang bangka. Upang baguhin ang hugis, ang pangangasiwa ay kailangang manggaling sa ilalim, mula sa tripulante na nasa ibabang palapag, o mula sa mga kalamnan sa dibdib ng insekto. “Subalit,” gaya ng sabi ni Wootton, “ang pakpak ng insekto ay mas masalimuot ang pagkakagawa kaysa mga layag at tiyak na mas interesante. . . . Mayroon din itong shock absorbers, kontra-timbang, mekanismo na humahadlang sa paglaki ng maliliit na punit at marami pang ibang payak ngunit napakabisang mga aparato, pawang nakadaragdag sa aerodynamic na bisa ng pakpak.”
Pagtaas—Ang Mahalagang Sangkap
Lahat ng ito, at marami pang ibang aspekto sa disenyo ng pakpak, ay nagpapangyari sa insekto na paandarin ito upang makamit ang pangwakas na mahalagang sangkap sa paglipad—ang pagtaas. Sa katunayan, inilalarawan ni Wootton ang mahigit na kalahating dosenang masalimuot na mga paraan na ginagawa ng mga insekto sa kanilang mga pakpak upang lumikha ng pataas na puwersa.
Si Marvin Luttges, isang aerospace engineer, ay gumugol ng sampung taon sa pag-aaral sa paglipad ng mga tutubi. Ang mga insektong ito ay lumilikha ng gayon na lamang na pagtaas anupat inilarawan kamakailan ng magasing National Wildlife ang paraan ng paglipad nito bilang “isang aerodynamic na himala.” Kinabitan ni Luttges ng mumunting pabigat ang isang uri nito, na tinatawag na widow, at nasumpungan niya na maaaring buhatin ng munting insekto sa himpapawid ang mula dalawa hanggang dalawa-at-kalahating ulit ng timbang nito—nang walang hirap. Nangangahulugan iyan na, sa kanilang laki, mabubuhat ng mga nilikhang ito nang tatlong ulit pa kaysa mabubuhat ng pinakamagaling na gawang-taong eruplano!
Paano nila ginagawa ito? Nasumpungan ni Luttges at ng mga kasama niya na sa bawat downstroke, bahagyang pinipilipit ng tutubi ang pakpak nito, lumilikha ng mga ikot ng hangin sa ibabaw ng pakpak. Ang masalimuot na paggamit nito sa tinatawag ng mga inhinyerong hindi pare-parehong daloy ng hangin ay malayung-malayo sa paglipad ng gawang-taong mga eruplano; ang mga ito ay dumedepende sa hindi nagbabagong daloy ng hangin. Subalit ang kakayahan ng tutubi na “gamitin ang lakas ng ikot ng hangin,” gaya ng pagkakasabi rito ng National Wildlife, na siyang lumilikha ng gayong “kahanga-hangang pagtaas.” Nilalaanan ng pondong salapi at itinataguyod kapuwa ng U.S. Air Force at ng U.S. Navy ang gawain ni Luttges. Kung magagamit ng mga eruplano ang katulad na mga simulain, ang mga ito ay mas madaling lumipad at lumapag sa mas maliit na mga paliparan.
Gayunman, ang tapatán ang kakayahan ng tutubi na magmaneobra ay isa pang hamon. Binabanggit ng National Wildlife na sa panahon ng unang paglipad ng tutubi, ito’y nagtatanghal “kaagad ng mga himala na maaari lamang kainggitan ng pinakamagaling na mga abyador na tao.”
Hindi kataka-taka, kung gayon, ganito ang nahinuha ng paleontologong si Wootton tungkol sa paksang ito: “Mientras mas nauunawaan natin ang pagkilos ng mga pakpak ng insekto, lumilitaw na lalong masalimuot at maganda ang kanilang mga disenyo.” Sabi pa niya: “Hanggang sa ngayon—ang mga ito ay may iilan lamang kung mayroon mang kaparis sa teknolohiya.”
“Hanggang sa ngayon.” Ipinahihiwatig ng salitang iyan ang optimistiko—kung hindi man ang mapagmataas—na paniniwala ng tao na kung bibigyan ng sapat na panahon, magagaya ng tao ang halos ano pa mang gawa ng Maylikha. Walang alinlangan na ang tao ay patuloy na gagawa ng kahanga-hanga, matalinong mga imitasyon ng kung ano ang nasusumpungan niya sa kalikasan. Subalit dapat nating tandaan ang isang bagay. Isang bagay ang tumulad; ibang bagay naman ang lumikha. Gaya ng sabi ng matalinong taong si Job mahigit na 30 siglo ang nakalipas: “Magtanong ka, pakisuyo, sa maaamong hayop, at tuturuan ka nila; at sa mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasaysayin sa iyo. Sinong hindi nakaaalam sa lahat ng mga ito na ang kamay ni Jehova mismo ang siyang gumawa nito?”—Job 12:7, 9.