“Upang Walang Anumang Masayang”
“Upang Walang Anumang Masayang”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ghana
NAKILALA ko siya sa kaniyang munting talyer sa Labadi, isang arabal ng Accra, na manu-manong naglalagare at nagkakatam taglay ang kahanga-hangang lakas. Ang kaniyang pangalan ay Adams Akuetteh. Siya ay 70 taóng gulang at isang karpintero sa nakalipas na 50 taon.
Nang tanungin ko siya kung ano ang itinuturing niyang tugatog ng kaniyang karera bilang karpintero, agad niyang sinabi ang apat na taon na ginugol niya sa pagtatayo ng bagong pasilidad ng sangay para sa Samahang Watch Tower sa Nungua, Ghana. Ito ay mula 1984 hanggang 1988.
“Ano po ba ang ginawa ninyo sa dako ng konstruksiyon?” tanong ko.
“Ako’y nagtrabaho sa hulmahan ng kongkreto at tumulong ako sa mga gumagawa ng bubong.”
“Wari pong mas natatandaan kayo,” sabi ko, “may kaugnayan sa suplay ng mga pako sa dako ng trabaho.”
“Ah, oo, mga pako. Alam mo, ang pako ay mahal sa Ghana. Noong panahong iyon ang kalahating kilo ng pako ay nagkakahalaga ng mula dalawa hanggang tatlong dolyar. Kaya nasabi ko sa aking sarili, ‘Hindi kaya maaaring iresiklo namin ang ilan sa mga pako? Susubukin ko.’
“Kaya kusa kong ginawa ito sa aking sariling panahon. Nang makita ako ng tagapangasiwa ng proyekto, siya ay natuwa. Permanente niya akong inatasan na gawin ang trabahong iyon. Kaya sa loob ng apat na taon, ginagalugad ko ang dako ng konstruksiyon tuwing umaga at tinitipon ko ang nagkalat na mga pako. Maingat ko ring inaalis ang anumang pako na masusumpungan ko sa kahoy ng tinastas na mga hulmahan ng kongkreto.”
“Itinapon ba ninyo ang pulpol at mga baluktot?”
“Hindi. Ang mga pulpol ay muling ginamit sa malalambot na kahoy, o ginagamit muna ang barena upang magamit itong muli sa matitigas na kahoy. Ang mga baluktot ay maingat kong itinutuwid sa pamamagitan ng martilyo.”
“Hindi po ba ninyo nasumpungang nakasasawa at nakababagot ang trabahong ito?”
“Maaaring gayon nga sa nakababata, subalit sa akin ay hindi. Sinabi sa akin ng tagapangasiwa sa proyekto na ang aking trabaho ay nakapagtitipid ng pera ng Samahan, pera ni Jehova, kaya ako’y tuwang-tuwa. Isang pantanging kagalakan sa akin na makitang dumarami ang mga bunton ng iba’t ibang laki ng naisalbang mga pako. At sasabihin ko sa aking sarili, ‘Aha! Ngayon ako’y nauuna sa mga tagagawa ng bubong!’ Ngunit pagkatapos ay maglalaho ang mga bunton. Sila’y sisigaw mula sa taas ng bubong at hihingi ng higit pang pako! Kaya papaspas na naman ako sa trabaho.”
“Ano po ang ginagawa ninyo ngayon na tapos na ang konstruksiyon?”
“Ako’y nasa buong-panahong ministeryong muli, naghihintay hanggang kayo’y magtayo ng isang dagdag na gusali sa sangay ng Ghana. Sa panahong iyon ay naroroon na naman ako, nagsasalba ng mga pako at nagtitipid ng salapi—taglay ang kagalakan.”
Sa loob ng apat na taon ay ginawa niya ang maaaring ituring ng isa na hamak na trabaho. Subalit hindi gayon ang palagay rito ni Adams Akuetteh, “ang tagatuwid ng pako sa sangay ng Ghana.” Taglay ang kagalakan inireresiklo niya ang mga pako upang makapagtipid ng pera para kay Jehova!
Gayundin ang kaisipan ni Jesus. Bagaman walang limitasyon ang kaniyang makahimalang kapangyarihang paramihin ang tinapay, ganito ang sabi niya pagkatapos kumain: “Pulutin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.”—Juan 6:12.
[Larawan sa pahina 31]
Si Adams Akuetteh, “ang tagatuwid ng pako sa sangay ng Ghana”